Third week ng December.
Karamihan sa mga schools and universities sa Metro Manila ay bakasyon na. Ipinaalam ni Doña Villaromano sa mga professors ni Miguel na patungo ang binata sa States para magkabasyon at hindi na makaka-attend ng mga Christmas programs na nakalaan sa linggong iyon. Nagsabi naman si Don Carlos sa kanyang opisina na maaga rin siyang mawawala at hindi na makaka-attend ng Christmas party, at hinabilin ang operations sa mga tiwala niyang tao. Lahat ng ito'y dahil sa paghahanda sa gaganaping exorcism ni Miguel. Manageable pa sana ang sitwasyon ayon sa don, nguni't nagbago ang lagay ni Miguel—tumindi ang manifestation ng dimonyo sa kanyang katawan.
"It comes and it goes," sabi ni Don Carlos. "Now, it's a nightmare."
Nagumpisa ito na hindi pa gaanong halata na possessed si Miguel noong last week ng August, kung saan naging mailap siya, tahimik at mapag-isa. Noong September, nagkaroon siya ng memory lapse at may isang instance na nawalan ng malay habang nasa school. By October, ayon sa mga doctors na tumingin kay Miguel, ay wala naman siyang problema sa health; ayon sa kanyang psychiatrist, ay maaaring depression ito at nag-prescribe ng antidepressants. Nguni't, pagpatak ng November, ay lumabas na ang ayon sa don, na si Miguel from Hell—iritable, walang galang at palamura. Ito rin ang time na sabi ng mag-asawa, at ganoon na rin ang mga kasambahay nila, na nakaramdam sila ng "presence" sa mansion.
Ang tinutukoy nila ay ang mga ingay sa gabi sa loob ng kuwarto ni Miguel, na para raw may mga nagbubuhat ng mga furnitures doon, mga malalakas na kalabog na parang may bumabayo sa kisame, at tunog ng mga yapak ng mga paa na tila galing sa dalawang tao...sa sahig, at kung minsan, sa pader. Ayon sa isang maid na nakausap nina Jules at Hannah, ay nakarinig daw siya ng dalawang taong nag-uusap nang mapadaan siya sa kuwarto ni Miguel. Ayon pa sa kanya, sa separate na incident, nakakita siya ng dalawang anino na nagmumula sa loob ng kuwarto. Ang mga ito'y kahit na mag-isa lang si Miguel sa loob.
"Weird," sabi ni Jules.
"Ano pa nga ba," lingon ni Hannah. "Obvious na may kasama si Miguel na entity."
"Entity?" pagtataka ng dalagang maid na nakausap nila.
Nilakihan ni Hannah ang kanyang mga mata at sinabi:
"Isang dimonyo mula sa impiyerno!"
Nagulat ang dalagang maid at nagmamadaling tumakbo tungo ng kusina. Gustong matawa ni Jules habang bitbit ang dalawang hardcase ng kanyang ghost hunting equipment. Nasa may stairwell sila na naghihintay kung saan naroon ang malaking Christmas tree, at maya-maya'y bumaba ng stairs si Don Carlos at kanyang asawa.
"He's sleeping," sabi niya ukol kay Miguel.
"Come, we'll show you the basement," sabi ng doña.
Sinundan nila ang don at doña tungo sa basement, kung saan, ayon sa usapan nila, ay doon nila ipe-perform ang exorcism.
"Pinagbakasyon ko na ang iba pang mga maids," inform ng don habang pababa sila ng stairs. "Naiwan lang ay dalawa, plus my driver."
May tatlong sections ang basement: isang malaking open area para sa laundry, isang storage room at isang comfort room. Pinaalis ng don ang mga laman ng storage at nilagyan ito ng kama sa loob—kung saan nila ipupuwesto si Miguel. May kadiliman ang basement, ang tanging source ng natural light ay mula sa maliliit na bintana na dikit sa kisame.
"Okay na ba ito?" senyas ng don sa kuwarto.
"Yes," tango ni Jules habang nilapag ang kanyang mga hardcase sa sahig.
"I heard you talking to one of the maids," sabi ng doña, may tono ng concern.
"Yes, ma'm," sagot ni Hannah. "May mga na-witness daw sila na paranormal."
"You mean, the presence," matigas na sabi ni Don Carlos. "Yes, but again, it comes and goes."
Napataas ng kilay si Jules, "Don Carlos, pagsinabi n'yong it comes ang goes..."
"The presence," interrupt ng don, at tumingin nang diresto kina Jules at Hannah, "...or should you say demon...comes and goes. Tulad ng kalagayan ni Miguel. May instances na okay siya, like he's normal. And before you know it, he's somebody else. Possessed."
"Well, ganon naman kadalasan po ang mga napo-possess," paliwanag ni Hannah.
"They act normal," patuloy ni Jules. "Pero, nasa loob na nila ang dimonyo. Nagtatago. Naghihintay."
"I know, but you don't understand," madiin na sabi ng don. "Halata mo ang nagnonormal-normalan lang. When I say he's normal, it's like there's really nothing wrong with him."
"It's like our Miguel, our real Miguel," dagdag ng doña. "And then all of a sudden, he turns into this other person."
"Parang bipolar lang," tugon ni Hannah.
"Sana nga ganon lang," sabi ng don, may hinanakit at galit sa kanyang boses. "Mas okay na'ng bipolar siya and not this! This thing! I'd give anything..."
Hindi na natuloy ni Don Carlos ang gustong sabihin at siya'y napatalikod. Nagkatinginan sina Jules at Hannah, dama nila ang himutok ng don na tahimik na umaalingawngaw sa basement. Nilapitan ang don ng kanyang asawa at hinimas sa balikat para pakalmahin.
"Kailan dadating si father?" lingon ng doña.
"Parating na po," sabi ni Hannah. "May kinuha lang siyang kagamitan."
#
Of course, ang tinutukoy na kagamitan ni Hannah ay walang iba kundi ang rosaryo ni Blessed San Lorenzo Ruiz.
Noong umagang iyon ay bumalik si Father Markus sa opisina ni Archbishop Villasor upang ibigay ang details ng excorsim at para kunin ang sacred artifact—ang rosaryo na gagamitin nilang pampuksa kay Satanas, habang sina Jules at Hannah ay dumiretso sa mansion para paghandaan ang ritual. Bago kunin ang rosaryo ay nagtungo muna ang pari sa Manila Cathedral upang magdasal at mangumpisal. Alam ng pari ang tindi ng kanyang hinaharap, kung kaya't ilang oras pa siyang nagmeditate at humingi ng lakas sa Panginoon. At ngayon, nakasakay si Father Markus sa isang Uber taxi na bumabaybay ng Nagtahan Bridge patungo ng Forbes Park. Araw ng linggo kung kaya't walang gaanong traffic, at maganda ring araw for an exorcism.
"Forbes Park," sabi ni Father Markus sa driver ng Uber.
"Yes, father," sagot ng driver pagka't kita niya sa rearview mirror na naka-sutana ang sakay niya at may bag na para bang pang-duktor. Si driver ay medyo maskulado, marahil ay nagg-gym, marahil siya rin ang may-ari ng minamanehong Uber.
Dala rin ni Father Markus ang isang leather bag na ang laman ay isang simpleng jewelry box na gawa sa ordinaryong kahoy, na kanyang inilabas para tignan. Pagkaalis niya ng takip ay may pulang tela at sa ilalim nito'y may rosaryo. Ordinaryo lamang ang rosaryo, luma na at mukhang mumurahin. Ito ang rosaryo ng protomartyr na si San Lorenzo Ruiz.
Tinitigan ng pari ang artifact at nanumbalik ang ala-ala ng huli niyang exorcism kung saan niya ginamit ito para i-cast out ang demon na si Berith mula sa batang nagngangalang Berta. At naalala ng pari ang pakiramdam nito sa kanyang kamay—ang kapangyarihan na dumaloy sa kanyang katawan habang inuutusan niya ang dimonyo na lisanin ang mundo at bumalik sa madilim na impiyerno kung saan ito nagmula. Nag-echo sa tenga ni Father Markus ang mga kataga niya ng araw na iyon.
Sa ngalan ng Panginoong Ama, Anak at Espiritu Santo. Sabihin mong pangalan mo!
Sabi ng mga nakasaksi, kasama na sina Jules, Hannah, Karen at Mayor Arteza, na sa mga oras na iyon, nang hawak ng pari ang rosaryo, ay ang katauhan daw niya'y diumano'y nagliwanag na parang nagniningning na aura. At ang kanyang boses daw ay nag-e-echo na tila nagsalita daw ang Diyos at ang boses nito'y lumabas mula sa kanyang bibig.
Hindi makapaniwala si Father Markus sa kuwentong ito, sapagka't nang mga sandaling iyon, ay sumanib sa kanya ang Espiritu Santo, at saglit siyang nawala sa sarili. Sa isang iglap, ay may umako sa kanyang kaluluwa, at namulat na lamang siya't tapos na ang lahat. Natalo na nila ang dimonyong si Berith.
At ngayon, tila nawala muli ang pari sa sarili sa pag-aalala, kaya't hindi niya agad narinig na kinakausap pala siya ng Uber driver.
"Father!" tawag ng driver.
"A-ano 'yon?" tila naalimpungatan si Father Markus.
"Sabi ko, father, kung blessing ba ang pupuntahan ninyo."
"H-ha?"
"Sa Forbes Park kasi, blessing ng bahay iyan ano?" usal ng driver.
"O-oo, parang ganoon na nga," sabi na lamang ni Father Markus, at kanyang ibinalik ang jewelry box sa loob ng leather bag.
"Shet, sarap siguro ng handa nyan!" ngiti ng driver at nagminor nang makarating sa stoplight.
Wala pang isang oras mula sa Manila Cathedral kung saan sila galing ay nakarating ang Uber sa gate ng Forbes Park. At matapos kuhanan ng lisensya ang driver ng mga security guards ay pinatuloy ito at narating nila ang harapan ng mansion.
"Napaaga ata kayo, Father," sabi ng driver. "Wala pang mga bisita. Kahit na 'yung catering."
Pumarada ang Uber sa curb, nagbayad si Father Markus at bumaba.
"Father, pa-5 stars na lang ha," pahabol ng driver at tumuro sa langit. "Kundi man, pa-good shot na lang ako sa itaas!"
Although may pagka-pilosopo ang driver, ay alam ng pari na mabuti naman itong tao, kaya't ngumiti na lamang siya at tumango. Habang papaalis ang Uber ay tumayo muna siya sa harap ng mansion at pinagmasdan ito.
Sinalubong si Father Markus mismo ni Don Carlos at nang pagpasok niya sa bahay ay bumulaga agad sa tenga niya na may mga kaganapan sa itaas—sa kuwarto ni Miguel, pagka't dinig ang malalakas na sigaw nito—ang boses ng dimonyo.
"Come, father," may alarmang sabi ng don na nagmamadaling umakyat ng hagdan, kasunod ang pari.
Nang buksan nila ang pinto ng kuwarto ni Miguel ay nanlaki ang mata ni Father Markus sa nasaksihan: Nakatali si Miguel sa kama at siya'y nagwawala, nanlilisik ang kanyang mga mata at naglalaway ang bibig. Umuuga ang kama na para bang niyayanig ng lindol. Ang boses niya'y garalgal at siya'y nagmumura. Putangina nyo! Mga puntangina ninyong lahat!
Naroon si Jules at kanyang kinukunan ng video ang nangyayari. Naroon din ang doña at umaagos nang kanyang luha at siya'y nakayakap kay Hannah. Nang makita niyang pumasok si Father Markus ay agad itong lumapit.
"Father!"
Nang madinig ito ng dimonyo sa katawan ni Miguel ay huminto ito sa pagwawala at kumalma. Tumigil sa pagyanig ang kama at nahiga si Miguel at lumabas ang dimonyong ngiti nito.
"Father..." sabi ng dimonyo. "Kanina pa ako naghihintay."
Tinignan muna ni Father Markus sina Jules at Hannah upang alamin kung okay ang mga ito, at siya'y binalikan ng positibong mga tango, pagkatapos ay hinarap niya si Miguel.
"Ready na ako, father," sabi ng dimonyo, ang boses nito'y malalim. "Huwag mo akong i-disappoint."
"Sa basement," sabi ni Father Markus kay Don Carlos. "Ilipat natin siya sa basement."
"Wait, tatawag ako ng tulong," sabi ng don at saglit na lumabas at tinawag ang kanyang driver.
Nang pumasok ang driver ay tulong-tulong sila na kinalagan si Miguel pagka't alam nilang may kakaiba itong lakas. Nguni't, sa pagtataka nila'y hindi nagwala si Miguel nang alisin nila sa pagkakaposas sa bedposts. Nakangiti lamang ito at walang palag na sumama pababa ng hagdan hanggang sa basement, at hinayaan silang iposas siya sa bedpost ng kama na nilagay nila sa dating storage room. Nagbago nang hitsura ni Miguel. Lumala na ang pagkaka-possess sa kanya: naglitawan ang maraming sugat sa kanyang mga braso, sa loob ng kanyang t-shirt ay marami ring marka ang kanyang katawan. Litaw rin ang mga lacerations sa kanyang binti mula sa suot na jogging pants.
Nang ready na ang lahat ay inutusan ni Father Markus na lumabas muna sila sa laundry area kung saan binasbasan niya ang mga ito, at binigyan ng kanyang personal na proteksyon. Suot ang violet stole, winisikan niya sila ng holy water. Pagkatapos ay sinabi ng pari sa don, doña at sa driver ang mga sumusunod:
"Ito ang mga rules to follow sa isang exorcism," sabi ng pari at siya'y nag-enumerate:
1) Unang-una ay dapat naniniwala ka na ito'y gawa ng dimonyo at hindi isang uri ng sakit.
2) Dapat alisin sa sarili ang anumang bakas ng pagdududa sa makikita.
3) Huwag makinig sa sinasabi ng dimonyo.
4) Magpapakita ang dimonyo ng mga bagay na ilusyon lamang. Huwag itong paniwalaan.
5) Bawal kausapin o magtanong sa dimonyo.
6) Bawal tignan ang dimonyo sa mata.
7) Magdasal at humingi ng patnubay sa Diyos.
"Isa sa inyo ang kailangan as witness," sabi pa ng pari sa mag-asawang Villaromano.
"Me," agad ng sabi ni Don Carlos without consulting his wife, at sinabi sa kanya at sa driver. "Just wait here, okay?"
Tumango ang doña at ang driver.
"Kukunan ng video ni Jules ang ritual," dagdag ni Father Markus. "Para well documented ang lahat."
Tumango ng agreement ang mag-asawa, at nang mukhang ready na ang lahat ay nagpahayag si Jules:
"Okay, let's do this."
Pumasok sina Father Markus, Jules, Hannah at Don Carlos sa kuwartong kinaroroonan ni Miguel at kanilang isinara ang pintuan.
#
Alas-tres ng hapon nang kanilang simulan ang rite of exorcism.
Itinaas ni Father Markus ang bote ng holy water at tinirace ang sign of the cross kay Miguel, na himiyaw nang kanya itong wisikan.
In the name of the Father, of the Son and the Holy Spirit. Amen.
Lord have mercy on us.
Christ Have mercy on us.
May liwanag na nagmumula sa maliit na mga bintana ng kuwarto na dumadapo sa kama, kung kaya't naiilawan si Miguel na parang spotlight, at lubos niya itong ikinagagalit.
"Father, should we close the blinds?" tanong ni Don Carlos. "Mukhang nahihirapan si Miguel."
Umiling ang pari, "the more na distracted ang dimonyo, mas hindi niya makokontrol ang sitwasyon."
Tumango ang don at pinagpatuloy nila ang pagdarasal, kasama sina Jules at Hannah. Sa isang tabi, naka-mount sa tripod ang videocam at nagre-record.
God, the Son, Redeemer of the World.
Have mercy on us.
God, the Holy Spirit.
Have mery on us.
Habang nagdarasal sila'y sumisigaw ang dimonyo kay Miguel ng mga masasamang salita at kanyang kinukutya ang Diyos. At tuwing i-interrupt niya ang dasal ay wiwisikan siya ni Father Markus ng holy water at siya'y mapapahiyaw sa sakit.
Tumahimik ka, Satanas!
Confident si Father Markus na si Satanas ang katunggali nila, at hindi siya nagkakamali.
Deliver us, O Lord, from every evil.
By the mystery of your holy incarnaton.
By your cross and passion.
By your death and burial.
Deliver us, O Lord.
Nagpamalas naman ang hari ng impiyerno ng kanyang kapangyarihan nang patumbahin nito ang mga gamit sa kuwarto tulad ng mga aparador, upuan at ang videocam na nasa tripod ay tumalsik sa pader at nasira. Pagkatapos ay mag-isang natanggal ang mga posas sa kamay ni Miguel at siya'y nakahigang lumutang sa taas ng kama at nagdilim ang kuwarto bagama't kalagitnaan ng hapon.
Nguni't patuloy sila sa pagdarasal, at kahit na natigatig si Don Carlos sa mga nasasaksihan ay nakahugot siya ng lakas ng loob para hindi ma-distract. Nang bumalik si Miguel sa kama, ay kanila uli itong pinosas sa bedposts. Kita sa mukha ni Miguel ang frustration ng dimonyo na hindi nagpapaapekto ang kanyang mga katunggali. Bagkus, ay lalo pang nagiging confident sina Father Markus at iba pa habang tumatagal ang ritwal.
"I cast you out, Satan," sigaw ni Father Markus, at kanyang sunod-sunod na winisikan ng holy water si Miguel. "Along with your minions, every spectre from hell and all your fell companions. In the name of our Lord Jesus Christ. Begone and stay far from this creature. For it is He who commands you!"
Napaka-precise ni Father Markus sa kanyang mga kilos. Sa magandang acoustic ng basement ay litaw na litaw at buo ang kanyang boses kaya't bawat linya na kanyang binibitawan ay parusa sa tenga ni Satanas. Hindi rin akalain ng dimonyo na ganoon kalakas ang pari. Simula nang matalo ni Father Markus si Berith ay lalo pa siyang lumakas, lalo na't nasaniban siya ng Espiritu Santo. Ikanga, ibang level na si Father Markus.
Iyan, at tiniming pa ng pari ang paglabas ng kanyang secret weapon, pagka't nang dumating sila sa pinakamahalagang punto ng ritwal ng exorcism kung saan nila sinabi ang:
It is the power of Christ that compels you!
Ay inilabas ni Father Markus ang rosaryo ni San Lorenzo Ruiz, at muli, siya ay tila nagliwanag at ang boses niya ay parang boses ng Diyos.
It is the power of Christ that compels you!
It is the power of Christ that compels you!
It is the power of Christ that compels you!
Paulit-ulit nilang sabi.
At si Satanas ay nabihag sa kapangyarihan ng banal na rosaryo at ng salita ng Diyos.
At alam ito ni Father Markus, kaya't hindi siya nagpigil.
"Sa ngalan ng Panginoong Ama, Anak at Espiritu Santo," sigaw niya. "Sabihin mong pangalan mo!"
Naghihiyaw si Satanas sa loob ni Miguel.
"Anong pangalan mo!" utos ni Father Markus. "Sabihin mong pangalan mo!"
At nakita nila na hawak ng kapangyarihan ng rosaryo si Satanas at malapit na itong sumuko. Pilit itong lumalaban nguni't hindi nito kaya. At nang ibinuka ni Miguel ang kanyang bibig upang sabihin ang pangalang Satanas ay biglang nangyari ang hindi nila inaasahan. Sa tagal na ginagawa nina Father Markus, Jules at Hannah ang pag-e-exorcise ng mga dimonyo, ay ngayon lang nangyari ito:
Basta na lamang naglaho si Satanas sa katawan ni Miguel.
At bumalik si Miguel sa normal.
"Dad..." mahinang sabi ng binata sa totoo niyang boses.
Nagkatinginan sina Father Markus, Jules at Hannah. Hindi sila makapaniwala. Natalo ba nila si Satanas? Pero, hindi. Dapat ay may itim na usok na lalabas sa bibig ni Miguel—ito ang patunay na lumisan na si Satanas. Pero, wala nito. Hindi ito nangyari.
"Miguel?" nagtatakang lapit ni Don Carlos. "Is that you, son?"
"Dad..." naluluhang sabi ni Miguel, walang duda na siya nga ito, normal at hindi na possessed.
"What the f**k?" nagdikit-kilay ni Hannah.
"Anyare?" napanganga si Jules.
Hindi nakagalaw sina Father Markus, Jules at Hannah sa kinatatayuan. Wala silang explanasyon. Ngayon lang ito nangyari.
"He's alright!" sigaw ni Don Carlos habang inalis ang posas ni Miguel at kanyang tinawag ang asawa para pumasok. "Miguel's alright!"
Pagpasok ng doña at ng driver, ay nakita nila na tutoo nga. Magaling na si Miguel. Nasa mga mata nito, sa ekspresyon ng mukha na nagbalik na siya sa dati.
"Anak!" naluluhang sabi ng doña at kanyang niyakap si Miguel.
"Mom..."
"Thank you! Thank you!" masayang sabi ng don kina Father Markus, Jules at Hannah, at kanyang kinamayan pa ang mga ito. "That was fast! I'll make sure to double your fee!"
At ang mga mukha ng tatlo? Hindi pa rin sila makapaniwala.
"Hannah?" sabay na tumingin sa kanya sina Father Markus at Jules.
Nakanganga si Hannah, pagka't hindi na rin niya nase-sense ang dimonyo—si Satanas ay wala na sa kuwarto.
"W-wala na siya," nauutal na sabi ni Hannah. "Wala na si Satanas."
Nang madinig ito ng iba'y lalo silang nagdiwang. Nguni't, hindi ang tatlo, hindi ang JHS. Pagka't alam nilang hindi pa tapos. At hindi sila nagkakamali pagka't bigla na lamang nagbago ang hitsura ni Miguel—ang mga mata niya'y biglang pumula at pumutla ang kanyang balat, at laking gulat nila nang biglang sinakal ni Miguel ang doña.
"Miguel!" sigaw ng don at kanyang hinawakan ang mga braso ng anak, at sa tulong ng driver ay kanilang nahatak ang doña papalayo.
At narinig nilang tumawa si Miguel sa dimonyong boses. Tawa na nag-echo sa kuwarto. Muling nagbalik si Satanas kay Miguel.
Napaatras ang lahat habang umupo ng tuwid si Miguel sa kama, ang kanyang mga mata'y nanlilisik, ang bibig niya'y naglalaway, at kanyang pinaikot ang kanyang ulo at nang huminto ay sinabing:
"Ready na uli ako, father."
Nanlaki ang mata ni Father Markus at gumapang ang takot sa kanyang buong katawan, at napatingin siya sa hawak na rosaryo. Mabisa ang artifact pero paano kung kayang lumisan ni Satanas sa katawan ng tao bago ito ma-cast out, bago ito ma-exorcise, at bumalik muli? At naalala din nina Jules at Hannah ang sinabi ni Don Carlos. It comes and it goes. At ito nga ang ginawa ng dimonyo.
"Umpisahan na uli natin," ngiti ni Satanas.