Kabuwanan na rin ni Alma. Nahinto siya sa kaniyang pag-aaral sa ikalawang semester dahil mahirap na sa kaniyang sitwasyon na pagsabayin ang pag-aaral at ang malapit na nitong panganganak. Paunti-unti ay natanggap na rin ng kaniyang Mamang ang kaniyang kalagayan. Napag-usapan din nilang mag-ina na unti-untiin ang pagkakasabi sa kaniyang Papang upang hindi ito masyadong mabigla lalo na at malayo ito sa kanila. Dahil may inasikasong importante ang kaniyang Mamang ay mag-isang nagpa-prenatal check up si Alma sa kaniyang obstetrician-gynecologist. Minabuti rin niyang pumunta sa mall para bumili ng ilang gamit ng bata pagkatapos ng kaniyang prenatal check-up. Dumiretso siya sa Infant’s Wear at abala sa pamimili ng mga gamit ng kaniyang magiging anak. Napangiti rin siya dahil naalala niya si Pat.

