ELLYZA
Napasinghap na lang ako sa gulat nang gawin din ng papa ni Reona ang ginawa ni Jeremiah sa kanyang anak. Hinablot niya ang aking braso kaya s*******n akong napatayo mula sa aking pagkakaupo sa harap ng hapagkainan. Mula sa ilang hakbang na distansya ay katapat namin ang dalawa kong kaibigan, hindi pa rin ako binibitawan ng papa ni Reona kaya medyo kinakabahan na ako. Si Jeremiah kasi kanina ay binitawan naman agad ang braso ni Reona. Dumapo ang paningin ko sa mga mata ni Jeremiah na punong-puno ng matinding pag-aalala, na baka kung ano ang mangyari sa sitwasyon na ito. Marahil ay sinisisi na niya ang kanyang sarili sa mga oras na ito na hindi naman dapat niya maramdaman. Bagamat hindi inaalis ni tito ang kanyang kamay sa braso ko ay hindi naman iyon mahigpit, kaya medyo nabuo sa isipan ko kung ano ba ang tunay niyang motibo. Kasi kung gusto talaga niyang gumanti sa ginawa ni Jeremiah ay paniguradong hihigpitan niya ang kapit niya sa akin upang maipakita niya sa lalaki na nasasaktan ako sa ginawa niya.
“So parang inamin mo na rin na nagsisinungaling nga talaga si Reona sa akin… sa harapan namin ng kanyang mga magulang?” mariin na tanong niya kay Jeremiah. Hindi naman niya iyon itinanggi, sa katunayan nga ay tumango pa siya para bigyang katibayan ang kanyang paratang. Nang makita iyon ni tito ay naramdaman kong binaling niya ang kanyang atensyon sa akin. Ngunit, bago ko pa man siya lingunin ay napansin ko na ang panginginig ng mga binti ni Jeremiah na para bang pinipigilan niya lang ang kanyang sarili na lumapit sa akin upang hatakin ako palayo sa ama ni Reona. “Ellyza, tama?” paniniguro niya muna sa aking pangalan. Wala akong ibang nagawa kundi ang tumango upang hindi uminit ang kanyang ulo. “Walang kaibi-kaibigan dito, sabihin mo sa akin ngayon din kung sino sa dalawang iyan ang nagsasabi ng totoo,” utos niya sa akin sa halip na magtanong siya ng maayos upang masagot ko siya ng walang pag-aalinlangan. “Sagutin mo ako ng diretso, narinig mo naman siguro kung ano ang isa sa mga ayaw ko, ‘di ba?” pananakot pa niya sa akin habang unti-unti niyang nilalapit ang kanyang mukha sa akin. Napalunok na lang ako tsaka ko iniwas ang aking mga mata sa kanya upang hindi masyadong matakot ang aking sarili, pero balewala lang iyon sa kanya dahil agad niyang hinabol ang aking paningin. “Bilisan mo na para makapag-isip na ako ng aking final decision,” nakangising dugtong pa niya at mukhang iyon na ang kanyang huling sasabihin dahil itinikom na niya ang kanyang bibig.
Sinulyapan ko muna ang dalawa kong kaibigan bago ko ibinalik ang tingin ko kay tito. “P-Paanong final decision po..?” nag-aalinlangan kong tanong sa kanya.
Bigla niyang hinigpitan ang kapit niya sa aking braso kaya napapikit ang isa kong mata sa sakit niyon, hindi naman iyon matagal pero nakakabigla pa rin kaya hindi ko naiwasang masaktan. “I don’t remember ever giving you the right to ask me a question,” mataray niyang sambit sa akin na siyang nagpaawang sa aking bibig.
Huminga muna ako ng malalim tsaka ako nag-isip ng mabuti kung kanino ako kakampi sa kanilang dalawa. Nakadepende sa isasagot ko ngayon ang kalalabasan ng kung anumang desisyon ni tito, hindi ko alam kung ano ang sinasabi niyang iyon pero isa lang ang alam ko… Hindi ako pwedeng magsinungaling para lang sa kaligtasan ni Reona. Hindi ako kumakampi kay Jeremiah dahil malapit ang loob ko sa kanya. Kakampi ako kay Jeremiah dahil siya naman talaga ang nagsasabi ng totoo. Tumingin ako kay Reona tsaka ako nanghingi ng tawad sa kanya sa loob ng aking isipan, hindi ko iyon maaaring sabihin ngayon nang nasa harapan ko ang kanyang ama. Ayaw ko sanang maging traydor sa harapan ng mga magulang niya, pero wala akong ibang choice.
Binalik ko na ang atensyon ko sa papa ni Reona tsaka ko siya tinitigan nang malalim sa kanyang mga mata. “Si Jeremiah po ang nagsasabi ng totoo,” diretsong sabi ko sa kanya nang hindi nauutal, upang maramdaman niya na seryoso ako sa aking sagot at hindi ako nagsisinungaling. “Katulad din po ng sinabi niya, kung gusto niyo po malaman ang buong kwento ay sasabihin po namin sa inyo, walang labis, walang kulang,” dugtong ko pa at sa puntong iyon ay binitawan na niya ang aking braso.
Humakbang si tito paatras tsaka siya napasapo sa kanyang noo habang umiiling. “Ikaw na ang bahala rito,” sabi niya at mukhang ang asawa niya ang kanyang kausap at hindi na kaming tatlo.
Ang kaninang walang kibo na mama ni Reona ay bigla na lang tumalon sa gitna ng aming kinaroroonan tsaka niya itinaas ang kanang braso niya. “Hello sa inyo, ako nga pala ang magandang mommy ni Reona, ang kaibigan ninyong dalawa,” masayang pagpapakilala niya sa amin. Hindi na niya binanggit ang kanyang pangalan at pati na ang kay tito. Ganito kasi sa amin, sadyang nakasanayan na lang siguro namin iyon mula pa ng aming pagkapanganak, ang hindi magtanungan kung ano ang pangalan ng kani-kanilang mga magulang. “Sorry sa mga sinabi at ginawa ng asawa ko ah? Huwag sana kayong matakot na lumapit sa kanya kapag pumunta uli kayo rito o kung magkasalubong man kayo sa labas,” aniya tsaka siya lumapit kay tito at inakbayan ito. Nang tumingin ako kay tito ay yumuko siya sa akin na siyang hudyat na gusto niyang humingi ng tawad sa ginawa niya sa akin. Nginitian ko lang naman siya para hindi siya mag-alala kung magtanim man ako ng galit sa kanya dahil doon. “Napag-usapan na kasi naming tatlo ni Reona ang tungkol dito. Mula pa nung maimbitahan siya ni Ellyza sa mall kung saan niyo nakilala si Jeremiah, hanggang sa mag-aral kayo rito at mag-sleepover. Dumating na kasi kami rito bago pa man kayo magising at tanging si Reona lang ang nagbukas ng pinto dahil wala na rin gising sa mga tauhan namin tuwing darating kami,” paglalahad niya tsaka siya humiwalay kay tito. “Kaya ayun, napagplanuhan namin na takutin kayo at lalo na ikaw Ellyza,” natatawang sambit niya sa akin bago siya nagpatuloy. “Binanggit kasi sa amin ni Reona na ngayon ka pa lang nagkaroon ng kaibigan kaya ito rin ang unang pagkakataon mo na mag-stay sa bahay ng iba. Kaya naisipan na lang namin na maging masungit o kung ano pa man ang naging impression niyo sa amin. Successful naman ‘di ba?” pagtatapos ni tita sa kanyang paliwanag.
Ngayon na nga lang ako nagkaroon ng kaibigan, na-prank pa agad ako.