Chapter 16: Meeting their Uncles
“THARISMA? Sino iyon? Wait... May naaalala akong staff mo sa hotel.” Tumikhim lang ako sa sinabi ni Jackele.
“Staff mo sa hotel? Bakit...nahanap mo na ba siya, Levi?” tanong sa akin ni Leo na hinintay rin ni Crist ang isasagot ko.
“Don’t tell me siya na iyon, Levi? Hindi ba ang trabaho niya waitress?” tanong niya at namimilog pa ang mga mata niya.
Dahan-dahan akong tumango at umawang na ang labi niya sa gulat. Nilapitan pa niya ako at hinawakan ako sa magkabilang balikat ko.
“Totoong nahanap mo na siya?” tanong sa akin ni Crist. Tanging pagtango lang naman ang nagagawa ko. Parang ayaw pa nilang maniwala sa akin, eh.
“God... S-Siya na ba talaga iyon? Sigurado ka ba riyan, pinsan? Masyado siyang aloof at parang... iniiwasan nga niya ako,” sabi ni Jackele.
“Naiintindihan ko siya kung bakit siya ganoon, Jackele. Iniiwasan niya lang ang makilala siya agad dahil sa nangyari sa nakaraan,” sabi ko. Alam ko na isa iyon sa dahilan ni Tharisma. Lalo pa sa ginawa ko rin noon sa kanya.
“Kung ganoon nasaan siya? Isa pa rin ba siya sa staff ng hotel hanggang ngayon?” interesadong tanong ni Leo.
“Oo. Sa ngayon...hindi siya puwedeng magpakita sa inyo,” sabi ko at mabilis naman silang umiling.
“No, gusto rin namin siyang makita, Levi. Dalhin mo kami sa kanya,” pamimilit nila.
“Hindi magandang idea iyon. Hindi lang siya nag-iisa,” umiiling na sabi ko. Ayokong mabigla ang mga anak ko kapag nakilala nila agad ang mga tito nila. Hindi naman dahil ayaw ko o nahihiya akong ipakilala sila dahil sa kalagayan nila ngayon. Kundi mas nag-aalala ako sa kalusugan nila.
“Levi...”
“Gusto lang namin masigurado na kung ayos lang ba siya ngayon.”
“Tama. Sige na, pinsan. Hindi naman namin aagawin sa ’yo ang batang iyon, ah.” I hissed them.
“Hindi na siya bata, tss,” sabi ko. Matatawag pa ba nilang bata si Tharisma kapag nakita na nila? Isa na siyang ina ng mga anak ko.
“Just promise me one thing na hindi ninyo sila bibiglain,” sabi ko na mas nagtaka tuloy sila.
Wala akong choice kundi ang dalhin sila sa hospital pero sinigurado ko naman na walang mga tauhan ni Grandpa o ni Mommy ang nakasunod sa amin. Excited silang lahat na makita si Tharisma. Hindi nila alam na hindi lang si Tata ang makikilala nila.
“Dadaan muna ako sa fancy restaurant para bumili ng pagkain. Baka kanina pa nila ako hinihintay at baka gutom na rin sila,” sabi ko. Alam kong gusto pa nilang magtanong pero mas pinili nila ang manahimik na lamang at maghintay.
AIRA THARISMA’S POV
“Gutom na ba ang mga anak ko?” nangingiting tanong ko sa kanila. Malaki nga ang private room na pinili ni Levi para kay Deni. May isang bed pa at parang nasa hotel lang kami. Hindi iisipin ng anak ko na nasa hospital nga siya.
Kanina pang wala si Levi. Ilang oras na ang lumipas at hindi pa siya bumabalik. Wala talaga akong idea kung saan siya nagpunta. Sana lang ay ayos lang siya.
“Si Papa po ba, nasaan na?” tanong ni Deno sa akin.
“Babalik din ang Papa mo, anak. May emergency yata sa hotel nila kaya umalis siya bigla pero alam kong babalik pa rin iyon,” sabi ko at hinalikan ang tuktok ng ulo niya.
“Kanina pa po siya wala, Mama. Babalik po ba si Papa? Hindi po ba ay siya ang donor ko para bukas? Hindi naman po siya mawawala bigla, hindi po ba?” nag-aalalang tanong sa akin ni Deni. Mabilis akong umiling.
“Darating iyon, anak. Hindi tayo pababayaan ni Papa. Hindi naman siya aalis bigla,” sabi ko. Ewan ko lang kung saan nakuha ni Deni ang ganitong pag-iisip. Dahil natitiyak kong hindi iyon magagawa ng Papa nila.
Hindi niya kami tatalikuran ng ganoon na lamang. Alam kong mahal na mahal niya ang mga anak namin at handa siyang ibigay ang lahat para sa mga ito.
“Kanina pa po siya, Mama...” malungkot na sabi niya at inabot ko ang pisngi niya.
“Anak, huwag mong alalahanin ang Papa mo. Babalik iyon agad. Hintayin na lamang natin. Baka mamaya niyan ay bumili lang siya ng lunch natin,” pag-aalo ko pa at tumango na lamang siya. Sabay pa kaming napatingin sa pintuan nang may kumatok doon. Nagkatinginan pa kaming tatlo. “Oh, baka ang Papa na ninyo iyan,” nakangiting sabi ko at umaliwalas naman ang mga mukha nilang dalawa.
Hindi nga ako nagkamali at si Levi na ang pumasok sa loob. Nakangiti pa siya nang ipinakita niya sa amin ang dala niyang dalawang paper bag.
“Lunch time?”
“Papa!” masayang bulalas ng kambal. Napatayo pa ako para sana salubungin si Levi at kukunin ko na sana mula sa mga kamay niya ang dala niyang pagkain pero halos mawalan ako ng malay nang makita ang tatlong lalaking pumasok sa loob. Pamilyar sa akin ang mga mukha nila.
Kahit ilang taon man ang lumipas ay tandang-tanda ko pa rin naman ang mga hitsura nila. Walang nagbago iyon.
Si Levi ang kusang lumapit sa akin pagkatapos niyang ilapag ang mga dala niya sa center table. Pumulupot agad ang isang braso niya sa baywang ko at hinapit niya ako palapit sa kanya.
“This is Aira Tharisma,” Levi uttered my name at binalingan ko siya. Tiningnan ko siya na may pagtatanong sa mga mata. Mabilis din naman niya akong naintindihan. Sinapo niya ang pisngi ko. “Mapilit sila. Gusto ka lang nilang makita,” sabi niya at nilingon ko ulit ang mga pinsan niya. Sa ganitong sitwasyon pa kami magkikita ulit.
Kitang-kita ko ang gulat na rumehistro sa mga mukha nila at palipat-lipat na ang kanilang tingin. Sa akin at sa hospital bed kung saan nakahiga roon si Deni pero parang nakaupo rin siya dahil bahagyang nakataas ang headboard ng kama nito. Katabi niyang nakaupo ang kakambal niyang si Deno.
“K-Kaya ba...ayaw mo pang ipakita sa amin si Tata dahil...d-dahil sa dalawang batang ito, Levi?” tanong ni Kuya Jackele. Alam kong siya iyon dahil nakita ko na siya sa hotel. Hindi niya lamang ako nakilala. Namukhaan, oo pero tumanggi pa rin ako na hindi ko siya nakilala kahit minsan.
“Huwag ninyo silang takutin,” sita sa kanila ni Levi at humiwalay siya sa akin para lapitan ang mga anak namin. Hindi ko na rin magawang iiwas pa ang tingin ko sa kanila.
“I-Ikaw nga... Ikaw nga iyan, Tata...” namamanghang sabi ni Kuya Leo.
“Hindi ko akalain na ganito na pala ang hitsura mo, Tata. Hindi kita...makikilala kapag nagkataon na nagkasalubong tayo sa isang lugar. Ilang taon na ang nakalipas noong huli ka naming nakita... Pero papaano ka nakilala ni Levi?” tanong naman sa akin ni Kuya Crist.
“Marami akong paraan. Umayos nga kayo. Natatakot sa inyo ang mga anak ko,” sita sa kanila ni Levi.
“Anak mo?”
“Mga anak iyon, Jackele...”
“This is Denny Odeth, ang maganda naming anak na babae na kamukha ng Mama nila. As you can see. Nakaratay siya ngayon sa hospital. Bukas na ang operasyon niya para sa bone marrow at ako ang donor niya. Kaya siguro ito na ang tamang panahon para makilala ninyo sila. Kailangan ko kayo bukas. Baka kasi malaman ito ni Mommy at susugod sila habang inooperahan ang anak ko. Yeah, may sakit nga siya at ilang taon na niyang dinaramdam ito,” mahabang pahayag naman niya at nasa boses niya talaga ang lungkot. “Pero alam ko naman na kayang-kaya ito ng anak ko. Right, Deni, baby?”
“Opo, Papa,” nakangiting sagot ni Deni. Hindi ko rin mapigilan ang mapangiti dahil sa sinagot niya. Napaka-possitive niya talagang bata.
“Ang bata pa niya...p-para pagdaanan iyan, Levi...”
“Y-Yeah... G-Grabe naman iyan, pinsan...”
“Yeah, and I’m too late. Heto naman ang anak naming lalaki. Siya si Deniel Ozell, malusog siya kung titingnan ninyo. Ang guwapo niya dahil mana siya sa Papa niya,” sabi niya pero nakita ko ang pagtulo ng luha niya sa kaliwang mata niya.
“Halata nga na anak mo. Walang duda,” komento ng mga pinsan niya pero nakangiti sila.
“Sayang lang at hindi niya makikita ang mga mukha ninyo kung gaano rin...kaguwapo ng mga lahi ng Papa niya,” sabi niya at nagulat naman ang tatlo.
“W-What do you mean by that?” tanong sa kanya ni Kuya Leo.
“Ilang taon na rin siyang pinagkaitan na makita ang magandang tanawin sa mundo,” makahulugang sagot niya at dahan-dahan na lumapit na sa kanya ang mga pinsan niya.
“W-What...”
“You mean... Walang nakikita na kahit ano ang anak mo, Levi?”
“He’s blind,” diretsong sagot niya.
“God... Anong...anong klaseng tadhana naman ang ibinigay sa kanila? B-Bakit ganyan pa? Parang...hindi naman yata iyan makatarungan.”
“Naghahanap pa kami ng donor para sa kanya. Deni, at Deno, sila ang pinsan ni Papa. Kaya batiin ninyo ang mga tito ninyo,” sabi ni Levi.
Si Jackele ang unang lumapit. “Deni, I’m your Tito Jackele. Nice meeting you, get well soon, okay?” sabi ni Jackele at hinalikan pa niya ang noo nito.
“Ako rin po, T-Tito Jackele. Masaya po akong makilala ka!” masiglang sabi niya pero napahawak din siya sa dibdib niya at nilingon niya ang Papa niya. Hiningal lang siya bigla.
“It’s okay, baby,” pag-aalo sa kanya ng Papa niya na ikinangiti niya lamang. Sunod siyang nilapitan ni Crist.
“Deno, hawakan mo na lang ang mukha ko para malaman mo rin na guwapo ang Tito Jackele mo,” sabi niya at kinuha nga ang mga kamay ng pamangkin niya saka niya ito dinala sa mukha niya.
“Kumusta po, Tito Jackele?” tanong nito sa kanya.
“Ayos lang naman si Tito. Hayaan mo malapit mo na rin akong makikita.”
“Crist Callelan, call me Tito Crist, Deni. Kapit lang, hmm? Bawal sumuko agad,” sabi naman ni Crist.
“Opo!”
“Deno, gusto mo bang hanapan ka ni Tito Leonard mo ng mga mata? Ano ang gusto mo, blue or green eyes?” pagbibiro naman ni Kuya Leo.
Halos maiyak ako sa mga nakikita ko dahil natanggap agad nila ang mga pamangkin nila ng hindi sila nagdadalawang isip.
Sumisinghot-singhot si Levi nang muli niya akong nilapitan. Inakbayan niya ako pero sumiksik lang siya sa leeg ko.
“I’m sorry kung biglaan ang pagdating nila. Pero masaya ako na nakilala na sila ng mga anak natin. Kailangan din natin sila,” sabi niya at hinalikan pa ang sentido ko.
Hinawakan ko siya sa baywang niya. “Ayos lang. Makikilala naman nila ang kambal kaya wala namang pinagkaiba iyon,” ani ko.
“Salamat. Gutom ka na ba?” tanong niya at itinuro ng nguso ko ang kambal.
“Kanina pa sila naghahanap sa ’yo. Baka raw takasan mo ang operasyon ng anak mo bukas,” biro ko.
“Hindi ko gagawin iyon. Hinding-hindi ko tatakasan ang anak ko,” sabi niya.
“Alam ko,” sabi ko lang at matamis siyang ngumiti.
“Salamat sa tiwala, Tharisma. Hindi ako aalis sa tabi ninyo ano man ang mangyayari. Kasama na ninyo ako palagi,” aniya.