HBHT-30

2041 Words
Abala si Fabio sa pagpaplano ng gawain sa hacienda, kasama sina Mang Berting at Diego, nagkukulitan ang dalawa tungkol sa kanya. Napansin ni Mang Berting ang tila malalim na iniisip ni Fabio habang nakatingin sa malayo. "Fabio," sabi ni Mang Berting, sabay kuha ng atensyon nito. "Paano kung malaman ni Stefany ang totoo tungkol sa'yo? Na hindi ka lang simpleng tao?" Napatingin si Diego kay Fabio at agad sumabat, "Oo nga, boss. Baka magulat 'yun. Akala kasi niya simpleng probinsyano ka lang. Ano sa tingin mo, kakayanin niya?" Napangiti si Fabio, pero halata ang pag-iwas niya sa seryosong tono ng usapan. "Ang bigat naman ng tanong n'yo. Hindi ko nga alam kung kailan ko sasabihin. Baka magalit 'yun kapag nalaman niya na nagsisinungaling ako." Umiling si Mang Berting at tumawa nang mahina. "Eh paano kung hindi lang galit ang abutin mo? Paano kung layasan ka niya? Alam mo namang sensitive 'yung si Stefany, lalo na sa tiwala." Napabuntong-hininga si Fabio at hinilot ang sentido niya. "Hindi naman ako nagsisinungaling para saktan siya. Gusto ko lang munang makilala niya ako bilang ako, hindi bilang isang Ellison. Gusto kong malaman kung kaya niya akong tanggapin kahit hindi ako 'yung mayamang tao na iniisip ng lahat." Tahimik na tumango si Diego. "May punto ka diyan, boss. Pero kung ako sa'yo, huwag mong patagalin. Baka kapag masyado nang malalim ang pinagsamahan niyo, mas masakit kapag nalaman niya ang totoo." Hindi na nagsalita si Fabio. Tumayo siya at tumingin sa direksyon ng bahay ni Aling Pilar, kung saan alam niyang naroon si Stefany. Sa kaloob-looban niya, may takot at kaba. Paano nga kaya kung malaman niya? Mawawala ba siya sa buhay ko? Habang tahimik si Fabio, biglang bumalik sa usapan sina Mang Berting at Diego, halatang hindi pa tapos ang pangungulit nila. "Fabio," sabi ni Mang Berting na may halong ngiti, "aminin mo na. May nararamdaman ka na ba para kay Stefany?" Napatingin si Diego kay Fabio at sumabat, "Oo nga, boss. Kasi kung kami ang tatanungin, parang halata naman. Hindi mo nga maalis ang tingin mo sa kanya kahit noong una pa lang." Natawa si Fabio, pilit na nililihis ang usapan. "Ano bang pinagsasabi niyo diyan? Ang kulit niyo ha." Pero hindi nagpatalo si Mang Berting. "Huwag mo na kaming lokohin, Fabio. Kahit bata pa ako sa ganitong edad, alam ko na kapag may lalaki nang kinikilig. Aba, iba ang ngiti mo kapag si Stefany ang kausap mo." Napabuntong-hininga si Fabio at napakamot ng ulo. "Hindi ko naman sinasabi na wala akong nararamdaman..." Napanganga si Diego. "Aba, boss! Totoo nga!" Nagpatuloy si Fabio, pilit na iniwas ang mga mata sa dalawa. "Pero hindi ko rin masabi kung ano 'to. Basta alam ko lang, gusto ko siyang makita lagi. Ayokong nakikita siyang malungkot, at... parang gusto ko siyang alagaan." Ngumisi si Mang Berting. "Ibig sabihin, gusto mo na siya." Hindi makasagot si Fabio, pero ang pulang-pula niyang mukha ang nagsabi ng lahat. Tumawa nang malakas sina Mang Berting at Diego. "Boss, hindi ka pala bato. Kaya mo rin palang ma-in love," biro ni Diego habang hinihimas ang tiyan niya sa kakatawa. "Ang tanong," dagdag ni Mang Berting, "kailan mo aaminin kay Stefany? O baka naman balak mong itago 'yan hanggang dulo?" Hindi makasagot si Fabio. Napaisip siya ng malalim. Alam niyang hindi ganoon kadali ang sitwasyon nila ni Stefany, lalo na’t maraming sikreto ang hindi pa niya sinasabi. Paano ko aaminin kung ni hindi ko masabi kung sino talaga ako? Habang nagtatawanan pa sina Mang Berting at Diego, biglang sumulpot si Ginoong Galvez, ang katiwala ni Mayor Mauro, sakay ng motor. Tumigil ito sa tapat ng kubo at mabilis na bumaba. "Magandang araw, Fabio," bati ni Ginoong Galvez habang pinupunasan ang pawis sa noo. "Pasensya na at naabala kita, pero may ipapahatid na paanyaya si Mayor Mauro para sa nalalapit na fiesta ng bayan." Napatingin sina Mang Berting at Diego kay Fabio, habang si Fabio naman ay agad na nagbigay galang. "Ah, magandang araw din po, Ginoong Galvez. Fiesta? Kailan po ito?" "Sa Sabado na, Fabio. At siyempre, gusto ni Mayor na nandun ka. Malaki ang utang na loob ng bayan sa'yo, alam mo naman 'yan," sagot ni Ginoong Galvez, sabay abot ng isang magarang imbitasyon. Ngumiti si Fabio, pero bakas sa mukha niya ang pag-aalangan. "Salamat po sa imbitasyon, pero baka hindi ako makapunta. Alam niyo naman, abala ako dito sa hacienda." Napailing si Ginoong Galvez. "Naku, Fabio, huwag mo namang tanggihan si Mayor. Alam mong espesyal ang pag-anyaya niya. Gusto ka niyang makasama sa okasyon, at siguradong magagalak din ang mga tao kung darating ka." Sina Mang Berting at Diego ay tahimik na nakikinig, pero nagpalitan ng makahulugang tingin. Sumingit si Diego, nakangiti. "Boss, mukhang dapat ka nang maghanda. Malay mo, si Stefany pa ang magpilit na sumama ka." Napakunot ang noo ni Fabio, pero bago pa siya makasagot, sumabat si Mang Berting. "Oo nga naman, Fabio. Malay mo, gusto rin ni Stefany makita ang fiesta ng bayan. Isama mo siya, baka lalo siyang matuwa sa'yo." Napabuntong-hininga si Fabio. Hindi pa nga ako sigurado kung dapat akong magpakita sa fiesta, tapos dadagdagan pa nila ng Stefany issue? Napansin ni Ginoong Galvez ang tila pag-aalinlangan ni Fabio, kaya ngumiti ito at sinabing, "Hindi kita pipilitin, pero sana dumalo ka, Fabio. Alam kong malapit ka sa puso ng mga tao dito. At kung may isasama ka, mas magiging masaya ang lahat." Iniabot ni Fabio ang imbitasyon at tumango. "Sige po, Ginoong Galvez. Pag-iisipan ko." Pagkaalis ni Ginoong Galvez, agad na binalingan siya nina Mang Berting at Diego, parehong nakangisi. "Boss, mukhang kailangan mong isama si Stefany sa fiesta," sabi ni Diego, habang tumatawa. "Hindi ba't mas maganda 'yun, Fabio?" dagdag ni Mang Berting. "Para mas makilala niya ang lugar, at para makita rin ng mga tao kung sino ang espesyal sa buhay mo." Napailing si Fabio at naglakad palayo, pilit na itinatago ang ngiti. Mga ito talaga, hindi na tumigil. Pero... baka nga masaya kung isasama ko si Stefany. Sa kabilang dako, habang naglalakad sina Aling Pilar at Stefany sa palengke, abala sila sa pagbili ng mga kailangan para sa bahay. Ngunit hindi nakaligtas sa pandinig nila ang mga bulong-bulungan ng mga tao sa paligid. "Narinig mo ba? Si Fabio daw ang isa sa mga VIP visitor at hurado sa pageant ng Miss San Clemente!" sabi ng isang babae na may dalang basket ng gulay. "Aba, siguradong magiging magarbo ang patimpalak ngayong taon! Lalo na’t si Fabio ang isa sa mga maghuhusga. Alam mo naman, isa siya sa pinakakilala at iginagalang dito sa bayan," sagot ng isa pang tindera. Napakunot ang noo ni Stefany habang nakikinig sa usapan. VIP? Hurado? Si Fabio? Napatingin siya kay Aling Pilar, na ngumiti lang at parang wala lang narinig. "Aling Pilar, narinig mo ba 'yun? Si Fabio daw ang isa sa mga hurado?" tanong ni Stefany, hindi maitago ang pagkalito at pagkagulat. Ngumiti si Aling Pilar at tumango. "Oo naman, hija. Hindi mo ba alam? Kilalang-kilala si Fabio dito sa San Clemente. Isa siyang malaking tao dito, kahit na simple lang ang buhay na pinapakita niya. Kaya hindi na nakakagulat na iniimbitahan siya sa mga ganitong okasyon." Napatigil si Stefany at napaisip. Malaki palang tao si Fabio dito? Pero bakit hindi niya ito sinasabi sa akin? Samantala, isang grupo ng kababaihan ang lumapit kay Aling Pilar, may dala-dalang poster ng pageant. "Aling Pilar, baka gusto niyo pong isali si Stefany sa Miss San Clemente! Bagay na bagay siya, napakaganda at napakaelegante!" Napamulagat si Stefany. "Ha? Ako? Naku, hindi po ako bagay diyan!" mabilis niyang tanggi, habang umiiling-iling. "Anong hindi bagay? Napakaganda mo, hija! Sigurado akong papasa ka sa mga hurado. Lalo na kung si Fabio ang titingin, baka ikaw pa ang manalo!" sabat ng isa sa mga babae, sabay tawa. Namula si Stefany at napatingin kay Aling Pilar, na tumawa lang. "Hayaan mo na sila, Stefany. Pero totoo naman, maganda ka. Kung gusto mo, subukan mo lang. Malay mo, maging masaya ka." Ngunit sa loob-loob ni Stefany, masyado siyang naguguluhan. Si Fabio, hurado? At ako, sasali sa pageant? Ano ba itong napasok ko sa buhay na ito? Habang naglalakad sila pabalik sa bahay, hindi maiwasang isipin ni Stefany kung ano pa ang hindi niya alam tungkol kay Fabio. Ngunit sa isang banda, hindi niya rin maiwasang ngumiti. Hurado si Fabio? Tingnan natin kung paano siya magpapakita ng propesyonal kapag ako ang nasa entablado! Sa kabilang dako, abala rin si Elena sa pamimili ng mga kailangan para sa nalalapit na pageant. Determinado siyang manalo bilang Miss San Clemente, kaya't pinaplano niya ang lahat mula sa gown hanggang sa talent performance. Habang naglalakad siya sa palengke, napansin niyang papalapit sina Stefany at Aling Pilar, na may dalang mga pinamili. Nagtagpo ang kanilang mga mata, at hindi naiwasan ang tensyon sa pagitan nila. Agad na ngumiti si Elena, ngunit halata ang bahid ng pang-iinsulto. "Oh, Stefany! Hindi ko alam na mahilig ka palang mamili dito sa palengke. Mukhang... bagay naman sa'yo," aniya, sabay tingin mula ulo hanggang paa ni Stefany. Hindi nagpatalo si Stefany. Tumayo siya nang tuwid at ngumiti rin, pero may halong hamon sa boses. "Oo naman, Elena. Masarap mamili dito, lalo na kung simple lang ang hinahanap mo. Hindi na kailangan ng mga mamahaling bagay para magmukhang maganda." Napasinghap si Elena, halatang nainsulto. "Talaga? Eh, siguro naman hindi ka sasali sa pageant, 'di ba? Alam mo na, baka hindi mo kayanin ang kumpetisyon." Bago pa makasagot si Stefany, sumingit si Aling Pilar. "Bakit naman hindi? Bagay na bagay si Stefany sa pageant. At sigurado akong may laban siya, hindi ba, hija?" Tumango si Stefany, pilit na pinipigilan ang sarili na makipagsagutan pa. "Hindi naman tungkol sa kumpetisyon, Elena. Ang mahalaga, may tiwala ka sa sarili mo. Pero mukhang abala ka. Good luck na lang." Ngunit bago sila makaalis, humabol pa si Elena. "Oh, good luck din sa'yo, Stefany. Kung sakaling sumali ka, huwag ka na lang magtaka kung bakit mas maganda ang presentation ko." Naglakad palayo sina Stefany at Aling Pilar, ngunit ramdam ni Stefany ang galit na kumukulo sa loob niya. "Ang arte talaga ng babaeng 'yun! Parang siya lang ang maganda sa San Clemente," inis niyang sabi kay Aling Pilar. Ngumiti lang si Aling Pilar. "Hayaan mo na siya, hija. Sa huli, ang ugali pa rin ang tinitingnan, hindi lang ang panlabas na anyo. Kung sasali ka, ipakita mo na hindi lang ganda ang meron ka. Kaya mo 'yun." Napabuntong-hininga si Stefany. Kung sasali nga ako, siguradong hindi ko palalampasin ang pagkakataong talunin si Elena. At baka si Fabio pa ang unang pumili sa akin bilang winner! Pagkatapos ng kanilang alitan ni Elena, nanatiling tahimik si Stefany habang naglalakad pauwi kasama si Aling Pilar. Ngunit sa kaloob-looban niya, tila may apoy na unti-unting nagliliyab. Naalala niya ang nakaraan—ang mga sandaling laging nasa anino siya ng kanyang kapatid. Palaging siya ang talunan, palaging siya ang mas maliit sa paningin ng kanilang mga magulang. Kapag may kompetisyon noon, ang kapatid niya ang laging sinusuportahan, habang siya'y tila naiwanan sa gilid. Habang iniisip ito, napahinto si Stefany at napatingin sa langit. Bakit nga ba hindi ko subukan? Baka ito na ang pagkakataon ko na ipakita sa lahat, lalo na sa sarili ko, na kaya ko rin. Hindi na ako magpapatalo. Hindi na ako magpapakababa. Napansin ni Aling Pilar ang seryosong ekspresyon sa mukha ni Stefany. "Hija, may iniisip ka ba?" tanong nito. Napatingin si Stefany kay Aling Pilar at ngumiti. "Aling Pilar, sa tingin niyo po ba, may laban ako sa pageant na 'yun?" "Kung tatanungin mo ako, hija, hindi lang laban ang meron ka—may malaking tsansa kang manalo. Basta buo ang loob mo at magtiwala ka sa sarili mo." Sa mga salitang iyon, lalong tumibay ang determinasyon ni Stefany. Alam niyang hindi ito magiging madali, lalo na't maraming hahadlang—hindi lang si Elena, kundi pati ang mga insecurities niya mula sa nakaraan. Ngunit alam niyang ito ang pagkakataon niyang ipakita na hindi siya basta-basta. Hindi lang ito tungkol sa pageant, naisip niya. Ito ang paraan ko para patunayan na kaya kong manalo—hindi lang sa kompetisyon, kundi sa buhay. Ngunit habang naglalakad pauwi, isang bagay ang hindi niya maialis sa isip niya: ano kaya ang magiging reaksyon ni Fabio kapag nalaman niyang sasali siya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD