Nagdaan ang mga araw. Naging maayos naman ang pagsasama naming dalawa ni Landon. Ipinagpatuloy niya ang maliit na negosyo niya at pumupunta sa palengke tuwing Sabado at Linggo habang sa Lunes hanggang Biyernes naman ay namamahala siya sa isa sa mga hotel ni Stone.
Ako naman, ay nanatiling nag-aaral ngunit hindi na pumunta sa eskwelahan. At nanatili rin na nagtatrabaho ngunit pinapadala lang ni Spade ang mga kailangan kong gawin.
Tahimik at payapa ang buhay namin. Gusto ko ng ganito ka simpleng buhay. Hindi ko maiwasan ang mapangiti sa tuwing iniisip ko kung gaano siya kabait sa akin. Dahil ginampanan niya ng mabuti ang kanyang papel.
Ngayon, nagka-ayaan sila ng mga pinsan niya kaya naman ay nagpapaalam siya na pumunta, kaso dapat daw akong sumama kaya wala akong ibang choice.
Nandito lahat ng mga pinsan niya pati na si Spade at May.
“How's your life with Landon?” Si Maya ang nagtanong.
“Okay naman,” sabi ko.
“May laman na ba ‘to?” tanong niya habamg hinihimas-himas ang tiyan ko.
“Wala pa,” sabi ko.
Palihim kong tinignan si Landon. Ang saya niya habang kausap niya ang kanyang mga pinsan niya. Bigla siyang tumingin sa akin kaya bahagya akong ngumiti sa kanya. Tumayo siya at nilapitan ako. Nakikita ko kung paano siya sinusundan ng tingin ng ibang pinsan niya.
“Okay ka lang ba? Gusto mo na bang umuwi?” tanong niya sa akin.
Umiling ako. “Hindi pa, mag-enjoy ka muna kasama sila.” Sabi ko habang tinuturo ang mga pinsan niya. Hindi naman siya nagsasalita pa. Pilit ko siyang pinapabalik doon sa kung nasaan sila.
“May problema ba kayong dalawa?” biglang tanong ni Maya.
Umiling ako. “Wala naman,” sagot ko.
Walang akong problema kay Landon… pero kay Ingrid meron. Magmula noong pumunta siya sa bahay, palagi nalang dumadaan sa isipan ko ang pinag-uusapan nilang dalawa ni Landon.
“Saan ba ang comfort room dito? Naiihi kasi ako,” sabi ko sa kanya.
Itinuro niya sa akin kung nasaan ang comfort room.
Pagkatapos kong umihi ay naghugas muna ako ng kamay bago lumabas. Ngunit hindi ko inakala na naroon si Selyne, parang inaabangan ako.
“Veronica, pwede ba tayong mag-usap?” tanong nito.
Tumango ako. “Sige. Ano ba ang pag-uusapan natin?’
“I know you deleted my message. Tinanong ko si Maverick kanina kung nababasa niya ang mensahe ko para sa kanya noong nakaraan, pero mukhang wala siyang alam. He seemed clueless, then an idea came to my mind. Why’d you delete them?” seryosong tanong niya.
Hindi ako makapagsalita. ‘
Hindi ko rin naisip na magtatanong pala siya kay Landon.
“Bakit siya ang gusto ninyong tumulong kay Ingrid?”
“Because he’s the only one who could protect her. He knows how to handle Ingrid.”
Pero may asawa na siya! Ako ‘yun!
Gusto kong sabihin pero mas pinili ko na lang ang tumahimik.
“Please, I’m begging you. I want my cousin to be protected, because she’s like a sister to me. We tried to offer her our help but she didn’t accept it. Isang tao lang ang gusto niyang tumulong sa kanya… and it’s Maverick. Hindi alam ni Uncle Dave na sinasaktan na pala siya ng asawa niya physically.”
Naninikip ang dibdib ko sa sinabi niya.
Si Landon lang ang gusto ni Ingrid na tumulong sa kanya. Sa anong dahilan?
“A–Ano ang gusto mong gawin ko?”
“Nakikiusap ako sa’yo, hayaan mo si Maverick na tulungan siya.”
“Hindi ko naman pinagbabawalan si Landon na tumulong. Kung gusto niya, okay lang sa akin.” Sabi ko, kahit na labag sa loob ko.
“Pero bakit hindi niya sasamahan si Ingrid na umalis?”
“Bakit kailangan samahan si Ingrid sa pag-alis?” nagugulohan kong tanong.
Bigla siyang natahimik sa tanong ko, kaya muli akong nagsalita.
“Hindi ko siya pinagbawalan na tulungan ang pinsan mo, ngunit ang samahan siya kung saan siya pupunta… hindi ako papayag. Pasensya ka na, Selyne.”
“Don’t be selfish, please.” nakikiusap niyang sabi.
Gusto kong maiyak dahil sa sinabi niya.
Selfish?
Ako?
Eh, ako ang asawa. Sino ba ang asawang papayag na sasama sa iba ang asawa niya? Tapos, ex-girlfriend pa niya.
Umiling ako. “Huwag mong sabihin sa akin ‘yan… na para bang kilala mo ako.” Sabi ko at nagmamadaling umalis.
Binalikan ko si Maya. Kunot-noo siyang nakatingin sa akin ngayon.
“Umiiyak ka ba?” tanong niya. Umiling ako.
Gusto kong sabihin sa kanya ang nangyari sa labas ng comfort room kanina pero natatakot ako at baka pareho sila ng opinyon ni Selyne. Tiningnan ko si Landon ngayon.
Bakit naman kasi ikaw ang gusto nilang sumama sa kanya?
Pwede namang iba.
Tsaka, nag-alok na naman pala ng tulong sila Spade, ano pa ang inaarte niya? Bakit ayaw niyang tanggapin? Dahil si Landon talaga ang gusto niyang makasama?
Hindi nagtagal ay nakapag-desisyon na rin kaming umuwi. Naglalakad na kami papunta sa pinto nang may narinig namin ang paulit-ulit na doorbell.
Nagkatingin naman kaming lahat sa isa’t-isa.
May hinihintay kaya silang bisita?
“Oh my god! It’s Ingrid!” Sigaw ni Agape.
Doon na ako nagsimulang makakaramdam ng kaba.
Dali-dali kaming lumapit papunta sa labas. Gulat ang rumerehistro sa mukha namin dahil natagpuan namin siyang nakahandusay na sa lupa. Duguan ang kanyang kaliwang balikat habang may umagos naman na dugo mula sa gilid ng kanyang noo.
Nararamdaman ko ang paninigas ng katawan ni Landon.
Bigla akong nakakaramdam ng kaba.
Nahagip ng mga mata ko ang mga mata ni Selyne na seryosong nakatingin sa akin. Na para bang gusto niyang isampal sa akin ang nangyayari sa akin ng pinsan niya.
Mahigpit ang paghawak ko kay Landon.
“Love, pakikuha ng mga gamit ko sa sasakyan.” Naririnig kong sabi ni Maya.
Oo nga pala, nurse nga pala siya.
Siya ang naglinis ng sugat at naglagay ng benda nito. Ang mukha naman ni Ingrid ay kasalukuyang namumutla.
“What happened to you, Ingrid?” si Stone ang nagtanong, kahit na alam naman naming wala kaming makukuhang sagot dahil nakapikit ang mga mata nito.
“It’s obvious! She was shot!” Sabi ni Selyne. “And no one can do it aside from her husband!” Sabi ni Selyne.
Mas lalo akong nakakaramdam ng kaba.
“s**t! Her husband will come here anytime, soon.” Si Spade ang nagsalita.
“We need to get her out of here, before her husband arrives.” sabi ni Demetrius.
“Saan naman natin siya dadalhin?” tanong ni Stone.
“I’m sure Maverick knows a place. Right, Maverick?” si Selyne ang nagsalita. Tinignan ko si Landon. Nakikita ko ang paggalaw ng kanyang panga.
“Yeah, but I won’t go with her.” Sabi ni Landon.
Tinaasan siya ng kilay ni Selyne. “Why not? Ikaw lang ang pinagkakatiwalaan niya sa panahong ito!” Nagagalit na sabi ni Selyne.
Nararamdaman ko ang mahigpit na paghawak ni Landon sa mga kamay ko.
“I can come with her,” sabi ni Demetrius.
Ang iba pa nilang pinsan na hindi ko kilala ay sinubukan na magboluntaryo pero hindi pumayag si Selyne. Mukhang gustong-gusto niyang si Landon lang ang makakasmaa nitong pinsan niya.
“Maverick, please I’m begging you. You’re the only one who can handle her, please. Babalik ka rin naman kapag naipakulong na natin ang asawa niya.” Sabi ni Selyne.
Kailan ‘yun?
Kailan pa makukulong ang asawa ni Ingrid?
“No,” sabi ni Landon, may pinalidad sa boses nito.
“Kung may mangyaring masama sa kanya at sa bata, ikaw talaga ang sisisihin ko!” sigaw nito.
Bata?
Buntis si Ingrid?
“Bring her out of here, Maverick. Please!” Nakikiusap na sabi ni Selyne habang hinila si Landon papunta sa akin.
“Okay,” pagpayag nito. “But, I’m bringing my wife with me—with us.” Sabi ni Landon at hinila ako palapit sa kanya.
“O—kay,” sabi ni Selyne.
Pagkatapos gawin ni Maya ang mga nararapat niyang gawin ay agad na kinarga ni Demetrius si Ingrid para pahigain sa Ford Everest na sasakyan. Si Landon naman ay nakaupo na sa driver’s seat.
“s**t! They’re coming!” sabi ni Spade habang nakatanaw sa may di kalayuan.
Natatanaw ko rin ang mga sasakyan na sa tingin ko ay, rito ang sadya. Palapit ng palapit ang mga sasakyan.
Mas dumoble ang kaba na nararamdaman ko ngayon. Natatakot ako sa mga susunod na mangyari. Magkakaroon ba ng putukan? Mamamatay ba kaming lahat dito?
“Let my wife in,” sigaw ni Landon. Akmang papasok na sana ako ngunit bigla akong hinila ni Selyne at natagpuan ko na lang ang sarili kong napaupo sa damuhan.
“Hurry! Hurry! Umalis na kayo, Maverick! Palapit na sila!” sigaw ni Selyne. “Hahayaan naming sumunod ang asawa mo! Sa ngayon, si Ingrid ang kailangan natin na iligtas.” sabi nito.
Walang ibang nagawa si Landon, kundi ang paandarin ang sasakyan. Tinignan niya ako sa huling pagkakataon.
“I’ll be back as soon as possible,” sabi nito bago humarurot paalis ang sasakyan.
Nararamdaman ko na lang ang pag-agos ng aking mga luha habang tinatanaw ang nakaalis na sasakyan.
Babalik ka pa kaya sa akin?