ABALA ang lahat sa paghahanda para sa kompetisyon. Kahit na pagod ay puspusan pa rin ang pag-eensayo ng bawat isa.
“And that's what you get when you let your heart win, whoa...” huling bigkas niya sa liriko ng kanta.
Nagpalakpakan ang lahat pagkatapos ay binigyan sila ng break na sampung minuto. Kaagad na hinila siya ni Lucas pababa at nagtungo silang canteen. Sumunod naman sina Mervie.
Habang kumakain ay nagtataka si Lucas kung bakit itinatabi niya ang mga mushrooms sa gilid ng kaniyang plato.
“Oh, bakit?” tanong nito.
“Hindi ako kumakain niyan, eh,” nangingiti niyang tugon dito.
“Akin na, ako na lang kakain.” Kinuha nga nito iyon pagkatapos ay napahinto at tumingin sa kaniya. “What about beefsteak, kumakain ka ba?”
Niluwagan niya ang pagkakangiti. “Iyon nga, eh, hindi rin,” aniya habang dahan-dahang itinutulak ang plato kay Lucas. “Sorry, hindi pa naman ako gutom, hayaan mo na.”
Naaaliw na pinagmamasdan sila nina Mervie at Denver. Tingin niya ay may something ang dalawang ito ngunit mga indenial pa.
Tumayo si Lucas kaya hinawakan niya ang kamay nito. “Saan ka pupunta?”
“Ano bang gusto mong kainin?”
“'Wag na sabi ko. Hindi ako gutom. Nagdala ng cassava si Mervie kanina, ‘di ba? Niluto ng mommy niya.”
“Gab, kanina pa ‘yon.”
“Pre, ako nagugutom pa,” si Denver.
“Ang dami mo nang utang sa akin,” anito na tinawanan lang ng kaibigan.
“Siomai na lang. Siomai na maraming bawang saka sili. Go! Go!” Itinulak niya ito paalis.
“Kayo na ba?” tanong ni Mervie nang silang tatlo na lang.
“Not yet.”
“We? Totoo? Mamatay man itong si Den?”
“Oh, bakit ako? Ikaw na lang, ah!”
Napatawa siya sa kakulitan ng mga ito. “Hindi pa talaga. Nanliligaw pa lang siya. Eh, kayo?” tanong niyang ikinatigil ng dalawa. “Kailan kayo aamin sa isa't isa?”
“W-wala akong gusto diyan, ‘no!” nandidiring saad ni Mervie.
“Hindi rin kita type! Ayoko sa dinosaur!”
“Aba!”
Ilang sandali pa at dumating na si Lucas dala ang sandamakmak na siomai. “Umalis lang ako, nagbubugbugan na kayo?”
“Buwisit kasi 'tong bonjing na Denver na 'to!”
"Ikaw nagsimulang dino ka! Mag-rawr ka na lang diyan. Aray!" Kinurot ito sa tagiliran ni Mervie.
Hinayaang niya lamang ang dalawa at tahimik na kumain. Pakiramdam niya ay nasa sinehan siya at nae-enjoy naman niya ang senaryo. Ilang sandali pa ay natigil din ang mga ito at nakilantak sa siomai.
Nang lingunin niya si Lucas ay napansin niya ang cellphone nito, nakasandal iyon sa iced coffee nito at nakaharap sa kanya. Hindi siya tanga para hindi malamang naka-video iyon.
"Lucas,"
"Daddy,"
"Lucas!"
"Da-ddy. Sugar daddy mo ako, remember?"
Humagalpak ng tawa ang dalawa harapan nila.
Pinigilan niya ang sariling matawa dahil naiinis siya sa ginagawa nitong pagkuha ng video. "Gusto mong mabasag uli 'yang phone mo?"
Napatigil ito sa pag-inom. "Ha?"
Lumapit siya rito at mabilis na hinablot ang phone nito sa lamesa.
"Huy!" Doon kumawala ang tawa nito. "Akin na 'yan! Wala akong ginagawa!"
"Kita mo! Naka-video! Anong gagawin mo rito? Siguro ise-send mo 'to sa mga naghahanap ng mga sugar baby, 'no?"
Lalong nagtawanan ang tatlo. "Oy, grabe! Hindi." Binawi nito ang phone sa kaniya. "Hindi ka naman gugustuhin ng mga 'yon, kalma ka lang."
"Ibang klase." Hinayaan niya nang mabawi nito ang phone.
Tinitigan siya nito habang nagpipigil ng tawa nang bigla ay tumunog ang cellphone nito. Sandaling binasa nito ang na-received na message. “Maiwan ko muna kayo. May aasikasuhin lang.” Tumayo ito at hinawakan ang mukha niya kapagkuwan ay ginawaran siya ng halik sa noo.
Tiningnan niya ito.
"Sorry na. Bati na tayo. Hmm?" anito at mabilis na dinampian muli siya ng halik sa noo.
Tatanungin pa sana ito ni Denver ngunit nakaalis na kaya naiwan silang may malaking question mark sa ulo.
Pagkatapos kumain ay naisipan na nilang bumalik, nauna na rin si Denver kaya silang dalawa na lang ni Mervie ang magkasama. Nang papapasok na sila ay bigla silang sinalubong ni Myla—kamiyembro nila. Hinila sila nito at inilayo sa room ng Harmony.
“Bakit, Myla? May tsismis ba?” tanong ni Mervie. Pinigilan niya ang sariling matawa.
Hindi mapakali si Myla at mukhang may sasabihin ngunit hindi maumpisahan.
“Kumalma ka muna. Ano bang meron?” aniya.
“She’s back!” bulalas nito na hindi nila makuha.
“She's back—ano? Linawin mo nga.”
“She's back. Mandy is back!”
“Ano!?” sigaw ni Mervie.
Parang ang lahat ng enerhiya niya sa katawan ay nawala. Natulala siya sa narinig at para bang nalunok niya ang sariling dila. Nandito na si Mandy. Bumalik na ang inagawan niya ng puwesto. Kaya ba nagmamadaling umalis si Lucas ay dahil pinuntahan niya ito? Pinigilan niya ang sariling umiyak. Tila ba may nakabara sa lalamunan niya.