Asuna POV
Hinahatid niya ako pabalik sa table namin matapos ang sayaw. Ramdam ko na rin ang pagod hindi lang sa paa kundi pati sa dibdib ko, parang may kung anong damdaming naglalaro sa loob ko na hindi ko maipaliwanag. Kaya naisip ko, pahinga muna. Kung may mag-aaya ulit, okay lang din. Kung wala, okay lang din. Masaya na ako sa kung anong nangyari.
Pagkaupo ko, sandali akong napapikit. Huminga nang malalim. Ang init ng venue, ang halo-halong tawanan, musika, at halakhak lahat iyon parang alaala na agad kahit hindi pa tapos ang gabi.
Nagpasya akong tumayo ulit.
Kakain muna ako.
Habang papunta ako sa buffet table, sumabay ako sa pila ng mga kumukuha rin ng pagkain. May mga nagtatawanan, may nagkukuwento tungkol sa mga sayaw nila, may kilig na kilig pa rin. Napapangiti ako kahit wala akong sinasabi.
Kumuha ako ng konting pasta, isang maliit na slice ng cake, at kaunting finger foods. Ayokong sumobra nakakapagod sumayaw nang busog.
Pagbalik ko sa table namin, sinimulan ko nang kainin ang mga nakuha ko. Habang ngumunguya, napapatingin-tingin ako sa mga taong sumasayaw pa rin sa gitna.
Ang cute nila tingnan.
May mga magkakaibigan, may halatang magka-MU, may halatang first time magkahawak ng kamay. Ang saya pala ng ganito. Simple lang pero puno ng alaala. Tahimik akong napangiti.
Buti na lang naranasan ko ito.
Salamat at pinayagan nila Nanay at Tatay.
Hindi ko ito makakalimutan.
⸻
Louen POV
Hindi ko alam kung bakit pero parang mas mabigat ang ibig sabihin ng “salamat” niya kanina.
Simula nang mag-start ang free dance, siya na talaga ang hinahanap ng mata ko. Kahit ilang beses akong umikot, kahit ilang beses akong magpalit ng partner, siya pa rin ang hinahanap ko. Para bang may kung anong humihila sa paningin ko pabalik sa kanya.
Ang dami ko nang naisayaw hindi ko na nga mabilang. Paikot-ikot lang ako, umaasang sa susunod na ikot, siya na ang makakaharap ko.
At nang magpalit ng kanta, doon ko siya nakita nasa kaliwa ko lang. Parang biglang huminto ang mundo. Agad kong hinila ng marahan ang partner ko para mas mapalapit sa direksyon niya.
At nang magkatapat na kami ewan ko ba. Parang tama na ang lahat.
Sumabay pa ang kanta. Hindi ko alam kung pagkakataon ba iyon o sadyang tadhana ang may gusto.
Nagulat lang talaga ako nang bigla niyang isandal ang ulo niya sa dibdib ko. Sa totoo lang, napatigil ang utak ko. Hindi ko alam kung anong gagawin. Pero bago pa ako makapag-isip nang sobra, niyakap ko na lang siya.
Ayokong sayangin ang sandali.
Hindi ko alam kung may nakakapansin sa amin. Hindi ko rin alam kung may iniisip ang iba. Ang alam ko lang gusto kong manatili roon. Gusto kong magkunwaring kami lang ang tao sa lugar na iyon.
Para akong hinehele sa saya.
Marami na akong nakilalang babae. Marami na rin akong nakasama. Pero sa kanya lang ako nakaramdam ng ganito. Yung kaba na masaya, yung takot na ayaw mong mawala, yung tahimik na pagnanais na sana huminto ang oras.
Gusto kong umamin. Gusto kong sabihin sa kanya ang totoo.
Pero natatakot ako.
Natatawa ako sa sarili ko takot na baka masira ang closeness namin dahil lang natalo ko siya. Dahil lang naging selfish ako sa nararamdaman ko.
“Louennn, huyyy!”
Napalingon ako. Si Alea, partner ko.
“Bakit?” tanong ko.
“Kanina ka pa tulala jan,” tukso niya. “Anyari? Success ba plano mo?”
Oo na sabi ko sa kanya ang plano ko dapat na aamin ako ngayon kaso hindi ko nagawa. Nadala ako sa moment kanina at nakalimutan ko na ang gagawin ko.
Napabuntong-hininga ako. “Hindi eh. May biglang nangyari.”
“Ano nanaman?”
Tumingin siya sa akin na parang nababaliw na ako.
“Nako! Wag kang maghintay na maunahan ka pa. Walang tamang panahon kung hindi mo gagawin. Kung gusto mo talaga, sinabi mo na.”
“Nag-try naman ako,” sagot ko habang napapakamot. “Kaso... hindi ko pa talaga kaya.”
Umiling siya. “Ewan ko sa’yo.”
Tapos iniabot niya sa akin ang ilang dessert.
“Ikain mo na lang ’yan.”
Napangiti ako. Kahit papaano, may konting comfort.
⸻
Kirito POV
Nasaan na kaya siya?
Kanina pa ako dito sa gitna. Kung sino-sino na ang naisayaw ko, pero siya pa rin ang hinahanap ko. Hindi ko alam kung bakit, pero parang may kulang kapag hindi ko siya makita.
Nasa gitna pa rin kami ngayon. Hindi ko kilala ang kasayaw ko kakapagpalit lang. Pinipilit kong umikot kami, umaasang masilip ko siya kahit saglit lang.
Hanggang sa nakita ko.
Medyo malapit na kami nang makita ko kung paano niya isinandal ang ulo niya sa dibdib ni Louen.
Parang may humampas sa dibdib ko.
Bigla akong napatigil sa pagsayaw. Napansin ng kasayaw ko.
“Okay ka lang po?” tanong niya.
“H-hala, sorry po,” sagot ko agad. “Pwede ko na po ba kayong ihatid sa table niyo? Bigla pong sumakit paa ko.”
“Sige po. Okay lang.”
Hawak ko ang kamay niya habang inihahatid ko siya. Nagpasalamat ako at humingi ng paumanhin bago umalis.
Hindi ko inaasahan iyon. Alam kong may gusto pa rin siya kay Louen, pero hindi ko inakala na ganito ang makikita ko.
Bumalik muna ako sa table namin. Uminom ng tubig. Pinilit pakalmahin ang sarili.
Bakit ba ganito?
“Puntahan ko na lang kaya siya?” tanong ko sa sarili ko. “Para matapos na ’to.”
Pagbalik ko sa pwesto nila, wala na siya. Tumingin-tingin ako. Hindi ko siya makita. Aalis na sana ako nang makita kong pabalik si Louen sa table nila.
Sinundan ko ng tingin kung saan siya galing doon ko nakita, galing siya sa table ni Asuna.
Hindi muna ako umalis. Medyo madilim naman ang pwesto ko, hindi halata. Pinagmasdan ko siya habang nakapila siya sa buffet table.
Ang saya niyang tingnan.
Kung paano siya pumili ng pagkain, kung paano siya napapangiti sa sarili niya nakakatawa, pero doon ko lalo naramdaman na hulog na hulog na ako.
Nang bumalik siya sa table niya at magsimulang kumain, napansin kong parang nag-iisip siya. Tahimik. Malayo ang tingin.
Humugot ako ng malalim na buntong-hininga.
Tama na. Lalapitan ko na siya.
Lumapit ako nang kalmado. Yumuko ng bahagya, iniabot ang kamay ko.
“Hi,” sabi ko. “May I have this dance, my lady?”
Hindi ko agad makita ang reaksyon niya. Nakayuko pa rin ako. Pero hindi nagtagal, naramdaman kong hinawakan niya ang kamay ko.
“Yes, you may,” sagot niya, may ngiti sa boses.
Dahan-dahan ko siyang inakay papunta sa gitna. At habang papalapit kami, biglang nag-iba ang tugtog.
I Can’t Help Falling in Love With You – Elvis Presley
Wise men say, only fools rush in…
Napangiti ako nang bahagya.
Hindi naman siguro masama na mahalin siya hindi ba? Papayagan naman siguro ng tadhana?
Pero bakit parang ang bilis? Saglit pa lang kaming magkakilala. Baka kung ano ang isipin niya.
Like a river flows, surely to the sea…
Nang hawakan niya ang kamay ko sa computer room noon, doon ko na naramdaman. Hindi na ito simpleng kilig lang.
Hanggang kailan ko ito itatago?
Tahimik kaming sumasayaw. Walang imikan. Hinahayaan lang naming ang musika ang magsalita para sa amin.
For I can’t help falling in love with you…
Sana, pagkatapos ng gabing ito, masabi ko na sa kanya ang totoo.
Hindi na bilang kaibigan.
Hindi na bilang kasayaw.
Kundi bilang taong nahulog na.
—————-
Mahabang update for now !
Salamat po ❤️
@Jayern Escapade