IX:Kaibigan
Paggising ko inasikaso ko kaagad ang aming pagkain para sa group project na gagawin, bilang pagkain ang na-assign sa akin. Tinulungan naman ako ni mommy sa paghahanda niyon.
"My, may ipapakilala pala ako sa inyo mamaya." Sambit ko habang nag-aasikaso ng ilang ingredients.
"Oh? Siya na ba yung nililigawan mo?" Tanong ni mommy with amusement in her eyes.
Ngumiti lang ako at ipinagpatuloy na lang ang aking ginagawa.
Pagpatak nga ng alas-otso ay mayroon nang dumating. Kaagad namang sinundo ng katulong iyon sa gate at pinapasok. Kumunot ang noo ko nang hindi pala iyon mga ka-grupo ko, kung hindi si Erica.
She's stunning in her floral dress. Huminga na lang ako ng malalim at sinalubong siya ng may maliit na ngiti sa aking labi.
"Ang aga mo," sambit ko.
Huminga ito malalim at tinaliman ang tingin sa akin. Iginiya ko ito patungo sa veranda at inalalayan na makaupo sa isa sa mga bakal na silyang nakapalibot sa bilog na mesa.
"Seriously Matt, what is it huh? Ano ba 'tong ginagawa mo?" Salubong ang kilay na pagtatanong niya.
Huminga naman ako ng malalim, "Hindi ba't ito naman ang gusto mo? Ligawan kita," saad ko naman.
Pumikit ng mariin si Erica kapagkuwan ay huminga ng malalim at sinalubong ang mga tingin ko, naniningkit ang matatalim niyang mga mata.
"What the hell is going on, Matt? Totoo bang liligawan mo ko o liligawan mo lang ako dahil gusto mong pagtakpan yang nararamdaman mo para kay Mian?" Naghuhuramentado na niyang bulalas.
Kinagat ko ang labi ko at umiling, "Mali yang iniisip mo," tanggi ko naman.
"E ano Matt?" Pagtatanong pa niya.
"Liligawan nga kita dahil gusto ko, ano ba ang masama doon?" Tanong ko dito.
"Nakakapagtaka lang kasi," mas kalmado na ang kaniyang pananalita sa pagkakataong ito.
Naglakas-loob akong kuhain ang kamay niya. Tinitigan ko ang mga mata niya nang sa gayon ay magmumukhang sinsero ang mga sinasabi ko.
"Just trust me, Erica." Sambit ko.
Kaagad naman siyang tumango. Akmang bubuksan niya ang kaniyang bibig nang bigla namang tumunog ang door bell. Parehas kaming napalingon sa gate, at naroon na ang mga kagrupo ko.
Magkakasama sina Sarah, Erwin at Mian. Bumaba na kami upang salubungin ang mga ito, at hindi naman namin inaasahan na si mommy ang sasalubong sa amin, kaya parehas kaming nagulat.
"Oh my--- siya ba?" Natutop ni mommy ang kaniyang bibig habang gulat ding nakatingin kay Erica.
Ngumiti si Erica at nag-bow kay mommy, "Magandang umaga po," bati nito kay mommy.
"Magandang umaga rin hija," nakangiti namang bati ni mommy kay Erica.
"My, si Erica. Siya yung nililigawan ko, Rica si mommy," sambit ko naman.
"Nice meeting you tita," nakangiting bulalas pa ni Erica.
"Nice meeting you too, hija. You're beautiful huh," nakangiti pang bati ni mommy rito.
Natanaw ko na sa sala ang mga ka-grupo ko. Dala ng mga materyales na gagamitin namin.
"Tara na don," sambit ko at nagpatiuna na sa pagtungo sa sala.
Napatingin ako sa gawi ni Mian, nagta-type ito sa kaniyang cellphone, ni hindi man lang ako tiningnan. Baka ka-chat niya boyfriend niya, bakit ba ako nangingialam.
"Start na tayo?" Si Sarah.
Naupo sa tabi ko si Erica habang pinapanood ang paggawa namin ng aming group project.
"Himala tahimik si Mian," puna ni Erica kay Mian.
Napaangat ako ng tingin kay Erica, nakatitig siya kay Mian na nagmo-mold ng clay. Ngumiti naman si Mian.
"Hindi ko naman kasi kasama sina Janine," aniya.
"Hindi lang naman sina Janine ang dahilan ng ingay mo madalas, minsan sina Mico rin diba?" Pilit pa ni Erica.
Bahagya namang natawa si Mian at umiling, "Minsan," iyon lamang ang lumabas sa kaniyang bibig.
"Ikaw, ano nga palang ginagawa mo dito?" Tanong naman ni Sarah kay Erica.
Ngumiti si Erica ng malawak, "Pinapunta ako ni Matt, pinakilala ako sa mom niya."
Nag-angat ng tingin sa akin si Mian at nginitian ako, bago pasimpleng nag-thumbs up sa akin. Masaya pa siya sa ginawa ko, habang ako unti-unting nilalamon ng guilt, dahil alam ko naman yung totoo.
Mabilis na natapos ang paggawa namin, si Erwin ang nagpasiyang mag-uuwi ng project. Pagkatapos naman sa ginagawa ay inaya ko sila sa veranda para doon mamahinga at doon na lang kumain.
"Nag-away pala kayo ni Arthur kahapon?" Biglang tanong naman ni Sarah sa akin.
Kumunot ang noo ko nang maalala ang bagay na iyon. Inaway ko pa yung kaibigan ko, tapos ay susundin ko rin pala yung rason na ibinigay niya.
Nag-angat ng tingin sa akin si Erica at si Mian na busy naman sa kakatipa sa kaniyang cellphone.
"Maliit na bagay lang 'yon, ML lang." Pagdadahilan ko para lang hindi na ako kulitin pa.
"Bakit anong nangyari?" Usisa pa ni Erica.
"Wala, natalo kasi kami sa laro..." nawawalan ng gana kong utas at pasimpleng tiningnan si Mian na busy na ulit sa kaniyang cellphone.
"Pagkatapos dito, saan na ang punta niyo?" Tanong ko sa mga ito.
Hindi man lang nag-angat ng tingin si Mian sa akin, abala pa rin ito sa pagta-type at ngayon ay nakangiti pa. Hindi naman napapansin ni Erica na nakatingin ako kay Mian dahil busy ito sa pagkain ng pan cake.
"Ako uuwi na," sagot ni Erwin.
"Magkikita kami nina Mads, sama ka?" Si Erica na nginitian ko lang.
"Uuwi rin ako," sagot naman ni Sarah.
"Kaka-chat lang sa akin ni Janine, magkikita-kita kami, kasama daw sina Mico." Bulalas naman ni Mian.
Namilog ang mga mata ko at kumunot ng bahagya ang noo ko.
Dinukot ko ang cellphone ko at tiningnan kung ininform ba nila ako tungkol sa bagay na iyon. Si Jade lang ang may chat sa akin.
Jade Andrew Velasquez:
Sasama ka ba sa amin?
Kaagad akong nagtipa ng reply sa kaniya.
Matt David Toledo:
Saan ba ang punta niyo?
Jade Andrew Velasquez:
Tagaytay. Kasama namin si Mian, sasama rin si Arthur.
Bumuntong-hininga ako at pinatay ang cellphone ko. Ang gulo nanaman ng isip ko, sinulyapan ko naman si Erica.
"Teka, nawiwiling sumama sa inyo sina Mico ah? Baka naman isa kina Mico, Jade o Arthur ang may gusto sayo?" Pag-uusisa ni Erica kay Mian.
Umiling si Mian at nilunok muna ang kinakaing pan cake.
"Wala naman siguro," sagot ni Mian.
Kinagat ko ang labi ko.
"Paano kung meron? I mean paano kung isa sa kanila may gusto sa'yo? Papayagan mo bang manligaw siya?" Patuloy pa ni Erica.
Hindi ko alam pero pakiramdam ko ay awkward para sa akin ang bagay na pinag-uusapan nila ngayon. Masyado akong kinakabahan sa mga maaaring isagot ni Mian.
"Feeling ko rin isa kina Mico may gusto sa'yo eh," buga naman ni Sarah.
Napagalaw ako sa inuupuan ko at bahagyang ikinuyom ang aking kamao. Agad namang tumawa si Mian at umiling.
"Kung meron man, hindi ko rin sila mai-entertain, dahil may boyfriend ako. At isa pa, kaibigan ko sila, nakilala ko silang kaibigan, mananatili silang kaibigan sa akin." Nakangiti namang saad ni Mian.
There was something that made me upset. Hindi ko mawari kung ano. At kung ano man iyon, ayoko nang malaman.
"Don't get offended guys huh, lalo kana Rica. Paano kung si Matt ang may gusto sa'yo?" Bigla namang bulalas ni Erwin.
Kaagad na nanlaki ang mga mata ko at sinulyapan si Erwin na nakangiti lang ngayon. Nagtama ang mga mata namin ni Mian, kaagad akong nag-iwas at umiling.
Hinawakan naman ni Erica ang kamay ko kaya napalingon ako sa kaniya. Bahagya kaming nag-ngitian sa isa't isa.
"Kung si Matt ang magkaka-gusto sa akin I am not going to entertain him. Tulad nga ng sabi ko, kung nakilala ko siya bilang kaibigan, gusto ko na manatili kami bilang magkaibigan." Nakangiti pa ring pahayag ni Mian.
Iyon. Alam ko na kung bakit parang may bagay na dismayado ako.
"Huh? Paano yan, lahat ng relasyon nag-uumpisa sa pagiging magkaibigan?" Usisa ni Erwin.
"Oo nga, e di ba para makuha ng isang lalaki ang loob ng isang babae kinakaibigan niya?" Usisa rin ni Sarah.
Huminga ng malalim si Mian, "Kung una pa lang pala may interes kana sa akin na higit pa sa isang kaibigan, dapat na sa una palang sabihin mo na sa akin, kasi maibibigay ko kaagad yung sagot ko sa'yo, hindi yung kakaibiganin mo ako, tapos bigla kang aamin na may gusto ka sa akin kung kailan malalim na yung samahan natin bilang magkaibigan, mahirap nang magbigay ng sagot lalo na kung hanggang pagkakaibigan lang talaga yung kaya kong ibigay sa'yo."
Mahaba ang paliwanag niya ngunit unti-unti ko rin namang naiintindihan.
"Kasi guys, ang hirap manakit ng kaibigan. Kaya dapat una pa lang nagsasabi na kayo, kasi mas madaling magbigay ng sagot kapag hindi ka pa ganoon ka-attach doon sa isang tao, kaysa naman magkaibigan na kayo saka ka lang aamin tapos ako yung mahihirapan kasi nga kaibigan kita, at I want us to stay friends even though I hurt you, mahirap 'yon," paliwanag ni Mian.
Tama na rin siguro na nililigawan ko si Erica. Ngayon alam ko na yung lugar ko, hanggang kaibigan lang talaga ako. Dahil mali ang unang approach ko kay Mian, I approached her for friends. Kahit pa ramdam ko na noon na may interes nga ako sa kaniya, mali pala na yung paraang ginamit ko ay kinaibigan ko siya.