ELLYZA
Halos lahat na ng laro sa arcade na 'to ay aming nasubukan, at tanging iisa na lang ang hindi pa. Nagdadalawang isip pa kasi ako kung dapat ba talaga namin aksayahin ang oras namin para roon dahil alam kong hindi madaling manalo sa machine na iyon. Kaya hangga’t maaari ay hindi ko pinapayagan ang sarili ko na makita nilang nakatingin sa crane machine, kahit pa naaantig ako sa mga pwede namin makuha kung sakaling madampot iyon ng claw. Subalit, kahit anong pagtatago at pagtatakip ko sa aking mga mata para hindi iyon masilayan ay mas lalo lang pala akong nahahalata ni Jeremiah. Kinalabit niya ako tsaka siya ngumuso sa iniiwasan kong tingnan. “Gusto mo ba nun?” tanong niya sa akin na para bang kahit isang beses lang niya subukan ay magagawa na niyang kuhanin ang pipiliin ko. Hindi ako sumagot sa kanya at nagkunwari na lang akong nanonod sa ibang mga tao na nage-enjoy sa kani-kanilang time kasama ang mahal nila sa buhay, wala pa nga akong nakikitang mag-isa lang na nasa loob ng arcade kasi lahat naman ay mayroon kasama. “Yzza, ‘wag ka na mahiya. Ituro mo lang kung ano ang gusto mong makuha, gagawin ko ang best ko para makuha iyon para sa ‘yo,” sabi pa niya kaya pati si Reona ay napatingin na sa amin dahil hindi namin siya nakakausap. Hinablot naman na niya ang braso ko patungo sa pinakamalapit na crane machine at mas lalo pa pala iyon nakakamangha na makita nang malapitan.
‘Yung tipong nasa harapan mo na nga lang pero napakahirap naman niyang madama sa mismong mga kamay mo.
“Ano, nakapili ka na ba?” usisa ni Jeremiah habang sinasabayan ako sa paghahanap kung ano ang maganda, ngunit, sa sobrang maraming pagpipilian ay hindi ko magawang makontento sa isa lang. “Swipe ka na, Yzza. May nakita na akong baka magustuhan mo. Kung hindi mo magustuhan, edi okay rin, at least malalaman ko kung ano ang gusto mo sa hindi,” nakangiting sambit niya sa akin. Kinuha ko na ang card mula sa aking bulsa tsaka ko iyon ini-swipe sa harap ng machine para magkaroon kami ng tatlong chance na mag-try maglaro sa crane machine. Nag-unat pa si Jeremiah bilang paghahanda na akala mo ay sasabak siya sa isang matinding laban. Huminga pa siya ng malalim tsaka pinatunog ang kanyang mga buto sa kanyang mga daliri bago pumwesto sa harap ng machine na iyon. Wala naman akong ibang nagawa at pati na rin si Reona kundi manood lang kay Jeremiah. Hindi ko alam kung ano ang mga pinipindot niya at kung paano niya iginagalaw ang claw kasi hindi ko pa naman nasusubukan iyon. Kung sa simpleng panonood ko pa nga lang eh parang ang hirap na, paano pa kaya kapag ako na talaga ang sumubok? “Malapit na,” bulong ni Jeremiah sa kanyang sarili kaya napatingin ako sa kung saan nakatutok ang claw. “Ayan na Yzza,” dagdag pa niya at saktong nasabit naman ang maliit na dragon. Cute iyon at kahit pa alam kong dragon iyon ay hindi naman ako nakaramdam ng kahit na anong pang-iinsulto kasi iniisip ko kung bakit iyon ang napili ni Jeremiah na kuhanin para sa akin. Katulad ng mga nakikita kong dragon sa mga libro ay kulay green iyon na mayroong halo rin naman ng ibang kulay. Mayroon din siyang maikling buntot na bumabagay sa maliit niyang sukat. Maski ang mga mata nito ay parang sa mga Anime, hindi siya ‘yung normal na mata lang ng dragon na parang malaking bilog na kakaiba ang kulay. ‘Yung mga mata kasi nitong kinukuha ni Jeremiah ay tila ba’y maaawa ka agad kapag tinitigan mo ‘yung dragon, to the point na gugustuhin mo na lang itong yakapin hanggang sa makatulog ka.
“Wow!” masayang bigkas ko nang mahulog na iyon mula sa claw at sunod ko naman na iyon nakitang nasa ilalim na ng katawan ng machine.
Dinampot agad iyon ni Jeremiah para hindi madumihan tsaka niya iyon itinapat sa mukha ko. “Para sa ‘yo,” sambit niya at walang pag-aalinlangan ko iyong tinanggap tsaka pinagmasdan. Hindi nga ako nagkakamali dahil napaka-cute talaga niya. “Kung nagtataka ka kung bakit iyan ang napili ko para ibigay sa ‘yo… Wala akong partikular na rason at malalim na kahulugan para riyan. Sadyang hindi lang naalis ang mga mata ko nang dumapo ang paningin ko sa dragon na ‘yan at napansin ko ang pagkahawig ninyo…” bitin niyang sabi. Humakbang siya palapit sa akin tsaka niya inipit ang buhok ko sa likod ng aking tenga. “Parehas kayong nakakabighani,” sabi niya na siyang nakapagpapula kaagad sa aking pisngi kaya tinakpan ko iyon sa pamamagitan ng pagharang ng dragon sa harapan ng mukha ko.
“Hoy Jeremiah, tigilan mo nga ‘yan,” pagrereklamo ni Reona mula sa aking tabi, natuwa naman ako sa kanyang reaksyon kasi ngayon ko lang siyang nakitang ganito. Never ko siyang nasilayan na magpakita ng isang hint na siya ay nagseselos, kahit pa sa mismong classroom habang kausap niya ang ibang mga kaibigan niya sa aming mga kaklase. “Respeto naman sa mga single ‘di ba?” aniya at tsaka tinaas ang isang kilay habang inikot niya ang kanyang mga mata para tarayan kami.
“Gusto mo rin ba ng stuff toy?” tanong sa kanya ni Jeremiah. Bumalik siya sa kanyang kinatatayuan kanina at nakahanda na muling sumubok sa crane machine para kuhanan naman ang kaibigan kong si Reona ng isa pang stuff toy.
Ngunit, bago pa man iyon masimulan ni Jeremiah ay dali-daling umiling si Reona. “Ayaw ko niyan. Ang seryoso mo naman, nagbibiro lang naman ako. Marami kaming stuff toy sa bahay, pwede naman kaming bumili kung gusto namin tsaka hindi rin naman mahalaga sa akin kung kanino iyon manggagaling dahil pare-parehas lang naman iyan ng silbi,” mahabang paliwanag niya kung bakit siya tumanggi.
Hindi ko alam kung bakit ako nakaramdam ng pagsisisi, na para bang dapat si Reona na lang ang naging close ni Jeremiah at hindi ako. Para hindi niya kailangan isipin ang ganitong mga kalse ng bagay na hindi naman din maganda. “Reona,” tawag ko sa kanya. Kumalma naman na ang kanyang ekspresyon at nawala na rin ang pagiging mataray sa kanyang mukha. “Gusto mo, sa ‘yo na lang ‘to?” Inilahad ko sa harapan niya ang dragon na ibinigay sa akin ni Jeremiah kahit pa labag iyon sa aking kalooban. Ayaw kong masira ang aming pagkakaibigan dahil lang sa espesyal na pagtatrato sa akin ni Jeremiah, kasi nga si Reona naman din ang rason kung bakit kami nagkakausap at nagkakasama ngayong tatlo. Kung hindi naman dahil sa kanya ay hindi magkakatagpo ang aming mga landas, kahit pa walang kasiguraduhan kung mauulit pa bang muli, kahit magkikita pa naman kami bukas dahil sa aming napagkasunduan sa basketball… shoot the ball kanina.