Binawi na niya agad ang tingin kay Bianca bago pa man umagos ang luha niya dahil sa awang nararamdaman para sa sarili.
Mabilis ang mga hakbang na tinungo niya ang pinagtatrabahuan.
“Sino ‘yong magandang babae na kausap mo?” usisa agad sa kanya ni Kristy nang makalapit siya.
“An old friend,” sagot niya na nagtuloy-tuloy sa counter para ayusin ang mga gamit niya at ang kailangan niyang linisin.
“Ang ganda niya, ah. Pero mas maganda ka.”
“’Wag mo nga akong bolahin,” asik niya rito.
“Totoo naman, eh. Mayaman-look lang kasi siya kaya mas lamang siya sa’yo ng konti pero ikaw kahit simple ka, maganda ka pa rin. Eh, ‘di mas lalo na kapag gano’n din ang awraan mo,” patuloy na papuri nito sa kanya. Nagdududa tuloy siya sa pagkatao nito kaya pinakatitigan niya ito mula ulo hanggang paa.
“Bakit ganyan ka makatingin sa akin?” medyo nahihintakutang tanong nito sa kanya. Nilaro-laro niya ang mga labi niya saka umupo sa isang upuan na naroon sa pagitan nila.
“Magsabi ka nga sa ‘kin ng totoo?” nanunuri ang tingin na tanong niya rito na mas ipinagtaka naman ni Kristy sa kanya.
“Aling ‘totoo’ ang sasabihin ko sa’yo?” ulit lang nito sa tanong niya.
“Tunay ka ba talagang babae?” seryosong tanong niya na agad naman nitong ikinatawa. Nawiwirduhan kasi siya rito dahil walang araw na hindi nito sinasabi na napakaganda niya.
“Oo naman. Nagagandahan lang talaga ako sa’yo, ‘noh! Kaya nagtataka ako, eh, kung bakit iniwan ka ng tatay ng anak mo,” walang prenong pahayag nito na ikinabigla niya. Kahit kailan talaga ay napakataklesa talaga nito, walang pakialam kung tama ba o ayos lang ang lumalabas sa bibig nito.
“Now you know, kahit magaganda ay iniiwan,” mariin niyang supalpal sa mukha nito.
“’Wag kang mag-alala. Darating din ang inilaan sa’yo ng Diyos. Tingnan mo si Ma’am Mina, ang suwerte niya, ‘di ba?” patuloy na hirit nito. Pero hindi na siya umimik pa. Ayaw niyang magkomento nang kahit na ano. “Malay mo, ‘yong pogi na pinsan ng mapapangasawa ni Ma’am Mina ang para sa’yo.”
Buhat sa sinabi nito ay mabilis siyang napalingon sa gawi ni Kristy.
“Magtrabahao ka na nga. Ang dami mong sinasabi,” may pagkairitang saad niya rito.
“Ang ampalaya talaga nito,” nagugulumihang wika nito. “Parang galit na galit ka sa mga lalaki.”
“Hindi ako galit. Sadyang may priority lang ako sa buhay,” pinal na sa sambit niya saka iniwan ito at pumasok sa stock room para kumuha ng tissue. Mas magandang iwan niya na lang ito para tumigil na ang matabil nitong dila.
Paglabas niya ay wala na ito sa counter na ipinagpasalamat niya. Tumulong na lang muna siya sa pag-aayos ng mga mesa para matapos na agad ang paghahanda nila sa pagbubukas nila sa coffee shop. Kaagapay din nila sa pag-aayos ang isang amo nila na si Mela. Hindi pumasok si Mina dahil abala ito sa preparation ng kasal nito.
Masuwerte sila sa amo nila dahil hindi sila ganoon kaistrikto. Kagaya ngayon na mangilan-ngilan lang ang customer nila ay hinahayaan lang sila na nakaupo basta wala ng gagawin.
“Uy, Clarise, nakikita mo ba ‘yong lalaking papasok dito?” sabi ni Kristy sabay siko sa kanya. Tiningnan niya ito at nangunot ang noo niya nang may inguso ito sa labas. Si Marko ang tinutukoy nito pero hindi niya iyon pinansin. Bagkus ay itinuon niya ang atensyon sa ginagawa.
“Baka ikaw ang dinadalaw?” Nakasimangot niyang tiningnan si Kristy.
“Paano mo nasabi na ako ang sadya niyan dito?”
“Wala, pakiramdam ko lang. Saka tingnan mo, oh, tingin nang tingin dito. Halatang ikaw ang ipinunta niya rito,” patuloy na hirit ni Kristy.
“’Wag kang praning. May ibang pakay ‘yan dito at hindi ako,” pagtatama niya sa maling akala nito. “Saka parang awa mo na tigilan mo na ako. Wala akong panahon sa mga lalaki sa kalagayan ko ngayon.”
“Ang sungit talaga nitong babaeng ‘to,” wika pa rin ni Kristy na nakausli ang nguso habang nakamata sa kanya.
Hindi na siya nagsalita pa sa komento nito patungkol sa kanya. Aminado naman siya na minsan ay nasusungitan talaga niya si Kristy dahil naiirita siya sa pagkataklesa nito. Pero kadalasan din ay alam nito kung kailan titigil lalo na kapag nagsalubong na ang dalawang kilay niya.
Hinarap na rin nito ang trabaho dahil medyo dumadami na ang nagdadagsaang mga customers.
Paminsan-minsan ay napapadako ang mga mata niya sa kinauupuan ni Marko. Ang ipinagtataka niya lang ay kung ano ang ginagawa nito roon. Kung ang amo nila na si Mina ang hanap nito ay imposible naman iyon dahil hindi ito pumasok. Mas lalong hindi naman si Mela dahil wala naman siyang alam na puwedeng maging kaugnayan ng dalawa. At saka isa pa, isang oras na itong naroon na nakaupo lang at hindi pa rin umu-order.
“Clarise, kumusta pala si Kian?” untag ni Mela sa kanya nang lumapit ito sa tabi niya.
“Maayos naman siya,” sagot niya rito. Isa rin itong ninang ng anak niyang si Kian kagaya ng ate nito na si Mina.
“Mabuti naman kung gano’n. May binili akong damit para sa kanya. Tiyak, bagay sa kanya iyon,” saad nito.
“Naku, hindi ka na sana nag-abala pa. Palagi ka na lang bumibili nang para sa anak ko. Masyado nang nakakahiya sa inyo ni Ma’am Mina,” may pag-aalangan sa tinig na wika niya.
“Ano ka ba? ‘Wag mo nang isipin ‘yon. Masaya ako sa ginagawa namin saka malapit sa puso namin si Kian, kayong mag-ina kaya ‘wag ka na mahiya, okay?”
Binigyan niya ito ng tipid na ngiti. “Makakabawi rin ako sa inyo pagdating ng araw. Maraming salamat talaga sa lahat.”
“Don’t mention it. Kunin mo mamaya sa opisina namin bago ka umuwi,” ani pa nito. Tinanguan na lang niya ito bilang sagot sa sinabi nito.
“’Yong pinsan ba ni Kuya Clint ‘yong nakaupo sa dulo?” nakakunot ang noong tanong nito habang nakatingin sa kinaroroonan ni Marko. Napansin na rin pala nito ang pinsan ng mapapangasawa ng ate nito.
“Oo, siya nga,” sagot niya.
“Sino raw ang hanap niya? Wala naman si Ate ngayon, ah? May usapan kaya sila?” sunod-sunod na tanong pa ulit nito.
“Hindi ko alam. Kanina pa naman siya nandito pero hindi naman niya hinahanap si Ma’am Mina,” kibit-balikat na sagot niya. Pati ito ay nagtaka rin sa presensiya ni Marko.
“Lapitan ko lang siya,” paalam nito. Hindi na niya tinugon ito dahil mabilis na itong tumayo at nilapitan si Marko. Pasimple naman siyang sumulyap sa pag-uusap ng dalawa habang abala sa trabaho niya.
Napatingin siya sa orasan niya. Malapit na pala ang lunch break niya. Nang biglang mapadako ang mga mata niya sa kinauupuan ni Marko. Ngunit wala na ito roon. Hindi niya mawari ang umusbong na damdamin sa puso niya, para bang nakaramdam siya ng pagkadismaya dahil hindi na niya nakita si Marko sa kinauupuan nito kanina.
Napahugot na lang siya nang malalim na hininga saka napabuga nang malakas na hangin para iwaksi ang hindi tamang umuusbong sa kaibuturan ng puso niya. Kaya muli niyang ibinalik ang atensyon niya sa trabaho.
“Looking for me?”
Biglang lumakas ang t***k ng puso niya nang may biglang nagsalita sa gilid niya. Kahit hindi niya lingunin kung sino ang nagsalita ay alam na niyang si Marko iyon. Pero ganoon pa man ay hindi pa rin niya ito tiningnan. At ayaw niyang tingnan.
“Asa ka!” asik niya rito na hindi pa rin tumitingin sa direksiyon nito.
“Bakit tumitingin ka sa kinauupuan ko kanina?” tanong nito na may nakakalokong ngiti sa mga labi. “Ibig sabihin lang niyan ay hinahanap mo ako.”
“Of course not! Why would I do that?” matapang at masungit na sambit niya pero sa mahinang tono lamang dahil baka makatawag sila nang pansin sa mga customers. Pero sa totoo lang ay paraan niya iyon para lumayo ito sa kanya dahil ayaw niyang makipag-usap dito lalo na ang makipaglapit dito.
Pero kahit na nagsungit na siya rito ay nakangiti pa rin itong nakatingin sa kanya.
“Kumain ka na ba?” kapagkuwan ay tanong nito na ikinataas ng isang kilay niya.
“Eh, ano naman sa’yo kung sabihin kong hindi pa?” sagot niya rito sabay sulyap sa mukha nito. “Wala ka bang trabaho at nandito ka pa rin?”
“Well, hindi naman ako hahanapin sa opisina namin dahil ako ang boss,” saad nito na hindi niya mawari kung pasarkastiko o nang-uuyam ba ang dating sa kanya ng pagkakabigkas nito ng mga katagang iyon.
Sa kawalan ng masabi ay bahagyang napanguso na lamang siya at napabuntong-hininga.
“Tara kumain tayo?” yaya nito sa kanya. Saglit na napatingin siya rito saka ibinalik ulit ang pansin sa ginagawa.
“Ayoko. May trabaho ako,” matabang na pagtanggi niya sa imbitasyon nito sa kanya.
“Bakit wala ba kayong lunch break?” tanong nito.
“Mamaya pa. Saka kahit lunch break ko ay hindi pa rin puwede,” wika niya.
“Saan ba kayo kumakain dito?” Muli niya itong tiningnan nang may nakabadhang pagtataka sa kanyang mukha at sinadya rin niyang pagsalubungin ang dalawang kilay para iparating dito na namangha siya sa tanong nito.
“Well, I-I’m just curious. Baka kasi puwede tayong kumain kahit sa isang mesa rito. Ipapaalam ko kay Mela,” agad na pagpapaliwanag nito nang makita ang facial expression niya.
Mas lalo pa siyang nagtaka at namimilog ang mga matang nakatingin pa rin dito.
“Hindi puwede. Saka isa pa, nakakahiya,” walang emosyong sambit niya nang ibaling sa kaha ang mga mata niya..
Nang biglang tumunog ang cell phone nito. “Excuse me for a while. Sasagutin ko lang ‘to.”
Sinundan niya lang ito nang tingin habang tinutungo nito ang entrance ng coffee shop. Lumabas ito para kausapin kung sino man ang tumawag sa cell phone nito.
Dahil ilang minuto na ring hindi bumabalik si Marko ay inakala niyang baka umuwi na ito.
“Kristy, mauna ka nang mag-lunch break, susunod ako,” sabi niya kay Kristy nang makitang hindi na ganoon karami ang custumers nila. Saka katatapos rin mag-break time ng isa nilang kasama kaya puwede nang sumunod ang isa sa kanila ni Kristy. Kulang kasi sila ng isang kasamahan dahil hindi pumasok ang isa nilang katrabaho ngayon araw.
“Okay. Umalis na ba si Mr. Pogi?” Awtomatikong napalingon siya rito.
“Malay ko. Hindi ako ang hanapan ng taong nawawala,” asik niya ulit dito dahil naiirita siya sa pagtatanong nito tungkol kay Marko. “Mag-lunch break ka na,” pagtataboy niya.
Nakita niya na umingos ito sa kanya bago siya tinalikuran ngunit ipinagsawalang-bahala na lang niya iyon. Sanay naman na si Kristy sa ugali niya. Mayamaya lang ay kukulitin na naman siya nito sa kung anu-anong bagay lalo na pagdating sa lovelife niya.
“I’m back!”
Bigla siyang napahawak sa dibdib niya dahil nagulat siya sa biglaang nagsalita sa likuran niya. Kumukuha kasi siya ng thermal paper pamalit sa POS na ginagamit nila nang biglang sumulpot si Marko.
“Gusto mo ba talaga akong mamatay dahil sa atake sa puso? Pabigla-bigla ka palagi,” sita niya rito. Hanggang ngayon ay hindi pa rin humuhupa ang lakas ng t***k ng puso niya dahil sa ginawa ng lalaking nasa harapan niya.
“Oh! I’m so sorry. Hindi ko alam na magugulatin ka pala,” paghingi nito ng paumanhin na kababakasan ng pag-aalala at sensiridad sa mukha ng sabihin iyon.
“Bakit ka ba bumalik? Akala ko umuwi ka na?” walang kangiti-ngiting tanong niya rito.
“Because I brought you lunch. Pero gustuhin ko mang sabayan ka sa pagkain ay hindi pupuwede dahil kailangan ko nang bumalik sa opisina,” waring may bahid ng lungkot sa tinig na saad nito.
“Hindi mo naman kailangan mag-abala pa. Saka isa pa, hindi ko naman hiniling na sabayan mo ako sa lunch. Sinabi ko na ‘yan sa’yo kanina, ‘di ba?” may pagkataray pa rin na sambit niya rito.
“Gusto kong kasabay ka, eh,” sabi lang nito na hindi pinansin ang pagtataray niya. “Sa susunod sabay tayo, ha? Sa ngayon kasi, kailangan ko nang umalis.”
Hindi na siya umimik pa sa sinabi nito dahil hindi rin naman niya alam kung ano ang isasagot.
“Kumain kang mabuti, okay?” turan ulit nito saka iniabot ang dalang pagkain. May pag-aatubiling tinanggap niya ang iniaabot nito, gusto niyang tanggihan pero ayaw naman niyang mapahiya ito sa harapan ng mga kasamahan niya lalo na’t nakamasid din sa kanila si Mela.
“S-salamat,” tanging nasabi na lang niya sa kawalan ng maisip na puwedeng idahilan kung paano tanggihan ang alok nitong pagkain.
Matamis na ngiti lang ang isinagot nito sa kanya bago ito tumalikod at lumisan sa harapan niya. Hindi na siya nag-abalang sundan pa ito nang tingin habang papalabas ito ng coffee shop dahil hindi na niya maintindihan ang nararamdaman. Halos mabingi na siya sa walang habas na lakas ng pagdagundong ng puso niya.