Nanatili akong nakatayo sa gitna ng sala, tila ba nawala ang kakayahan kong igalaw ang aking mga paa. Ang mga salitang binitiwan ni Daddy ay paulit-ulit na umaalingawngaw sa aking isipan, parang sirang plaka na ayaw tumigil.
Ito ang magiging kabiyak mo.
Si Theo Kensington.
Hindi ko alam kung ilang segundo akong nakatulala roon. Ang alam ko lang, pakiramdam ko ay unti-unting lumulubog ang sahig sa ilalim ng aking mga paa. Ang lalaking nasa harap ko.
Ang lalaking kanina ko lang tinitigan sa unibersidad nang may halong paghanga at pagtataka. Ang lalaking iyon pala ang itinalaga upang maging kapalit ng kalayaan ko.
“Victoria.”
Napapitlag ako nang marinig ang pangalan ko mula sa kanyang bibig. Mababa ang kanyang tinig, kontrolado, at may kung anong bigat na hindi ko maipaliwanag. Bahagya siyang tumayo mula sa kinauupuan niya at lumapit ng isang hakbang.
“Nice to finally meet you… formally,” dagdag pa niya, bahagyang ngumiti.
Formal.
Parang negosyo.
Parang kontrata.
Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Ang tanging nagawa ko lang ay tumango nang bahagya, pilit pinipigilan ang sarili kong hindi manginig. Ramdam ko ang mga matang nakatutok sa akin. ang mapanuring tingin ng mga magulang niya, ang tahimik ngunit puno ng pag-aalala ni Mommy, at ang diretso at malamig na titig ni Daddy na para bang sinusukat kung gaano ako kaayos bilang alay.
“Umupo ka, Victoria,” utos ni Daddy.
Mabigat ang bawat hakbang ko papunta sa bakanteng upuan sa tapat ni Theo. Nang umupo ako, bahagya kaming nagkatapat ng tuhod. Masyadong malapit. Masyadong mabilis. Masyadong mali.
“Simulan na natin,” wika ng ama ni Theo, si Mr. Kensington. Ang kanyang boses ay makinis, sanay sa pakikipagnegosasyon. “Hindi na natin pahahabain pa ang usapan.”
Tumango si Daddy. “Gaya ng napag-usapan, ang kasal na ito ay magsisilbing pormal na alyansa ng ating mga kumpanya. Sa oras na maisakatuparan ito, agad naming ililipat ang shares na ipinangako.”
Parang may pumutok sa aking dibdib.
Shares.
Ililipat.
Walang kahit anong salitang tumukoy sa damdamin. Wala man lang tanong kung handa ba ako. Kung gusto ko ba.
“May kondisyon lang kami,” biglang wika ng ina ni Theo, malamig ngunit elegante. “Gusto naming masigurong maayos ang reputasyon ng magiging manugang namin. Walang iskandalo. Walang sablay.”
Napangiti siya sa akin, ngunit ang ngiting iyon ay parang kutsilyong balot sa seda.
“Opo,” mabilis na sagot ni Daddy. “Disente at masunurin si Victoria.”
Masunurin.
Parang aso.
Napayuko ako, pinigilan ang pag-iyak. Kung magsasalita ako ngayon, siguradong sasabog ako. At alam kong wala akong kakampi sa kwartong ito.
“Oo nga pala,” muling nagsalita si Mr. Kensington, “gusto naming ang engagement ay mangyari sa lalong madaling panahon. Isang buwan, maximum.”
“Isang buwan? ” Hindi ko napigilang maibulalas.
Napatigil ang lahat. Lahat ng mata ay bumaling sa akin.
Napatingin si Daddy, nanlilisik ang mga mata. Isang babala.
“May sasabihin ka ba, Victoria? ” malamig niyang tanong.
Huminga ako nang malalim. “Hindi po ba masyadong… mabilis? ” mahina kong tanong. “Hindi pa po namin lubos na kilala ang isa’t isa.”
Isang katahimikan ang bumalot sa sala.
Si Theo ang unang nagsalita. “We’ll get to know each other,” wika niya, diretso ang tingin sa akin. “Whether we like it or not.”
May kung anong kumislot sa dibdib ko sa paraan ng pagkakasabi niya noon. Parang may babala. Parang may hamon.
“Very well,” masayang sabi ng ina niya. “At simula bukas, Victoria will spend time with Theo. Para masanay na kayo sa isa’t isa.”
Spend time.
Hindi iyon mungkahi.
Utos iyon.
“Mommy…” Napalingon ako sa kanya, umaasang kahit kaunting awa.
Ngunit yumuko lang siya, iniiwas ang aking tingin.
Tapos na ang laban bago pa man ito nagsimula.
Kinagabihan, nakahiga ako sa aking kama, nakatitig sa kisame. Ilang beses ko nang sinubukang matulog, ngunit sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata, mukha ni Theo ang bumabalik sa aking isipan. ang malamig niyang mga mata, ang kontroladong galaw, ang ngiting hindi ko malaman kung totoo o hindi.
Bakit siya?
At bakit parang… hindi siya tutol?
Isang mahinang katok ang umalingawngaw sa aking pinto.
“Come in,” mahina kong sabi.
Bumukas ang pinto at lumitaw si Ate Rina. Tahimik siyang pumasok at isinara muli ang pinto sa likod niya.
“Okay ka lang? ” tanong niya, umupo sa gilid ng kama ko.
Umiling ako. Doon ko na naramdaman ang pagbagsak ng lahat ng pinipigilan ko. “Ate… ayokong ikasal,” basag ang boses ko. “Hindi ko kaya.”
Hinaplos niya ang buhok ko, parang noong bata pa ako. “Alam ko,” mahina niyang sabi. “Kung may magagawa lang ako…”
“Bakit ganito sila? ” umiiyak kong tanong. “Bakit parang wala akong halaga? ”
Napabuntong-hininga siya. “May halaga ka, Vic. Pero sa mundong ginagalawan ni Daddy… negosyo muna bago puso.”
Tumahimik kami. Maya-maya, tumayo siya. “Magpahinga ka. Bukas… haharapin mo na naman sila.”
At mag-isa na naman ako.
Kinabukasan, eksaktong alas-diyes ng umaga, isang itim na sasakyan ang huminto sa harap ng bahay.
“Miss Victoria,” wika ng kasambahay, “nandito na po si Mr. Theo.”
Parang may humigpit na lubid sa aking dibdib.
Paglabas ko, nakita ko siyang nakasandal sa sasakyan, suot ang simpleng polo at slacks. Hindi siya mukhang isang lalaking pupunta sa date; mukha siyang isang CEO na pupunta sa meeting.
“So,” bungad niya nang makita ako, “ready ka na? ”
“Wala naman akong choice, ‘di ba? ” malamig kong sagot.
Bahagya siyang ngumiti. “At least honest ka.”
Sumakay ako sa sasakyan, piniling sa kabilang dulo umupo. Ilang minuto kaming tahimik, hanggang sa siya ang unang nagsalita.
“Hindi mo ako gusto,” wika niya, diretsahan.
Hindi ako nagkunwari. “Hindi.”
Tumango siya. “Fair enough. Hindi rin naman kita mahal.”
Masakit. Pero totoo.
"Sa oras na ikinasal tayo, Malaya Kang gawin Ang gusto moat gagawin ko rin Ang gusto ko. Ayoko pakielaman mo ako at ayoko na ipapakilala mo ako asawa sa harap ng ibang tao at kahit sa mga kaibigan mo."
Napakunot ang noo ko. “Pero bakit?
"Ayoko pag tawanan nila ako na nagpakasal ako sa isang panget na kagaya mo.
Tingnan mo itsura mo para lang inanakan ng sampung lalaki sa itsura mo. Parang matanda ka pa tingnan sa nanay ko."
Natatawang wika nito habang iniinsulto nito ang pagkatao ko.
Napakuyom ako ng aking kamao dahil sa sinabi niya at tiningnan siya ng masama.
"Oh, bakit ka ganyan tumingin? Hindi ako santo," sabi niya.
Saglit kaming nagkatitigan. At sa unang pagkakataon, may nakita akong poot sa mga mata niya.
“Isa itong laro, Victoria, at sa larong ito magkasama tayong naglalaban. At kung mahina ka, talo ka.
Laro.
Ngumiti ako, mapait. “Hindi ko ginustong sumali.”
“Neither did I,” sagot niya.
At sa sandaling iyon, may kung anong nagbago. Hindi pag-asa. Hindi rin pagtanggap.
Kundi ang malinaw na katotohanan
Pareho kaming bihag ng kasunduang hindi namin ginusto.
At ang tanong ngayon ay kung sino ang mananalo sa larong ito.