Jassie POV
Sobra ang kaba ko nang makarating kami ni Sharon sa office ni Keano.
“Grabe…” napatingala si Sharon. “Ang laki ng building. Nakakalula!”
Tahimik lang akong tumingin sa harapan ng napaka-modernong gusali. Ten years old pa ako nang minsang naisama ako ni Mama rito. Isang beses lang ‘yon. Pero ngayon… mas moderno, mas elegante, mas imposing ang buong Ishikawa building.
Pakiramdam ko, hindi ako bagay dito.
Sa receptionist, kinuha ang IDs namin at pinaakyat kami sa executive floor.
Pagbukas pa lang ng elevator, parang ibang mundo na agad. Tahimik, carpeted ang sahig, at amoy mamahalin ang paligid.
At doon ko nakita ang secretary ni Keano.
Maganda. Makinis. Matangkad. Parang model.
Samantalang ako? Payat. Mukhang estudyante pa rin. Neneng pa sa paningin ng iba. Twenty-one pa lang ako.
Si Keano? Twenty-eight.
Mas lalo akong nakaramdam ng insecurities.
Ngumiti agad ang secretary sa amin. Professional at maayos ang postura.
“Mr. Ishikawa is currently in a meeting. Please wait for just thirty minutes. There’s coffee and cookies at the pantry… Mrs. Ishikawa.”
Parang may sumabog sa dibdib ko.
Nanlamig ang kamay ko.
Mrs. Ishikawa.
“Uy…” bulong ni Sharon sa tabi ko. “Bakit Ishikawa?”
Mabilis akong ngumiti. “Ewan ko… baka nagkamali lang.”
“Pero tinawag kang Mrs. ha?”
“Siguro dahil pareho kami ng apelyido,” mabilis kong palusot. “Alam mo naman, adopted ako ng pamilya Ishikawa.”
Hindi siya kumbinsido pero tumango na lang.
Pero ako?
Hindi ako mapakali.
Sa unang pagkakataon, naramdaman ko ang bigat ng katotohanan.
Dito sa lugar na ‘to, hindi ako basta Jassie lang.
Ako si Mrs. Ishikawa.
At hindi ko alam kung hanggang kailan ko kayang itago ang totoo.
Pagkalipas ng ilang minuto, bumukas ang malaking conference room sa dulo ng hallway.
At lumabas si Keano.
Naka-suit. Naka-seryoso ang mukha. May kasamang mga foreign clients.
Iba ang aura niya.
Hindi siya ‘yung lalaking nang-aasar sa akin gabi-gabi.
Hindi siya ‘yung nagbibiro tungkol sa pag-rape ko raw sa kanya.
Ito si Mr. Ishikawa.
At nang magtama ang mga mata namin…
Bahagya siyang napahinto.
Saglit lang.
Pero sapat na para bumilis ang t***k ng puso ko.
Hindi ko alam kung kinakabahan ako bilang estudyante…
O bilang asawa niya.
Pagkatapos ihatid ng mga staff ang mga foreign clients sa elevator, diretso siyang naglakad papunta sa amin.
Hindi siya ngumiti.
Hindi siya nagbiro.
Hindi siya si Keano.
“Good afternoon,” maayos at malamig niyang bati. “You must be the students for the interview.”
Parang biglang naging estranghero ang asawa ko.
“Yes, sir,” sagot ko, pilit na steady ang boses.
Tinanguan niya si Sharon. “Please come in.”
Sa loob ng opisina niya, mas lalo akong na-intimidate. Malawak ang space, glass walls, city view sa likod niya, at malaking desk na bagay na bagay sa presensya niya.
Umupo siya sa swivel chair, tuwid ang likod, professional ang tindig.
“Start when you’re ready.”
Napatingin ako kay Sharon. Siya ang unang nagtanong.
“Sir, what made you successful at such a young age?”
Hindi siya nagdalawang-isip.
“Discipline,” sagot niya agad. “And responsibility. When you don’t have the luxury to fail, you learn to stand up quickly.”
Tahimik akong nakikinig.
Ibang-iba ang tono niya. Hindi siya nagyayabang. Hindi rin siya nagpapaka-humble. Direkta lang.
Ako naman ang sumunod.
“Did you ever feel pressured being part of a well-known family?”
Saglit siyang napatingin sa akin.
Isang segundo.
Pero agad din siyang bumalik sa pagiging professional.
“Pressure is normal. But I don’t focus on expectations. I focus on results.”
Nakahinga ako nang maluwag.
Wala siyang binanggit tungkol sa personal life niya.
Wala siyang sinabi tungkol sa amin.
Wala kahit anong pahiwatig na mag-asawa kami.
Purely question and answer.
Professional.
Siguro… nahihiya rin siya.
O baka para sa kanya, mas tama lang talagang hindi ihalo ang personal sa trabaho.
“Last question, sir,” sabi ni Sharon. “What advice can you give to students like us?”
Bahagya siyang ngumiti—yung pamilyar na ngiti niya. Pero sandali lang.
“Don’t limit yourself because of your current situation. Sometimes, the only person underestimating you… is you.”
Parang ako ang tinamaan.
Hindi ko alam kung imagination ko lang, pero pakiramdam ko para sa akin ang huling linyang iyon.
Natapos ang interview. Tumayo siya at nakipag-handshake kay Sharon.
Pagdating sa akin, sandali siyang nag-alinlangan.
Pero inabot niya rin ang kamay ko.
“Good luck with your project,” sabi niya, pormal.
“Thank you… sir.”
Sir.
Masakit pala sa tenga.
Paglabas namin ng opisina niya, halos mapabuga ako ng hangin.
“Grabe, Jas!” kilig na kilig si Sharon. “Ang gwapo at ang talino! Kaya pala successful!”
Ngumiti lang ako.
Pero sa loob-loob ko…
Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa dahil hindi niya binanggit na mag-asawa kami,
O masaktan dahil parang wala lang ako sa mundo niya roon.
Sakto palabas na kami ni Sharon nang bigla akong natigilan.
May papasok na babae mula sa elevator.
Matangkad. Makinis. Elegante ang suot. Parang model sa magazine.
Napako ang tingin ko sa kanya, sa ayos niya, sa kumpiyansa niyang maglakad… at oo, pati sa hubog ng katawan niya. At ang laki ng dibdib.
Automatic akong napatingin sa sarili ko.
Sa dibdib ko.
Flat.
“Never mind,” mahina kong bulong sa sarili ko.
Ngumiti siya sa amin—isang mabait at maayos na ngiti. Pero walang bakas ng pagkilala. Parang hindi niya ako kilala.
Ashley.
Dito pala siya nagwo-work.
Parang may kumurot sa dibdib ko.
Alam kaya niya?
Alam kaya niya ang tungkol sa amin ni Keano?
Bigla akong nakaramdam ng hiya. At guilt.
Dahil alam ko kung sino siya.
Girlfriend siya ni Keano noon. Dinala na niya ito sa mansyon dati. Naalala ko pa kung paano siya ipinakilala noon, maayos, elegante, bagay na bagay sa mundo ni Keano.
Hindi tulad ko.
“Jas?” bulong ni Sharon. “Kilala mo?”
Umiling ako agad. “Hindi.”
Pero hindi ko maalis ang tingin ko habang naglalakad si Ashley papunta sa secretary’s desk.
Confident. Natural. Parang sanay sa lugar na ‘to.
Hindi tulad ko na pakiramdam ko… bisita lang.
Mas lalong bumigat ang pakiramdam ko.
Kung alam niya na ako ngayon ang Mrs. Ishikawa…
Ano kaya ang mararamdaman niya?
At mas higit sa lahat,
Ano kaya ang mararamdaman ni Keano kapag nagkita sila.
Alam ko naman ang totoo.
Hindi naman talaga ako ang pinili ni Keano dahil mahal niya ako.
Napilitan kaming magpakasal dahil nahuli kaming magkasama sa iisang kama. Kahit anong paliwanag namin na wala namang nangyari sa amin, hindi na iyon pinaniwalaan. Para sa pangalan ng pamilya at para maiwasan ang iskandalo, mas pinili nilang ipaayos ang lahat sa pamamagitan ng kasal.
Isang kasal na obligasyon.
Isang kasal na walang kasiguraduhan.
Simula noon, malinaw sa amin pareho ang hangganan. Kahit magkasama kami sa kuwarto, wala namang nangyayari sa amin. May pagitan. May distansya.
Kaya sino ba naman ako para mangarap?
“Jassie,” sabi ko sa sarili ko, “huwag kang masyadong umasa.”
Hindi ito love story.
Isang kasunduang ginawa para protektahan ang pangalan nila.
At balang araw, kapag natapos na ang dahilan kung bakit kami nagpakasal…
Baka matapos na rin kami.