Sinubukan ni Didi na pakalmahin ang sarili habang pilit niyang iniiwas ang tingin sa direksyon ng bar counter na kinaroroonan ni Lio at ng babaeng halos kalong na ng binata sa inuupuan nitong stool. Ang dalawa ang naatasang kumuha ng third round na order ng grupo nila. Sa dami kasi ng mga tao sa bar ay sobrang tagal bago maka-ikot sa mesa nila ang mga waitresses. Kaya ipinasya ng dalawa na ang mga ito na ang oorder mismo sa bar counter. Pero mukhang mas gusto ng dalawa na magsolo kaysa bumalik sa mahabang mesang inookupa ng grupo nilang may dose ang bilang.
Okupado ng lahat ng groomsmen ni Brandon at bridesmaids ni Ate Greta ang isang buong seksyon ng malaking bar na kinaroroonan nila nang gabing iyon. Ideya ni Ate Greta na agahan at pag-isahin na lang ang selebrasyon ng stag party ni Brandon at bridal shower nito. At hindi nagpatinag ang ate niya nang sabihin nila rito na mas dapat nilang plantsahin muna lahat ng detalye sa kasal nito bago ang stag party at bridal shower na kadalasan ay ginaganap kapag malapit na ang mismong araw ng kasal at hindi three months away pa.
Matapos ang dinner sa isang restaurant ay dumiretso sila rito sa bar. Siya kasama ang limang bridesmaids ni Ate Greta ang bumubuo sa bridal shower ng ate niya samantalang si Lio at ang limang groomsmen ni Brandon naman ang bumubuo sa stag party ni Brandon. Pero maliban sa pag-inom at pagkakantahan sabay ng bandang tumutugtog sa stage ay wala nang iba pang aktibidad na nakahanda sa gabing iyon. Bagay na siyang gustong mangyari ni Ate Greta dahil hindi raw ito tanga para mag-imbita pa ng mga strippers, babae man o lalaki, para lang akitin at sayawan ito at si Brandon.
Tuloy ang mga groomsmen at bridesmaids na lang ang naghaharutan at nakikipag-flirt sa isa’t isa. Tutal sapat naman ang bilang nila para sa isa’t isa. Ang masama lang at hindi niya nagustuhan ay tila sa ibang bridesmaid napili ni Lio na pumareha imbes na sa kanya. Kanina pa kasi ito nakikipagtawanan at nakikipaglandian sa kaibigan ni Ate Greta na si Shelly. Bagay na hindi niya maunawaan dahil buong paniwala niya ay maayos na sila ulit ni Lio. They haven’t slept together again since they got back together for real. And it was a mutual decision.
Napagkasunduan kasi nila ni Lio na dahan-dahanin ang mga pangyayari sa relasyon nila ngayon.
“Are you really just gonna let him treat you like that, Didi? You two are back together, aren’t you?” kunot-noong tanong sa kanya ni Ate Greta.
Pinilit ni Didi na ngumiti at kaswal na magkibit-balikat. Ngayon niya mas lalong gustong batuhin ng hawak niyang baso ng fruit juice si Lio. Dahil sa inaasal ng lalaki ngayon sa kabila ng pagkakabalikan na nila, mas lalo lang siyang nagmumukhang kawawa sa harapan ng mga kasama nila roon sa mesa. Hindi na ba naalala ng lalaki ang sinabi nito sa harapan ng pamilya niya? O gumaganti ito sa kanya dahil tinakasan niya ito noong isang araw nang mauna siyang umuwi mula sa Palawan kahit na sinabi na nitong sabay silang umuwi? Gusto pa kasi ni Lio na mag-extend sila ng araw doon pero hindi naman na siya pwedeng magtagal pa dahil kailangan siya ni Ate Greta para sa pagpunta nila sa wedding caterers.
“May tiwala naman ako kay Lio, ate,” pagdadahilan na lang niya sa ate niya kahit parang may umaatungal na halimaw sa dibdib niya na gustong-gusto nang hablutin ang buhok ng babaeng kalandian ni Lio.
“Good for you, Didi, hindi mo dapat nirerendahan nang sobrang higpit ang boyfriend mo tulad ng ginagawa ni Greta dito sa kaibigan namin. Kung magloloko iyan, magloloko iyan kahit ano’ng gawin mong pagbabantay. Pero kung faithful talaga iyan, faithful iyan kahit pa sina Jennifer Lawrence at Wonder Woman ang kaharap niyan,” puri sa kanya ni Bobby na isa sa mga kaibigan nina Brandon at Lio.
“Shut up, Bobby!” sabay pang saway nina Ate Greta at Brandon sa lalaki. Pinanlakihan pa ng mga mata ni Brandon ang kaibigan at inambaan ng kamao. Tatawa-tawang kumindat naman sa kanya si Bobby.
“Bakit?” nagtatakang tanong ni Lio na sa wakas ay nakabalik na pala sa mesa nila. Dala ng binata ang dalawang trays na naglalaman ng mga inorder ng grupo nila. Samantalang animo nagka-catwalk na kasunod lang nito si Shelly, walang dala ni isang mug ng beer o cocktail drink. Ano pang silbi ng pagsama ng babae kay Lio sa bar counter kung si Lio lang rin pala ang magdadala ng lahat ng orders nila?
Inilapag ni Lio ang tray sa mesa saka umupong muli sa kanan niya. Prenteng bumalik naman sa silya nito si Shelly na nasa kabilang side ni Lio.
“Pinag-uusapan namin ang faithfulness ninyong mga lalaki. Lalo ka na!” sagot ni Ate Greta kay Lio sabay pukol ng makahulugang tingin sa lalaki bago nito ikiniling ang ulo sa direksyon niya.
Tila gulat na gulat na napasulyap naman sa kanya si Lio bago nito itinuro ang sarili.
“Ako?! Bakit ako? Faithful ako ah. Tell them, hon,” anito sa kanya.
Iiling-iling na sumipsip lang siya sa straw ng iniinom na orange-mango juice. Siya ang designated driver sa kanilang mga babae habang si Lio naman ang designated driver sa mga lalaki. Kaya hindi siya umiinom. Mabilis kasi siyang malasing kahit sa isang baso lang ng beer. Samantalang si Lio ay mataas ang alcohol tolerance kaya kahit nakaka-dalawang baso na ito ng beer ay wala lang rito.
Napakunot-noo naman si Lio. Inilapit pa nito ang mukha sa kanya.
“Hey, don’t tell me you doubt me too, hon,” anito sa tono na tila hindi makapaniwala sa hindi niya pag-imik na sa tingin nito ay katumbas ng pagdududa niya.
“Wala akong sinabing ganyan, Lio,” kibit-balikat niya na bahagyang itinulak palayo sa kanya ang mukha ng lalaki. Hindi naman siya dati apektado ng amoy ng beer sa hininga ni Lio. Pero ngayong gabi, mistulang hinalukay ang sikmura niya nang tumama sa kanya ang amoy beer nitong hininga. Muli siyang sumipsip ng juice sa pag-asang mapalis niyon ang pagrerebelde ng tiyan niya.
“Patay kang bata ka, Lio. Mukhang duda na nga si Didi sa iyo. Mukhang patungo na naman sa break-up ito,” pabirong komento ni Bobby na binato pa ng isang piraso ng French fries na pinupulutan nito si Lio.
Pero sa halip na kay Lio tumama ang French fries ay sa bibig niya tumama iyon. Nalanghap niya ang mantika pati na ang kumapit na creamy cheese at bacon bits sa French fries.
“Bobby!” singhal ni Lio kay Bobby habang pinupunasan nito ng table napkin ang nguso niya.
“Ooops, sorry, Didi!” hinging-paumanhin ni Bobby. Isinenyas niya ng kanang kamay na balewala lang iyon sa kanya. Pero ang totoo, biglang sumama muli ang pakiramdam niya pagkalanghap niya sa naturang French fries kaya hindi niya maibuka ang bibig.
“Hon? Are you okay?” nagsisimula nang magduda sa kalagayan niya si Lio base sa matiim nitong pagtitig sa kanya.
“Oh, please, Lio, hindi naman matigas na bato ang tumama sa kanya. Masyado ka nang OA sa concern mo sa kanya ha. I’m starting to think that you really are guilty of being unfaithful to her kaya sumosobra na ngayon ang pagpapakita mo ng concern. Iyon naman ang style ninyong mga lalaki, di ba? Magbibigay ng flowers out of nowhere, magyaya ng out of town trip o kaya magbibigay ng mamahaling alahas to cover up your guilt because you cheated?” ang maanghang at puno ng sarkasmong komento ni Shelly mula sa kabilang side ni Lio. Bakas sa nang-uuyam na anyo ng babae na hindi nito nagugustuhan ang ipinapakitang pag-aalala ni Lio sa kanya.
Totoo nga kaya ang sinabi nito? Bigla tuloy dumoble ang pagseselos sa dibdib niya. Bagay na mas lalo pang pinahirap ng hindi niya maipaliwanag na masamang pakiramdam ng katawan.
“Excuse me, I need to go to the ladies’ room,” maagap na paalam niya sa mga kasama. Saka niya dali-daling isinukbit sa balikat ang shoulder bag niya at humakbang patungo sa pasilyong kinaroroonan ng ladies’ room. Ramdam niya na nakasunod sa kanya si Lio. Bagay na lagi nitong ginagawa sa tuwing nasa mga ganitong bars sila. Hindi ito pumapayag na magpunta siya sa ladies’ room nang hindi ito nakabantay sa labas lalo na kung mag-isa lang siyang pupunta roon at walang kasabay na ibang kaibigang babae.
In fact, he told every man in their group to do the same thing for every woman in their group. Nais lang makatiyak ni Lio na hindi sila mapapabilang sa mga babaeng hinaharang ng mga lasing na lalaki sa bars kapag palabas o papunta sa ladies’ room. Dahil nga maingay at madilim sa mga ganoong bars, kadalasan, wala talagang nakakapansin sa kapahamakang naka-abang sa mga babaeng solong nagtutungo sa ladies’ room. Mas mabuti na raw iyong nag-iingat.
Pagpasok niya sa loob ng ladies’ room ay diretso agad siya sa unang cubicle. Pero imbes na umupo sa toilet seat ay dumukwang siya roon at sumuka. Pagkatapos ay parang latang-lata ang pakiramdam niya. Nagsisimula na siyang mag-alala. Ilang araw nang ganito ang nangyayari sa kanya sa tuwing may hindi maganda siyang naaamoy o kinakain.
Lumabas siya ng cubicle matapos i-flush ang toilet. Pero habang hinuhugasan niya ang mga kamay sa sink ay binibilang niya sa isip kung kailan ang huling menstrual period niya. Hindi siya regular na dinadatnan kaya hindi siya nag-aalala nitong nakalipas na dalawang buwan na wala siyang period. Pero sa halos sunod-sunod nang araw na madalas siyang nahihilo at nagsusuka dahil sa kinakain o naaamoy niya, kinakabahan na siya. The last time she had s*x with Lio was two months ago! They always use condoms but she doesn’t take any kind of birth control pills because they always make her feel ill.
“Oh, god! I can’t be pregnant!” wala sa loob at puno ng dismayang sambit niya habang nakatitig sa sariling repleksyon. Being an unwed mother at thirty was not something she ever thought would happen to her.
“Didi? Are you okay in there?” dinig niya ang tinig ni Lio mula sa labas ng ladies’ room.
Tumikhim muna siya bago sumagot sa lalaki. “Oo, okay lang ako. Sandali lang,” tugon niya sa pilit na pina-kaswal na tono.
Dapat ba niyang sabihin kay Lio ang hinala niya? Pero hindi pa siya sigurado sa kalagayan niya. Bukod pa roon ay natatakot siya sa magiging reaksyon ng binata sakaling totoo nga ang hinala niya. Ang totoo, siya mismo ay natatakot sa magiging reaksyon niya sa sandaling makumpirma nga ang hinala niya.
She had always wanted to have kids. Gusto nga niya ay magkaroon ng malaking pamilya kaya gusto niya ng maraming anak. Pero kasama sa pangarap na iyon ang pagkakaroon ng ama ng mga magiging anak niya.
At sa sitwasyon nila ngayon ni Lio, hindi niya alam kung ano ang mga posibleng mangyari sakaling buntis nga siya. They just got back together. Pero malayo pa sa pagiging stable ang relasyon nila. At mahirap kalimutan na sa unang beses na naamoy ni Lio ang salitang long-term commitment ay bigla itong nakipaghiwalay sa kanya. Paano pa kaya kung makukumpirma niya na buntis siya?