Pagkakita pa lang ng mga katulong kay Ingrid ay agad na itong pinagbuksan ng gate. Kilala na kasi ito ng lahat dahil alam nilang kaibigan ito ng kanilang amo. Nang una nga ay napagkamalan nila itong babae ni Mavy dahil alam nila babaero ang kanilang amo, pero ng makilala nila si Ingrid ay kakaiba pala ito sa lahat dahil doon lang din nila nakita ang kakaibang ugali ni Mavy dahil nirerespeto niyang maigi si Ingrid.
"Ma'am Ingrid, pasok po kayo at tatawagin lang namin si sir Mavy." Tumango naman si Ingrid at saka umupo sa sofa. Pakiramdam niya ay binagsakan siya ng langit at lupa sa sobrang pagod. Masaya naman siya na nakalabas siya ng bahay, kaso hindi niya alam na ang daming kulang.
Naisip pa ni Ingrid ang pagsampal niya kay Pierce. Naiwan niya itong nakatulala sa lamesa at naguguilty siya, kaso ayaw niyang umatras. Kasabay no'n ang pagtingin ni Ingrid kay Mavy na kasalukuyang kumakain ng prutas. Gulat na gulat pa nga ang mukha nito ng harapin ang kaibigan.
"P-paano ka nakapunta rito? Hindi ba galit si Pierce at grounded ka?" tanong ni Mavy at saka humiga naman si Ingrid sa sofa, tutal sanay na rin siya. Malimit din kasi itong naririto kapag may mga projects sila.
Tinignan naman ito ni Ingrid na para bang wala siya sa mood at saka ngumiti nang tipid. "Umalis na ako. Naguguilty nga ako kasi nasampal ko siya."
"Ha?! Sinampal mo si Pierce?" gulat na tanong ni Mavy at may kalakasan ang boses nito.
Halos marinig na nga ito ng mga katulong at hindi maiwasan na magulat. Kilalang-kilala na kasi si Pierce kahit dalawang taon pa lang nagstay sa Pinas ang dalawa. Kilala na ito sa larangan ng negosyo ng dahil sa galing nito at napakarami rin nitong billboard.
Wala naman pakielam si Ingrid dahil alam niyang nagawa na n'ya ang hindi naman dapat. Kaso minabuti na lang niyang tumahimik at hindi sumagot sa tanong ni Mavy. Nakita niya itong napahilamos sa mukha ng dahil sa sinabi niya. Ano nga naman ang magagawa ni Ingrid kung pinangunahan siya ng sama ng loob?
"Kung gano'n, ano ang plano mo? Sa tingin mo ba ay hindi ka kayang hanapin ni Pierce? Nakakakilabot talaga 'yon kahit na anong gawin ko," wika ni Mavy at napahawak ito sa dalawa niyang braso at hinimas-himas.
Takot kasi ito kay Pierce at alam niyang malaking delubyo at problema ang kakaharapin niya kapag tinulungan niya si Ingrid. Kaso dahil nga kaibigan niya ito, hindi naman siya nag-atubilin na tumulong.
Umupo naman si Ingrid at saka huminga nang malalim. Wala siyang balak na magstay rito dahil alam niyang mapapahamak lang si Mavy. Kaya naman nagkibit balikat lang siya at kumuha ng ubas na binigay ng isang katulong.
"Hindi ko alam, basta sasabihan na lang kita. Gusto ko pumunta sa Benguet kung saan kami galing nang una naming uwi."
Kumunot naman ang noo ni Mavy at hindi niya alam kung bakit niya nabanggit ito. Halos mapakamot siya sa ulo at hindi niya alam ang dapat na sabihin.
"Ikaw lang mag-isa ang pupunta sa Benguet? Malayo rin 'yon sa Cavite at sigurado ka ba na aalis ka. Kinakabahan ako sa 'yo Ingrid. Baka mamaya ay nasa Benguet na rin si Pierce at magtalo nanaman kayo. Talagang mababaliw na ako kapag nagkataon," reklamo ni Mavy at bumuntong hininga lamang si Ingrid at buo na ang desisyon niya.
Tumayo na siya at saka pinagpag ang pantalon na suot. Kasabay no'n ang isang kamay na pumipigil sa kanya sa paglalakad. "Aalis ka na ngayon? Hindi ba bukas ka na aalis at saka sino ang kasama mo sa Benguet? Huwag mo sabihin na mag-isa ka lang na pupunta ro'n?" tanong ni Mavy at tumango si Ingrid.
"Dito ka na lang, ako na ang bahala sa sarili ko. May savings naman ako at baka mapahamak ka pa sa akin. Kaya habang maaga pa ay magbabyahe na ako."
"Sumakay ka na sa kotse, sasamahan kita. May isang buwan pa naman tayo bago magpasukan, kaya maglibang ka muna. Saka tayo maghanap ng matutuluyan mo kapag nakauwi na ulit tayo. Tutulungan kita hanggat kaya ko."
Napangiti si Ingrid at saka tumango. Gusto niyang yakapin si Mavy, kaso nahihiya siya. Kaya naman nagpasalamat na lang siya, "Thank you Mavy, pasensya ka na at talagang masakit na ang ulo ko at gusto ko na rin magpahinga."
"Kaya nga sumakay ka na sa kotse at hintayin mo ako," tugon nito at saka tumango si Ingrid. "Yaya, pasabi kay dad baka hindi ako umuwi ng isang buwan. Kayo na ang bahala rito at kakausapin ko na lang sila later."
"Ingat po kayo sir." Lumipas ang ilang minuto ng matapos si Mavy at may dala itong isang bag. Hindi ito kalakihan dahil balak niyang doon na lang din bumili ng ibang gamit.
"Ready ka na ba? Sana naman ay wala tayong problemahin," saad ni Mavy at nagmaneho na ito paalis. Habang si Ingrid naman ay nakatingin sa bintana at dinadama ang kalungkutan.
Hindi niya alam kung tama ba ang ginawa niya at nahihirapan siya dahil sobrang sikip ng kanyang dibdib. Panay ang kirot nito at hindi niya alam kung kailan siya makakalimot. Iniisip niya na para sa kanilang dalawa rin ni Pierce ang gagawin niya. Tutal hindi naman siya nito nakikitaan ng kahit na ano, kaya ano pang silbi ng kanilang pagsasama.
Malaki man ang pasasalamat ni Ingrid, pero ginawa rin naman niya ang gusto nito para masuklian niya ang lahat ng tulong nito. Kaso para siyang isang bata na laging nakakulong at bihira lang din niya ito makausap.
Sa tuwing kakausapin niya ito ay hindi ito interesado at palaging si Lucie at Mel ang sinasabihan nito na magasikaso ng mga kailangan ni Ingrid. Kaya naman hindi masisi ni Ingrid ang sarili na magsawa siya kay Pierce kahit mahal na mahal niya ito.
Pero natigilan si Ingrid ng marinig niya ang boses ni Mavy na kanina pa pala nagsasalita.
"Ayos ka lang ba? Magpahinga ka na muna kung gusto mo. Kanina pa ako nagsasalita, pero lutang na lutang ka. Mahaba pa ang byahe natin kaya pwede kang matulog."
Bumuntong hininga si Ingrid at tama naman ito. Pagod na siya ka-iisip, kaya naman ginawa na lang niya ang nais nito. Humiga siya at saka ipinikit ang mga mata.