ELLYZA
Pagkatapos ng pagpapakilala na iyon ni tita ay bumalik na ang lahat sa normal kaya nakahinga na rin ako ng maluwag. Ngunit, hindi naman matahimik ang aking curiosity tungkol sa isang bagay kaya bago kami bumalik sa aming mga upuan ay itinaas ko ang aking kamay, na para bang naghihintay akong tawagin ng aking guro upang mag-recite. Tinuro naman ako ni tita kaya nakapagsalita na ako tungkol sa nais kong sabihin. “Ano po ‘yung sinasabi ni Tito kanina na final decision? Gusto ko sana talagang malaman ‘yun kahit pa medyo nabara niya ako kanina,” nahihiyang tanong ko sa kanilang dalawa.
Hinarap ako ni tito at mukhang siya ang sasagot sa aking tanong dahil tungkol naman din iyon sa kanya. “Ang objective kasi talaga naming tatlo rito ay kung magsisinungaling ba kayong dalawa para lang depensahan si Reona. Ayaw kasi talaga namin sa ganoong klase ng mga tao, ‘yung magsisinungaling para lang hindi malagay sa alanganin ang anak namin. Hangga’t maaari ay gusto pa rin namin malaman ang totoo, ikagagalit man namin o ikatutuwa man namin, kahit ano pa man iyan ay may karapatan kaming malaman ang nangyari sa buong araw niya. Lalo na’t ngayon lang din naman siya nagdala ng kaibigan sa bahay namin,” sagot niya sa akin at muli akong nagtaka. Marahil ay nakita iyon ng papa ni Reona kaya ipinagpatuloy niya pa ang kanyang sinasabi. “Alam mo naman sigurong maraming kaibigan si Reona sa school ninyo, ‘di ba?” paniniguro muna ni tito kaya tumango ako at ganoon din siya. “Kahit pa ilang daan ang maging kaibigan niya, kayo pa rin ang kauna-unahang dinala niya rito. Hindi rin namin alam kung bakit pero siguro, na-sense din niya na magiging kaibigan niya kayo sa matagal na panahon,” paliwanag niya.
Nang malinawan na ang aking isipan tungkol sa sitwasyon ay inaya naman na kami ni tita na bumalik na sa hapagkainan. Sinamahan na nila kami sa aming agahan habang pinaghahandaan kami ng kanilang mga katulong ng iba’t ibang ulam habang nagsasandok na kami ng aming mga kanin. Pagkatapos naming magsandok ay sabay-sabay naman kaming nagdasal ng dasal para sa bago kumain. “Papasok na rin ba kayo pagkatapos niyong ihatid si Jeremiah?” usisa ni tita sa amin kaya nagkatinginan kami ni Reona, at para bang nabasa namin sa isa’t isa ang nilalaman ng isipan namin; magkasabay kaming nagkibit-balikat sa tanong na iyon. “Bakit hindi niyo pa alam? Pumasok na lang din kayo para isang lakaran na lang at hindi niyo na kailangan pang magpabalik-balik dito. Hindi naman sa ayaw ko na kayong pabalikin sa bahay, mas mapapadali lang kasi niyon ang lahat at bawas din sa pagod ninyo upang hindi na rin masayang ang oras ng paglabas ninyo,” bilin niya sa amin bago siya nag-umpisang kumuha ng kanyang ulam para sa kanyang pagkain ngayong almusal.
Hindi umabot sa kalahating oras ay natapos na rin kami sa aming pagkain, nakapagpasalamat na rin kami pati na rin sa mga katulong dito na walang tigil sa pagtatrabaho. Hindi ko alam kung may oras pa silang kumain pero mukhang hindi naman sila pinapabayaang malipasan ng gutom dahil lahat naman sila ay mukha pa rin healthy ang blooming-- walang lalaki, lahat sila ay babae, hindi siguro sila komportable na mayroong lalaking katulong o sadyang mas may tiwala lang sila sa mga kababaihan. “Ma, akyat na muna kami ni Ellyza sa kwarto ko. Kuhanin lang namin mga gamit namin para hindi na kami bumalik dito,” anunsyo ni Reona tsaka niya hinawakan ang pulsuhan ko para hatakin ako at tumayo na rin kagaya niya. Hindi na siya naghintay pa ng sagot ng kanyang ina at iniwan na lang niya namin basta ang tatlo sa hapagkainan.
Hindi na namin inaya pa si Jeremiah dahil wala rin naman siyang gamit dito kasi wala naman siyang dinala kundi ang kanyang sarili. Hindi namin alam kung umaga rin ang kanyang klase kaya kailangan namin siyang maihatid bago pa dumating ang oras ng normal na klase ng mga pang-umaga. Matalino pa naman siya, baka mamaya ay mapagalitan siya sa school nila kung sakaling magkaroon siya ng record na late o absent. Iyon din kasi ang isa sa mga bagay na hindi ko pwedeng gawin-- ang um-absent, dahil makakasira iyon sa aking grades at hindi magiging magandang tingnan ang aking record kung ganoon. Katulad ng sinabi ni Reona ay bumalik kami sa kwarto niya. Kinuha na lang niya ang bag niya sa ibabaw ng kanyang kama at mukhang naayos na niya iyon bago pa siya matulog kagabi, nag-asikaso na siguro siya ng mga gamit niya nung oras na pinaalis na niya kami sa kwarto niya. Napatulala na lang ako sa ere at maski si Reona at sabay kaming nagkatinginan sa isa’t isa.
“Wala kang bag!” ani Reona.
“Wala kong bag!” ani ko.
Sa dinami-rami ng bagay na pwede kong makalimutan sa bahay, ‘yung bag ko pa talaga. Wala naman din nagpaalala sa akin niyon at mukhang nakaligtaan din nila, maski sina mama at papa ay hindi man lang iyon inabot sa akin. Alangan namang pumasok ako sa school ng walang dalang kahit na anong gamit? Hindi naman pwedeng bumalik pa ako sa bahay namin para lang kuhanin iyon kahit pa malapit lang naman at hindi gaanong malayo, sa kadahilanang kailangan na namin maihatid si Jeremiah sa sakayan o sa kanyang bahay mismo. Hindi sapat ang nalalabing oras namin para bumalik pa ako roon. Napahawak na lang ako sa aking sentido at tsaka ko iyon minasa-masahe habang nag-iisip ako ng paraan para masolusyonan ito.
“Ilang minuto na lang ba bago magsimula ang klase natin?” tanong ko kahit pa mayroon namang wall clock sa kwarto niya.
“Hindi na abot sa kalahating oras. Ang tagal mo kasing gumising tapos na-delay pa tayo kumain dahil sa napagplanuhan namin nina Mama at Papa, sorry,” panghihngi niya ng paumanhin.
Na-guilty naman ako bigla dahil hindi naman niya kailangang mag-sorry dahil sa ganoong kaliit na bagay. Para rin naman iyon sa kanya at sa mga magulang niya at ako naman din talaga ang may kasalanan nito. Biglang may sumagi sa isipan ko na ideya kaya napataas ako ng aking daliri. “Si Gem na lang kaya ang pakuhanin natin ng bag ko sa bahay namin?” suhestiyon ko. “‘Di ba, basketball player siya? So, mabilis siyang tumakbo kumpara sa ating dalawa. Kaya hindi magiging mahirap sa kanya na pumunta roon at bumalik dito sa bahay niyo nang hindi nauubos ang oras. Ang problema nga lang… kung sasalubungin siya nina Mama at Papa, baka kausapin pa siya roon kaya male-late din talaga siya ng balik dito…” biglang tumamlay ang aking pananalita kahit pa nagliwanag naman na ang aking isipan dahil sa ideya kong iyon.
Hinila na ako ni Reona paalis sa kanyang kwarto, sinarado na muna niya iyon bago kami nagpatuloy sa aming paglalakad ng mabilis hanggang sa makabalik na kami sa hapagkainan kung saan kami nanggaling.