Nilingon niya si Lindt sa tabi niya para lang lalong lukubin ng kaba dahil wala ito. Inangat niya ang katawan at sumandal sa headboard at muling ibinalik ang tingin sa veranda.
Nakangisi ang lalaki sa kaniya. Napaawang ang mga labi niya ng makitang may tumutulong dugo sa hawak nitong kutsilyo. Bumaba ang tingin niya sa sahig at nanlaki ang mga mata niya ng makitang nakahandusay sa paanan nito si Lindt.
"Lindt! Oh God!" sigaw niya. Pakiramdam niya ay namanhid ang katawan niya at hindi maigalaw ang katawan. Nakita niya na muling umangat ang hawak nitong kutsilyo at isasaksak kay Lindt.
"No! Lindt!" pakiramdam niya ay hindi na siya makahinga sa sobrang pagsigaw.
"Hey, Kit! Wake up!" yugyog sa balikat niya ang gumising sa diwa niya.
Iminulat niya ang mga mata at ang nag-aalalang mukha ni Lindt ang sumalubong sa kaniya.
"Are you having a bad dream, baby?" masuyo na tanong nito habang hinahaplos ang pisngi niya.
Bumalikwas siya ng bangon at tinitigan ang mukha nito, pinihit-pihit ng kaliwa't kanan. "Are you okay, Lindt?" tanong niya habang sinisipat ang buong katawan nito.
"Yes, I'm perfectly ok---" Hindi nito natapos ang sasabihin ng bigla na lang niya itong niyakap ng mahigpit.
"Thank God!"
"Did you dream about me?" naramdaman niya ang mga braso nito na yumakap din sa kaniya. Tila nakaramdam siya ng kapayapaan sa mga bisig nito.
Nang mapagtanto ang ayos nila ay agad siyang kumalas ng yakap dito. Pakiramdam niya ay nag-init ang pisngi niya sa pagkapahiya.
Bakit naman kasi may pagyakap ka pa? Sermon niya sa sarili.
"Sorry. Medyo hindi kasi maganda ang panaginip ko," pagpapaliwanag niya.
"So, ako nga ang nasa panaginip mo?" may sinusupil na ngiti sa labi nito habang nakatingin sa kaniya.
Umirap siya rito. "Oo, pero pinatay ka sa panaginip ko. Masaya ba iyon?"
Tumawa ito ng mahina sabay kabig sa kaniya pahiga muli sa kama. "That's only a dream, little peach. Alam ko naman na hindi mo hahayaan na mabiyuda ka agad."
Napatili pa siya dahil sa paghapit nito sa beywang niya. "Lindt, ano ba!"
"Inaantok pa ako. Matulog pa tayo," wika nito sabay pikit ng mata.
Naging pagkakataon niya iyon para matitigan ng malapitan ang mukha nito. Totoong napakaguwapo nito, pero mas iba pa rin talaga ang dating nito sa malapitan. Tila mas nakadagdag pa sa kaguwapuhan nito ang magulong buhok nito sanhi ng pagkakabaon ng ulo sa unan.
Ang mga kilay nito ay tila perpektong hinabi na bumagay sa prominente nitong ilong. Ang labi nito na ang hilig magpout na tila naging habit na nito na lalong nakakaakit.
Napakurap siya at mabilis na binawi ang tingin sa mukha nito ng biglang bumukas ang mga mata nito. Direktang nakatitig sa mga mata niya.
Pumalatak ito. "Guwapong-guwapo ka nanaman sa asawa mo ano?"
"Kapal mo!" angil niya rito. Pilit pinagtatakpan ang pagkapahiya sa pagkakahuli nito sa pagtitig niya.
"Don't worry, I'm all yours now. Pwede mo rin ako pagsamantalahan kung gusto mo - - - aray!" napaigik ito sa kurot niya.
"Akala mo hindi ako gaganti ha!" wika nito sabay bangon at walang kahirap-hirap na kinubabawan siya.
"Lindt!" tili niya.
"Anong Lindt?" sumingkit ang mga mata nito at inilapit ang mukha sa kaniya kaya pumaling siya sa kanan dahil kung hindi ay maglalapat ang mga labi nila.
"Ano'ng ano? Eh pangalan mo naman talaga ang Lindt?" balik tanong niya.
"Alam ko, pero wala ka man lang bang endearment?" nakanguso nitong sambit. Akala mo isang batang paslit na nagmamaktol dahil hindi binigyan ng kendi.
Gusto niyang matawa sa inaasal nito. Unti-unti niyang nakikita ang ibang side ng pagkatao nito.
"Bakit? Required ba iyon?" pumaling siya muli para makita ng buo ang mukha nito pero wrong move yata, dahil halos gahibla na lang ang layo nito sa kaniya.
"Yes," bulong nito. Ang mga mata nito ay naglalakbay sa kabuuan ng mukha niya.
Pumiksi siya para sana makawala rito pero ni hindi man lang ito natinag sa pagkakadagan sa kaniya. Ang awkward na kasi ng pakiramdam niya sa posisyon nila. "Uhm, baka gusto mong umalis diyan sa ibabaw ko? Hindi ako makapag-isip!" pairap na sambit niya na ikinangiti nito. Lumabas ang maputi at pantay-pantay na mga ngipin. Ang ngiti nito ay isa sa mga asset nito at walang babae ang hindi mahuhulog.
So nahulog ka na? Usisa ng isip niya.
"Hmmm, really? Let's see baka mas makapag-isip ka kapag ganito," paanas na wika nito sabay baba ng mukha palapit sa kaniya.
Napapikit na lang siya at hinintay ang paglapat ng labi nito. Pero hindi pa nagtagal ay napamulat rin ng makarinig ng malakas na ring ng cellphone.
"F*ck!" dinig niyang mahinang mura nito. Gusto niya matawa sa nakikitang inis na rumehistro sa mukha nito.
Sabay silang napalingon sa bedside table kung saan nanggagaling ang tunog ng nagwawalang cellphone ni Lindt.
"Sa-sagutin mo na, baka importante," halos mautal pa siya sa pagsalita. Tila kasi nanuyo ang lalamunan niya.
"It should better be, dahil kapag hindi humanda sa akin kung sino man siya," mahinang ngitngit nito. Huminga pa ito ng malalim bago umalis mula sa pagkakadagan sa kaniya.
Gumulong ito papunta sa bedside table at marahas na inabot ang cellphone. "Hello, Lola! Ang aga-aga naman ho ng pang-iistorbo ninyo!" dinig niyang bungad na angil ni Lindt.
Napakurap pa siya sa paraan ng pagsinghal nito. Bumangon siya at sumandal sa headboard ng kama habang matamang nakikinig sa sinasabi ni Lindt sa abuela nito. Pasimple niyang kinalabit ng paa ang likod nito para lumingon sa kaniya at kinunutan niya ng noo.
"Ano apo, naka-first base na ba?" nanlaki ang mga mata niya ng maulinigan ang tinuran ni Lola Mila rito.
Ano raw?
"Flower vase Lola, walang first base lalo at may istorbo na gaya ninyo," kita niya ang panghahaba ng nguso nito habang nagsasalita. Habang siya naman ay ramdam ang pag-iinit ng pisngi.
Malakas na tawa sa kabilang linya ang naulinigan niya. "Napakahinang nilalang naman. Parang hindi ka Del Fuego!" nang-aasar ang tono nito.
"Tss! Ewan ko ho sa inyo Lola!"
"Nandito na kami sa labas ng mansiyon. Kasama ko si Edel at Ofelia. Mag-ayos na kayo at bumaba ng makarami kayo. Dali!"
Nagkatinginan silang dalawa ni Lindt. Bumuga muna ito ng hangin bago muling sumagot sa Lola nito. "Oo na po!"
Bumangon na ito sa kama at inilahad ang kamay sa kaniya para makatayo.
"Let's go, little peach. Estimahin na natin ang mga istorbong powerpuff girls," wika nito na ikinatawa niya ng malakas.
"Siraulo ka! Mga Lola natin iyon!"