GERALDINE:
TAHIMIK akong nagre-review ng ilang subject ko dito sa sulok ng library ng school nang mag-vibrate ang cellphone ko.
Hindi ko sana ito papansinin nang maalala si Donnie. Siya lang naman kasi ang nakakaalam ng number ko. Wala akong matatawag na kabarkada dito sa school. Ang mga kamag-anak naman namin ay hindi ko naman sila nakakausap.
"Hi, it's me, Donnie. This is my number," text nito na ikinangiti kong ini-save ang number nito na muling nagpatuloy sa pagre-review.
Halos dalawang oras din akong tumambay ng library namin bago lumabas at nagtungo sa unang klase ko. Habang naglalakad ako ng hallway, nadaanan ko ang grupo nila Stella na nandidito sa gilid ng hallway. Kinikilig pa si Stella na may kinukwento sa mga alagad nito.
Napataas ako ng kilay nang bumaling ang mga ito sa akin na napataasbaba pa ng tingin sa akin.
"Oh, good that you are here na, Geraldine," maarteng saad ni Stella na humarang pa sa daan ko. "Gusto ko lang ipaalam sa'yong sa'yo na ulit si Mark. Binabalik ko na siya sa'yo." Turan nito.
Si Mark ay schoolmate din namin pero criminologist ito. Nanliligaw ito sa akin pero dahil hanggang kaibigan lang ang kaya kong ibigay, isang araw nabalitaan ko na lang na girlfriend na pala niya si Stella. Si Stella na mortal kong kalaban dito sa school. Ako kasi ang top 1 sa klase habang top 2 naman ito. Kaya kakumpitensya ang tingin nito sa akin kahit hindi ako nakikipag kompitensya sa kanya.
"Iyo na. Isaksak mo sa baga mo, Stella. Alam ko ang worth ko." Aniko na tinalikuran na ito.
"I insist, Geraldine. Baka kasi mangisay ka na sa inggit kapag makita mo kung gaano kagwapo. . . ng bagong boyfriend ko," pahabol nito na ikinaikot ng mga mata ko.
Hindi ko na lamang ito sinagot pa na tumuloy na ng classroom namin. Sumunod din naman ang mga ito na nagpatuloy sa kanilang bulungan. Kinikilig pa ang mga ito na lalake ang pinag-uusapan.
Dakilang playgirl si Stella. Linggo-linggo ay paiba-iba ito ng nobyo dito sa university. Si Mark lang yata ang nagtagal na umabot ng tatlong buwan ang relasyon nila. May itsura din naman ito lalo na't nag-aayos ito. Pero kahit gano'n ay 'di hamak namang mas maganda ako sa kanila. Kahit hindi ako nagmi-make-up katulad nila. May kaya din ang pamilya nila kumpara sa akin na umaasa lang sa bigay ng Papa ko. Sa kanila nga 'yong boarding house na tinuluyan ni Donnie malapit sa bahay.
LUMIPAS ang buong maghapon na naging abala ako. Hindi ko na nga naalalang reply-an si Donnie sa message nito kaninang umaga. Paglabas ko ng university, nakasabay ko ang grupo nila Stella.
"OMG! He's here, girls! How do I look? Dapat ba mag-retouch na muna ako?" kinikilig na bulong ni Stella sa mga kaibigan nitong napapairit na rin.
Napaismid ako sa mga ito na parang mga kiti-kiting nabudburan ng asin kung makairit na naghahampasan.
"Grabe ang gwapo nga! Grabe ka, Stella. Ipakilala mo naman kami," kinikilig na turan ng isang alipores nito.
"Sure. Saglit lang ha?" sagot nito na iniwan saglit dito sa harapan ng gate ang tatlong kaibigan.
Napasunod ako ng tingin dito na napataas ng kilay nang masulyapan ang parating na tumawid ng pedestrian lane. Si Donnie. Hinintay nitong makalapit si Donnie kahit sa akin naman ito nakamata at nakangiti.
Napahagikhik ako na akmang kakausapin niya si Donnie pero para lang itong hangin na dinaanan ni Donnie at dumiretso sa akin. Napatanga naman ito at ang mga alipores na napasunod ng tingin kay Donnie na lumapit sa akin.
"Hi, kanina ka pa?" anito na inakbayan ako.
Napasinghap ang mga kaibigan ni Stella sa gilid ko na namimilog ang mga mata maging ni Stella. Napalapat ako ng labi na yumapos na rin sa baywang nito at pinagtitinginan na siya ng mga kapwa ko estudyante na kinikilig na makita ito.
"Hindi naman. Kalalabas nga lang eh. Tara?" sagot ko.
Kinuha pa nito ang bag at books ko na nananatiling nakaakbay ang isang braso sa akin.
"Magmeryenda na muna tayo. Nagutom ako eh." Saad pa nito na dinaanan na namin sina Stella na nginisian ko.
Bakas ang galit at inggit sa mga mata nito na nakamata sa amin ni Donnie. Natatawa na lamang ako sa isipan na mahinulaan kung sino ang pinag-uusapan nila kaninang umaga ng mga kaibigan nito. Tiyak na si Donnie iyon lalo na't sa kanila ang boarding house na tinuluyan nito. Paniguradong nakita na niya si Donnie kahapon kaya inakalang makukuha na niya ito.
"Why you're not answering my messages?" tanong nito na ikinabalik ng ulirat ko.
Hindi ko napansin na nandito na kami sa tapat ng mga nakahilerang nagtitinda ng street food dito sa school.
"Uhm, wala kasi akong load." Alibi ko na kumuha ng plastic cup at nagsimula ng tumusok ng kikiam, kwek-kwek at pishbol.
Ginaya naman ako nito maging sa sweet and spicy na sauce ko. Lihim akong napangiti na hindi ko ito mabakasan ng kaartehan. Walang pandidiring kumain ito habang dahan-dahan kaming naglalakad dito sa gilid ng kalsada.
"Nakabili ka na ba ng mga gamit mo?" tanong ko habang naglalakad kami.
"Yeah but. . . can you help me?" anito na ikinakunotnoo kong napalingon dito.
"Bakit?"
"Uhm, hindi kasi ako marunong mag-ayos sa mga nabili ko eh." Nakangiwing sagot nito na ikinailing ko.
"Ganyan ba lahat ng rich kid? Hindi marunong sa gawaing bahay?" aniko.
"Marunong naman ako. Pero iba kasi ang mga gamit na napamili ko kumpara sa mga nakasanayan ko," sagot nito na ikinatango-tango ko.
"Sige. Wala naman na akong gagawin mamaya eh. Para hindi ka na rin manggambala," pabirong sagot ko na ikinabusangot nito.
"Ayaw mo bang ginagambala kita?" nagtatampong tanong nito na ikinatawa ko.
"Ano ka ba? Nagbibiro lang naman ako. Ikaw talaga," sagot ko na ikinaaliwalas muli ng gwapong mukha nito.
Kahit simpleng faded blue pantalon at plain gray shirt lang ang suot nito ay hindi maipagkakaila kung gaano ito kagwapo at kalakas ng datingan.
Pagdating namin sa boarding house nito ay saktong naubos na namin ang kinakain. Umakyat kami sa second floor. Napapatingin pa ang mga boarders na nadaraanan namin. Karamihan sa mga boarders dito ay estudyante.
"Kumusta ka dito? Hindi ka naman nila ginugulo?" pabulong kong tanong habang naglalakad ng hallway patungo sa silid nito.
"Hindi naman. Nakakailang lang 'yong nakatingin sila sa'yo habang naglalakad ka," kindat nito na ikinangiti ko.
Pagpasok namin ng silid nito, napaawang ang labi ko na ang dami nitong pinamiling gamit. Halos mapuno na nga ang maliit nitong sala.
"Tuloy ka," anito na inakay ako sa sofa nitong bagong bili.
Ni hindi pa naaalis ang plastic cover nito. "Pasensiya ka na ha? Ikaw kasi ang gusto kong kasamang mag-ayos sa mga gamit. Mukha kasing sanay na sanay ka kung paano mag-ayos ng bahay." Anito na nagtungo sa kusina at may kinuhang del monte pineapple juice.
Kimi akong ngumiti na nagsalin pa ito sa baso na iniabot sa akin.
"Thank you."
Napakindat naman ito na nagsimula na ring magbukas sa mga nakasilid sa cartoon na gamit nito.
"Ang dami mo namang pinamili. Para namang dito ka na titira," aniko habang magkatulong kaming nagbubukas sa mga cartoon.
Natawa naman ito. "Mukhang napasobra nga."
"Tss. Nagsayang ka na naman ng pera."
"Hindi naman. Mura nga ang mga ito eh. Kaya naparami ako ng pinamili." Sagot naman nito.
Kung sabagay, bilyonaryo nga naman siya. Tiyak na puro imported ang mga binibili nilang gamit lalo na sa bahay.
"Uhm, may shirt ka ba d'yan? Madudumihan kasi ang blouse ko," aniko na ikinalingon nito.
Naka-uniform pa kasi ako ng blouse at skirt.
"Oh, just a minute." Saad nito na tumayo at pumasok sa silid.
Napangiti ako na napasunod ng tingin dito. Saglit lang ay lumabas na rin ito.
"Uhm, isuot mo na muna 'yong damit ko. Nasa kama." Anito.
Sumunod ako na pumasok ng silid nito. May inilagay itong black shirt at black sweatpants na ikinangiti kong mabilis na nagbihis bago lumabas ng silid. Napalingon naman ito na napaawang pa ang labi.
"Bagay ka pala sa akin," kindat nito na ikinakurap-kurap ko.
"Ano?"
"Ahem! I mean, my clothes suits you. Ang ganda mo sa damit ko," pagtatama nito na ikinangiti kong nagtali na ng buhok na lumapit dito.
Abala kaming nagbubukas sa mga pinamili nitong gamit nang mag-ring ang cellphone ko na ikinalingon ko sa bag kong nasa sofa.
"Uhm, sandali lang ha?" aniko na tumayo.
Tumango naman ito na patuloy sa pagbukas sa iba pang appliances na pinamili nito. Nangunotnoo ako na mabasang si Papa ang tumatawag.
"Bakit po?" sagot ko na inilapat ang cellphone sa tainga.
"May pera ka pa ba? Kumusta ang pag-aaral mo? Balita ko, may exam kayo next week." Anito.
Napahinga ako ng malalim na naupo sa sofa. Hindi ko naman napapansin si Donnie na tahimik na nakikinig sa akin.
"Uhm, Opo. Exam na namin next week. Maayos naman po ang studies ko. Kailangan ko rin ng pera. May mga babayaran ako sa school. Saka. . . paubos na 'yong groceries ko sa bahay eh." Sagot ko.
Totoo naman iyon. Hindi naman ako 'yong tipo na kung ano-ano mga pinamimili lalo na't hindi ko pinaghihirapan ang perang ginagamit ko. Kaya nga pinagbubutihan ko ang pag-aaral ko para makapagtapos ako at madaling makahanap ng trabaho. Kapag may trabaho na ako, hindi ko na kailangang humingi ng pera kay Papa. Alam ko rin naman kasing pumupuslit lang ito sa asawa niya para mabigyan ako ng perang sasapat sa pangangailangan ko.
"Magkano ang kailangan mo?" tanong pa nito.
Mapait akong napangiti na nangilid ang luha. Ni minsan ay hindi ko pa naririnig ang Papa ko na tinawag niya akong anak. Ayaw niya ring tawagin ko siyang Papa kahit sa cellphone lang. Sobrang ingat na ingat ito na may ibang makaalam na mag-ama kami. Ang alam kasi ng asawa niya, wala na siyang connection sa mag-ina niya dati. Noong maliit pa lang ako ay sa La Union kami nakatira. Pero kalauna'y lumipat kami dito sa Zambales ni Mama dala na rin ng hirap ng buhay sa La Union.
"Uhm, mga twenty thousand po. Abot kasi ng ten thousand 'yong babayaran ko sa school." Sagot ko.
"Sige, ipapadala ko na lang sa account mo ha?" anito.
"H-hindi ba pwedeng. . . magkita tayo? Mis na kita," mahinang saad ko na napalapat ng labi.
Napahinga ito ng malalim na ikinasilay ng mapait na ngiti sa mga labi ko.
"Hindi ako pwede. Alam mo namang hindi ako basta-bastang nakakaalis na hindi alam ng asawa ko ang lakad ko 'di ba?" anito.
"Sige po. Paki-send na lang 'yong pera. Kahit doon manlang maramdaman kong. . . pinapahalagaan mo pa rin ako," sagot ko na ibinaba na ang linya.
Nangilid ang luha ko na ibinalik sa bag ang cellphone ko. Napahilamos ako ng palad sa mukha na ilang beses huminga ng malalim.
"S-sino 'yon? B-boyfriend mo?" ani Donnie na ikinalingon ko dito.
Saka ko lang napansin na matiim na pala siyang nakatitig sa akin na tila binabasa nito ang mga tumatakbo sa isipan ko.
"Hindi. Uhm, ituloy na natin. Tiyak na aabutin tayo ng gabi nito."