ELLYZA
Parehas man kami ni Reona na napagod sa bilis ng aming pagtakbo ay natuwa naman kami dahil kahit pa simula na dapat ng aming klase ay saktong pagkapasok namin sa aming classroom ay wala pa naman ang aming guro roon. Nagtinginan nga lang ang mga kaklase namin sa amin ni Reona, pero katulad ng nakasanayan ko ay hindi ko naman sila pinansin. Hindi pa rin naman ako sanay na wala akong nararanasan na pang-aapi sa kanila kaya ganito pa rin ako hanggang ngayon. Umupo lang ako sa aking normal na pwesto at katabi ko naman si Reona dahil doon naman talaga siya nakaupo. Hindi katulad dati ay payapa na ang aking simula sa araw ng klase ko, dati kasi ay bago pa man magsimula ang klase ay mayroon na agad silang ginagawang kalokohan sa akin para lang mapahiya nila ako. “Ellyza,” rinig kong tawag sa akin ni Reona kaya agad ko siyang nilingon. “May ginawa ka ba sa mga ‘to? May atraso ka ba sa kanila o may nakakalimutan ka bang sabihin sa kanila?” pabulong na tanong niya sa akin habang ang mga mata niya ay naglilibot sa aming paligid. Maski ako ay nararamdaman ko nga na para bang ang daming mga mata na nakatitig sa akin, hindi ko naman mawari kung ano ang kailangan nila sa akin o dapat bang mayroon nga akong sabihin o gawin sa kanila. Agad akong umiling sa katanungan na iyon ni Reona kaya siya na ang tumayo at tsaka siya lumakad patungo sa harapan ng aming silid. Pumalakpak si Reona ng dalawang beses para agawin ang aming atensyon, bigla na lang tumahimik ang lahat at nawala na ang pagtitig nila sa akin dahil lahat kami ngayon ay kay Reona na lang nakatingin. “Anong problema niyo kay Ellyza?” nakataas na kilay niyang tanong sa lahat. Agad namang nag-init ang aking mga pisngi sa kadahilanang may nagbabalak na magtanggol sa akin sa unang pagkakataon. “Hindi ba’t wala naman na tayong gagawin sa kanya at hindi na ako papayag pang mayroon pang mang-api sa kanya kahit pa sino sa inyo. Pero, ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit kayo ganyan makatingin sa kanya na para bang hindi pa kayo nakokontento sa nagawa niyo sa kanya, na tila ba’y kahit hindi kayo utusan ni Arisa ay kusa na kayong kikilos para sa ikapapahiya ni Ellyza. Sabihin niyo nga sa akin at umamin kayo… Ano ba talaga ang tingin niyo kay Ellyza sa mga oras na ‘to?” wika niya tsaka niya pabagsak na hinampas ang palad niya sa teacher’s table. Mabuti na lang ay wala pang dumaraan na teacher sa hallway kaya hindi siya malalagot o kahit na sino pa man sa amin.
Narinig ko ang pag-usog ng isang upuan sa likurang bahagi ng classroom at nang lumingon ako para tingnan kung sino iyon ay nakita ko namang si Toph pala iyon. Dumapo ang kanyang mga mata sa akin kaya sa puntong ito ay magkatama na ang aming mga paningin. “Wala kaming problema na kay Ellyza. Nabigla lang siguro kaming lahat dahil sa late niyang pagdating sa klase tapos kasama ka pa niya. Alam mo naman din sigurong kahit kailan ay hindi pa na-late si Ellyza, may ganap man o wala at mayroon mang test o wala,” diretsong sagot niya kay Reona para na rin sa iba pa naming mga kaklase, hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa akin kaya medyo naiilang na ako. Subalit, hindi ko rin naman iniiwas ang tingin ko sa kanya kahit pa wala naman akong nararamdaman para sa kanya. Gusto ko lang makita at malaman kung sino sa aming dalawa ang unang susuko na huwag tumingin sa isa’t isa. “Tsaka napaisip na rin siguro kaming lahat, kung ano ang ginawa niyo at kung paano kayo magkasabay na pumasok na para bang pagkalipas lang ng isang araw at ilang oras ay halos sobrang close niyo na sa isa’t isa,” dagdag pa ni Toph. Hindi ko maipaliwanag pero para bang nanggaling lang naman iyon sa kanyang sariling damdamin, na para bang dinaramay lang niya ang mga kaklase namin para hindi kami mag-isip ng kung anong hindi nararapat.
Umihip naman ng malakas na hangin si Reona mula sa harapan tsaka siya dahan-dahang bumalik sa kanyang kinauupuan. Marahil ay naginhawaan na siya sa narinig niyang sagot mula kay Toph, maski naman ako ay napanatag na ang aking kalooban. Ngunit, hindi pa rin naman ako pwedeng magpakampante masyado dahil hindi ko pa sila nakikilala ng lubusan, as in silang lahat. Malay ko ba na hindi lang pala si Arisa ang may gustong manakit sa akin. “Wala naman pala tayong dapat ipag-alala pa rito eh,” nakangiting pagdedeklara niya sa akin.
Sa oras na iyon ay pumasok na ang aming guro kaya sabay-sabay na kaming nakinig ng mabuti sa kanyang mga ina-anunsyo, pati na rin sa lahat ng kanyang mga itinuturo sa amin. “Naiintindihan niyo ba ang lahat ng lecture natin sa araw na ‘to? Marami sana kayong activities para riyan kaso hindi na kasya sa oras natin kasi…” bitin na ani guro sa amin.
Ilang oras pa ang natitira bago sumapit ang aming dismissal time kaya napaisip na lang din ako kung ano kaya ang ginagawa ni Jeremiah sa mga oras na ‘to.
Nakauwi na kaya siya sa bahay nila?
Nakapasok na kaya siya sa school nila?
Napagalitan kaya siya ng mga magulang niya dahil isang buong gabi siyang hindi umuwi sa bahay nila?
May inilabas ang guro namin mula sa loob ng kanyang dala-dalang bag at tsaka niya iyon inilapag sa kanyang lamesa. Napakaraming papel na magkakapatong, hindi ko alam kung ano ang gagawin doon at kung para saan iyon kaya nanatili akong nakikinig ng maayos sa lahat ng kanyang sasabihin upang hindi na ako magtanong-tanong pa kung ano ang sinabi niya.
Ngumisi ang guro tsaka siya tumikhim bago siya nakapagsalita. “Sa araw na ‘to magaganap ang lahat ng inyong exams para sa lahat ng asignatura. Ito ay sinadya naming hindi ipabatid sa inyo upang matiyak namin kung araw-araw nga ba kayong nakikinig sa amin at maski sa bahay ay nag-aaral ba kayo. Nakadepende sa magiging score ninyo rito ang grades niyo sa buong semester na ‘to. Mayroon kayong halos limang oras pa para masagutan ang lahat ng ‘to. Kaya ano pang hinihintay niyo? Kumuha na kayo ng mga papel at ballpen ninyo at magsisimula nang tumakbo ang oras,” anunsyo niya sa amin na siyang literal na nakapagpaawang sa aking labi.