ELLYZA
Agad akong dinala ni Reona sa harapan ni Jeremiah at hindi naman na ako nagdalawang isip pa na sabihin sa kanya ang plano ko dahil mas masasayang ang oras namin kung magpapaliguy-ligoy pa ako. “Gem, kailangan ko ng tulong mo,” sabi ko tsaka ko siya hinila patayo. “Pwede ka bang bumalik sa bahay namin para kuhanin ‘yung bag ko? Actually, wala ka namang choice kaya go na! Takbuhin mo na habang may oras pa, malapit na kaming magklase at kailangan mo pa makauwi,” nagmamadaling utos ko sa kanya. Kahit pa hindi niya alam kung ano ang nangyayari ay agad naman siyang kumilos para lumabas ng bahay nina Reona hanggang sa tuluyan na nga siyang nawala sa aming paningin. Kahit pa kaunti lang ang agwat namin sa aming height ay hindi ko pa rin maikukumpara ang sarili ko sa bilis niyang tumakbo, ang layo kasi ng nararating ng kanyang bawat paghakbang tuwing tumatakbo siya. Guminhawa naman ang aking loob dahil hindi ako mapapahiya mamaya sa classroom kung sakaling pumasok ako ng walang bitbit-bitbit na gamit ko.
“Anong nangyari, Ellyza?” tanong sa akin ni tita. Nakalimutan kong narito nga rin pala sila, masyado kasi akong nataranta at sa pagmamadali ko ay hindi ko na sila nakita pa.
Humarap ako sa kanila tsaka ako umupo sa pwesto ko kanina, ganoon din naman si Reona. Ipinatong ni Reona ang bag niya sa ibabaw ng kanyang mga hita kaya medyo nakausog ang upuan niya mula sa lamesa. “Naiwan ko po ‘yung bag ko sa bahay…” mahina kong sabi, medyo nahihiya pa rin ako sa kanila dahil sa nangyari kanina kahit pa sabihin nilang tinest lang naman nila kami ni Jeremiah, kung fit ba kami para maging kaibigan ni Reona.
“Pwede ka namang makipag-usap sa amin kagaya ng pakikipag-usap mo sa anak namin. Hindi naman na kami magiging masungit pa sa inyo katulad kanina, kaya ‘wag ka nang kabahan diyan. Maski ‘yang pagiging magalang mo, alam naman namin na kailangan iyon at mabuting bagay ang pagiging magalang sa mga nakatatanda, pero hindi kasi kami sanay sa ganyan. Kaya ‘wag kayong magdalawang isip na itrato kami katulad lang ng pagtrato niyo kay Reona,” singit naman ni tito at pagkatapos niyang sabihin iyon ay nilabas niya ang kanyang malawak na ngiti.
Hindi naman na kami nagkausap pa ng matagal kasi maya-maya lang ay narinig ko na ang pagbukas ng pinto sa sala kaya napatayo na kaming dalawa ni Reona at sinalubong namin si Jeremiah, na siyang dala-dala na ang aking bag. Ibinigay niya agad iyon sa akin at binuksan ko pa muna iyon para siguruhing narito ang mga gamit na kailangan ko para sa araw na ‘to. Hindi naman ako nabahala pa dahil naroroon naman ang lahat ng notebook at iba ko pang gamit. “Thank you, Gem,” masiglang sabi ko sa kanya. Ni wala man lang akong makitang kahit isang bahid ng pawis sa kanya, para bang hindi man lang siya napagod sa pagtakbo niya papunta at pabalik dito. Siguro ay mas mahirap pa ang training sa kanilang school para sa mga basketball matches kaya sisiw na lang sa kanya ito. “Tara na?” pag-aaya ko sa kanya at sinulyapan ko naman si Reona para ayain din siya.
Tumango naman silang dalawa sa akin. “Mauna na kami Ma, Pa,” paalam ni Reona sa kanyang mga magulang at yumuko na lang kami ni Jeremiah sa kanila.
“Mag-ingat kayong tatlo ah. Tumingin kayo sa daraanan niyo at sa mga sasakyan sa kalsada,” nag-aalalang saad ni tita sa amin tsaka niya ibinaling ang atensyon niya sa lalaking nasa gilid ko. “Jeremiah, pakibantayan na lang ‘yang dalawang ‘yan. Base sa nakita ko sa ‘yo ngayon at sa kwento ni Reona kanina sa amin, nakakasiguro kaming maaasahan ka namin lalo na sa ganitong klaseng bagay,” bilin ni tita kay Jeremiah pagkatapos naming tumingala sa kanilang dalawa ni tito. “Sige na, umalis na kayo at tatanghaliin pa kayo sa paglalakad ninyo,” iyon na ang huling katagang narinig ko mula kay tita dahil umalis na kami sa kusina at sabay-sabay kaming dumiretso sa sala hanggang sa tuluyan na nga kaming makalabas sa mala-mansyong bahay ni Reona.
“Saan mo ba gustong ihatid ka namin, Gem? Sa bahay niyo mismo o sa sakayan na lang? Malapit lang ba bahay niyo o malayo? May klase ka rin ba ngayong araw? Anong oras simula ng klase niyo?” sunod-sunod na tanong ko kay Jeremiah na para bang hindi ako mauubusan ng katanungan para sa kanya.
Natawa naman si Jeremiah sa akin. “Ang dami mong tanong ah? Mami-miss mo ako ‘no?” pang-aasar niya sa akin tsaka niya siniko ang tagiliran ko. Naalala ko tuloy ‘yung nasa labas pa lang kami ng arcade, siko siya ng siko sa akin at napagbintangan ko pa si Reona. Umayos siya sa kanyang pagkakatayo upang magpatuloy sa aming paglalakad. Nauuna siya ng kaunti kaysa sa amin dahil hindi naman namin alam kung saan siya daraan, baka mali pa ang mapuntahan namin kung magmamarunong kami ni Reona. “Pero para masagot ‘yang mga tanong mo, makinig ka sa akin,” aniya kaya humakbang ako ng malaki hanggang sa makarating na ako sa kanyang tabi. Napag-iiwanan na naman si Reona sa likod pero hindi naman iyon malaking problema sa kanya, okay lang naman daw iyon dahil iisa lang din naman ang pupuntahan namin. Sinisiguro rin naman naming hindi siya mawawala na lang bigla, tsaka isa pa, nakakapit naman siya sa dulo ng uniporme ko sa likod kaya mararamdaman ko kung bigla siyang mahihiwalay sa amin. “Hanggang sa malapit lang na sakayan niyo ako ihahatid, malayo kasi ang bahay namin at hindi niyo kakayanin na samahan ako hanggang doon dahil may klase pa kayo. Kung wala naman kayong klase ay pwede kayong pumunta roon pero kailangan niyo pa rin sumakay dahil malayo talaga. Pinipili ko lang na mag-standby sa mall na ‘yun kung saan niyo ako nakita para makalayo sa lugar namin at mapadpad ako sa lugar kung saan walang nakakakilala sa akin. Sa totoo lang, may klase rin kami ngayon pero hindi naman ako madalas na pumapasok sa klase namin. Okay lang na hindi ako pumasok o kung late ako, ewan ko ba. Favorite siguro ako ng lahat ng teacher namin at wala naman nagagalit sa akin o sa pamilya ko dahil sa katotohanang iyon kaya wala pa akong nakakaaway roon. Dahil tinanong mo ang oras, ayaw ko sanang sabihin ‘to kanina pa dahil baka magsisi kayo kung bakit sinama niyo pa ako pero, nag-start na ‘yung klase namin bago pa tayo kumain. As in bago pa dumating ‘yung mga magulang ni Reona. Pero hindi naman siya literal na klase dahil morning practice lang namin iyon sa basketball team namin, varsity kasi ako sa school namin,” mahabang paliwanag niya upang sagutin ang lahat ng binitawan kong tanong sa kanya. Nanatili akong nakatitig kay Jeremiah habang nagsasalita siya, kaya sa gulat ko ay napaiwas ako ng tingin nang hatakin niya ang braso ko papunta sa kabilang side niya nang may humarurot na sasakyan sa tabi ko. “Tumingin ka sa paligid mo, Yzza, hindi ‘yung sa akin ka lang nakatingin. Paano kung mapahamak ka?” nag-aalalang sabi niya sa akin, hindi naman niya ako pinagmataasan ng boses at mabuti na lang ay hindi.
Isa kasi sa kinakatakutan ko ay ang sigawan ako ng isang lalaki dahil sa galit o kahit pa nag-aalala lang naman ‘yung tao.