35

1069 Words
ELLYZA Nang muling kumilos si Jeremiah para mag-shoot ay roon lang din ako nakabalik sa katotohanan na naglalaro kami ngayon sa loob ng arcade. Napatulala kas ako sa kanyang sinabi at sa mismong timing ng kanyang pagkatanong niyon. Hindi ko naman maitatanggi na tama ang kanyang pagkakaintindi sa aking sinabi, kasi sa katotohanan ay naisip ko lang din naman iyong challenge na iyon para sa kapakanan na muli kaming magkita, sa araw na walang kahit isa sa amin ang magmamadali para lang makauwi dahil sa oras. Pero syempre, hindi naman kami pwedeng magpaabot ng hatinggabi. “Ikaw ang bahala kung ano ang gusto mong paniwalaan,” sabi ko kasabay ng pagkuha ko sa isang bola. Magmimistula na sana akong isang propesyonal sa pag-shoot dahil hindi na ako nag-abala pang i-aim ang bola sa ring para i-shoot iyon, kaso, katulad ng inaasahan ko ay hindi man lang iyon umabot sa mismong ring kahit man lang sa paligid niyon. Agad akong nanghinayang at nawalan ng pag-asa kahit pa iyon pa lang naman ang unang beses na nasubukan kong gawin iyon. ‘Di ba, wala naman nakakagawa ng magandang output sa unang try pa lang. Kaya, nilakasan ko muli ang aking loob at kumuha ako ng panibagong bola dahil mahaba-haba pa rin naman ang oras namin. Kagaya ng ginawa ko kanina ay binato ko kaagad ang bola at hindi na naman iyon tumama sa ring. “Mag-effort kang mag-aim ng bola para ma-imagine mo man lang ‘yung trajectory niya,” sabi ni Jeremiah mula sa tabi ko, hindi naman siya nakatingin sa akin pero napapanood siguro niya ang nangyayari mula sa dulo ng kanyang mga mata. “Huwag mong basta-basta ibato lang, hindi ka pa naman gaanong hasa sa pagba-basketball. Matututunan mo rin ‘yan,” dugtong pa niya at maya-maya lang ay sinubukan ko naman ang kanyang payo. Pumulot pa uli ako ng isang bola tsaka ko iyon dahan-dahan na inangat sa ere at sinusubukang ipantay kung hanggang saan lang ang layo niyon bago ko muling pinakawalan ang bola kaso bigo pa rin ako sa pangatlong pagkakataon ko. “Yzza, masyadong mahina ang pwersa ng pagbabato mo. Hindi lang basta ‘yung pag-aim ang kailangan mong intindihin, pati ang lakas ng pagtulak mo sa bola ay kailangan mong i-consider depende sa distansya mo mula sa ring,” pagpapayo pa ni Jeremiah at maya-maya lang ay bigla na lang siyang huminto sa kanyang ginagawa para lapitan ako. Tinapik niya ako sa aking balikat kaya napatingin na rin ako sa kanya. “Yzza, kapag na-shoot mo ‘yang susunod mong bola, bukas na bukas din ay ililibre ko kayo ni Reona ng kahit anong gusto niyo. Iyon na lang ang challenge, hindi na ‘yung kung sino ang matalo o ‘yung may pinakamababang score. Sagot ko na ang gagastusin natin basta maka-shoot ka kahit isa man lang,” wika niya at habang sinasabi niya ang mga iyon ay nakataas ang isang daliri niya sa kanyang kaliwang kamay. Inalis na niya ang kamay niya sa ibabaw ng aking balikat tsaka siya dumistansya sa akin para bigyan ako ng sapat na space para bumwelo. Huminga muna ako ng malalim bago ako kumuha ng panibagong bola. Ito na ang huling pagkakataon ko. Dito nakasalalay kung magkikita pa ba kami uli ni Jeremiah o hindi na. Dito nakasalalay kung magkakatagpo pa ba muli ang aming mga landas o hindi na. Dito nakasalalay kung karapat-dapat nga ba ako ituring bilang isa sa kanyang mga kaibigan o hindi na. Sinunod ko ang lahat ng payo sa akin ni Jeremiah. Inayos ko ang pagkakahawak ko sa bola, inasinta ko ang ring at kinontrol ko rin ang lakas ng aking kanang kamay sa pagbabato ng bola na iyon. Pagkatapos mahiwalay ng bola sa aking mga kamay ay bigla na lang akong napapikit, ayaw kong malaman ang resulta ng aking ginawa, masyado akong kinakabahan kaya maski ang mga braso ko ay naiwan pa rin sa ere na nakaangat. Subalit, pagkalipas ng dalawang segundo ay narinig ko ang tunog ng isang buzzer kaya napamulat agad ako ng aking mga mata at napatingin sa screen sa gilid ng aking machine. “Whoa,” napasinghap ako tsaka ako napatakip sa aking bibig nang makita ko ang pagbabago ng numero mula sa 0, naging 1 na iyon na siyang senyales na nagawa kong i-shoot ang bola na iyon kahit pa hindi ko nakita ng aktuwal na nangyari iyon. Baka kasi si Jeremiah lang ‘yung nag-shoot pagkatapos kong pumikit tapos ‘yung binato kong bola eh hindi talaga pumasok sa ring. “Nakikita niyo ba ang nakikita ko?” ani ko. Ramdam na ramdam ko ang matinding pagbabago sa aking mood, na para bang bigla na lang tumaas ang enerhiya ko. Itinuro ko ‘yung screen na nagpapakita ng score ko kaya parehas silang napatingin doon at tumango. Nagtama pa ang paningin ng dalawa kong kasama at sabay rin silang nag-apir. “Congrats!” masayang pagbati sa akin ni Jeremiah tsaka niya ipinatong ang palad niya sa ibabaw ng aking ulo at sinimulang guluhin ang maayos kong buhok. “Hindi ka naman napapaghalataan na gustong-gusto mo makasama uli ‘yung future mo sa susunod na araw eh ‘no?” pang-aasar sa akin ni Reona at para bang alam niyang iyon talaga ang objective ko kung bakit ko sinunod ang mga payo ni Gem kahit pa napanghihinaan na ako ng loob kanina. Maski ako ay hindi ko na napigilan pa ang sarili kong matuwa kaya kahit pa ayaw kong ginugulo ang buhok ko ay hinayaan ko na lang si Gem na ipagpatuloy iyon. Nagpatuloy na lang kami sa aming paglalaro at sa huli ay ako pa rin ang mayroong pinakamababang score sa kanilang tatlo, 7. Habang ang kaibigan ko namang si Reona ay 13 at si Jeremiah naman ay 29. Sinubukan pa namin ang ilang mga laro sa arcade at ang masasabi ko lang ay nag-enjoy ako ng sobra roon sa racing naming tatlo. Nadarama ko kasi ‘yung tensyon lalo na kapag nakikita kong malapit na silang mauna sa akin, tapos si Reona pa eh madalas akong binabangga kaya tuwing gagantihan ko sana siya eh si Jeremiah ‘yung nababangga ko. Kaya ang ending ay si Reona ang nananalo parati. Kahit pa palagi kaming magkakalaban eh hindi naman kami nagkakapikunan kasi mas nagkakatuwaan kami dahil magkakasama naman kami. Hindi ko inaasahang magiging ganito pala kasaya makapaglaro sa arcade kasama ang mga kaibigan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD