MAHIMBING ang tulog ni Gabriella at tumutulo pa ang laway. Alas-singko na ng umaga at ngayon ang biyahe nina Lucas papuntang Casa de Luna. Beach resort na kilala sa kanilang probinsya.
Huminto ang itim na sasakyan sa tapat ng bahay ni Gabriella, mula roon ay lumabas si Lucas. Sarado ang pintuan at sinubukan nitong kumatok. Tumahol si Tobi sa loob. Nakatatlong katok pa si Lucas bago nito nakita si Tobi na tumatakbo palapit.
“Tobi! Saan ka nagdaan?” binuhat nito si Tobi. Pinuntahan nito ang gilid ng bahay kung saan ang pinaglabasan ng aso at napakamot nang makita ang maliit na butas na tanging ito lang ang may kakayahang makalusot.
May napansin si Lucas na knob, maliit lang iyon na nasa pader at nang ibaba nito iyon ay nagulat ito nang magbukas ang pinto. Kung titingnan ay parang isang pader lamang, iyon pala ay may secret door na nakalagay dito. Pumasok si Lucas at isang silid ang nabungadan. Paglingon nito sa kaliwa ay nakita nito ang dalagang mahimbing na natutulog.
Napangiti ito at nilapitan si Gabriella. Ilang minutong tinitigan muna ni Lucas ang dalaga bago naisipang gisingin.
“GABRIELLA,”
“Gabriella?”
Mahinang napaungol siya nang maramdamang may gumugulo sa kaniya. Napadilat siya. Napangiti pa siya sa pag-aakalang nananaginip lang na nakikita niya si Lucas.
Pati ba naman sa panaginip sinusundan siya nito? Ibang klase talaga ang epekto nito sa kaniya. At hindi lang iyon, parang totoong nakikita niya ito kahit kalahati lang ng mga mata niya ang nakabukas. Nararamdaman niya kasi 'yong tipikal na pakiramdam sa tuwing ito ang kaharap.
“What's with the face?” Natawa ito. “Seryoso ka? Ngumingiti ka pala kapag natutulog?” Napailing ito.
Nagtaka siya kung bakit parang nagsasalita ito. Iminulat niya ng mabuti ang mata at napamulagat nang makitang totoo nga ito. Agad na napabalikwas siya ng upo.
“Lucas!?” Kinuha niya ang kumot at tinaklob sa katawan. “Anong ginagawa mo rito? Paano ka nakapasok?”
“Pinapasok ako ni Tobi,” anito. Walang sabi-sabing ibinagsak nito ang katawan sa kama niya. Sinundan niya ito ng tingin.
“Nababaliw ka na ba? Oo, alam kong hindi aso si Tobi at isa siyang baby pero hindi niya magagawa 'yang sinasabi mo!”
“It's true. Lumusot siya ro'n.” Tinuro nito ang butas na maliit. “Pinuntahan niya ako sa labas tapos pinuntahan ko naman kung saan siya nagdaan, kaya nalaman ko ‘yong secret door mo. Ang cool nga, eh. Teka. Bakit mo hindi nila-lock?”
Hindi siya sumagot at tinitigan lamang ito. Mukha namang nagsasabi ito ng totoo.
“So, bakit ka nga nandito?”
“Where’s your closet? Ah, there.” Tumayo ito at tinungo ang damitan niya.
Nanlaki ang mga mata niya nang sinimulan nitong ilabas ang mga gamit niya. Mabilis pa sa alas-kuwatrong napabangon siya sa kama at agad itong pinigilan, ngunit tuloy lamang ito sa pagpili ng damit niya. Nagbibigay pa nga ito ng komento sa bawat damit na napipili.
“Lucas!? Ano ba'ng ginagawa mo?”
“Kumuha ka ng lagayan, aalis tayo.”
Napaisip siya kung saan pupunta at nag-sink in sa isip niyang magbabakasyon nga pala.
“Pero hindi nga ako sasama!”
“Sasama ka. Ano bang dahilan mo para hindi sumama?”
“May trabaho ako.”
“Kinausap ko na manager mo, huwag mo na alalahanin. At isasama natin si Tobi. Ano?”
Natigilan siya. Paano kung hindi ito nagsasabi ng totoo? Malalagot siya sa boss niya.
"Nasaan ang pruweba mo? Saka kilala mo ba 'yong manager ng coffee shop na 'yon?"
"Oo. Si Ate Kyle, 'di ba?"
"Oo. Pero anong sinabi mo? Baka nagloloko ka lang. Malilintikan pa ako sa boss namin,"
"Basta. Madali lang sila kausap,"
Lalo siyang nainis sa sagot nito. Mukhang hindi ito seryoso sa mga pinagsasasabi.
"Kita mo! Paano ako maniniwala niyan? Hindi ka naman kasi 'yong mapapagalitan ng boss namin. At hindi rin ikaw ang mababawasan ng sahod, ako naman, eh! Hindi na nga ako sasama sabi," napipika siyang saad. Napalabi siya nang makaramdam ng lungkot.
Natigilan ito ngunit hindi humarap sa kaniya. "Ninang ko ang may-ari ng coffee shop na 'yon," mahinahong sabi nito na ikinalingon niya. Napaawang ang labi niya. "Huwag kang mag-alala, nagsasabi ako ng totoo, lalong hindi kita ipapahamak,"
Lihim man siyang nagulat ay natulala pa rin siya sa narinig mula rito. He's talking like he cared. He's acting like nothing happened between them.
Bakit mo ba ‘to ginagawa, Lucas...
“Cute huh?”
“‘Wag ‘yan!!!” Inagaw niya ang panty na nakuha nito. “Doon ka na nga! Ako na diyan, oo na, sasama na ako!”
Tumayo ito at tiningnan siya na para bang nang-aasar. “Alam mo bang favorite color ko ang navy blue?”
Nag-init ang pisngi niya sa sinabi nito. Akmang hahampasin niya na ito nang kaagad na itong lumabas na nakatawa. Doon ito lumabas sa pintuan ng kuwarto niya patungong sala.
Nakahinga siya nang maluwag. Isinara niya na rin ang pintong dinaanan nito kanina. Agad na nag-impake siya ng gamit at lumabas na. Literal na napatanga pa siya nang makitang nagkakape na ito.
“Gusto mo?” alok pa nito.
Hindi niya ito pinansin at nag-ayos ng sarili sa salamin.
“You look cute in your dress.” Lumakad ito papunta sa likuran niya. “Pero pangit ka pa rin.”
Humarap siya rito. “Okay lang. Hindi ko kailangang magpaganda para lang mahalin ako.” Hindi niya alam kung tunog bitter ba siya sa sinabi. Pero tama naman siya. Wala naman siyang dapat pagpagandahan.
Nakita niya ang kinang sa mga mata nito. Nilayuan niya ito, hindi na dapat siya kiligin pa rito dahil hindi puwede.
Mayamaya ay umalis na sila. Nang makarating sa bahay ni Ken ay natanaw na niya ang mga ito. Nagpababa siya sa gate dahil ayaw niyang makita sila ni Mandy na magkasama.
“Bakit maglalakad ka pa? Malayu-layo pa ang lalakarin mo. Ang lawak ng bakuran nina Ken,”
“Dito na lang. Okay lang ako rito. Gusto ko rin maglakad-lakad,” aniya at bumaba na. Hindi na niya pinansin ang mga mata nitong tutol sa gagawin niya.
Sinalubong siya ni Ken at pinagalitan kung bakit naglakad pa. Huminga ito ng malalim. “Tell me, dahil kay Mandy ba?” Ngumiti siya rito. Napailing ito.
Nang tingnan niya si Lucas ay napayuko na lamang siya nang makitang kasama nito si Mandy. Huminga siya ng malalim at pilit inalis ang bigat na nararamdaman. Hindi dapat siya mapansing ganoon dahil baka imbis na mag-enjoy ang lahat, ay masira iyon dahil sigurado siyang mabo-bother ang mga ito sa kaniya. Ayaw naman niyang maging kill-joy.
Ilang sandali pa ay binabagtas na nila ang daan. Tatlong van ang gamit nila. Hindi nila kasama sina Lucas sa loob dahil doon ito sa isa. Tanging sina Ken ang kasama niya. Si Tobi naman ay hiniram ni Denver na kasama nina Lucas.
Sumandal siya sa bintana at natulog habang nagdadaldalan sila Mervie. Isang oras at kalahati rin ang oras ng biyahe. Nang makarating sa naturang resort ay ginising siya ni Mervie.
Pagkababa ay naduduwal siya. Pumunta siyang gilid at doon sumuka. Napansin iyon ni Lucas at lalapitan na sana siya nang maunahan ito ni Ken. Inasikaso siya nito hanggang sa makarating na sa rinentahang kuwarto.
Nagpahinga siya hanggang sa umayos ang pakiramdam niya. Mayamaya ay may kumatok. Sinabi niyang pumasok na ito at narinig niya ang pagbukas ng pinto at ang pag-locked niyon kaya napalingon siya. Bumadha ang gulat sa mukha niya.
“Lucas... a-anong ginagawa mo rito?”
May dala itong pagkain. “Okay ka na? Kumain ka na, nagdala ako ng mainit na sabaw at tinapay. Malamang hindi ka pa kasi nakapag-almusal kanina nang bumiyahe tayo,” masuyo nitong sabi at maingat na inilapag sa lamesitang nasa gilid ng kama niya ang dala nitong pagkain.
“Salamat,” mahinahong tugon niya. Humakbang ito palapit sa kaniya at hinipo ang noo niya.
“Okay na ako,”
“Gabriella, bakit nakadikit sa ‘yo nang nakadikit si Ken?”
Lihim na nabigla siya sa tinanong nito. Kumunot ang noo niya sa narinig. “Bakit? Bawal ba ‘yon?”
Nag-igting ang panga nito at tinitigan siya sa paraang ngayon niya lang nakita.
“Gusto mo rin?”
“Ano bang gusto mong sabihin?”
“Ayoko lang ng kung sinu-sino ang lumalapit sa ‘yo,”
“Kung sinu-sino lang ba sa iyo ang kaibigan mo? Alam ko ang ginagawa ko at walang masama ro'n. Isa pa, natural na lalapitan ako n'on dahil nasa iisang grupo lang naman kami. Weird naman kung hindi ako n'on kakausapin," matabang niyang sagot dito.
Alam niyang baka mapunta lamang ito sa isang argumento kung hindi niya mapipigil ang sarili. Wala rin siyang lakas para makipagsagutan kaya mainam na matapos na ang usapan nila.
Tumayo siya sa kama at akmang lalapitan ang maletang dala niya nang mapahinto siya sa sinabi nito.
"Hindi ba't mas weird kung sa lahat ng kaibigan ko ay si Ken lang ang natatagalan mong kausap?"
Napaawang ang labi niya sa sinabi nito. Humarap siya ritong nagtitimpi. Ano pa ba kasing ipinagpuputok ng butsi nito? Hangga't maaari ay ayaw pa naman niya sanang makausap ito habang narito sila sa resort ng dalawang araw.
"Huwag mo na ako pakialaman, Lucas. Hindi naman ako nangingialam sa 'yo, sa inyo,”
Tumawa ito ng pagak. “At ang mangingialam sa iyo, si Ken? And it seemed you like it. Tama?”
Nasaktan siya sa sinabi nito. Parang pinalabas nito na ganoon siyang uri ng babae. Hindi na nito inisip ang mararamdaman niya. Kung gaano ang pagpigil niya sa emosyong hanggang ngayon ay buhay na buhay pa rin at araw-araw siyang pinahihirapan. Nag-init ang mga mata niya at naramdaman ang pamumuo ng luha roon.
“Tinutulungan niya lang ako. Masama ba ‘yon? At sino sa tingin mo ang tutulong sa akin kapag kailangan ko? Ikaw? Ikaw, Lucas!?” Pinunasan niya ang luhang tumulo.
“Bakit nga hindi ako!? Bakit hindi ako, Gabriella!?”