Matapos palakasin ni LA ang kanayang loob ay bumalik na ito sa kanyang pagtatrabaho. Magiliw n'yang kinakausap ang mga bumibili, patient counseling at kung minsan ay nakikipaghuntahan pa kahit bakas sa kanyang mga mata ang lungkot na dinadala. Mas doble ang sipag sa pagtatrabaho at ayaw nitong mawawalan ng ginagawa.
Nilapitan ni Kiara ang kanyang ma'am Eliz. "Ma'am, lalo po akong nagaalala kay LA," puna ni Kiara. "Baka po abusuhin n'ya masyado ang katawan n'ya sa pagtatrabaho, magkakasakit s'ya sa ginagawa n'ya. Hindi rin po s'ya kumakian mula kanina," sumbong nito kay Eliz.
"Ako rin nababahala na ako sa mga kilos ni LA, hindi ako sanay na ganyan s'ya katahimik. Kanina inaaya ko s'yang kumain, kaso busog pa daw s'ya. Hindi ko naman mapilit," nag-aalalang sabi ni Eliz. "Nakwento na ba n'ya sa 'yo kung bakit s'ya nagkakaganyan? Kinakausap ko si LA kanina pero ramdam kong nahihiya s'ya sa aking magsabi," tanong ni Eliz.
"Binanggit po n'ya sa akin na raw po sila ni Darren," malungkot na sagot ni Kiara.
Nagulat si Eliz sa binalita ni Kiara. "Ha? Bakit anong nanagyari? Kagabi lang kaya nangyari 'yan?" nag-aalalang sabi ni Eliz. "Alam kong gusto lang ni LA maging professional sa trabaho, at natutuwa ako doon. Pero sabi ko nga sainyo, nanay n'yo rin ako dito sa ospital. Ayaw kong makikita kayong nagkakaganyan," gulat ni Eliz
"Siguro nga po kagabi lang, kasi kahapon okay naman po s'ya 'di ba? Kumain pa nga po kami ng fishball sa labas bago umuwi. Masaya naman po kami kahapon," kwento ni Kiara. "Hindi rin po dinetalye ni LA kung bakit sila nag-break, pero po mukhang wala ng balikang magaganap. 'Yon po kasi 'yung paulit-ulit na sinasabi ni LA mula kanina. Hindi na raw po s'ya babalikan ni Darren. Nakakalungkot po ma'am kasi ang tagal na po nila. Five years na sila pagkatapos maghihiwalay lang din pala," sabi ni Kiara.
Sinulyapan ni Eliz si LA. "Hayaan na muna natin s'yang ganyan, mabuti na lang at pinipilit n'yang libangin ang sarili n'ya. Sarili lang din n'ya ang makakatulong sa kanya para maka-recover s'ya sa pinagdaraanan n'ya. Malalagpasan din 'yan ni LA," sabi ni Eliz.
Walang sinasayang na segundo si LA, ikot ito ng ikot at kung ano ano ang binubutingting sa loob ng botika. Ultimo mga istante ay kumikinang sa linis dahil sa kakakuskos nito, walang alikabok sa sahig at malinis na malinis ang buong botika. Ayaw nitong makakakita ng kahit anong bakas ng dumi sa apat na sulok ng botika. Gusto nitong libangin ang kanyang sarili upang hindi maramdaman ang sakit na kanyang iniinda.
Maghapong ganito ang ginagawa ni LA. Kuskos, walis at iikot na naman ito sa botika. Hindi n'ya pinapagalaw si Kiara, pinapaupo lang n'ya ang kaibigan at s'ya na raw ang bahala sa lahat. Kahit ang kanyang ma'am Eliz ay nagtataka sa kanyang mga kinikilos. S'ya ang gumagawa ng lahat ng trabaho kahit hindi n'ya tungkulin ay kanyang inaako 'wag lang s'yang mawalan ng ginagawa.
Kaya naisipan ni Eliz na papuntahin si LA kayna Jel, upang kahit paano ay makaupo ito at makapahinga ng kaunti. May mga i-inventory kasi doon. Paraan na rin ito ni Eliz para mas malibang si LA at may makausap na iba.
"Huwag mong madaliin, para bukas may tatapusin ka pa doon," utos ni Eliz. Alam nitong bukod kayna Kiara at Bea, malaki ang tyansang magkwento ito kay Jel. Upang khit papaano ay mailabas nito ang sakit na kanyang nararamdaman.
Iniaabot ni Eliz ang listahan ng mga reagent kay LA.
"Okay po ma'am, ito lang po ba?" tanong ni LA habang tinitignan ang mga nakalista sa papel.
"Oo, 'yan lang pero paki double check 'yung mga brand ha. May mga for return kasi tayo," paalala ni Eliz "LA," tawag nito na may pag-aalala.
Napatingin si LA dahil sa pagtawag sa kanya ni Eliz. "Po?" tanong ng dalaga.
"Sigurado ka na okay ka lang? Okay ka na ba talaga?" tanong ni Eliz.
"Ye---s po ma'am, sigurado po ako. Okay na po ako," agad na sabi ni LA.
Hindi kumbinsido si Eliz sa naging sagot ni LA, pero wala naman itong magagawa kung hindi maliwala. Mas maige na ito kaysa makita n'ya si LA na tulala sa isang tabi at umiiyak. "Sige, pero 'wag mong agarin," sabi ni Eliz.
"Okay po ma'am, promise" sagot ni LA at pinilit nitong ngumiti upang hindi mabahala ang kanyang ma'am Eliz. Ramdam din ng dalaga ang pag-aalala ni Eliz sa kanyang kinikilos kaya kahit mahirap ay pinilit nitong ngumiti.
Nagtungo na si LA kayna Jel upang gawin ang inutos ng kanyang ma'am Eliz.
"Tao po," mahinhing tawag ni LA mula sa bintana ng laboratory. "Jel? Samuel?" sabi nito.
Kasalukuyang nag-aayos ng mga specimen si Samuel sa gilid. Sinilip nito kung sino ang tumatawag. "Bakit po?" sagot nito.
"Samuel, pwedeng pumasok? Si Lorhain 'to. May i-check lang pong stocks ninyo," sagot ni LA.
"Sige, pumasok ka na LA. Bukas 'yan," sagot ni Samuel.
Pumasok na ang dalaga, tahimik itong dumiretso sa lalagyan ng mga reagents na ginagamit nina Samuel at Jel. Napansin ni Samuel na parang may kakaiba kay LA. Ni batiin s'ya o hanapin si Jel ay hindi nito ginawa. Napansin din nito na malamlam ang mga mata ni LA na parang umiyak. Subalit hindi alam ni Samuel kung may karapatan ba s'yang itanong ito kay LA. Inisip na lang ni Samuel na baka wala sa mood si LA kaya ito tahimik. pinagpatuloy lang nito ang kanyang ginagawa at hinayaan si LA bulatlatin ang kanilang istante ng reagent.
Hindi nagtagal ay pumasok si Jel galing sa labas. May bitbit itong mga gamit.
"Huh! Inet!" daing nito. "Samuel ano may mga nagpa-laboratory ba?" tanong ni Jel pagkapasok nito sa loob ng laboratory. Naiiriita ito sa kanyang pawis dahil sa mainit na panahon.
"Wala naman," sagot ni Samuel.
"Good! Huh, init talaga sa labas," muling daing ni Jel habang nagpupunas ng kanyang pawis. Hindi napansin ni Jel ang prisensya ni LA, tahimik lang kasi itong naglilista ng bawat reagent sa istante na nakalista sa kanyang hawak na papel.
Naririnig ni LA ang daing ni Jel ngunit wala ito sa huwisyo para batiin ang kaibigan. Mas pinagtutuunan n'ya ng pansin ang kanyang ginagawa. Hindi naman binanggit ni Samuel na nasa tabi lang si LA.
Nang natapos na si Samuel sa kanyng ginagawa, lumipat naman ito sa kanyang lamesa, hindi kalayuan sa kinatatayuan ni LA.
"Jel, tatapusin ko muna 'tong mga papel natin. Tambak na kasi, ikaw muna tumao d'yan kapag may magpapa-test," sabi nito kay Jel.
"Sige lang," sagot ni Jel. Habang nagtatanggal ito ng banas.
Wala pa ring kamuwang-muwang si Jel na nasa gilid si LA. Tahimik pa rin ito at parang may sariling mundo.
"Okay, simulan na natin," sabi ni Samuel. Kinuha nito ang kayang cellphone at earphones. Nag-umpisa na rin itong maghanap ng kantang papatuugtugin habang s'ya ay nagsusulat.
Ugali na ni Samuel na magpatugtog habang nagtatrabaho. Music is life kasi para kay Samuel kaya naman nagpasak na ito ng earphones sa kanyang dalawang tenga at nagpatugtog.
Nag-umpisang tumogtog ang unang kanta, sinabayan ito ni Samuel.
Kinanta ni Samuel ang unang stanza ng "Your Song" ng Parokya ni Edgar habang nagsusulat.
Isang kantang tumutukoy sa tadhana. Kung kayo talaga para sa isa't isa, paghiwalayin man kayo ng panahon, gagawa ang tadhana upang magtagpo muli ang dalawang pusong nagmamahalan.
Mahusay kumanta si Samuel, magaling din itong tumogtog ng guitara. Nakakaakit pakinggan ang pagkanta ni Samuel, para s'yang naghaharana kapag nag-umpisa na itong kumanta.
Napahinto si LA sa paglilista ng marinig nito ang tinig ni Samuel, napalumingon pa ito sa direksyon kung saan nanggagaling ang pagkanta.
Kuhang kuha ni Samuel ang tono ng bawat lyrics sa kanta. Ang bawat nota at himig nito ay sadyang napakagandang pakinggan.
Tumatagos ang bawat salita sa puso ni LA, nauunawaan nito ang ibig sabihin ng mga ito at pakiramdam n'ya ay para sa kanya talaga ang kantang iyon.
Bumibigat muli ang kanyang dibdib sa bawat pagbigkas ni Samuel ng mga letra ng kanta. Sumabay pa si Jel sa pagkanta ni Samuel, kaya naman lalong nadama ni LA ang kanta.
Bakit nga ba mas naiintindihan natin ang kahulugan ng isang kanta kung tayo ay may pinagdaraanan? Mas nakikita natin ang halaga ng bawat pagkakatugma-tugma ng mga salita pag tayo ay nagdurusa at mas nararamdaman natin ang emusyong hatid ng himig nito kung tayo ay wasak at walang maramdaman kung hindi hapdi at sakit ng dahil sa kanyang paglisan.
Biglang may humikbi sa kalagitnaan ng pagkanta nina Samuel at Jel. Napahinto si Jel sa pagkanta at bumalikwas sa kanyang kinauupuan. Lumingon ito sa kinaroroonan ni Samuel, doon n'ya kasi nauliligan ang paghikbing kanyang narinig. Nagulat pa ito dahil doon pa lang n'ya napansin ang presensya ni LA, nakatayo ang dalaga at nakatingin lang kay Samuel na patuloy lang sa pagsusulat habang kumakanta.
Walang kamuwang muwang si Samuel sa nangyayari sa kanyang paligid.
Tinignan lang nito ang kanyang kaibigan, akala nito ay pinagmamasdan lang ni LA si Samuel at humahanga sa ganda ng boses nito. Nadadala sa pagkanta ni Samuel kaya ito napatulala.
Pinagpatuloy pa rin ni Samuel sa pagkanta. Umayos ng upo si Jel at napansing lumuluha ang kanyang kaibigan.
Nagugunita ni LA sa kanyang isipan ang mga masasayang araw nila ni Darren. Mga ngiti ng kanyang dating kasintahan, mga pangakong ngayon ay naglahu na at ang pangarap nilang wala ng pag-asang matupad. Parang sinasakal si LA sa sakit na kanyang nararamdaman.
Pigilan man ni LA ang kanyang mga luha ay wala s'yang magawa dahil kusa itong pumapatak sa kanyang mga mata. Parang sirang gripong tuloy-tuloy lang sa pagpatak kahit hindi naman binubuksan. Kasing bigat ng mga salitang binibitawan ni Samuel at sakit na kanyang nararamdaman. Mukha ni Darren ang kanyang nagugunita kay Samuel, mukha ng kanyang dating kasintahang hindi na n'ya maaaring makita kaylanman.
At dahil chorus na ng kanta, bumirit pa lalo si Samuel. Nadadal na rin ito sa emusyon ng kanta.
'Yung dating ikaw lang wala ng iba, ngayon ay ikaw lang ba? Pwedeng iba naman? Ang dating ikaw lang ang nag-iisa, ikaw lang sapat na, ngayon ay kulang ang salitang ikaw para sa ating dalawa.
"Hindi na s'ya babalik, hindi na," umiiyak na sabi ni LA at napasalampak na lang ito sa sahig. Naglikha ito ng malakas na tunog, pati kasi ang hawak nitong clipboard ay tumam sa sahig.
Dahil sa pagsalampak ni LA ay napalingon si Samuel at huminto sa pagkanta, doon n'ya lang napansin ang pag-iyak ng dalaga. Samantalang si Jel naman ay nagkanda takbo papunta kay LA.
"Oy, LA!" sabi nito, sumalampak din ito sa harapan ni LA. "Anong nangyari? Bakit ka umiiyak!" sabi nito sa kaibigan.
Tinignan ni LA si Jel, patuloy ang pagpatak ng luha ni LA. "Wa---wala na, hin---di hindi na s'ya babalik. Iniwan na--- na n'ya ako." Humagolhol na ng tuluyan si LA habang nagsasalita.
Nataranta si Jel. "Ha? Sino? May namatay ba?" tanong nito sa luhaang kaibigan.
"Oo, namatay ang puso ko," umiiyak na sabi ni LA. Kinakain na rin ni LA ang mga salitang kanyang sinasabi dahil sa pag-iyak, kaya naman hindi na naintindihan ni Jel ang kanyang sagot.
Parang batang inapi ang itsura ni LA, samantalang nakatingin lang si Samuel sa dalawa, hindi alam kung anong gagawin kaya naman tinitigan n'ya nalang ang magkaibigan.
"Ano? Hindi ko maintindihan, may sakit sa puso 'yung namatay? Sinong namatay? Tumayo ka d'yan, tayo tayo, tara dito sa gilid." Inakay si Jel si LA sa sulok. Pinaupo n'ya ang kanyang kaibigan sa silya.
Nakita ni Jel na nakatitig lang si Samuel. "Samuel!" sigaw nito sa kasama. "Ito naman tinitigan lang talaga kami? Kumilos ka d'yan!Ikuha mo nga 'to ng tubig, mamaya mag-hyperventilate to kakaiyak," utos ni Jel.
Agad na tumayo si Samuel at kumuha ng tubig sa dispenser sa labas.
Patuloy pa rin sa pag-iyak ng dalaga, iyak na walang humpay. Iyak na walang kahit anong tunog ngunit humihiyaw sa sakit.
"Ano bang nangyayari sa 'yo?" tanong ni Jel. Napansin ni Jel na mugto ang malalaking mata n LA. Ang laki rin ng eyebags nito at parang wala pang tulog. "LA, puyat ka ba? May tulog ka ba?" nag-aalalang tanong ni Jel.
Umiling lang si LA, humihikbi na ito dahil sa matinding pag-iyak, malalim na rin ang paghinga ni LA dahil sa kawalan ng hangin sa paghinga.
"LA naman, anong ginagawa mo sa sarii mo? Dapat hindi ka na pumasok," sermon ni Jel. "Tahan na, tahan na," sabi nito.
Wala paring imik si LA. Kinagat pa nito ang kanyang labi dahil sa walang tigil na paghikbi nito, hindi na rin ito makahinga ng maayos kakaiyak at patuloy na ang pag-ubo. Lalong nagaala si Jel sa kanyang nakikita.
"Samuel!" sigaw ni Jel. Hinihimas na nito ang likuran ni LA upang kumalma ng kaunti. Panay din ang tingin nito sa mga daliri ni LA, tinitignan nito kung nag-violet na ang mga kuko nito. "'Yung tubig!" muli nitong sigaw kay Samuel. "Hihintayin mo pa bang mag-violet ang kuko ni LA!" dagdag nito. Binaling nito muli ang tingin kay LA at minasahe ang braso hanggang kamay. Upang maiwasan ang paninigas ng mga ito. "Tahan na Lorhain, baka mamaya mawalan ka ng malay kakaiyak. Tahan na," sabi naman nito kay LA.
"Ito na, ito na," nagmamadaling sabi ni Samuel dala-dala ang tubig. "Sorry, naubusan na kasi tayo ng cup kaya ako natagalan. Naghanap pa ako," paliwanag ni Samuel.
"Asus! Ayan lang 'yung tumbler ko oh!" Sabay turo ng kanyang tumbler sa lamesa "Dapat kinuha mo na lang 'yung tumbler ko," gigil na sabi ni Jel sabay kuha ng tubig. "Kumuha ka ng pamaypay o kaya karton! Dali!" muling utos ni Jel.
Nataranta na rin kasi si Samuel, pulang pula na si LA sa kakaiyak. Dali-dali na itong naghanap ng karton upang paypayan si LA.
"Oh, uminom ka ng tubig," sabi ni Jel. "Dahan-dahan lang."
Dahan-dahan namang ininum ni LA ang tubig, habang pinapaypayan s'ya ni Samuel. Matapos ay kumakalma na si LA kahit kaunti, ngunit wala pa ring humpay ang pagtulo ng kanyang mga luha.
Ilang sandali pa at hindi na ganoon ka pula si LA, huminto na rin ang kanyang paghikbi at pailan-ilan na lang ang pagpatak ng kanyang luha. Hindi na rin naninigas ang kanyang mga braso.
"Okay ka na?" tanong ni Samuel na patuloy pa rin sa pagpaypay kay LA.
Tumango lang si LA bilang pagtugon.
"Sure? Tubig gusto mo pang tubig?" tanong naman ni Jel, patuloy pa rin nitong minamasahe ang mga braso ng kaibigan.
Umiling lang si LA.
Ayaw pa nitong magsalita, pakiramdam nito ay bubuhos muli ang kanyang luha kapag may salitang lumabas sa kanyang bibig.
"Okay lang 'yan, ikalma mo muna ang sarili mo. Malapit na tayong mag-uwian kaya makakapahinga ka na," sabi ni Jel.
Huminga ng malalim si LA at sumandal sa upuan.
May kumatok sa pinto ng laboratory.
"Jel, may tao," sabi ni Samuel ng marinig ang pagkatok. "Ako na lang muna ang mag-sample," pagako nito ng gawain.
"Salamat," tugon ni Jel.
Nakatitig lang si LA at walang imik, pinaypayan na lamang ni Jel ang kanyang kaibigan. Ngayon lang n'ya nakitang nagkaganito si LA sa mahigit isang taon nilang magkasama. Awang awa ito sa kalagayan ni LA.
"Lorhain, ano okay ka na ba talaga?" tanong muli ni Jel.
Bumuntong hininga si LA. Marahil ay humugot ito ng lakas para makapagsalita. "Hi---hindi," sabi nito. "Kanina pa ako ga---nito, akala ko naiiyak ko na lahat. Hi--ndi pa pala," sabi ni LA habang may mangilan-ngilang pumapatak na luha sa kanyang mga mata.
"Condolence," sabi ni Jel.
"Condolence?" nagtatakang tanong ni LA.
Napakamot sa kanyang batok si Jel. "E, 'di ba namatayan kayo? Kaya ka umiiyak? Nagtataka nga ako kasi pumasok ka pa," paliwanag ni Jel.
Gustuhin man ni LA na matawa ngunit ayaw umanggat ng kanyang mga labi. Parang pagod na pagod na ang mga ito. "Walang namatay," sabi nito.
"Ha! E, bakit ka umiiyak?" gulat na gulat na tanong nito.
"Wala na, wa--- wa---wala na kami," sagot ni LA pinipigilan na nitong tumulo ang kanyang mga luha. Panay na ang punas ni LA sa kanyang mga mata, kahit nakakaramdam na ito ng hapdi sa kanyang mga talukap. Mas iniinda kasi nito ang sakit at hapdi na nararamdaman n'ya sa kanyang puso.
"Ano? Nino! Ni Darren? Talaga ba? Noong nakaraan lang nagkwekwento ka pa na okay na okay kayo 'di ba? Bakit! Anong nangyari!" sunod-sunod na sabi ni Jel na may mataas na boses dahil sa pagkabigla. Pati si Samuel ay napalingon sa naging reaksyon ni Jel.
"O----Oo," sagot ni LA. "Hindi na s'ya baba---balik, iniwan na n'ya ako Jel. Hindi na n'ya ako mahal. Ayaw na n'ya sa akin ni Darren, 'yu---ng li---limang taon namin, wala na," umiiyak na sabi ni LA.
"Ayos lang 'yan, sige iiyak mo lang 'yan," sabi ni Jel. Nahimasmasan na ito sa kanyang pagkabigla.
"Hi--hindi 'to okay, ang sakit sakit. Ang sakit sakit," daing ni LA.
"Oo sige, hindi ka okay, iiyak mo pa hanggang mawalan ka ng luha," ani ni Jel.
Mas umiyak pa si LA.
"Samuel!" tawag ni Jel sa kanyang kasama. "Halika nga rito!Kumanta ka nga ulit! Para mas malabas ni Lorhain ang dinadala n'ya!" utos ni Jel.
"Sige, sandali lang matatapos na ako," sagot ni Samuel.
"Jel naman!" umiiyak na sabi ni LA.