MUNTIK nang makalmot at makagat si Jiron ng tinatawag niyang aswang. Mabuti na lamang at maagap niyang itinulos sa kaliwang dibdib nito ang dalawang matulis na bolo. Bumaon iyon at sinabayan niya ng malakas na pagtulak. Tumilapon ang halimaw hanggang sa mawalan ng buhay. Pinagtulungan naman ng tatlo niyang kasama ang dalawang natira sa mga halimaw. Nagtagumpay sila sa pakikipaglaban sa mga iyon. "Wala pa tayo sa kalahati. Hindi pa lumalim ang gabi. Dapat lalo pa tayong maghanda," seryosong wika ni Tonyo. Nauna itong naglakad. Sumusunod naman sila. Panay ang lingon niya sa likuran. Minsan ay paatras na siyang maglakad upang makatiyak na walang may nakabuntot sa kanila. "Ano na naman kaya ang susunod na aatake sa atin? Mabuti na lang wala akong sakit sa puso, nanggugulat kasi," aniya.

