MALAPIT na lang silang matapos kumain ay hindi pa nangangalahati ang laman ng pinggan ni Lauren. Tila napansin din iyon ng lalaki. “Lauren, ayaw mo ba itong ginamos?” Uminom siya ng tubig bago sumagot. “Sorry, Matt. P-Parang hindi ko kasi type ang lasa.” Natawa ito sa kanya. “Iba talaga ang mayayaman!” asik nito sa kanya. “Sige ibibili na lang kita ng pritong manok sa labas. Siguro iyon puwede na sa ‘yo, ‘no?” “Oo sige kahit iyon na lang. Sorry talaga, Matt.” Hindi na niya naitago rito ang pagiging pihikan sa pagkain. Tumatawa pa rin ang lalaki na halatang tanggap din ang katangian niyang iyon. “Ikaw kasi, kanina pa kita tinatanong kung anong gusto mong ulam para iyon na lang lulutuin ko, kaso sabi mo gusto mong subukan ‘yung madalas naming inuulam dito. Ayan tuloy hindi mo nagustuhan.

