Chapter 14: Ang Lumang Photo Album

1349 Words
Tumitibok nang mabilis ang puso ko habang naka-upo sa tabi ng lamesa. Basang-basa ng pawis ang palad ko. “Dapat hindi ka na bumalik.” Paulit-ulit. Parang sirang plaka sa utak ko. Parang may bumubulong sa tenga ko na hindi ko kayang patayin. Pinilit kong tumayo. Wala akong ibang naririnig kundi ang t***k ng puso kong hindi bumabagal. Kung hindi ngayon, kailan pa? Kailangan ko ng kasagutan. Hindi ako makakatulog, hindi ako makakahinga, hangga’t hindi ko nalalaman kung sino ang nakikipaglaro sa akin. Sumulyap ako sa lumang cassette player. Parang nabahiran ng dugo ang buong paligid. Tumayo ako. Kinuha ko ang susi ng kotse at lumabas. Isa lang ang naiisip ko—ang pamilya ni Pia. Pagdating ko sa tapat ng lumang bahay ng pamilya ni Pia, hindi agad ako bumaba. Napansin kong sarado ang lahat ng ilaw. Tahimik. Walang anino. Walang mga sasakyang dumaraan. Kahit aso ng kapitbahay, tahimik. Bumaba ako ng sasakyan, lumapit sa gate, at kumatok. Isa. Dalawa. Tatlong beses. “Tao po?” sigaw ko. “Tita? Tito? Si Gabo po ‘to.” Walang tugon. Nilingon ko ang paligid. Wala ring mga kapitbahay sa labas. Parang iniwan ang buong kalye. Kumatok ulit ako, mas malakas na. “Tita, nandiyan po ba kayo? Gusto ko lang po sanang—” Biglang bumukas ang gate, dahan-dahan. Walang sumalubong. Walang tao. “Hello? Tao po?” bulong ko habang pumapasok nang dahan-dahan. Hindi ko alam kung anong mas malakas—ang kaba sa dibdib ko o ang tahimik na pag patay-sindi ng mga ilaw sa kisame. Pumasok ako sa sala. Wala pa ring tao. Maalikabok ang mga muwebles, pero may mga bagay na mukhang bagong galaw—isang baso ng tubig sa mesa, isang jacket na nakasabit sa likod ng upuan. Umakyat ako sa second floor, kabado. “Tita? Nandiyan po ba kayo?” Pero ang lahat ng kwarto… sarado. Ang tanging naiwan sa hallway ay isang kwadrong larawan sa dingding—may basag sa gilid. Larawan nina Pia at ng pamilya niya… pero mukhang may kulang. May isang bahagi ng litrato na mukhang… pinunit? Bumalik ako sa sala. Napansin ko ang isang lumang photo album na nakalagay sa ilalim ng center table. Kulay maroon na may alikabok, punit sa gilid. Hindi ko matandaan kung nakita ko na ito noon, pero parang may humihila sa akin para buksan ito. Dahan-dahan ko itong pinunasan ng manggas ko. Nagsimula akong mag-flip ng pahina. Mga lumang larawan nina Pia—bata pa, nakangiti. May mga family outing, school events, birthday. Lahat ay masaya sa paningin. Ngunit habang nagpapatuloy ako sa pagbubuklat, napansin kong mas kaunti ang mga larawan niya habang tumatanda siya. Mas madalas, wala siya sa frame. O kaya’y palaging nasa gilid, malabo ang kuha, parang sinasadya. Posibleng may nangyari. O may itinatago. Napatigil ako. Napakapit bigla sa gilid ng album. May isang pahina na tila kakaiba. Ang papel ay basa. Parang may tinapunan ng tubig—o kung ano man yun. Nanginginig na ang mga daliri ko habang pinipilit kong ayusing tingnan ang larawan. Larawan iyon nila Pia at ng isang lalaking hindi ko kilala. May yakap. May ngiti. Pero... hindi ko matandaan kung kailan niya ito kinuhanan. Hindi niya kailanman binanggit ang lalaking ito sa akin. Nanikip ang puso ko sa hindi maintindihang paraan. Hindi ito normal. Ang ekspresyon ni Pia sa larawang ‘yon—hindi siya masaya. Parang pinilit. Parang... takot? Bigla kong napansin—may ibang pahina na kulang. Hinila. Tiniklop. Pinunit? At doon ko nakita. Isang larawan na pinunit. Pero hindi lang basta pinunit—ang mukha ni Pia ay sinadyang kalmutin. Para bang may galit. Para bang may gustong burahin ang mismong pagkatao niya. Bakit? Sino'ng may galit sa kanya? O siya ba mismo ang gumawa nito? Pinagmasdan kong mabuti ang likod ng larawan. May sulat. Gasgas na ang tinta pero mababasa pa rin: “Hindi mo ako makikilala kung hindi mo ako titingnan nang buo.” Nalaglag ang album sa sahig. Napaatras ako. Hinawakan ko ang ulo ko. Parang umiikot ang buong kwarto. "Sh*t... Pia..." bulong ko habang sinusubukang alalahanin kung kailan niya huling binuksan ang photo album na 'to. Pero wala. Wala akong memorya. Lumapit ako sa salamin. Hindi ko na makilala ang sarili ko. Para akong multo sa sarili kong buhay. Anino ng isang lalaking akala ko kilala ko. "Ikaw ba ang gumawa nito?" tanong ko sa kawalan. “O may ibang tao na gustong sirain ang alaala mo?” Nanghihina na ang tuhod ko. Hindi ko alam kung ano pa ang totoo. Hindi ko alam kung memorya ko ba talaga ang mga bumabalik, o iniimpluwensiyahan lang ako ng kung sino mang nakikipaglaro sa akin. At doon tumunog ang cellphone ko. Tumatawag si Nanay. Nag-aalangan akong sagutin. Parang may parte ng utak ko na tumatangging marinig pa ang isa pang “katotohanan.” Pero sinagot ko pa rin. “’Nay?” “Gabo,” mahinang boses niya sa kabilang linya. “May dapat kang malaman.” Tumigil ako. Pinagpawisan ng malamig. “Ano pong ibig ninyong sabihin?” “Hindi kita matawagan ng mga nakaraang araw. Akala ko—akala ko hindi mo na ako babalikan. Pero ngayon, Gabo, kailangan mo akong pakinggan.” “’Nay... ano 'to?” nanginginig kong tanong. “May sinulat si Pia... pero hindi para sa'yo.” “Anong—” Biglang naputol ang linya. Tiningnan ko ang phone. UNKNOWN NUMBER. Sinagot ko ulit ang tawag. “’Nay?” Walang tugon. “’Nay, ikaw ba ‘to?!” Isang hininga. Malalim. Malamig. Hindi kay Nanay. Isang pamilyar na tinig. “Ang sabi ko naman sa’yo… dapat hindi ka na bumalik.” Napaatras ako sa takot. Nalaglag ang cellphone mula sa kamay ko. Nagtatakbo ako palabas ng bahay, parang may humahabol. Ngunit ang mas nakakatakot—wala akong maalala kung sino ang boses na iyon. Pero may pakiramdam akong... parang dati ko na siyang kilala. Hawak ko pa rin ang cellphone, habang nanginginig. Tumunog ulit. UNKNOWN CALLER. Sabay biglang tumigil ang oras. Pinindot ko ang green button. “Hello?” Walang tugon. Tapos... “Tama na ‘to, Gabo.” Yung boses. Malalim. Hindi ko kilala. Pero parang... dati ko nang narinig. “Anong gusto mong sabihin?” singhal ko. “Sino ka ba talaga?” Pero walang sagot. May tunog lang ng paghinga. Mabagal. Malalim. Bawat segundo na lumilipas, para akong nilalamon ng kaba. “Tama na... bago mo pa matuklasan ang ayaw mong maalala.” Click. Naputol ang tawag. Nabitawan ko ang phone. Bumagsak ako sa sahig, hingal na hingal, para akong tumatakbo ng marathon. Nanlalambot na ang mga tuhod ko. Ang buong mundo ko parang umiikot. Pinilit kong bumangon pero parang hinihigop ng sahig ang buong katawan ko. “Hindi... hindi totoo ’to…” Kumakabog ang dibdib ko, mas mabilis pa sa galit. Pero hindi lang takot ang dumadaloy sa akin—parang may puwersang pilit humuhukay ng isang alaala sa utak ko, isang alaalang matagal ko nang ibinaon sa limot. Pero bakit ko siya nakalimutan? Ano ang ginawa ko para maputol ang bahagi ng sarili kong nakaraan? Pinikit ko ang mga mata ko. Sinubukan kong balikan ang mga panahong masaya kami ni Pia. Yung unang beses ko siyang niligawan. Yung araw ng kasal namin. Yung huling gabi na magkasama kami. Ngunit sa gitna ng lahat ng alaala, may mga “blanks.” May mga eksenang hindi ko ma-replay. May mga mukhang nawawala. Parang may nag-edit ng mismong buhay ko. “Anong nangyayari sa akin?” Binuksan ko ulit ang mata ko—at doon ko nakita. Nag-vibrate ulit ang phone ko. One new photo received. Dahan-dahan kong pinindot ang image. Lumabas ang litrato. Ako. Si Pia. Nasa harap ng bahay namin. Nakangiti. Magkaakbay. Pero— Yung mukha ko... Ginuhitan. Kinayod. Parang sinadyang burahin. Para akong... wala. Parang hindi ako kasama sa litrato. Parang ako ang multo. Napaatras ako. “Bakit ganito?” Isang piraso ng papel ang biglang nahulog sa ilalim ng pinto. Nilapitan ko. Pinulot. Mula ito sa lumang typewriter. May isang linyang nakasulat: “Kung gusto mong malaman kung sino ka… simulan mong balikan kung sino ang nawala.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD