Nang makababa sila ay mga nakangiting mukha ng tatlong Lola ang nabungaran nila. Tila maraming mga bitbit na pagkain ang mga ito at hindi magkandaugaga ang dalawang caretakers sa pag-abot ng mga iyon.
"Katara, Hija!" sigaw ni Lola Mila pagkakita sa kaniya.
"Good morning po mga Lolas!" masiglang bati niya sa mga ito.
Nagmamadaling lumapit ang mga ito sa kanila ni Lindt na akala mo hindi nagkita kagabi matapos ang kasal.
Si Lola Mila ang unang nakalapit sa kaniya. "Kit Hija, hindi pa ba nadiligan?" tanong nito sa kaniya habang hawak sa braso.
"Po?" Hindi siya handa sa mga binibitiwan nitong salita. Naramdaman na lang niya ang kamay ni Lindt sa beywang niya at hinapit siya nito palayo sa tatlong matanda.
"Bakit ho ang aga ninyo, Lola?" Sansala ni Lindt kay Dona Mila.
"Ayaw namin gabihin ng pagluwas mamaya apo. Kaya inagahan na namin," nakangiting sagot ng matanda.
"Bakit ho kaya hindi na kayo lumuwas ngayon para maaga kayong makarating ng Maynila?" pasimpleng banat nito sa Lola niya.
Naningkit naman ang mga mata ni Dona Mila at lumipad ang kamay papunta sa tainga ni Lindt at piningot ito. "Tigilan mo ang kasasagot ng ganiyan sa akin, sinasabi ko sa iyo kahit may asawa ka na mapapalo pa rin kita!"
"Oo na po, Lola! Aray!" sigaw nito. Hindi niya alam kung matatawa ba o mapapangiwi dahil sa paraan ng pagpingot nito kay Lindt.
Buong araw ang naging bonding nila sa tatlong mga lolas. Paminsan-minsan ay nagugulat siya sa mga inaasal ng mga ito dahil tila daig pa ng mga ito ang teenager. Walang patid ang panunuod ng mga ito ng mga kdramas at magugulat ka na lang na may mga salita silang alam na Korean at sinasabayan ang sinasabi ng mga nasa palabas.
Masaya niyang pinagmasdan ang Lola Ofelia niya. Kita niya ang ningning sa mga mata nito at kasiyahan sa tuwing kasama sila Lola Mila at Lola Edel. Iba ang sigla na nakikita niya rito kumpara kapag nasa loob ng mansiyon at nagmamando sa mga tauhan nila.
Pangarap niya na makahanap ng malapit na kaibigan. Iyong matatawag mo na best friend at mapagsasabihan ng lahat ng nararamdaman mo. Sa buong buhay niya ay wala siyang natatandaan na naging malapit sa kaniya, dahil kung hindi mga kalaban na gang ng pamilya nila ang nakakasalamuha niya ay mga takot at umiilag naman sa kaniya dahil anak siya ng gangster. Meron man na maging malapit sa kaniya ay agad naman na pinapaiwas ng magulang sa kaniya.
Gusto sana niya maranasan na may dadamay sa kaniya sa tuwing malungkot siya at may problema. May kaasaran at may kakampi sa oras na may mang-aaway sa kaniya. Pero hindi nangyari sa kaniya ang bagay na iyon. Puro mga goons na de baril ang kinalakihan niya.
Dugo. Karahasan. Kalungkutan. Pag-iisa. Iyan ang kabuuan ng buhay na meron siya.
Sa layo ng nilipad ng isip niya ay hindi niya namalayan na tumulo na pala ang luha niya.
Napalingon siya ng maramdaman ang palad ni Lindt sa ibabaw ng kamay niya na nakapatong sa hita niya. Hindi siya napansin ng tatlong matanda dahil abala ang mga ito na nakatutok sa TV.
"Are you okay?" tanong ni Lindt kasabay ng pag-akbay ng isang braso nito sa kaniya. Hindi niya maipaliwanag pero pakiramdam niya ay panatag siya sa bisig nito. Alam niya na siya dapat ang pumoprotekta rito, pero tao lang din naman siya na kailangan ng masasandalan sa oras ng kahinaan.
Ngumiti siya rito at tumango. "Uhm, naiinggit lang ako sa closeness nila. Hindi kasi ako nagkaroon ng malapit na kaibigan. Lahat sila takot sa angkan namin," sumungaw ang pilit na ngiti sa labi niya habang nakatanaw sa tatlong matanda.
Umangat ang isang palad ni Lindt at pinunasan ang luha niya gamit ang daliri. "Well, it's never too late to have one, little peach. Ako ang magiging best friend mo," sambit nito at kinabig siya palapit dito.
Inihilig nito ang ulo niya sa balikat nito at hinalikan sa noo. "I can also be your hero," bulong pa nito habang nakasandal ang pisngi nito sa ulo niya.
Agad naman niyang inangat ang ulo habang nakakunot ang noo. Tinitigan niya ang mukha nito.
"What?" natatawang tanong ni Lindt.
"Hero talaga?"
"Yeah. Hero like Darna and Wonderwoman. 'Yong ganito oh," sagot nito na may paglagay pa ng mga kamay sa magkabilang beywang nito.
Hindi niya napigilan ang humagikgik sa itsura nito. Bigla siyang natigilan at tinitigan ang mukha nito.
Napapansin niya na kayang kaya siyang patawanin ng lalaking ito. Iyong tawa na totoo at hindi pilit. Magaan at panatag ang pakiramdam niya kapag kausap at kayakap ito.
Damn! Posible ba na lumago ang simpleng paghanga niya rito noong mga bata pa sila? No! No! No!
Sumapit na ang dilim ngunit ang tatlong matanda ay punong-puno pa rin ng enerhiya. Ang dami rin niyang narinig na kuwento mula sa kabataan ni Lindt na talaga namang nakapagpaaliw sa kaniya. Maging ang Lola Ofelia niya ay may mga bagay rin na ibinuking tungkol sa kaniya.
"Katara Hija," Napakurap siya ng marinig ang boses ni Dona Mila. Naramdaman din niya ang pagpisil ni Lindt sa palad niya.
Doon niya lang napagtanto na nakatayo na ang tatlong matanda mula sa sofa at pawang nakatingin sa kanilang dalawa ni Lindt.
"Yes po, Lola Mila?" tugon niya.
"Ang sabi ko apo ay pupunta lang kaming tatlo sa kusina at magtitimpla ng tsaa. May naorderan kami online ng masarap na tsaa. Maiwan muna namin kayong dalawa rito," may kislap sa mga mata ng tatlong matanda na hindi niya mawari. Pero alam niyang masaya ang mga ito.
Agad siyang tumayo mula sa sofa." Naku Lola, ipapakisuyo ko na lang po kay Manang Lena ang pagtimpla ng tsaa," pagpigil niya sa mga ito.
"Hija, nakaalis na sila Lena at ang ibang tauhan kanina pa. Tsaka kaya naman namin, hindi ba Edel at Ofelia?" wika ni Lola Mila na nilingon pa ang dalawang kaibigan na tumatango-tango.
Kumunot ang noo niya sa pagtataka. "Ho? Saan po sila nagpunta Lola?" nilingon niya si Lindt na tila naguguluhan din sa winika ng abuela nito.
"Binigyan muna namin sila ng bakasyon, gantimpala nila sa pagiging tapat na mga trabahante," wika nito na kumukumpas-kumpas pa sa hangin ang mga kamay.
Naguguluhan man ay tumango na lang siya. Besides, tauhan ang mga ito ng Del Fuego at wala siya sa posisyon para mag-ungkat pa ng dahilan.
"Ganoon po ba. Ako na lang ho ang magtitimpla ng tsaa ninyo, Lola. Maupo na lang ho kayo," pagprisinta niya ngunit matigas ang pag-iling ng tatlong matanda.
"Kaya na namin Hija. May flavors ang tsaa na nabili namin, ano ba ang gusto mong tsaa, Kit?" tanong ni Lola Edel.
Ngumiti siya at umiling. "Pasensiya na po Lola, hindi po kasi ako mahilig sa tsaa," tugon niya na may mapagpaumanhin na ngiti.
Ang tatlong matanda naman ay tila naglaho ang mga ngiti sa labi at sabay na pinukol ng tingin ng dalawang matanda si Lola Ofelia na tila nagsasabi ng "Bakit hindi mo sinabi?" look.