ELLYZA
Lumayo sa akin si Reona tsaka siya umiling. Sumandal siya sa isang machine na wala namang gumagamit na tao tsaka nangilid ang mga ngiti sa kanyang labi. “Hindi mo kailangan makaramdam ng awa sa akin, Ellyza. Nararamdaman ko lang na hindi ako belong dito, na parang third wheel lang ako rito,” pagtatanggi niya sa alok ko na ibigay ko na lang sa kanya ang binigay rin sa akin ni Jeremiah. “At tsaka isa pa, hindi ko rin naman maitatago na nagseselos ako,” nahihiyang dagdag pa niya tsaka siya umiwas ng tingin sa aming dalawa.
Alam kong hindi tama ang naiisip ko pero sa mga oras na ‘to, walang ibang tumatakbo sa aking isipan kundi ang kagusuthan na mapisil ang mga pisngi ni Reona. “Ang cute mo,” natatawang sabi ko tsaka ako lumapit sa kanya para yakapin siya. “Alam mo, hindi mo naman kailangan magselos o ma-out of place sa amin eh. Wala naman kaming label kahit pa sinasabi niyong dalawa na si Gem na ang future ko.” Totoo naman kasi, marami pang pwedeng mangyari sa aming sari-sariling buhay kaya marami rin ang magbabago sa aming mga ugali at pagkatao. Malaki ang posibilidad na magbago ang kinakaharap namin dahil doon dahil magbabago rin ang aming mga pipiliin o isasagawang mga desisyon sa aming buhay, na siyang makakapagpalayo sa aming mga landas. “Malay ba natin kung marami na naging babae ‘tong si Gem kaya ganito siya kumilos, na para bang isa na siyang expert sa pagpapakilig ng mga babae at sa pagbibigay ng mga regalo na matutuwa ang kahit na sinong babae, lalong-lalo na ang mga matatamis niyang salitaan na hindi ko naman dapat isapuso kasi action speaks better than words naman ‘di ba?” pagdadahilan ko habang nakaturo ang isa kong daliri sa mismong tapat ng mukha ni Jeremiah.
“Ganyan ba ang tingin mo sa lahat ng lalaki?” gulat na tanong ni Jeremiah tsaka niya ibinaba ang daliri ko.
Kumalas ako sa pagkakayakap ko kay Reona tsaka ako humarap sa kanya at sunod ko namang itinapat sa mukha niya ay ang dragon na nakuha niya sa claw machine. “Hindi naman, sa ‘yo lang,” diretsahang sagot ko sa kanya kasabay ng aking paghalakhak na tila ba’y isa akong totoong dragon dahil iniba ko ang tono ng aking pagtawa, mas malalim iyon kumpara sa normal. “Biro lang. Tara, anong oras na. May gusto pa akong puntahan, napuntahan naman na ‘yung gusto namin ni Reona eh. Last na muna ‘tong pupuntahan ko, sama kayo sa akin,” masiglang pag-aaya ko sa kanila at sabay-sabay naman kaming lumabas sa arcade. Ngunit, katulad kanina ay wala na naman kaming alam ng kaibigan ko kung saan dapat magtungo para sa isang destinasyon. “Gem,” tawag ko sa lalaking sinusundan kami mula sa likuran. Gusto kasi niyang magpahuli para mabantayan niya kami ng maayos at maka-aksyon kaagad siya kung sakaling may mangyaring hindi namin inaasahan. “Gem,” pag-uulit ko sa tawag ko sa kanya nang hindi siya sumagot. “Gem!” pasigaw na tawag ko sa lalaki kasabay ng aking paghinto sa gitna ng daan kaya sa isang iglap ay tumama ang mukha ko sa dibdib ni Jeremiah at pakiramdam ko pa ay napisa ang aking ilong. Pero kahit isang sakit ay wala akong naramdaman nang maamoy ko ang mahalimuyak niyang pabango. Ilang segundo akong nanatili sa ganoong posisyon at tsaka ko lang namalayan ang kinalalagyan ko nang madama ko ang pagtama ng mga kamay niya sa aking likuran na tila ba’y binabalak niyang yumakap sa akin. Agad akong napaatras tsaka ko siya tinulak palayo sa akin habang namumula ang aking mukha. “A-Anong… Kanina pa kita tinatawag!” pagpapalusot ko at kunwari ay walang nangyari.
Tinakpan niya ang kanyang bibig sa pagpipigil ng kanyang sariling matawa sa aking naging reaksyon. “Bakit ka ba ganyan?” tanong niya sa akin.
Napalingon na ako sa kanya dahil sa labis na pagtataka. “P-Paanong ganyan?”
“Ayan,” tinuro ako ni Jeremiah. “Bakit kahit wala ka namang ginagawang kahit na ano para magbago ang itsura mo… Bakit napakaganda mo pa rin sa mga mata ko?” tanong niya sa akin at sigurado akong mas lalong namula ang buong mukha ko dahil doon. “Walang ka-effort-effort ang pagiging maganda ng isang Ellyza Clementine. Nakakbighani talaga…” natutulalang aniya sa akin habang nakakapit pa siya sa damit niya katapat ng kanyang dibdib sa parte ng puso niya, at inaangat-angat pa niya iyon na para bang tumitibok ng ganoong kabilis ang kanyang puso ngayon.
“Paano ba naman ako ‘di magseselos kung palagi kayong ganito sa harapan ko?” singit ni Reona tsaka niya ako binatukan at lumapit din siya kay Jeremiah para batukan din ito, kaya parehas kaming napakamot sa aming mga ulo. “Tara na nga, anong oras na oh. Iiiwanan ko kayo sige,” sabi niya tsaka siya nanguna sa kanyang paglalakad.
“Teka lang Reona!” sigaw ko sa kanya at huminto naman siya, dahil alam niya sa kanyang sarili na maaari siyang maligaw kung iiwanan niya kami at pipiliin niyang mapag-isa. “Kaya ko nga tinatawag si Gem kasi hindi ko na naman alam kung saan nakalugar ‘yung pupuntahan ko eh,” matamlay na sabi ko at nang tumingin naman ako kay Jeremiah ay nakaturo na siya sa kanyang sarili. “Oo, ikaw. Bakit, may iba pa ba tayong kasama na Gem ang pangalan?” pabalang na tanong ko sa kanya.
Napaawang ang labi ni Jeremiah tsaka siya tumawa ng bahagya, nag-bow pa nga siya sa amin na hindi ko naman alam kung bakit. “Sorry, Yzza. Nawala sa aking isip na ‘yan na nga pala ang itatawag mo sa akin,” sinserong panghihingi niya sa akin ng tawad tsaka siya tumingala at umayos ng pagkakatayo. “Kaya pala kanina ka pa sigaw nang sigaw ng Gem, akala ko kung ano ang tinutukoy mo o kung nakakakita ka ba ng diyamante na hindi naman namin nakikita kaya hindi kita inuusisa.
Ang ganda pa naman ng naisip kong itawag sa kanya, tapos kakalimutan lang din pala niya.
Napabuntong-hininga na lang ako kasabay ng aking pag-iling. “Hindi naman mahalagang bagay ‘yan. Pero Gem, kabisado mo ba ang lahat ng mapupuntahan at daanan sa mall na ‘to?” tanong ko sa kanya upang iparamdam na rin na pinapatawad ko siya sa kanyang pagkakamali, kahit pa hindi naman iyon masyadong matatrato bilang isang kasalanan. Tumango siya sa akin kaya ipinagpatuloy ko na ang aking sasabihin habang hindi pa masyado marami ang dumaraan sa aming paligid, kanina pa kasi kami nakaharang sa gitna ng daanan. “Alam mo ba kung paano tayo makapupunta sa garden na pwede rin tayo bumili ng kung anuman makita natin doon?” Medyo kinakabahan ako kasi hindi ko sigurado kung mayroon ba talagang ganoong klaseng lugar sa ganitong mall, nakikita ko lang kasi ang mga ganoon sa internet kaya hindi rin ako masyadong umaasa sa positibong tugon mula sa kanya.
“Oo. Sa pagkakatanda ko eh nasa itaas na floor pa natin ‘yun banda. Wala naman gaanong tao na nagpupunta roon kasi nga garden lang at wala rin masyadong mapagkakaabalahan at mabibili kundi mga halaman o bulaklak, syempre kasama na rin doon ang kung anuman ang may kinalaman sa pagtatanim o pagha-harvest,” sagot ni Jeremiah sa akin kaya dali-daling nagliwanag ang aking mga mata. “Bakit mo nga pala natanong? Iyon ba ang sinasabi mong gusto mong sunod na mapuntahan?” usisa niya tsaka siya nag-umpisang maglakad, sumunod naman na kami sa kanya nang sumenyas siya sa amin na sumunod kami.
Magpupunta na siguro niya kami sa sinasabi kong garden.