Chapter 9

1817 Words
Napansin niya na papalapit si Marko sa kanya. Tapos na yata ang meeting nito dahil umalis na ang kausap nitong lalaki na nakasuot ng amerikana. “Ngumiti ka naman riyan.” Walang kangiti-ngiting tiningnan lang niya si Marko nang makalapit na ito sa kanya. “Walang dahilan para ngumiti ako,” sambit niya. “Ako?” sabi nito ngunit hindi sa tonong nagtatanong kundi isa iyong pahayag. “Hindi ba ako puwedeng maging dahilan para ngumiti ka?” may nakakalokong ngiti sa mga labi na saad nito. Napaismid siya at bahagyang tumikwas paitaas ang kanang labi niya pagkarinig sa sinabi nito. “May magandang rason ba para ikaw ang maging dahilan?” mataray na sagot niya rito dahil napantastikuhan siya sa tanong nito. “Well, nasa sa’yo ‘yan kung gugustuhin mo,” kibit-balikat na sagot nito na sinabayan pa ng upo sa harapan niya. LIHIM NA NAPANGITI si Marko nang makita niya ang pag-irap ni Clarise. Ngunit nahihiwagaan lang siya kung bakit parang ilag na ilag ito sa kanya sa tuwing lumalapit siya. Pero hindi na lang niya iyon pinagtuunan nang pansin. Basta gusto niya makipaglapit dito. “Puwede palang itigil mo na ang pagbibigay palagi ng pagkain sa akin?” Gumuhit ang gitla sa noo niya. “Why? Ayaw mo ba ‘yong pagkain? Ano’ng gusto mong ibigay ko sa’yo para sa susunod alam ko?” sunod-sunod na tanong niya. Hindi niya pinansin ang gusto nitong iparating sa kanya bagkus ay ipinangalandakan pa niya na gusto pa rin niyang bigyan ito ng pagkain araw-araw. “Ang sabi ko itigil mo na,” mariing ulit nito sa naunang sinabi kanina. Talagang ipinagdiinan pa nito ang salitang ‘itigil’ para ipaintindi sa kanya. Ngunit napatawa lang siya nang pagak. “Paano kung ayaw ko?” hamon niya rito habang nakatingin sa mukha nito dahil gusto niya makita kung ano ang magiging reaction nito sa sinabi niya. “Bahala ka,” tila sumusukong sambit nito. “Pero hindi ko tatanggapin.” Nakita niya sa ekspresyon sa mukha nito ang kaseryosohan nang sambitin iyon. Kaya medyo nakaramdam siya ng alinlangan. Huminga siya nang malalim saka bumuga nang malakas. “Okay. Pero hindi natin ‘yan masasabi. Sige, bye,” pagpapaalam niya na kinindatan pa ito bago tumayo at nilisan ang pinagtatrabahuan nito. Hindi na niya ito hinintay pang makapag-react sa sinabi at gestures niya dahil natitiyak niyang magtataray lang na naman ito sa kanya. Magtatagal pa sana siya roon kaya lang ay kailangan na niyang bumalik sa opisina niya dahil may susunod pa siyang meeting na gaganapin mismo sa opisina niya. NAPAILING NA LANG si Clarise pagkaalis ni Marko. “May kakulitan din pala ang taong ‘yon,” bulong niya sa sarili habang nakasunod ang paningin niya rito. Muli niyang ibinalik ang atensyon sa trabaho at iwinaksi si Marko sa isipan niya. Hanggang matapos ang shift niya ay hindi na sumagi pa sa isip niya si Marko na labis niyang ipinagpasalamat. Nakatulong pa ang pagkaabala niya sa trabaho dahil nagdagsaan na naman ang mga customers nila. Maaga siyang nakarating sa bahay nila nang umuwi siya dahil mabilis siyang nakasakay ng jeep at hindi ganoon katrapik sa daan. “’Nak, maiwan ko na kayo. Bukas na lang ulit,” anang Aling Susan nang matapos na silang kumain at makapaghugas ng pinagkainan nila. “Salamat po, ‘Nay,” pasalamat niya rito. Paano na lang kaya ang buhay niya kung wala si Aling Susan? Hindi niya ma-imagine kung saan siya pupulutin kasama ang anak niya. Muling pag-alala sa pinagsamahan nila ng matanda. Napahikab siya. Nakakaramdam na siya nang antok kaya humiga na rin siya dahil sa sobrang napagod sa trabaho kanina. Napapikit siya ng mga mata at napausal ng dasal na sana ay patuloy silang gabayan ng panginoon. Kung noon ay wala siyang pananampalataya sa Diyos, ngayon ay nagbago na iyon dahil unti-unti niyang napagtanto na hindi naman pala siya pinapabayaan ng poong maykapal kahit pa sabay na binawi nito ang mga magulang niya sa kanya. Hindi niya lang agad nakita ang mga iyon dahil nabulag siya ng sama ng loob at galit sa mga taong minsanang tumalikod sa kanya. Pero lahat ng iyon ay nagbago mula ng dumating sa buhay niya ang kanyang anak, at nakilala niya ang mga taong totoong nagmamalasakit sa kanya. Hanggang sa nakatulugan na niya ang mga alaalang iyon nang may luha sa mga mata. Kinabukasan ay maaga siyang gumising dahil dadalaw sila ng anak niya sa kanyang mga magulang sa sementeryo ngunit nadismaya siya nang biglang umulan. Hindi niya puwedeng isama ang anak niya dahil baka magkasakit ito, kahit pa mapatila niya ang ulan. “Clarise?” si Aling Susan. Nag-aalala siguro ito dahil sa hindi inaasahang pag-ulan. Nasabi na kasi niya rito kagabi na dadalaw sila ng anak niya sa puntod ng mga magulang niya. “Tutuloy pa ba kayo niyan? Ang lakas ng ulan,” may pag-aalalang wika nito. “Oo nga po, eh. Baka po iwan ko na lang si Kian kapag tumigil na ang ulan, ‘Nay. Baka po kasi magkasakit na naman siya,” turan niya na puno ng pag-aalala. “Maige pa nga, ‘Nak. Kahit ikaw na lang ang pumunta, ang importante ay madalaw mo ang mommy at daddy mo,” sang-ayon ni Aling Susan. “Okay lang po ba? Pasensya na po kayo, ‘Nay, ah? ‘Di bale po saglit lang naman po ako, uuwe din po ako agad. Magtitirik lang po ako ng kandila at mag-aalay ng dasal, uuwe na rin po ako agad,” mahabang wika niya na kababakasan ng pag-aalala sa tinig. “Kuh, ang batang ito talaga. Walang problema sa akin. Hanggang ngayon hindi mo pa rin naaalis ‘yang hiya-hiya mo,” turan ni Aling Susan na hinawakan pa ang kamay niya nang mahigpit. Ngumiti siya rito. “Salamat po talaga, ‘Nay.” “Kumain na ba kayo?” kapagkuwan ay tanong nito. “Opo, ‘Nay. Kayo po ba?” balik-tanong niya rito. “Oo, ‘Nak. Tapos na ako,” sagot nito. “O, siya habang hinihintay natin na tumigil ang ulan ay maupo muna tayo.” “Sige po. Sana lang po ay tumigil na. Sobrang lakas pa rin ng ulan,” puna niya habang nakatingin sa labas at pinagmasdan ang buhos ng malakas na ulan. “Titila rin ‘yan mayamaya,” sambit nito na pilit na pinapalubag ang loob niya. Nang mayamaya lang ay dahan-dahan nang tumigil ang ulan. Tiningnan niya ang anak na mahimbing na natutulog sa kama nila. “’Nay, tutuloy na po ako. Tulog naman na si Kian. Naihele sa ulan,” pahayag niya habang pinagmamasdan ang mahimbing na natutulog na anak. “Aalis na po ako para makabalik po ako agad.” “Sige, ‘Nak. Ako na ang bahala kay Kian,” sagot ni Aling Susan. Agad na rin siyang naghanda para umalis. “Sige po.” Ngumiti at kumaway lang si Aling Susan nang palabas na siya ng bahay. Pagdating niya sa puntod ng kanyang mga magulang ay nagtirik siya agad ng kandila. Wala siyang nabiling bulaklak dahil kapos siya sa budget. Kaya kandila lang ang nabili niya, iyong mumurahin pa. “Mommy, Daddy, pasensiya na po kayo at ito lang ang nadala ko. Wala po kasi akong pera, nagtitipid po ako para sa amin ng apo n’yo,” pagkausap niya sa puntod ng kanyang mga magulang. “Hindi ko po naisama ang apo n’yo dahil umulan, baka po magkasakit siya,” pumiyok siya sa huling sinabi niya dahil nagsisimula na siyang maging emosyonal. “Mommy, Daddy, alam n’yo po, natuto na po ako sa buhay ngayon. Kung nakikita niyo lang po ako, tiyak na magiging proud kayo sa akin dahil iyon po ang gusto n’yo na gawin ko no’ng nabubuhay pa kayo—ang tumayo sa sariling mga paa. Miss na miss ko na po kayo, Mommy, Daddy,” patuloy na pagkausap niya sa mga magulang habang patuloy ang pag-agos ng mga luha niya sa kanyang pisngi. Pero…m-minsan sobrang nahihirapan na rin po ako sa buhay ko, lalo na po kapag nagkakasakit si Kian. Gustuhin ko man pong sumuko o magreklamo ay hindi ko maaaring gawin dahil kailangan kong maging matatag at malakas para sa apo n’yo,” garalgal ang tinig na pagbabahagi niya nang nararanasan niya sa buhay. “Nahihiya na rin ako humingi ng tulong kay Aling Susan tuwing may problema ako dahil kalabisan na ako sa kanya.” Napatigil siya saglit sa pagsasalita para pakalmahin sandali ang emosyon na bumabalatay sa sistema niya. “A-alam n’yo po? Kung wala si Aling Susan, baka namatay na kami sa gutom ng apo n’yo. S-Sana po gabayan n’yo po kami lagi na magampanan ko po nang mabuti ang pagiging isang mabuting ina sa apo n’yo.” Tumigil ulit siya sa pagsasalita dahil nahihirapan na talaga ang loob niyang ituloy ang pagkukuwento sa bigat na nararamdaman niya. Halo-halong emosyon kasi ang lumukob sa puso niya nang mga sandaling iyon. Gusto niyang manisi pero aminado naman siya na darating din talaga ang panahon sa buhay niya na kakailanganin niyang mamuhay mag-isa kaya imbes na manisi siya kung bakit naghihirap siya ngayon ay nag-isip na lang siya ng positibo na may awa ang Diyos sa kanya at makakayanan niya ang hirap ng buhay na kinakaharap. Napatingala siya nang may maramdaman siyang patak ng ulan sa balat niya. Ibinuka niya ang dalang payong at mabilis na nagpaalam sa puntod ng kanyang mga magulang. Balong ng mga luha ang mga mata ay nilisan niya ang sementeryong nakahimlayan ng kanyang mga magulang. Malungkot ang itsurang binagtas niya ang daan patungo sa sakayan ng jeep. Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya dahil may napagsabihan na siya nang saloobin niya na kinikimkim niya sa kanyang loob. Naalala niya noong nabubuhay pa ang mommy niya, palagi siyang nagkukuwento rito ng mga nangyayari sa buhay niya, lalo na sa mga naging crush niya sa school. Kaya nang mamatay ang mommy niya ay nahirapan talaga siyang buksan ang sarili niya sa iba, lalo na at mga bagong kakilala pa lamang. Nagkukuwento man siya pero hindi lahat. “Miss, sasakay ka ba? Aalis na ‘to,” tawag sa kanya ng isang nagtatawag ng mga pasahero. “Opo. Sasakay ako,” sagot niya. Binilisan niya ang paglalakad para makasakay siya agad, nakita niya kasi na marami ang nagdadatingang mga pasahero kaya kailangan niyang makipag-unahan. Habang binabagtas niya ang daan pauwe ay nag-iisip siya kung ano ang puwede niyang bilhin na pasalubong kina Aling Susan at sa anak niya. Ngunit, bigla siyang nalungkot nang makita niya ang laman ng pitaka niya, limang daan na lang pala ang pera niya. Eksakto lang na alawans niya hanggang makasahod siya sa katapusan ng buwan. Kaya sa bandang huli ay napagpasyahan na lang niyang huwag nang bumili at magluto na lang siya sa bahay, may mga stock pa naman siya roon na puwedeng iluto. Naiiyak na ibinalik niya ang pitaka sa bag niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD