NAPAKAGAT si Suzie sa ibabang labi. Grabe talaga ang lalaking ito. Napaka-straight forward. Sasabihin kung ano ang gustong sabihin at sasagutin ang isang tanong ng hindi iniisip ang iisipin ng taong nagtanong.
Napapalatak na lang siya saka kumuha ng cupcake. Masarap iyon na para bang galing talaga sa isang café. Pero pinagdududahan pa ba iyon? After all, she’s in SJU, the land of riches.
Habang kumakain ay nag-uusap sila ng kung ano-ano. Kapag nga pinakinggan sila ay para silang magnobyo na nagkukwentuhan ng kahit anong mapagkukwentuhan lang. And she like the feeling of having his name stuck with hers. But then, langit at lupa ang pagitan nila. Bakit pa palaging ganoon ang drama ng mga mayayaman at mahihirap? Langit at lupa?
Nagsalita siya nang nagsalita hanggang sa mapansin niyang hindi na ito nakikinig sa kanya. Napakaseryoso ng mukha nito.
“Luis, is anything wrong?” she asked with a knotted forehead.
“Someone’s watching us from a distance,” he informed her calmly.
“What? Why? When? Where? Who?”
“May kulang,” he said as he looked at her.
“Ha?”
“How.”
“Batukan kita riyan eh. Ano ba, seryoso ako.” Nakangusong sabi niya.
He smiled at her. “Don’t worry about it."
“Bakit tayo tinitingnan?” nag-aalalang tanong niya. Hanggang sa maisip niya ang nangyari kanina sa opisina ng student council-college. “Si Charmien ba?”
“Charmien might be jealous but she will not step lower like this.”
“Parang kilalang-kilala mo siya ah.”
“Yeah.”
Nalungkot siya. May gusto rin kaya ito kay Charmien? Pero ang sabi nito kanina ay wala naman daw. Baka naman hindi pa nito nalalaman ang totoong damdamin para sa dalaga? Nakakapanghinayang. Aminado kasi siyang gusto niya si Luis. Attracted siya rito. Madali lang niyang natanggap iyon dahil nga tao lang siya, nagkakagusto. Abnormal siya kapag hindi siya nagkagusto kahit kanino. Besides, sa guwapo ni Luis, paanong hindi niya ito magustuhan?
“Alis na tayo,” yaya nito.
Napatango na lang siya. magkaagapay silang naglakad. They walked silently. Hindi niya alam kung saan sila susunod na pupunta pero hindi niya magawang magtanong dito. Pero dahil nga sa katahimikan sa pagitan nila ay hindi na siya nakatiis. Siya kasi ang klase ng tao na nabubuhay sa pamamagitan ng walang humpay ng pagsasalita. Napagdiskitahan na lang tuloy niyang itanong kung anong oras na.
“Six pm.”
“What?!”
“Wh-questions again?”
“No!” she exclaimed. Lagot siya ngayon kapag na-late siya. “I have to go. Bye.”
She then ran as fast as she could.
*****
NA-LATE si Suzie sa kanyang trabaho bilang isang receptionist sa isang hotel dahil nakalimutan niya ang oras habang magkasama sila ni Luis. She enjoyed his company resulting to her irresponsibility. Ayaw na ayaw pa naman sana niyang nale-late sa trabaho o sa klase.
She sighed. "Kung bakit naman kasi ang sarap kasama at kakuwentuhan ng lalaking iyon eh. Ayan tuloy, late na nga, may bonus pang sermon."
Napagalitan pa siya ng manager dahil nga panahon iyon na maraming mga guests ang nagche-check in kaya madalian ang trabaho ng lahat. Bawal ang tatanga-tanga. Pero dahil nga unang beses pa lang siyang na-late sa halos isang taong pagtatrabaho niya sa hotel na iyon ay hindi naman siya binigyan ng memo.
Yes, nagtatrabaho na siya kahit fourth year high school palang siya. Bakit? Because she's supposed to be in third year college now. Nahinto siya ng tatlong taon sa pag-aaral dahil mas inuna niya si Gelo. Mula nang mamatay ang ina nila ay siya ng ang nagtaguyod dito. Mahirap makipaglaban sa buhay kapag under age ka pa dahil walang tatanggap sa iyo na kahit anong kompanya. But then, kailangan nilang mabuhay na magkakapatid.
“Ang lalim yata ng iniisip mo?”
Awtomatikong napaangat ang ulo niya. Gumuhit kaagad ang pagkagulat sa kanyang buong mukha nang makita kung sino ang nagsalita. “L-Luis?”
He did not answer her; instead, he just looked at her.
Napalunok siya. Ano na ang gagawin niya? Nalaman na nito ang sekreto niya.
“Can I get a room?”
“H-Ha?”
“I’m asking you if you still have a vacant room. Magche-check-in ako.”
Atubiling tumingin siya sa computer at nang makahanap ng bakanteng kuwarto ay kinuha ang susi sa silid na iyon. Nanginginig pa nga ang mga kamay niya habang iniaabot dito ang susi.
“Room 207 po, Sir.”
“Thank you.”
He walked away after getting the key. Inihatid na lamang niya ng tingin ang papalayong pigura nito.
Hindi niya alam kung papaano ipapaliwanag kay Luis ang pagtatrabaho niya sa isang hotel. Bawal kasi iyon sa scholarship na pinirmahan niya. Alam niyang delikado kapag may nakaalam na nagtatrabaho siya habang scholar siya ng SJU. Pero kapag hindi naman siya nagtrabaho ay wala silang makakain ng kanyang kapatid.
Kinamumuhian na kaya siya ni Luis ngayon? Nagsinungaling siya rito at sa buong SJU. Sinabi pa naman niya kay Charmien noong kinumpronta niya ito na malinis ang hangarin niya sa pagpasok sa naturang eskwelahan. Pero wala naman siyang pakialam kung ano man ang sabihin ng ibang tao sa kanya. Ang ayaw lang niyang mangyari ay ang mawala ang scholarship niya. Gusto niyang mag-aral at makapagtapos kaya gagawin niya ang lahat. At saka iyon na lang ang paraan para maiahon niya si Gelo sa kahirapan.
Anak si Luis ng may-ari ng eskwelahan kaya baka naisumbong na siya nito sa mama nito ng mga oras na iyon? Possible. Pero alam niyang hindi naman ganoong klase ng tao ito.
Sa hinaba-haba ng pag-iisip niya ay nakapagdesisiyon siyang magbitiw na lamang sa trabaho.
Ipinasa niya sa manager niya ang kanyang resignation letter. Nagulat pa nga ito nang mabasa ang laman ng sulat na iniabot niya. Pinagkakatiwalaan na rin kasi siya ng kanyang manager kaya noong una ay ayaw nitong pumayag pero sa huli ay wala na rin itong nagawa pa.
She sighed. “What should I do now?”
Nang dumating na siya sa bahay galing sa trabaho ay kaagad na sinalubong siya ni Gelo.
“Magandang gabi, Ate.” masiglang bati nito.
She sighed. Nakonsensiya siya sa ginawang pagbitiw sa trabaho. Paano na niya bubuhayin ngayon ang kapatid niya?
“May problema ba Ate?”
“Wala naman Gelo. Pagod lang ako.”
Iwinaksi muna niya ang problemang iyon. Kailangang hindi mahalata ng kapatid niya ang problemang dinadala niya.
Nang magpunta siya sa kusina ay may nakahanda ng pagkain.
“Kumusta ang second day of class mo, Gelo?” tanong niya sa masiglang tinig.
“Fun!” nakangiting sagot nito. “How about yours?”
“Alam mo iyong student council president sa coll—”
“Si Luis.”
Tumango siya. “Anak pala siya ng may-ari ng university. At ideya niya ang ibang parte ng eskuwelahan. Siya ang architect. Crush ko na nga siya eh.”
“Si Ate...” tudyo ni Gelo sa kanya. “Sinabi mo ba?”
“Oo.”
Napasapak ito sa noo. “Sinasabi ko na nga ba eh.”
Ikinuwento niya rito kung paano sila naging ‘close’ ni Luis. Pati ang tungkol kay Charmien ay ikinuwento rin niya. Ganito talaga sila dahil ang isa’t-isa na lang ang karamay nila. Kay Gelo na lang siya nagkakaroon ng pagkakataong mailabas ang mga damdamin at pangyayari sa buhay.
“Naku, akala ko masaya,” kumento nito. “Iyon pala may kontrabida.”