Sa isip ni Asia, di naman talaga siya masungit. Para sa kanya naging mekanismo na niya ang huwag mamansin o maglakad ng tuloy tuloy lamang dahil sa bawat taong babati sa kanya ang mga naririnig niya ay:
"oy taba!"
"baboy"
"ang taba natin ngayon ah"
"Asia, naiwanan ka na naman ba kagabi sa kusina ng mama at papa mo?"
"Magdiet ka na lumalaki ka na."
"baboy! baboy!"
--
Kagaya nga ng sinabi ng kanyang mama at papa, lumabas si Asia at hinanap ang mga kaibigan niya. Isa sa mga tinuturing niyang kaibigan ay ang dalawa niyang pinsan sa ama niyang sina Jen at Celine. Madalas niyang nakakalaro ang dalawang ito dahil bukod sa pagiging pinsan niya dito, ay parepareho lamang sila nakatira sa loob ng isang compound.
Pinuntahan niyang una si Jen, ngunit sarado at nakapatay ang ilaw sa bahay nila, marahil ay tulog sila.
Sumunod, pinuntahan niya naman si Celine. Si Celine ay may pagka maldita at mahilig magmura ngunit sa kabila nito, kinakatuwaan parin siya ng kanilang mga lolo at lola, marami din siyang ma kaibigan.
Dahil dito, gustong gusto ni Asia mapalapit lalo kay Celine. Madalas sila ay magkalaro at kahit na madalas ay inaaway siya ni Celine, ay nagkakabati din agad sila.
Nakita ni Asia si Celine sa bahay ng lolo at lola nila.
"Celine, laro tayo!" pang aaya ni Asia.
"Ay ate, may mga kalaro ako, sige sali ka na lang sa amin." sagot ni Celine.
Mula sa kwarto nila lolo at lola nagtatakbuhan silang apat na mga bata. Ang napili nilang laro ay takutan.
Si Asia ay matatakutin, mula sa mga aso hanggang kay Sadako at mga pugot na ulo, duwende, tikbalang white lady ay talagang natataranta siya pag sinabi na ang mga nilalang na iyan.
"Ayan na ate! sa likod mo nand'yan ang white lady!" sigaw ni Celine.
Lahat ay nagsitakbuhan mula sa Ikalawang palapag paakyat sa bubong na ginagawang kwarto pa lamang ng kanilang mga lolo at lola kaya naman ang hagdan paakyat dun ay nakakalas at naibabalik din ng paulit ulit.
Si Asia ay mataba at ang pinakamalaki sa mga batang naglalaro kaya naman kahit na takot na takot ay nagbibigay parin siya ng daan para sa mga mas maliliit na bata sa pangamba na maapakan o madaganan niya ang mga ito.
Ang mga bata mga nakaakyat na sa bubong na kwarto. Ang natatanging umaakyat na lamang sa hagdan ay si Asia, pawis na pawis at nanginginig sa takot...
hanggang sa....
Kalasin ni Celine ang hagdan.
Nahulog si Asia sa hagdan. Sa taas na mahigit dalawang metro, lumagapak siya sa kahoy na sahig ng pangalawang palapag.
Narinig ni Asia ang tawanan ng mga batang nasa itaas niya.
"Celine salbahe ka talaga! hinulog mo ako sa hagdan!" umiiyak na sinabi ni Asia.
"Magsumbong ka pa! taba!" sagot ni Celine habang sinasara ang butas na pasukan papunta sa bubong na ginagawang kwarto.
"Bakit ganun? di naman kami nag away, wala naman ako ginawang masama sa kanila, bakit nila ako hinulog sa hagdan?" tanong ni Asia sa kanyang sarili.