Inilagay niya muna sa ilalim ng lamesa ang ibinigay ni Marko dahil mamaya pa siya puwedeng mag-break.
Nang mayamaya ay lumapit sa kanya si Mela. “Ako na muna ang hahalili sa’yo, Clarise, kumain ka na muna.”
“Sigurado ka, Ma’am?” nahihiyang paninigurong tanong niya sa amo niya na si Mela.
“Oo. Baka lumamig ang binigay sa’yo ni Mr. Herrera, eh, hindi na masarap,” sabi nito na kababakasan sa mukha nito ang pangangantyaw dahil nakangisi ito habang nakatingin sa kanya. Napasimangot tuloy siya. Ito ang iniiwasan niya. Ang may magbuyo sa kanila ni Marko dahil hindi iyon nararapat. Mali iyon para sa kanya.
“Sige, Ma’am. Kayo po ba kumain na kayo?” Pag-iwas niya sa ipinapahiwatig nitong kaugnayan nila ni Marko.
“Oo, kanina pa,” sagot nito.
“Sige, kakain na muna ako,” paalam niya rito. Tumango naman ito sa kanya bilang sagot pero muli na naman itong ngumisi nang patalikod na siya rito.
Pumanhik na siya sa loob para kumain. Tulad nang dati ay nadatnan niya ulit si Kristy na kasalukuyang kumakain. At tulad din ng inaasahan niya ay natuwa at namilog pa ang mga mata nito nang mapadako ang paningin nito sa hawak niyang paper bag.
“Wow! Nagbigay ulit si Mr. Pogi?” tanong nito.
“Gusto mo ba?” alok niya rito dahil alam naman niyang naghihintay lamang ito na alukin niya.
“Oo sana. Pero patikim na lang kasi medyo busog na ako, eh. Nahuli naman kasi ang pagbibigay ni Mr. Pogi ng masarap na pagkain kung kailan marami na akong nakain at patapos na ang break time ko,” may paghihinayang na pahayag nito.
Napangisi siya sa sinabi nito. Iniabot niya rito ang pagkain at hinayaan na ito ang maglabas nang lahat ng nilalaman ng paper bag. Samantala, inilabas naman niya ang sarili niyang baon.
“Tamang-tama pala ang ibinigay ni Mr. Pogi na pagkain sa’yo. Tingnan mo nga, oh, tuyo at kamatis na naman ang ulam mo,” puna nito sa laman ng baunan niya ng mabuksan at ilapag niya sa mesa. “Oh, ulam mo. Pero puwede bang pahingi ng baon mong tuyo?”
Napangisi siya. “Namimis mo, ‘noh?”
Napabuntong-hininga muna ito bago sumagot. “Oo. Paano? Ang mga kasama ko sa bahay ay kinaiinisan ang ganyang ulam, mabaho raw kasi ang amoy at nangangamoy, malansa raw ang buong kabahayan sa tuwing nagluluto ako niyan. Akala mo naman mga mayayaman,” mahabang wika nito at puno nang panggigil na reklamo nito ukol sa mga kasamahang borders sa tinutuluyan nitong paupahan.
“May mga ganoon talagang tao. Ako rin naman noong una. Hindi ko alam paano kainin ito. Pero hindi naglaon ay nagustuhan ko rin, kasi nga wala na akong choice—” bigla siyang napatigil sa pagsasalita nang mapagtanto niyang napapasobra na siya sa pagkukuwento ng buhay niya.
“Bakit mo naman nasabing wala kang choice?” tanong nito na kakikitaan ng kyuryusidad ang mukha nito. Natahimik siya saglit. Nag-iisip ng puwedeng idugtong sa naunang nasabi niya.
“Wala. Tapos ka na ba? Bumalik ka na roon at over break ka na,” pag-iiba niya na lang ng usapan dahil hindi niya mapiga ang utak na mag-isip ng pupuwedeng idahilan. Itinaboy na niya itong paalis sa kusina.
“Daya talaga nito. Ang hirap mong sabayan. Minsan maayos kang kausap pero kadalasan ay may sapi,” reklamo nito na sinabayan nang tayo. “Siyanga pala, tirhan mo naman ako riyan. Masarap, eh.’
Sinulyapan niya ang itinuro nito. “Sa’yo na ‘yan.”
“Talaga? Salamat,” masayang sagot nito. Para hindi na umalma pa ay ibinigay na lang niya iyon para mailihis din niya ang usapan sa ibang bagay. Sa ilang buwan nilang magkatrabaho ay nagamay na niya ang likaw ng bituka ni Kristy. Isang bagay lang talaga ang ayaw niya kaya hindi niya magawang buksan ang kuwento ng buhay niya rito—ang pagiging madaldal nito.
Tiningnan niya ang isang laman ng box. Naisipan niyang huwag nang galawin at iuwe na lang niya para sa anak. Nang mayamaya ay biglang tumulo ang luha niya pagkaalala sa kanyang 02anak, ni hindi man lang niya maibigay ang nararapat na buhay para dito.
“Kakainis!” sita niya sa sarili at padaskol na pinahid niya ang luhang naglandas sa pisngi niya. Nawalan na siya nang ganang kumain dahil sa nangyari. Isinilid na lang niya ulit ang ulam niya sa lagayan at inilagay lahat sa paper bag. Iuuwe na lang niya ang mga iyon. Sayang naman kung itatapon niya. Tutal, hindi naman iyon madaling mapanis.
Bago lumabas ay nag-retouch muna siya sandali dahil kumalat ang eyeliner niya sa paligid ng kanyang mga mata dahil sa pagluha niya kanina. Kinapalan niya rin kaunti ang paglagay ng eyeliner para matakpan ang bahagyang pamumula ng mga mata niya. Baka mamaya pansinin na naman iyon ni Kristy.
“Tapos na ako, Ma’am, ako na po riyan,” sabi niya nang makabalik siya sa counter at lapitan ang amo niyang si Mela.
“O, bakit ang bilis mo yatang kumain?” nagtataka nitong puna sa kanya. Halos trenta minutos lang kasi ang ginugol niya sa break time niya na dapat ay isang oras.
“Nabusog na kasi ako agad,” anya na iniiwas ang mukha rito para hindi makita ang mga mata niyang namumula.
“Ganoon ba? O, siya sige, ikaw na rito, at babalik na ako sa opisina,” saad nito na sinabayan ng tayo mula sa upuan na nasa harapan ng kaha.
Hanggang matapos ang shift niya ay hindi na siya umimik pa kahit panay na naman ang pangungulit sa kanya ni Kristy. Pero hindi na talaga niya ito pinansin pa. Nalunod na kasi siya nang tuluyan sa pagkaalala sa kanyang anak.
Ano kaya ang kalagayan nila ngayon kung naipaalam niya sa ama ng anak niya ang pagdadalantao niya noon? Siguro nakakaranas na nang magandang buhay ngayon ang anak niya.
Pero sa kabilang banda ay binigyan niya ng katwiran ang naisip na iyon na para sa kanya ay ginawa niya lang ang tama kaysa makasira siya ng buhay nang may buhay. Iyan ang lagi niyang depensa tuwing naaalala ang nakaraan.
“Clarise, ito na ‘yong para sa inaanak ko.” Nilingon niya ang nagsalita sa likuran niya na si Mela.
“Ay, oo nga pala. Muntik ko nang makalimutan,” saad niya rito at kinuha ang iniabot nitong regalo para sa anak niya.
“Ang lalim kasi nang iniisip mo. Kanina pa kaya kita pinagmamasdan. May problema ka ba?” may pag-aalalang tanong nito.
“Wala. Naalala ko lang ang anak ko,” tipid na sagot niya. Inayos na niya ang sarili at mga gamit niya. “Uuwe na ako.”
“Kapag may problema ka, alam mong nandito lang kami para tulungan ka, okay?” ani Mela na hinaplos pa ang balikat niya bilang simpatya sa pinagdadaanan niya.
Pilit siyang ngumiti saka nagsalita. “Nakakahiya na sa inyo. Ang dami n’yo nang naitulong sa akin.”
“Hay, naku, ikaw talaga. ‘Wag mo nang alalahanin iyon, basta tanggalin mo ‘yang hiya-hiya,” sambit ulit nito. “Iyan ang gusto kong gawin mo, understood?”
“Salamat.” Gusto niyang mapaiyak dahil sa biyayang natatanggap niya. Napakasuwerte niya talaga sa mga naging kaibigan niya dahil lahat sila ay tunay at totoong tao.
“O, siya, umuwi ka na dahil baka naghihintay na sa iyo ang anak mo. At saka baka abutin ka pa ng gabi bago makarating sa bahay n’yo,” anito na bakas ang pag-aalala sa tinig.
“Oo. Salamat ulit,” anya saka nagpaalam nang umalis. Sinulyapan niya ang mga dala-dala niyang paper bag saka napangiti. Tiyak matutuwa ang anak niya sa mga pasalubong niya, lalo na ang bigay ni Mela.
Malapit na siya sa bahay nila ng marinig niya ang tawa ng anak niya. Dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan saka sumilip. Nakita niyang nakikipagkulitan pala ito kay Aling Susan na game na game naman ang matanda sa pakikipaglaro.
“Nandito na ako,” masayang anunsyo niya na ikinagulat ng anak niya at ni Aling Susan.
“Mama!” patakbong lumapit sa kanya ang anak niya at nangunyapit sa leeg niya.
“O, t-teka, anak, ilalapag ko muna ang mga bitbit ko,” awat niya sa anak dahil muntik na silang matumba nang dambahin siya nito ng yakap.
“Ano po ‘yan, Mama?” tanong ng anak niya nang mapansin nito ang mga dala niya.
“Halika rito, anak, para sa’yo ‘to. Regalo ng Ninang Mela mo,” masayang pagbabalita niya saka isa-isang inilabas ang laman ng dala niyang paper bag. Kitang-kita niya sa mukha nito ang kasiyahan at pananabik sa mga mata ng anak niya nang lumapit ito sa tabi niya.
“Wow! Ang ganda naman po ito, Mama. Pakisabi po kay Ninang, salamat,” sambit nito, saka umupo sa isang tabi at nilaro na agad ang laruan na bigay ni Mela. Ang mga damit na bigay nito ay itinabi na lang muna niya.
“Kumain ka na ba, anak?” noon palang nagsalita si Aling Susan na masayang nakamasid lang sa kanila ng anak niya habang ipinapakita niya ang pasalubong sa bata.
“Hindi pa po. Kayo po ba?”
“Hindi pa, ‘Nak. Hintayin ka raw namin sabi ni Kian,” saad nito.
“Tamang-tama po pala kasi may dala po akong ulam. Iinitin ko lang po saglit tapos kumain na po tayo,” sabi niya rito. “Pero magbibihis po muna ako saglit.”
“Magbihis ka na at ako na lang ang mag-iinit,” agap ni Aling Susan at kinuha ang bitbit niyang paper bag na naglalaman ng pagkain.
“Mukhang mamahalin ito, ah?” Napatigil siya sa pagsusuot ng damit nang marinig ang pahayag ni Aling Susan.
“A-ah, a-ano po, bigay po ng kakilala,” pagsisinungaling niya. Hindi niya kasi alam kung paano niya sasabihin na isang lalaki ang nagbigay noon sa kanya. At saka ayaw niya rin mapag-usapan ang tungkol sa bagay na iyon.
“Hmmm…Mukhang masarap,” halatang takam na takam na sambit ni Aling Susan habang inihahanda ang lamesa. Bahagya siyang nakaramdam nang habag sa kalagayan nila sa buhay. Kung dati ay walang pakundangan siyang gumasta ng pera basta makain niya lang ang gusto niya, ngayon ay hindi na niya kaya bumili sa ganoong mamahaling restaurant. Sa halaga ng isang putahe ay marami nang mabibili para sa mga tulad nilang hindi ganoon kaalwan ang buhay na minsan ay nalilipasan pa ng gutom.
Kung hindi lang dahil kay Aling Susan na palaging nakaalalay sa kanila ng anak niya ay malamang may mga pagkakataon na namimilipit na sa sakit ang tiyan niya dahil sa kawalan ng makain.
“Opo, masarap po talaga ‘yan, ‘Nay. Maupo na po kayo at ako na ang maghahain,” sabi niya sa matanda at siya na ang gumawa sa ginagawa nito. Tinawag niya rin ang anak niya na abala sa paglalaro.
Hindi na niya tinikman pa ang ulam na bigay ni Marko dahil nakakain naman na siya kanina. Hinayaan niyang ang anak at si Aling Susan na lang ang lumantak niyon.
“Bakit hindi ka kumukuha nito?” puna nito.
“Nakakain na po ako niyan kanina. Para sa inyo po talaga ‘yan,” nakangiti niyang saad dito.
Natutuwa siyang pagmasdan ang anak niya dahil maganang-magana itong kumain. Nagustuhan nito ang pagkain. Kung sana lang kaya kong makabili ng ganyang klaseng pagkain, piping bulong niya sa sarili.
“Asikasuhin mo na si Kian, anak, ako na ang bahala sa pinagkainan natin. Tignan mo mukhang inaantok na,” anang Aling Susan na inginuso ang anak niyang nakaupo sa higaan nila, nakatungo na ang ulo nito at papikit-pikit ang mga mata na halatang iginugupo na sa antok.
“Madami kasing nakain, ‘Nay, kaya siguro inaantok na sa busog. Asikasuhin ko lang po siya,” turan niya. “’Wag n’yo na pong hugasan ‘yan, ako na lang po mamaya. Magpahinga na rin po kayo.”
“Kuh, ang konti lang naman nito kaya ako na. Para makapagpahinga ka na agad,” pagtanggi nito sa sinabi niya at sinimulang hugasan ang mga pinagkainan nilang tatlo.
Hindi na rin niya ipinagpilitan pang iwanan ni Aling Susan ang pinagkainan nila dahil palagi naman itong ganoon. Bagkus ay napangiti na lamang siya. Napakabait talaga nito. Dangan nga lamang at hindi sinuwerte sa anak.
“’Nay, salamat po sa lahat, ah?” Nilapitan niya ito saka niyakap.
“Sus, ‘yan ka na naman. Paulit-ulit ko rin sasabihin sa’yo na walang kaso sa akin ang matulungan ko kayong mag-ina. Kung tutuusin kayo ni Kian ang nagpapasaya sa buhay ko dahil alam mo naman ang nag-iisang anak ko, hindi ko alam kung nasaan na,” mahabang pahayag nito, ngunit kababakasan ng lungkot ang tinig nito pagkaalala sa sarili nitong anak.
“Huwag po kayong mag-alala, ‘Nay, naniniwala po akong darating ang panahon na maalala rin po kayo ng anak n’yo,” pagpapagaan niya sa kalooban nito saka sinabayan ng paghagod sa likod nito.
“Salamat, anak.”
“Magpahinga na po kayo,” wika niya.
“Oo nga. Sige, ‘Nak, aalis na ako,” paalam nito sa kanya. Pagkalabas nito ay humiga na rin siya sa tabi ng anak niya.
Sa isang araw na pala ang death anniversary ng kanyang mga magulang. Kailangan niyang madalaw ang puntod ng mga ito dahil matagal na rin siyang hindi nakakadalaw at balak niyang isama ang kanyang anak.
Nang biglang lumitaw sa balintataw niya ang guwapong mukha ni Marko habang siya’y nakapikit kaya dagli siyang napamulat at napamura.
“Erase! Erase!” naiinis na wika niya dahil sa pagkaalala kay Marko. Kahit ano’ng gawin niya ay naiisip niya pa rin ang lalaking iyon.