Nasa loob na si Ingrid at Mavy at magkahiwalay sila. Magkaiba kasi ang mga damit ng lalaki sa babae, kaya naman mag-isa lang si Ingrid na namimili ng kanyang susuotin. Pero hindi siya mahilig magsuot ng swimsuit.
Ngayon pa lang ata niya masusubukan ang gusto niyang subukan. Naisip ni Ingrid na wala namang masama dahil kung tutuusin ay daig pa nga siya ng mga mas bata sa kanya at nakakapagsuot ng swimsuit. Samantalang siya ay hindi man lang makapagsuot ng ganito.
Habang siya ay naglalakad at namimili, bigla siyang napatigil. Isang kulay pulang swimsuit ang nakita niya at talagang nanlaki ang mata ni Ingrid. Gustong-gusto niya ang pagkamatte color nito at bagay na bagay sa kutis niya. Maputi talaga si Ingrid, pero mas maputi sa kanya si Astriece. Talagang kutis perlas kasi ito, pero si Ingrid naman ay maputi rin.
Kinuha niya ito at hindi na siya nag-atubilin pa. Inilagay niya ito sa basket at may pangtabing pa siya kung sakali at kinuha n'ya rin ito at pumili ng ilang mga swimsuit para may pagpipilian siya. Kasunod no'n ang pagdating ni Mavy at may bitbit na itong mga polo at ibang mga short. Napatingin ito kay Ingrid at napatingin sa basket.
"Sure ka na ba? Nagsusuot ka ba ng gan'yan? Parang hindi naman." Napalunok nang laway si Ingrid at sumingkit ang kanyang mata. "So sinasabi mong hindi ko kayang magsuot nito?"
Tumawa si Mavy at halos maubusan na ito ng hininga katatawa. "Anong sinasabi mo d'yan? Baliw ka na ba Ingrid? Baka mamaya ay ito ang kuhanin mo at ipangloob mo lang 'yan." Sabay taas ng mga pinamili niya at inirapan lang ito ni Ingrid.
Hindi naman kasi malabo na talagang kuhanin ito ni Ingrid, kaso nga lang malakas ang loob niya at gusto niyang patunayan na siya ay hindi na bata. Naisip nanaman nito si Pierce at nagbabago bigla ang mood niya. Kung dati ay masaya siya, ngayon ay inis na inis siya kapag naaalala ang mukha ng lalaki.
"Malaki na ako okay? Hindi ba pwedeng magsuot nito?" inis na tanong ni Ingrid at nagbabayad na sila sa cashier.
"Ewan ko na lang kapag nakita ka n'yan ni Pierce, baka mamaya ay isako ka no'n at i-uwi sa Cavite." Panay pa rin ang tawa nito at hindi na ito pinansin ni Ingrid. Inis siyang naglakad palabas ng mall at sumakay sa kotse.
Wala siya sa mood at gusto na talaga niyang kalimutan si Pierce, kahit na masakit sa loob niya. Napatingin siya sa bintana at sakto naman na tunog ang cellphone niya. Tumaas ang isang kilay niya at nakita niya ang pangalan ni Pierce.
"Nako! Ang baby mo tumatawag, ayaw mo bang sagutin?" pang-aasar ni Mavy dahil noon ay isang ring pa lang ng cellphone niya ay sinasagot niya agad. Ngayon ay nakatingin lang siya rito at hinahayaan lang na tumunog nang tumunog hanggang sa mapagod ito.
"Hayaan mo na siya, ayoko na makipagtalo kay Pierce. Alam mo naman na nakakasawa na magpaukit-ulit. Pahinga muna siguro ako, kaya magdrive ka na d'yan at huwag mo na 'yan intindihin."
Sabay turo sa cellphone at nagsimula ng magmaneho si Mavy at napaisip naman si Ingrid.
Hindi ito ang gusto niya, dahil kay Pierce lang niya nakikitaan ang future niya na kasama ito hanggang sa pagtanda. Kahit na ilang taon pa ang agwat nila, kaso puno ng inis si Ingrid sa sarili dahil pagdating kay Pierce ay sobrang rupok niya. Kaya naman hindi niya maiwasan na sabunutan ang sarili sa sobrang katangahan.
"Bakit ba kasi 'yon ang ginusto mo? Ang dami-dami mong manliligaw. Sabihin na natin na mas gwapo pa rin si Pierce, pero at least medyo bata pa at kasing age mo. Alam mo kasi iba talaga ang utak ng matanda sa utak ng bata."
Hindi alam ni Ingrid kung siya ba ay maiinis o matatawa. Para sa kanya ay hindi pa matanda si Pierce, kahit na 28 years old na ito at malapit na rin mag 29. Basta ang alam niya ay gustong-gusto niya ang lahat ng meron si Pierce, hindi man niya alam kung bakit. Pero talagang na-love at first sight ito ng makita pa lang niya at makilala ang binata.
Tawagin man siyang malandi ng iba, pero hindi niya maiwasan ang sarili na mahalin ito.
Kahit sino naman kasi ay mahuhulog sa isang Pierce Key Fourth. Isang businessman at sobrang perpekto, napakagwapo nito at napakatalino. Kaya masasabi talaga na perpekto ito at dumagdag pa ang pagiging kalmado nito lagi at seryoso. Basta kapag nakikita ito ni Ingrid na ganito ay mas lalo siyang nahuhulog.
"Tantanan mo nga ako Mavy, baka mamaya ay magbago ang isip ko. Talagang mas gwapo si Pierce at wala ng mas gagwapo sa kanya."
"Ayan ka nanaman! Mamamatay kang dalaga kung gan'yan ang isip mo. Humanap ka na lang ng ka-level mo, sure ako na magiging okay pa 'yon. Kesa naman sa Pierce mo na hindi ka naman pinapansin kahit maya-maya ka pa bumuntot sa likuran niya."
"Bilisan mo na lang siguro at gusto ko ng humiga. Excited na rin ako bukas dahil miss ko na rin sila kahit na pumunta tayo ro'n nang isang araw."
Masayang-masaya si Ingrid at tumango naman si Mavy at isang oras at kalahati rin ang tinagal nila dahil traffic. May bitbit na rin sila na mga ilang echo bag at naglalaman ito ng pagkain. Naisipan na rin nilang bumili ng kahit na ano na pwede nilang makain at mailagay sa ref. Nahihiya rin kasi si Ingrid na manggaling kay Sita ang pagkain na kanilang kakainin. May savings naman ito, kaso hindi rin siya pinapagastos ni Mavy.
"Ang dami n'yong dala at saka bumili pa kayo? Kahit na at may mga nagbibigay naman dito." Humindi agad si Ingrid at Mavy at nagtinginan pa nga sila at saka tumawa.
"Sainyo po itong isang echo bag. Okay lang po at saka may pera talaga kami." Sabay abot ni Mavy ng echo bag at tuwang-tuwa naman si Sita at saka niyakap niya ang dalawa.
Magaan ang pakiramdam ni Ingrid dahil namimiss na rin niya ang nag-alaga sa kanya, ang kanyang lola at lolo. Wala na siyang pamilya at saka pakiramdam niya ay nasa tabi lang niya ang mga ito.