Jassie POV
Nagfo-focus na lang ako sa school at sa trabaho ko sa café. Hangga’t maaari, umiiwas akong magka-encounter kami ni Keano. Kailangan ko na talaga siyang iwasan habang maaga pa, dahil habang tumatagal, mas lalo lang akong nasasaktan.
Alam ko naman ang totoo, hindi siya kailanman magkakagusto sa akin. Hindi ba’t malinaw niyang sinabi? “Never fall in love with me.”
Hindi ako katulad ng ibang babae na hahayaang mahulog sa lalaking walang kahit katiting na nararamdaman para sa kanila. Hindi ako gano’n. O… pilit kong sinasabi sa sarili ko na hindi.
Malapit na akong grumaduate. Kaunting tiis na lang. Kapag nakatapos na ako, mas magiging madali ang lahat. Mas magiging malinaw ang distansya sa pagitan namin.
Ginagawa ko, alas-diyes na ng gabi ako umuuwi para hindi na ako makasabay sa hapunan ng pamilya Ishikawa. Alam ko namang maaga natutulog si Keano—disiplinado siyang tao. May schedule. May routine. At hindi ako kasama roon.
“Jas, ang sipag mo naman. Baka magkasakit ka niyan. Pumasok ka pa sa umaga, tapos nag-o-OT ka pa dito sa café.”
Nag-aalalang sabi ni Sharon habang magkatapat kaming kumakain sa canteen.
“Kailangan ko kasi ng pera. Ang dami nating projects, ‘di ba? At para makapagpadala rin ako kay Mama.”
Nakangiti kong sagot, pero kasinungalingan ang kalahati noon.
Ang totoo? Ayokong magkrus ang landas namin ni Keano.
Lagi rin akong maaga pumapasok sa school para hindi ko siya makasabay sa almusal. Para hindi niya ako maihatid. Para wala kaming pagkakataong mag-usap nang kaming dalawa lang.
Dahil sa bawat segundo na magkasama kami, mas lalo kong nararamdaman ang bagay na pilit kong itinatanggi.
At hindi ko kayang umibig sa lalaking malinaw na sinabi sa aking huwag ko siyang mahalin.
Grabe ang pagod ko pag-uwi ng bahay. Parang bawat hakbang ko mula gate hanggang loob ay may katumbas na sakit sa katawan. Hindi ko na kayang kumain. Wala na rin akong gana. At masama na rin ang pakiramdam ko, mabigat ang ulo ko at parang may lagnat na akong paparating.
Kailangan ko na talagang mahiga.
Alas-onse na ng gabi nang marahan akong pumasok sa kuwarto ni Keano. Tahimik ang buong bahay. Siguradong tulog na ang lahat.
Dahan-dahan kong isinara ang pinto at dumiretso ako sa walk-in closet—ang maliit kong sulok sa mundong hindi naman talaga para sa akin. Doon ako natutulog. Doon ako pansamantala.
Sobrang lamig sa kuwarto. Nakabukas na naman siguro ang aircon niya sa pinakamalamig. Nanginginig ako habang humihiga sa manipis kong higaan. Pinulupot ko ang kumot sa katawan ko pero parang hindi sapat.
“Naku… mukha yata akong magkakasakit,” mahina kong bulong sa sarili.
Pero ayos lang. Pahinga lang ito. Bukas okay na ako. Kailangan kong maging okay.
Ipinikit ko ang mga mata ko kahit umiikot ang paningin ko. Ramdam ko ang bigat ng katawan ko, ang sakit ng lalamunan ko, at ang init na unti-unting sumisirit sa noo ko.
Hindi ko namalayan kung kailan ako tuluyang nakatulog.
Sa gitna ng lamig ng kuwarto… at ng mas malamig na katotohanang mag-isa lang ako sa dilim.
Keano POV
Nagising ako sa mahina pero tuloy-tuloy na ungol.
Napakunot ang noo ko.
Si Jassie na naman siguro—nanaginip.
Isang linggo na yata simula noong mainterview niya ako sa office. Simula noon, parang wala nang pagkakataon na nagkrus ang landas namin. Busy ako sa trabaho. Meetings. Deadlines. Reports.
Pero kahit hindi ko siya gaanong nakikita, napapansin ko pa rin, lagi na siyang gabi umuwi.
Hindi ko lang pinapansin.
O baka… pinipilit ko lang na huwag pansinin.
Hindi ako mapakali sa naririnig kong ungol kaya bumangon ako at sinilip ko siya sa walk-in closet. Nakabalot siya nang mahigpit sa kumot, parang nanginginig.
Lumapit ako.
Tinignan ko ang mukha niya. Kahit sa ilaw ng bedside lamp, kitang-kita ang pamumutla niya. Magulo ang buhok. Nangingitim ang ilalim ng mata.
Ang ganda pa rin.
Hindi ko napigilang haplusin ang pisngi niya.
At doon ako nagulat.
Mainit. Sobrang init.
“Jas… ang init mo,” alalang sabi ko habang dinadampi ang likod ng kamay ko sa noo niya.
Ungol lang ang isinagot niya.
Bigla akong kinabahan.
Hindi na ako nagdalawang-isip. Maingat ko siyang binuhat. Magaang siya—masyadong magaang. Parang hindi kumakain nang maayos.
Dinala ko siya sa kama ko. Kinumutan ko siya ng makapal na kumot at hininaan ang aircon.
Mabilis akong kumuha ng gamot at tubig mula sa drawer.
“Jas, gising. Uminom ka ng gamot.”
Marahan ko siyang niyugyog sa balikat, pero ungol lang ulit ang sagot niya. Halos hindi niya maimulat ang mga mata niya.
Napabuntong-hininga ako.
Wala akong choice.
Binuksan ko ang gamot, inilagay sa bibig ko, saka marahang idinampi ang labi ko sa labi niya—dahan-dahan kong ipinasa ang gamot hanggang sa maramdaman kong nalunok niya.
Sunod kong ginawa ang tubig. Maingat. Konti-konti. Hanggang sa masigurong nakainom siya.
Napahawak ako sa noo niya. Mainit pa rin ang hininga niya. Parang nasusunog ang balat.
Kumuha ako ng bimpo, binasa ko ng malamig na tubig, at marahang pinunasan ang noo at leeg niya.
Hindi ko alam kung bakit ganito ang kaba ko.
Hindi ko dapat maramdaman ito.
“Ate Mila,” sabi ko sa intercom, pilit pinapakalma ang boses ko, “may sakit si Jassie. Gawan mo naman ako ng soup o lugaw. Kahit ano, basta soft meal.”
“Yes, sir,” sagot niya agad.
Bumalik ang tingin ko kay Jassie.
Namimilipit siya sa init, mahina ang paghinga, at walang kalaban-laban.
At sa unang pagkakataon matapos kong sabihing “Never fall in love with me”…
Ako yata ang unang natatakot mawala siya.
Umupo ako sa gilid ng kama at hindi ko inalis ang tingin ko kay Jassie.
Tahimik ang buong kuwarto. Tanging mahinang paghinga niya at ang tunog ng aircon na hininaan ko ang maririnig. Paminsan-minsan ay napapaungol siya, parang may masamang panaginip.
“Bakit mo pinapabayaan ang sarili mo, ha…” mahina kong bulong.
Naalala ko tuloy—lagi siyang late umuwi. Laging pagod. Laging may dahilan. Projects. Overtime. Padala sa mama niya.
Hindi ko na inusisa.
Hindi ko na tinanong.
Siguro dahil mas madali para sa akin ang magpanggap na wala akong pakialam.
Pero ngayong nakahiga siya sa kama ko, nilalagnat at halos walang malay… doon ko naramdaman ang bigat sa dibdib ko.
Bigla siyang gumalaw at napahawak sa damit ko.
“Ke… Keano…” mahina niyang tawag, halos hindi marinig.
Natigilan ako.
Hinawakan ko ang kamay niya. “Nandito lang ako.”
Hindi ko alam kung narinig niya ako, pero bahagyang kumalma ang paghinga niya.
Maya-maya ay may kumatok.
“Sir, yung lugaw po,” sabi ni Ate Mila.
Ako na ang kumuha. Pagbalik ko, maingat kong inalalayan si Jassie para medyo makaupo. Nakapikit pa rin siya, pero bahagya na siyang nagigising.
“Jas… konting kain lang. Kahit ilang subo,” mahinahon kong sabi.
Bahagya siyang umiling.
“Please,” dagdag ko, hindi ko alam kung bakit parang nagmamakaawa ang tono ko.
Dahan-dahan kong isinubo ang lugaw sa kanya. Mabagal. Matiyaga. Hanggang sa makailang kutsara siya.
Pagkatapos, pinahiga ko ulit siya at inayos ang kumot.
Hindi ako bumalik sa pwesto ko.
Nanatili ako sa tabi niya.
Hinawakan ko ang kamay niya habang pinapahiran ang noo niya ng bimpo.
Hindi ko alam kung anong mas mainit, ang lagnat niya o ang pakiramdam sa dibdib ko.
Isang linggo ko siyang halos hindi nakita. Isang linggo kong pinili ang distansya.
Pero ngayong nandito siya, mahina at nangangailangan…
Doon ko na-realize,
Hindi pala ako sanay na wala siya.
At mas lalong hindi ko kayang makita siyang ganito.