53

1189 Words
ELLYZA Nang matapos na si Jeremiah sa kanyang kasagutan ay agad akong nanghingi ng tawad sa pagtitig ko sa kanya na muntikan ko pang ikapahamak. Hindi naman siya nagalit sa akin at maski si Reona ay pinagsabihan pa ako na mag-ingat na lang sa susunod at magpasalamat dahil walang nangyari sa aking masama. Kasalukuyan na kaming nasa tapat ng iba’t ibang mga sakayan: may mga jeep, tricycle, taxi, bus at mayroon din namang pedicab, tapos may choice ka pang rumenta ng bisikleta kung marunong ang gagamit. Dumating na nga ang oras ng aming paghihiwalay, sana ay hindi makalimutan ni Jeremiah ang aming kasunduan sa challenge sa arcade. Pero, siya pa rin naman ang bahala roon kung paninindigan niya iyon o hindi. Maiintindihan ko naman kung hindi siya pumunta para makipagkita sa amin mamaya pagkatapos ng klase namin o klase nila, baka kasi hindi rin magkatugma ang dismissal time namin. Kung mangyari mang hindi siya sumipot sa aming napag-usapan ay ico-consider ko na lang na kalimutan siya. Tutal, sa mall lang naman kami nagkakilala at hindi pa naman kami nagkakasama sa matagal at mahabang panahon kaya hindi magiging mahirap sa akin na kalimutan siya kung sakali. Napailing na lang ako sa mga naiisip ko, hindi pa naman kami pero ganito na agad ako mag-isip. Paano na lang kung magkatuluyan kami? Baka mas lalo pa akong mabaliw sa lahat ng naiisip kong walang katuturan. “Ellyza,” tawag sa akin ni Jeremiah at dali-dali naman akong tumugon sa kanya. “P-Pwede ko bang mahingi ang cellphone number mo?” utal na tanong niya sa akin. Umiwas pa siya ng tingin sa akin na para bang nahihiya siyang hingin iyon mula sa akin. Ewan ko kung sa akin lang ba siya ganito o pati sa ibang mga babae, sana pala ay nakita ko munang hingin niya ang number ni Reona bago niya hiningi ang sa akin. Para naman maramdaman kong special talaga ako para sa kanya, kahit pa alam ko naman na iyon. “O-Okay lang naman kung ayaw mo…” agad niyang bawi sa kanyang sinabi. Walang pag-aalinlangan kong kinuha ang cellphone ko mula sa aking bulsa at ganoon naman din si Jeremiah nang makita niyang ilabas ko iyon. Nagpalit kami ng cellphone at sari-sarili naman kaming naglagay ng aming mga number sa contacts. Ibinalik ko na ang cellphone ni Jeremiah sa kanya nang matapos ako, inilagay ko lang ang pangalan kong Ellyza roon. Nang makuha ko naman na ang cellphone ko mula sa kanya ay hindi na ako nagtaka pa sa nakita kong contact name na inilagay niya. “Future man,” bulong ko habang binabasa ko ang inilagay ni Jeremiah roon bago ko ibinulsa muli ang cellphone ko. Hindi ko maiwasang hindi itago ang ngiti ko dahil natutuwa talaga ako ngayon, kahit pa namumula na ang parehas naming mga mukha. “Salamat, Gem. Akala ko hindi na tayo magkakaroon ng paraan para makapag-communicate sa isa’t isa, lalo na ngayong hindi naman namin alam ni Reona kung saan ka nakatira para pwede ka sana naming dalawin na lang,” sinserong sabi ko sa kanya tsaka ako napakagat sa aking labi, para naman kahit papaano ay hindi niya masyadong mahalata na mas nalalamangan ko pa ang labis na tuwang nadarama ko kumpara sa kanya. “Hindi niyo ba gusto makuha ang number ko?” singit naman ni Reona mula sa aming likod at nang lumingon kami sa kanya ay bigla na lang siyang lumapit sa amin at parehas niya kaming inakbayan. Hindi naman nagtagal ay humiwalay rin siya sa amin tsaka niya inilabas ang cellphone niya at katulad kanina ay nagkapalitan lang kami ng mga cellphone number. Sinilip ko agad ang contact name ni Jeremiah sa cellphone ni Reona at nakahinga naman ako ng maluwag nang makita kong buong pangalan lang niya ang nakalagay roon. Ganoon naman din si Reona kay Jeremiah kaya hindi na ako nag-alala pa. “Grabe ka naman Ellyza. Hindi pa nga kayo ni future mo, ganyan ka na agad kung magduda sa mga aksyon niya na para bang wala kang tiwala agad sa kanya,” natatawang komento ni Reona nang mapansin niya ang kinikilos ko. Hindi ko alam kung inaasar niya ba ako o hindi pero hindi naman ako na-offend, sabay pa nga kaming natawa ni Jeremiah dahil doon. “Oh, siya, aalis na ako ah?” pag-iiba ni Jeremiah sa topic at nawala naman agad ang ngiti sa aking labi at napalitan ito ng lungkot. “Magkikita pa naman tayo mamaya, mag-message na lang ako sa inyo kapag papunta na ako. Sigurado akong hindi parehas ang oras ng uwian natin kaya baka nasa bahay na kayo o nasa school pa rin kayo, hindi natin alam. Nakadepende naman din kasi sa dami ng gawain ang oras ng dismissal namin, wala kaming sinusunod na oras sa school namin,” paglalahad niya tsaka siya tumawag ng isang tricycle. Hindi na kami pwedeng magkausap pa ng matagal dito dahil papalapit na sa amin ang driver. “Mag-ingat kayong dalawa sa pag-uwi niyo ah. Reona, bantayan mo si Ellyza,” bilin niya sa amin tsaka siya kumaway habang palayo siya nang palayo at dumating na nga ang punto na nasa loob na siya ng tricycle. Binigyan niya ako ng isang matamis na ngiti kasabay ng pagkindat niya at pagkatapos niyon ay humarurot na ang tricycle paalis doon. Nagbuntong-hininga ako nang ma-realize kong nakaalis na talaga si Jeremiah. Pero, hindi ko hinayaan ang sarili kong mawalan ng pag-asa dahil magkikita pa nga kami uli mamaya, tsaka nakuha ko naman na rin ang number niya kaya marami pang oportunidad na magkasama kami kahit pa hindi siya makadalo mamaya. Tinitigan ko ang cellphone ko kung saan naroon pa rin ako sa contacts na application at nang dumapo ang tingin ko sa ibabaw na parte niyon ay nakita ko ang oras. “Hala!” natatarantang lumakad na ako paalis sa sakayan at nakalimutan ko pang kasama ko si Reona kaya bumalik ako sa pwesto niya at tsaka ko siya hinatak patungo sa direksyon ng aming destinasyon. “B-Bakit?” usisa ni Reona, pauga-uga ang boses niya kasi tumatakbo kami ngayon. “Malapit na tayong ma-late!” bulyaw ko habang patuloy pa rin ako sa paghatak sa kanya. Kung sino pa ang hinahatak ko para makasabay sa akin sa pagtakbo ay siya pang nanguna sa akin. Mas mabilis pala tumakbo si Reona kaysa sa akin, siguro ay athletic din siya kagaya ni Jeremiah. Ako kasi, literal na sa academics lang ako maaasahan at kung malaki nga lang ang hatak ng physical education namin sa grades ko ay sigurado akong hindi ako mapapabilang sa mga may matataas na grades. Kung sino-sino na ang nababangga naming dalawa at pasalamat na lang kami kasi hindi naman masasamang tao ang nakakasalamuha namin, nanghihingi na lang kami ng paumanhin dahil tatlong minuto na lang ay simula na ng aming unang klase. Aakyat pa kami sa classroom namin at daraan pa kami sa bantay ng gate sa aming school. Sana ay umabot kami sa klase para hindi kami magkaroon ng problema at ayaw kong madamay si Reona sa pagiging late dahil sa kadadaldal ko kay Jeremiah.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD