Kabanata VIII

1559 Words
VIII: Liligawan Kita "Ihahatid na kita," tapos ko sa usapan namin ni Mian. Ngumiti siya at mabilis na umiling. Nagtataka na napatingin lang ako sa kaniya. Nauna siyang tumayo at dinampot ang kaniyang bag na nakalapag sa bench. "Salamat, pero hindi na kailangan." Tuwiran niyang pagtanggi sa alok ko. Napalunok naman ako at bahagyang kinagat ang aking labi. "Sigurado ka?" Tumayo na rin ako. Tiningala niya ako, habang may malawak na ngiti sa kaniyang labi. "Sure ako. Kaya ko naman mag-commute," sambit nito. Gusto ko siyang pigilan pero paano naman. Ayoko namang pilitin siyang magpahatid sa akin. Ayoko ring tanungin kung ano ang rason niya kung bakit ayaw niyang pumayag, kahit na kating-kati ako na malaman. "Ihahatid na lang kita sa sakayan," please wag kang tatanggi. Ngumiti siya at tumango, "Sige." Yun! Nakahinga ako ng maluwang nang pumayag siya kahit na sa sakayan ko lang siya ihatid. Parehas naming binagtas ang daan patungo sa sakayan, hindi naman iyon kalayuan pero kakailanganin ng lakaran, kaya mabuti na rin na pinayagan niya ako na ihatid siya. "Ahm, anong oras pala kayo pupunta sa bahay bukas?" Tanong ko habang naglalakad kami. "Sabi ni Sarah mas maganda na maaga para maaga ring matapos, siguro mga eight o'clock ng umaga," tugon naman niya. "Ano bang mga materyales? Bibili na ako bago umuwi," tanong ko pa. Para lang may mapag-usapan kami. "Hmmm, nag-usap-usap na kami kanina. Sa pagkain kana lang daw," aniya. Napatango naman ako at kinagat ang labi nang matanto na wala na kaming mapag-usapan. Tang ina ano ba itong nangyayari sa akin. Bakit aligaga ako na magsingit ng usapan? "I-Inaway ka ba ng boyfriend mo kagabi?" Nag-aalinlangan ko pang tanong. Masyadong personal ang tanong ko. Para namang nakakailang pakinggan. Huminga siya ng malalim at direstong tumingin sa daan, "Hindi naman gano'n kalala, pero naging okay din naman." Kumunot ang aking noo. Bakit ba hinahayaan niyang awayin siya ng boyfriend niya sa maliit na bagay lang? Sarado utak ng lalaking yon, bakit nagtitiis siya don? "Legal ba kayo?" Tanong ko, tang ina. Masyado nanamang personal yung tanong ko. Okay lang naman yata sa kaniya. Wala naman akong nakikitang violent reaction. "Hindi. Actually..." nag-aalinlangan ang tinig niya. Okay lang naman kung ayaw niyang sabihin yung reason. Sapat na narinig ko yung sagot niya. "Actually ayaw ni dad at mommy sa kaniya," sa wakas ay naibuga niya. Napalingon naman ako sa kaniya. Nakatanaw pa rin siya sa daan. "Bakit naman?" usisa ko pa. Para lang mapahaba ang usapan. "Mahabang kwento e," sambit na lang niya at hindi ko na halos namalayan na nasa sakayan na pala kami. Eksakto naman na dumaan kaagad ang jeep na sasakyan niya, kamalas-malasan na napara kaagad ni Mian yon. "Masikip Mian, sisiksik ka pa?" Pagdadahilan ko dahil masikip naman talaga ang loob ng jeep. "Ayos lang. Mauna na ako. Ingat ka pauwi," bilin niya at dali-daling sumakay sa loob ng jeep. Tinanaw ko siya mula sa bintana at nakita ko pa kung paano niya isiniksik ang sarili sa upuan. Tang ina, kung nagpahatid na lang sana kasi siya. Mabilis na nakaalis ang jeep tinanaw ko iyon hanggang sa tuluyan na itong mawala sa tingin ko. Napapabuntong-hiningang umiling na lang ako at naglakad pabalik. Sasampa na sana ako roon ngunit napansin ko ang isang panyo, kulay pink malamang ay hindi ito sa akin. Dinampot ko ang panyo at inamoy iyon. Amoy ng pabango ni Mian. Bright Crystal by Versace. Tiyak kong kay Mian ang panyong ito. Isinilid ko ito sa bulsa ng slack ko at sumampa sa aking motor bago sinimulan na ang pagmamaneho. Pagkarating sa bahay ay sinalubong ako ni Mommy at ni ate. Hindi ko akalain na narito si ate, madalas na may duty siya sa hospital. "Ginabi ka?" Tanong sa akin ni ate Macy. Huminga ako ng malalim at naupo na lang sa single sofa na naroon sa sala saka tinanaw ang tv. "Hindi naman na bago kapag gabi umuuwi yan," ani Mommy. "Nakikipag-date kana ba?" Bigla ay tanong ni ate, nakataas ang mga kilay nito. "Ano naman ang masama kung makipag-date ang kapatid mo, Macy? Binata na yan," singit naman ni Mommy sabay kindat sa akin. "Inggit ka? Ikaw kasi mga scalpel at stethoscope ang ka-date," asar ko naman dito. "Tulad mo naman ako sa'yo, ang bata-bata mo pa ang dami mo nang babaeng naisampa sa kama," asik naman nito. "What?" Nabibigla kong tanong, "Kahit wala naman talaga?" Inirapan ako ni ate, "Ako pa lokohin mo. Sa hitsura mo pa lang, Matt." Umiling ako at pasiring na nag-iwas ng tingin. "Sino ba itong bagong girlfriend mo at sipag na sipag kang pumasok ng school? Hindi ka naman ganiyan sa mga past girlfriends mo ah," malawak ang ngiting puna naman sa akin ni mommy. "Wow," taas ang isang kilay ni ate, "May pumatol na matinong babae sayo?" Nagbuga ako ng hangin. Kung ano-ano na kaagad konklusyon ang lumalabas sa bibig nila ni hindi ko pa nga sinasagot ang tanong ni mommy. "Wala naman akong girlfriend," sambit ko. "Wala ba? Bakit sinisipag ka yatang pumasok?" Usisa pa rin ni mommy. "My, sadyang gusto ko lang pumasok. Nabo-boring ako dito sa bahay kung aabsent ako," bulalas ko. Ate made a face, "Maniwala," anito. "Bakit ba nandito ka? Bakit hindi kana lang makipag-date sa mga scalpel mo?" "It's my day off," aniya. "May day off pala ang doktor," utas ko saka umiling. "Ayaw mo yatang narito ako," usal ni ate. "Tumigil na kayong dalawa!" Saway sa amin ni mommy, "Kung sino man ang inspirasyon mo Matt, pakilala mo sa akin. I like your improvement," dagdag pa ni Mommy. "Bukas my," bulalas ko medyo nabalisa ako nang manlaki ang mga mata ni mommy. "Bukas kaagad?" Natutop ni mommy ang kaniyang bibig. "No," agap ko habang humihinga ng malalim, "Bukas...I mean bukas, darating yung mga ka-grupo ko, pakigising na lang ako." Bulalas ko. Mabilis akong tumayo at naglakad patungo sa taas upang magtungo sa aking kwarto. Habol ko ang hiningang isinira ang pinto. Ano ba naman itong pinag-iiisip ko? Nakauwi na kaya si Mian? Iyon kaagad ang tanong na pumasok sa utak ko nang sandaling mahiga ako sa aking kama. Sa halip na mag-isip nang mag-isip ay dinampot ko ang aking cellphone at nagtungo sa conversation namin. Ang sabi niya may chat siya sa akin, bakit wala naman? Hindi kaya may nagbura? Inalala ko ang mga humawak ng cellphone ko nitong mga nakaraan. At isang tao lang ang pumasok sa utak ko. Naalala ko na hiniram ni Erica ang cellphone ko. Makikisalamin lang daw siya. Bukod sa kaniya ay wala nang iba pang humawak sa cellphone ko. Ganoon ba siya kaselos para burahin ang message ni Mian. Ngayon ay ako itong aligagang malaman kung ano ang nilalaman ng mensahe ni Mian sa akin. Mabilis akong nagtipa. Matt David Toledo: Nakauwi kana ba? May green dot sa tabi ng icon niya kaya batid ko na active siya. Ilang saglit nga lang ay na-seen niya ang message ko at nag-typing. Misty Gianna Gallardo: Kakauwi lang. Ikaw? Napangiti ako ng malawak sa simpleng chat niyang iyon. Kagat ko ang aking labi na nagtipa ng reply. Matt David Toledo: Nakauwi na, kanina pa. Na-seen niya ng mabilis ang reply ko saka mabilis na nag-typing. Misty Gianna Gallardo: Mabuti naman. See you bukas. Hindi pa rin natatanggal ang ngiti ko na nagtipa ng reply sa kaniya. Matt David Toledo: Sige. Ingat kayo bukas. Ilalagay ko sanang "lalo kana" kaya lang baka mabasa ng immature niyang boyfriend kaya huwag na lang. Kahit na biro lang iyon ay ayoko pa rin. Basta may mag lagay nanaman ng malisya. Misty Gianna Gallardo: Oo naman. Bye, salamat sa time. Wait! Tang ina palagi na lang akong nabibitin sa usapan naming dalawa. Misty Gianna Gallardo: Goodnight. :) Wala na akong nagawa. Biglang nawala ang green dot sa tabi ng icon niya. Napabuntong-hininga ako at nagtipa na muli ng reply sa kaniya. Kahit hindi na niya ma-seen. Basta makapag-chat lang ako. Kahit bukas na siya makapag-reply. Matt David Toledo: Goodnight. Sleep tight. Pabagsak kong binitawan ang cellphone ko. Bumagsak ito sa kama ko at ako naman tinitigan na lang ang kisame. Ngayon, ngayon ko lang napagtatanto ng unti-unti na talaga ngang hindi lang kaibigan ang tingin ko kay Mian. Alam ko na higit pa ito sa pagiging magkaibigan. Siguro nga tama na ring sinabi ni Arthur na nililigawan ko si Erica. Mas okay na ganoon, kaysa naman si Mian pa ang puntiryahin ko. Tama sina Jade, hindi dapat si Mian ang magustuhan ko. Masyado siyang mataas para sa katulad kong gago pagdating sa relasyon. Dinampot ko ang cellphone ko at hinanap ang ngalan ni Erica. Nang makita ay ni-click ko iyon at mabilis na nag-tipa ng message para sa kaniya. Matt David Toledo: Erica. Ilang sandali ang lumipas at nag-reply naman ito sa akin. Erica Louise Quintano: Why? You need anything? Matt David Toledo: May gusto akong sabihin. Puwede bang pumunta ka sa bahay bukas? Erica Louise Quintano: Ano? Bakit kailangang pumunta pa ako sa bahay niyo? Matt David Toledo: Ipapakilala kita kay mommy. Liligawan kita. Tang ina Matt. Ngayon aminin mo na sa sarili mong isa ka talagang gago. Aminin mo na na habang buhay ka nang gago.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD