Hindi niya mawari kung ano ang intensyon nito kung bakit pinagkaabalahan pa siya nitong padalhan ng pagkain. Pero siya ay desidido siyang iwasan ito. Wala siyang panahon mag-entertain ng mga lalaki, lalo na sa kagaya nito na may asawa na. Wala siyang balak maging isang kabit.
May buhay siyang dapat pagtuunan niya nang pansin lalo na at may anak siyang dapat buhayin. Pagkatapos ng mga pinagdaanan niya sa buhay ay inalis na niya sa bokabularyo niya ang salitang ‘Pag-ibig’.
At sa estado niya sa buhay ay may pag-aalangan na siyang pumasok sa isang relasyon lalo na at isa lang siyang dukha o mas tamang sabihin na dukha na nga ay disgrasyada pa. Hindi man niya gustong makaramdam ng hinanakit pero minsan ay hindi niya maiwasan. Mula kasi nang mamatay ang kanyang mga magulang ay nawala na rin pati ang mga kaibigan niya. Tanging si Roxanne na lang ang natira sa kanya. Mabuti na lang at hindi siya pinabayaan ng Diyos. Binigyan siya ng kagaya ni Mina at ng pamilya nito na mga mabubuting taong handang magmalasakit sa kanya bukod kay Aling Susan na itinuring na siya bilang isang anak.
Bitbit ang paper bag ng pagkain na ipinadala ni Marko ay nagtungo siya sa kusina. Eksakto naman na may kasamahan siya roon na kasalukuyang kumakain ng pananghalian. Ibinigay niya rito ang pagkain na dala niya. Hindi niya pag-aaksayahan iyon na kainin. Hindi sila ganoon ka-close.
“Eh, ‘di ba, bigay sayo ‘to?” may pagtatakang tanong ni Kristy sa kanya. Ang isa sa mga service crew na katrabaho niya.
“Oo. Pero hindi ko gusto. Saka, isa pa, hindi ko naman iyon talaga kilala,” pagdadahilan niya para hindi na ito mang-usisa pa.
“Akala ko kilala mo talaga siya. Kasi pinsan iyon ni Sir Clint.” Natigilan siya sa sinabi nito. Ganito ba talaga kaliit ang mundong ginagalawan namin? Noong una, pinakyaw nito ang lahat ng paninda niya tapos bigla niyang nabangga sa mall tapos ngayon pinsan pa ng mapapangasawa ng isa sa mga amo niya?
“Paano mo nalaman?” kyuryos na tanong niya. Mas maagap talaga ito sa mga tsismis kaysa sa kanya na kaibigan pa niya mismo ang may-ari.
“Noong isang linggo, nagpunta na ‘yon dito. Narinig kong ipinakilala ni Sir Clint na pinsan niya iyon kay Ma’am Mela,” sagot nito. Hindi na siya sumagot pa ulit, pinagtuunan na lang niya ang pagkain at sumubo nang sumubo.
“Sigurado ka, ayaw mo talaga nito? Masarap pa man din,” paniniguro nito sa kanya na animo ay iniinggit siya. Sinulyapan niya ang pagkain, natakam siya sa bango ng isang putahe na nasa isang lagayan.
“Tikman mo ang bigay ni Pogi. Wala naman masama. Saka sobrang sarap,” pangungulit nito na kumuha siya kahit kaunti. Iniusog pa nito ang lagayan sa tapat niya. “Sayang naman. Ngayon na nga lang tayo makakain ng sosyal na ulam, tatanggihan mo pa. Para naman makatikim ng ibang putahe iyang bituka mo at hindi puro nilaga o pritong itlog ang ipinapasok mo.”
Napalabi siya. “Well, you have a point. No harm done kung titikman ko. Nakakainis ka, eh. Nagpapainggit ka kasi,” paninisi niya rito. Kumuha siya nang isang piraso ng karne na medyo may kalakihan kaunti.
“Huwag kang mag-alala. Sekreto lang naman natin ‘to. Pagbumalik ‘yon at tinanong kung nagustuhan mo ang binigay niya tapos nag-deny ka, hindi ako iimik,” anito na siniko pa siya pagkasabi sa suhestiyon nito. Natawa siya.
“Loka,” tanging nasambit niya kay Kristy. “Paano mo naman nasiguro na iyon ang gagawin ko?”
“Ikaw pa ba? Ganoon ka naman talaga, eh. Hindi ko ba alam sa’yo kung bakit allergic ka sa mga lalaki?” nahihiwagaan at nagugulumihang tanong nito sa kanya.
“Inuulit ko ang sagot ko, wala akong panahon para diyan,” pinal na saad niya. Mabilis niyang tinapos ang kanyang pagkain at mabilis na tumayo para ayusin ang pinagkainan niya.
“Tapos ka na?” salubong ang mga kilay na tanong nito habang sinusundan siya nang tingin.
“Oo. Busog na ako.”
“Madami pa itong bigay ni Pogi, oh?” anito na inginuso pa ang mga pagkain na halos puno pa ang dalawang lagayan.
“Sa’yo na. Iuwe mo na lang,” walang pakialam na sa sambit niya rito.
“Bakit ako? Sigurado ka? Hindi ko tatanggihan ‘yan,” ani Kristy na tinapos na rin ang pagkain at iniligpit ang baunan nito saka ang pagkain na bigay ni Marko.
“Oo,” tipid na turan niya. “Mauna na ako sa’yo dahil tapos na ang break time ko.”
“Okay. Salamat dito, ah. Sana araw-araw magbigay si Pogi para lagi masarap ang ulam,” nakangising pahabol na saad nito bago siya lumabas.
“In your dreams!” asik niya na ikinahalakhak nito bago siya tuluyang nakalabas sa kusina.
Agad siyang bumalik sa puwesto niya nang matapos niyang maibalik sa locker room niya ang kanyang bag.
Napatingin siya sa orasan na nasa tapat niya, mag-aalas tres na pala ng hapon. Tatlong oras na lang pala ay uwian na niya. Nasasabik na siyang makita ang anak niya. Pero hindi bale, malapit na matapos ang shift niya.
“Pst!” Nagulat siya nang may biglang sumiko sa kanya. Hindi na siya nag-abalang lingunin kung sino ang gumawa niyon dahil iisa lang naman ang gumagawa noon sa kanya—Si Kristy. “Nabubuwisit ka ba kay Mr. Pogi?”
“Bakit mo naman naitanong ‘yan?” seryoso ang mukhang tanong niya rito. Sa lahat ng katrabaho niya ay ito lamang ang may lakas ng loob na kausapin siya tungkol sa mga bagay na iyon bukod sa dalawang amo nila. Kung sabagay, dalawa lang naman kasi silang babae na staff nina Mina at Mela. Nag-resign na kasi iyong isa at ang pumalit ay lalake.
“Wala lang. Umamin ka nga. Matagal mo na siyang kilala, ‘noh?” Mausisa talaga ang babaeng ito. Naitirik niya ang kanyang mga mata sa ere bago siya humarap kay Kristy.
Imbes na sagutin niya ang tanong nito ay sinagot niya ito ng isang tanong din. “Type mo ba siya?”
“Hmmm…Hindi ko siya type pero crush, oo,” sagot nito na animo kinikiliti sa kilig.
“Puwes, ako, hindi,” anya saka itinuon ang atensyon sa kaha dahil may nagbayad na customer.
“I know, right. Kasi priority mo ang anak mo. Which is tama nga naman. Hay,” napabuntong-hininga ito pagkasabi niyon. “Hindi ko naman kasi alam ang kuwento ng buhay mo kaya hindi kita puwedeng pilitin kung ayaw mo makipagrelasyon. Baka may mapait kang naging karanasan sa buhay kaya naging ganyan na ang disposisyon mo ngayon sa buhay.”
Hindi na lamang siya sumagot pa sa naging pahayag nito para hindi na humaba pa ang pag-uusap nilang iyon.
“O, siya, babalik na ako sa trabaho ko. Baka maabutan pa ako ni Ma’am Mela mapagalitan pa tayong dalawa,” saad nito at iniwan na siya sa counter.
Pabigla-bigla na lang kasing sumusulpot si Mela kapag ganoong oras at palaging napagsasabihan itong si Kristy na bawal ang tsismisan kapag maraming customers.
Pagod na pagod si Clarise pagkatapos ng shift niya. Nananakit ang mga sakong niya sa paa at ang kanyang mga binti. Hindi nila inaasahan na mas marami ang dadagsang customers nang araw na iyon kaya kahit siya napapatulong na rin sa pag-aasikaso sa mga customers nila.
“Uuwe ka na?” Napalingon siya sa nagsalita. Si Mina. Kababalik lang nito sa trabaho dahil katatapos nitong manganak sa panganay nila ni Clint.
“Oo. Tapos na ang shift ko,” sagot niya na halatang nanlalata dahil sa pagod.
“Kumusta naman ang inaanak ko?”
“Okay naman siya. Baka naghihintay na ‘yon sa akin ngayon. Sinabi ko kasi na maaga ako uuwe,” saad niya saka hinila ang silya at umupo saglit.
“Mabuti naman kung gano’n. Kukunin ko siyang bible bearer, ha?” Napasulyap siya kay Mina. Niragasa siya ng matinding kaba sa narinig. Samu’t-saring pag-aalala ang biglang lumukob sa puso niya nang mga sandaling iyon.
“B-bakit?” puno ng kaba at nauutal na tanong niya.
“Anong bakit? Siyempre, inaanak ko siya kaya kukunin ko siyang bible bearer. Si Drake naman ang ring bearer,” nakangiti at masayang sambit ni Mina bagama’t may nabanaag siyang pagtataka sa tinig nito noong una. “Kukunin din sana kitang isa sa mga bridesmaid kaya lang sabi ni Mela, wala raw mag-aalalay sa inaanak ko kung pati ikaw ay kukunin ko pa.”
“Ah, oo. Makulit pa man din ‘yon,” bigla ay naging kalmado na niyang sagot dito. Bakit ba siya nag-aalala? Para kuning bible bearer lang naman ang anak ko, piping depensa niya sa naging reaction niya.
“Iyon na nga, eh. Ako na bahala sa lahat ng susuotin ni Kian, kaya wala ka ng dapat pang alalahanin, pati na ang sa’yo.” Nahihiya siyang tumingin kay Mina.
“Hindi ba nakakahiya?” medyo alanganin na tanong niya rito.
“Kaya nga ako na bahala sa lahat para siguradong makadalo ka. Alam ko kasing hindi ka na naman makakapunta kung sakali, dahil mamomroblema ka sa susuotin mo kahit pa kinuha kong bible bearer ang anak mo. Para wala ka na ring alalahanin pa,” saad ni Mina sabay hawak sa kamay niya.
Ngumiti siya nang tipid. “Salamat.”
“O, siya, umuwi ka na dahil baka mahirapan ka na naman makasakay sa jeep. Abutin ka pa ng siyam-siyam bago makauwi,” ani Mina. Tumayo na siya bitbit ang bag niya saka nagpaalam.
Medyo malayo-layo pa ang lalakarin niya hanggang sa sakayan ng jeep papunta sa lugar kung saan siya nakatira. Hindi na rin siya sumubok pang lumipat ng tirahan para sana mas malapit sa pinagtatrabahuan niya dahil hindi naglaon ay ginawang libre ng dati niyang kasera na si Aling Susan ang upa niya sa maliit na kuwarto na pagmamay-ari nito. Pero kadalasan pa rin ay nagigipit siya lalo na kapag nagkakasakit ang anak niya.
Nakipag-unahan siya sa pagsakay sa jeep na dumaan sa harap niya. Dahil kapag hindi niya binilisan ang kilos ay baka matagalan na naman ang susunod na jeep na may bakante dahil lahat ay punuan.
Naalala niya pa noong una siyang sumakay sa jeep. Hirap na hirap siyang makipagsiksikan dahil hindi siya sanay lalo na sa maingay, mainit at mausok habang nasa biyahe. Hindi kagaya noong buhay pa ang mga magulang niya at hindi pa siya naghirap, may sarili siyang kotse at naka-aircon pa. Ngunit wala na siya sa posisyon para umangal sa hirap ng buhay dahil ito na ang bagong buhay niya na kailangan niyang harapin at yakapin. Dinadaan na lang niya sa iyak ang mga paghihirap na naranasan niya nang mga panahong iyon at magpahanggang ngayon.
“Manong, para ho,” sabi niya ng makitang malapit na siya sa babaan ng jeep. Nang itigil ng driver ang jeep sa tabi ay agad siyang bumaba. Malayo-layo pa ang lalakarin niya. May mga nagpapasada naman ng pedicab pero namamahalan siya sa bayad kaya mas maiging lakarin na lang niya para makatipid at may pandagdag pa sa gastusin nilang mag-ina. Lalo na at lumalaki na rin ang anak niya. Naaawa man siya sa anak ay hindi naman siya puwedeng humingi ng tulong sa ama nito dahil ayaw niyang makagulo.