“WHAT BRINGS YOU HERE?” tanong ni Blake. Nilingon ni Marko ang papalapit na pinsan sa kanyang kinaroroonan. Nabungaran kasi siya nitong nakaupo sa isang sulok habang hinihintay ang order na pagkain sa pagmamay-ari nitong restaurant.
“I have a take-out,” kaswal na sagot niya. Ngunit hindi nakaligtas sa mga mata niya ang pagngisi ni Blake na ikinakunot ng noo niya.
“What was that for?” may bahid ng inis na tanong niya rito. Hindi na siya nakatiis na usisain ito dahil hindi mawala-wala sa mga labi nito ang pagngisi at may kasama pang kakaibang tingin sa kanya.
“Bakit ba lagi kang nagte-take-out dito ng pagkain? Noong nakaraan inutusan mo pa ang tao ko na i-deliver ang order mo sa kung saan,” parang nanantyang wika nito habang matamang nakatingin sa kanya.
“It’s nothing. May pinagbigyan lang akong kakilala,” walang anuman na sagot niya.
“Babae?” hirit nito na may nagbabadya na namang nakakalokong ngiti sa mga labi nito. Tinapik niya ito sa balikat.
“Oo, babae,” matapat na sagot niya. “Pero hindi ko nililigawan kung iyan ang tumatakbo sa isipan mo,” agad ding pagtatama niya sa maaring maling iniisip nito.
“Woah, really? That’s imposible. Ikaw pa ba?” wika nito na halatang hindi kumbinsido sa sinabi niya. “Ang pagkakaalam ko kasi sumunod ka na rin sa yapak ni Brix, eh, at kung hindi ako nagkakamali that was five years ago. Right?”
“Silly! Mali ka. Anyway, aalis na ako, at nandito na ang order ko,” sabi niya at walang lingon-likod na iniwan ito habang nakasunod nang tingin sa kanya habang palabas siya sa restaurant nito.
Napatingin siya ng oras sa pambisig niyang relo, alas onse y medya na pala ng tanghali. Tamang-tama, tatambay muna siya roon saglit saka aalis. Gusto niya lang masilayan si Clarise kahit sandali.
Papasok na siya sa coffee shop kung saan nagtatrabaho si Clarise nang salubungin siya ni Mela— ang kapatid ng mapapangasawa ng pinsan niyang si Clint.
“Kuya Marko, si Ate ba ang hanap mo?” bungad na tanong sa kanya ni Mela.
“H-Ha? H-hindi. May ka-meeting ako rito,” nauutal na pagsisinungaling niya dahil hindi niya inaasahan na sasalubong ito agad sa kanya.
“Ah, gano’n ba, Kuya? Sige, dito ka umupo para comfortable kayo ng ka-meeting mo.” Iginiya siya nito sa isang magandang puwesto. Napangiwi siya nang lihim dahil sa hindi inaasahang pangyayari.
Namroblema tuloy siya kung ano ang gagawin. Baka mamaya makahalata ito na iba ang pakay niya sa pagtatambay niya sa coffee shop ng mga ito.
“Salamat, Mela.” Nginitian lang siya nito at agad ding nagpaalam na aasikasuhin lang ang ibang mga customer. Kinuha niya ang cell phone niya at tinawagan ang secretary niya. Naisipan niyang doon na lang papuntahin ang ka-meeting niya ng alas dos para naman hindi nakakahiya kay Mela at baka isipin nito na isa siyang sinungaling. Kaya ipina-send niya ang lahat ng kakailanganin niya sa meeting sa email niya. Bumalik naman siya sa kanyang sasakyan upang kunin ang loptop niya at ma-review kaunti ang agenda para sa meeting niya Para pagdating ng ka-meeting niya mamaya ay handa na ang lahat.
Pero habang naghihintay ay nilapitan niya si Clarise na abala sa pagkakaha. Ngunit hindi pa siya nakakalapit ay napansin na siya nito agad at hindi nakaligtas sa mga mata niya ang pagsimangot nito.
“Hello! Good day!” nakangiting bati niya rito. Ipinagsawalang bahala na lang niya ang pagsimangot nito kanina pagkakita sa kanya.
“It’s not a good day for me,” mataray na bati nito sa kanya.
Noong pa mang una niya itong makita ulit sa mall ay ramdam niyang umiiwas ito sa kanya. Laging masungit. Hindi man nito direktang sinasabi sa kanya pero ramdam niya iyon sa bawat kilos nito. Pero ganoon pa man ay wala siyang pakialam basta gusto niya itong makita araw-araw hangga’t kaya niya.
“Then, I will make your day a good day!” Lalong umirap ito sa kanya na ikinatawa niya ng bahagya.
“Tse! Bakit nandito ka na naman?”
“I have a meeting here later,” sagot niya.
NAPANGIWI SI Clarise pagkarinig sa sagot nito. Medyo napahiya siya sa sarili dahil sa tanong niya kay Marko. Natural, coffee shop ang pinagtatrabahuan niya kaya malamang wala siyang karapatan magtanong ng ganoon kay Marko. Isa pa rin itong customer na anumang oras ay pupuwedeng pumunta roon. Huli na nang ma-realized niya ang sinabi niya ngunit pinanindigan na lang niya at hindi ipinahalata na napahiya siya.
“For you.” Buhat sa kung saan ay may iniabot itong paper bag. Napatitig siya sa nakasulat sa unahan ng paper bag. Pagkain na naman ang laman niyon dahil iyon ang pangalan ng restaurant na lagi nitong ibinibigay sa kanya.
“Bakit mo ba ako laging binibigyan ng ganyan?” tanong niya. Gusto niya malaman ang dahilan dahil halos araw-araw nitong ginagawa iyon.
“Wala. Gusto ko lang, wala naman masama, ‘di ba?” Napaismid siya. Hindi niya alam kung ano ang isasagot sa tinuran nito. Alangan naman pigain niya itong magsabi ng magandang rason para malinawan siya?
“Take this. For your lunch,” saad ulit nito na iniamba na sa harapan niya ang paper bag.
“Ah—” Hindi pa niya nasasabi ang gustong sabihin dito nang biglang tumunog ang cell phone nito.
“I just take this call. Excuse me,” agad na paalam nito na naiwang nakanganga ang bunganga niya dahil napatigil sa ere ang pagbuka ng bibig niya. Napakagat-labi na lamang siya habang sinusundan ito nang tingin.
Nang makita niya itong bumalik sa kinauupuan nito kanina ay saka palang niya tiningnan ang paper bag na nasa harapan niya. Bantulot niyang kinuha iyon at itinabi sa ilalim ng counter. Wala na siyang nagawa pa para tanggihan ang ibinigay nito.
“Hanep talaga si Mr. Pogi, walang palya magbigay ng lunch mo,” sabi ni Kristy na ipinagdiinan pa ang salitang ‘lunch’.
“Gusto mo?” alok niya rito.
“Hindi na. Tapos na ako mag-lunch break,” sagot nito. Gumuhit ang gitla sa noo niya dahil blanko ang expression ng mukha nito habang nagsasalita. “Mag-lunch ka na kasi malapit na mag-ala una.”
“Ha?” Buhat sa sinabi nito ay literal na nagulat siya kaya napatingin siya sa relo niya. “Oo nga. Hindi ko na namalayan ang oras.”
“Nakatutok ka kasi masyado sa trabaho, kung hindi ka pa nilapitan ni Mr. Pogi, hindi ka titigil sa trabaho,” wika ni Kristy.
“Ang dami kasi natin customer kaya hindi ko na namalayan ang oras, saka ayoko ma-short kaya nakatutok ako,” sagot niya. Ngunit nahihiwagaan siya ngayon kay Kristy dahil hindi siya kinulit nito ngayon, at mukhang wala ito sa mood.
“Ako na riyan, kumain ka na muna,” ulit na wika nito. Tiningnan niya ito.
“Okay ka lang?” tanong niya rito na may bahid ng pag-alala ang tinig.
“Oo. Okay lang ako. Sige na kumain ka na,” pagtataboy nito sa kanya. Naninibago tuloy siya kay Kristy. Ang seryoso kasi ng mukha nito.
“Sige, iiwan ko sa’yo ang isa. Iuwe mo na lang,” saad niya na ang tinutukoy ay ang bigay na pagkain ni Marko.
Ewan ba niya. Ayaw niya na nagbibigay ito ng pagkain sa kanya pero nanghihinayang naman siya na itapon iyon, lalo na at alam niya ang pakiramdam ng walang makain. Kaya sino ba naman siya para magsayang ng grasya?
“Salamat. Iwan mo na lang sa locker ko,” walang kagana-gana nitong sagot.
Hindi na siya sumagot pa bagkus ay tumuloy na lang siya sa kusina para kumain. Ngunit bigla na naman niyang naisip ang anak niya, pero hindi na niya puwede iuwe iyon dahil tiyak magtataka na nang husto si Aling Susan at magtatanong ito kung bakit may dala na naman siyang pagkain na mamahalin na katulad ng iniuwe niya noong nakaraan.
“Kain tayo, Ma’am Mela,” yaya niya sa amo nila nang makita niya itong pumasok sa kusina.
“Sige lang, tapos na ako. Salamat sa paanyaya,” tugon nito na sinamahan pa ng matamis na ngiti.
“Ah, Ma’am, puwede po pala ako mag-day off bukas?” bigla niyang naalala ang lakad niya para bukas.
“Ha? Sige, alam na ba ni Kristy?” tanong nito.
“Oo. Sinabi ko na kanina,” tugon niya. Ngunit napansin niya ang pangungunot ng noo nito.
“Death anniversary kasi ng mga magulang ko, dadalawin ko lang sana sila sa sementeryo,” agap na sagot niya dahil alam niyang may katanungan ito sa isip ngunit nag-aalangan lang na isatinig iyon sa kanya.
“Ah, kaya pala. Ngayon ka lang kasi humingi ng day off. Akala ko wala na sa bokabolaryo mo ang magpahinga,” namamanghang wika ni Mela.
Matipid siyang napangiti. “Namimis ko kasi ang mommy at daddy ko saka matagal ko na ring hindi sila nadadalaw.”
“Sige. Take your day off tomorrow,” anito na hinagod pa ang likod niya bilang pagsimpatya sa kanya.
“Salamat.”
“No problem,” anito saka siya iniwan sa kusina. Ipinagpatuloy naman niya ang kanyang pagkain dahil malapit na matapos ang break time niya kaya binilisan niya ang bawat pagsubo at pagnguya para matapos siya agad.
Pagbalik niya sa puwesto niya ay pasimple niyang tiningnan ang upuan na inuokupa ni Marko. Ang seryoso ng mukha nito habang nakikipag-usap sa kaharap nitong lalaki. Ibang-iba ito kapag lumalapit at nangungulit sa kanya.
“Nakakatakot siguro siyang boss, ‘noh?” Nagulantang siya nang biglang nagsalita si Kristy sa gilid niya.
“Maayos ka na ba?” Imbes na sagutin niya ang tanong nito ay sinagot niya rin ito ng isang tanong din. Napansin niya kasi na maaliwalas na ang mukha nito, hindi kagaya kanina na halatang wala ito sa mood.
“Oo. Okay na ako. Salamat sa pag-aalala,” saad nito na may nakapagkit na ngiti sa mga labi.
“Mabuti naman kung gano’n.”
“Ang lakas ng pakiramdam mo, ah. Alam mo na wala ako sa mood kanina,” nakataas ang kilay na pag-usisa nito.
“Hindi mo kasi ako kinulit, eh, kaya nanibago ako sa’yo,” sagot niya nang hindi tumitingin dito dahil inaayos niya ang thermal paper sa POS nila.
“Pasensiya ka na. Pangit lang ang gising ko kaya nasira ang araw ko,” anitong sumeryoso ang mukha habang nagsasalita. “Pero iniiba mo ang usapan, eh, kanina pa kita pinagmamasdan habang nakatingin ka kay Mr. Pogi.”
Napaismid siya rito at nakaramdam din ng bahagyang pagkapahiya dahil nakita pala nito ang pagtitig niya kay Marko kanina.
“Tinitingnan ko lang naman, wala naman masama, ‘di ba?” pabalang na sagot niya rito para pagtakpan ang pagkapahiya niya.
“Oo naman. Wala naman talagang masama na titigan mo siya, freewill mo ‘yon. Pero ang tanong, crush mo rin siya, ‘noh?”
“Tse! Hindi. Saka hindi puwede ‘yang sinasabi mo!” mahina ang tinig na asik niya rito para itama ang maling akala nito.
“Bakit naman hindi puwede?” puno ng kyuryusidad na usisa nito.
“Basta,” pinal na sagot niya. Ayaw niyang paliwigin pa ang usapang iyon dahil kapag sinabi niya na kilala na talaga niya si Marko noon pa ay baka mas lalo pa siyang ibuyo nito sa lalaki. At iyon ang iniiwasan niya dahil ayaw niyang mapalapit kay Marko.
“Bumalik ka na sa trabaho mo, may customers na tayo,” taboy niya rito na itinuro pa ang entrance ng coffee shop para ipakita rito ang isang grupo ng mga kababaihan na pumasok.
“Ay, oo nga. Sige, baka magalit na naman si Ma’am Mela sa akin kapag nakita akong nandito na naman sa tabi mo,” wika nito at mabilis na nilapitan ang mga bagong dating na customers.
Napailing na lang siya pagkaalala nang minsang mapagalitan ito ng isa nilang amo. Kinukulit kasi siya nito at pinipilit nitong alamin kung nasaan ang ama ng anak niya na ayaw niyang sagutin dahil ayaw niyang ungkatin ang tungkol sa bagay na iyon sa buhay niya.