49

1229 Words
ELLYZA Katatapos ko lang maligo at magbihis, sinuot ko na ang ibinigay sa akin ni mama na mga damit ko para diretso na lang kami ni Reona sa aming school mamaya pagkatapos namin sa lahat ng kailangan naming gawin. Hindi naman siguro sila magagalit kung may daraanan pa kami para kay Jeremiah bago kami pumunta sa school. Kasalukuyan na kaming nasa hapagkainan at isa lang ang masasabi ko. Napakahaba ng kanilang lamesa. Punong-puno ng mga putahe sa ibabaw niyon, lalo na ang mga prutas na mukhang nanggaling lang sa kanilang taniman sa labas. Magkakatabi lang kami para hindi kami malayo kapag mayroong ipapaabot ang isa sa amin kapag kumakain na kami. Ang layo kasi ng distansya kung magkakatapat kami, ang lapad din kasi nitong lamesa. Nasanay na ako sa hapagkainan sa bahay namin na kung saan ay sapat lang para sa aming tatlo nina mama at papa. Tsaka hindi kami naglalagay ng mga prutas sa gitna ng lamesa namin, nasa ibabaw lang siya ng refrigerator namin ewan ko kung bakit. “Tagal mong magising ah?” rinig kong bulong sa akin ni Jeremiah. “Sorry naman ho,” pabalik na bulong ko sa kanya. Hindi ko alam kung bakit kami nagbubulungan ngayon, siguro dahil pare-parehas kaming nahihiya sa mga katulong ng pamilya ni Reona. Speaking of pamilya, hindi ko pa nakikita ang mga magulang ni Reona at pati na rin ‘yung susundo sana sa kanya nung inimbitahan ko siya sa mall. “Reona,” tawag ko sa kaibigan kong babae, nasa kanan ko lang naman siya. Feel ko lang lagi na nasa gitna nilang dalawa, hindi ako komportable na may ibang katabing babae si Jeremiah kahit pa hindi naman kami. Lumingon sa akin ang tinawag kong babae kaya ipinagpatuloy ko na ang aking sasabihin. “Wala pa ba ‘yung mama at papa mo?” usisa ko sa kanya, kahit pa sa loob-loob ko ay mas okay naman iyon. Pakiramdam ko kasi ay hindi ko kakayanin kumain ng normal kapag mga magulang ni Reona ang kasama namin, kahit pa narito lang naman sa tabi ko ang mga kaibigan ko. Hindi ko pa kasi nararanasan iyon sa buong buhay ko at hindi pa ako handang maranasan iyon. “Huh?” nagtatakang bigkas ni Reona sa halip na sagutin niya ang aking katanungan. “Oh, may mga bisita ka pala Reona,” rinig kong sabi ng isang lalaki. Ang lalim ng kanyang boses kaya bigla ko na lang din naramdaman na nagtaasan ang mga balahibo ko. Kasasabi ko lang kanina na hindi pa ako handa, tapos mukhang narito na nga ang tatay ni Reona. Akma akong tatayo at binalak ko sanang makipagkamay sa tatay ni Reona ngunit dali-dali namang may pumigil sa akin sa pamamagitan ng pagkapit sa aking braso. Nang lingunin ko kung sino iyon ay si Reona pala iyon, umiling siya sa akin na para bang ayaw niyang bumati ako sa kanyang ama. Akala ko ay ako lang ang gaganunin ni Reona, pero pati si Jeremiah ay pinandilatan niya ng mga mata para iparating na huwag muna kaming magsasalita. “Ang aga mo magkaroon ng bisita ah? At mukhang may lalaki ka pang dinala rito,” malamig na sambit pa ng ama niya. Dahan-dahan man ay naririnig ko ang mga paghakbang niya palapit sa amin at doon na nagsimulang tumakbo ng sobrang bilis ang aking puso. “Good morning,” bati ni Reona sa papa niya tsaka siya tumayo mula sa kanyang pagkakaupo. Sinundan ko sila ng tingin at nakita ko pang humalik si Reona sa pisngi nito bago siya bumalik sa tabi ko, pero nanatili lang siyang nakatayo roon. Nakita ko pa ang paglahad ng kanyang kamay sa harapan ko kaya nagtataka man ako ay wala akong ginawa o sinabi, dahil nga pinandilatan naman niya kami ng mata kanina at hanggang ngayon ay umeepekto pa rin iyon sa aming dalawa ni Jeremiah. “Kaklase ko nga pala Pa, si Ellyza Clementine,” pagpapakilala niya sa akin tsaka niya ginalaw ang kamay niya para naman nakatapat iyon sa lalaking katabi ko. “Ito naman si Jeremiah Callaghan, kaibigan din namin from another school,” pagpapakilala naman niya kay Jeremiah. Siguro ay ayaw niyang ipaalam sa mga magulang niya na mayroon siyang kinausap na stranger sa mall, dahil kahit sino naman ay hindi matutuwa sa ganoong bagay kahit pa sabihing mabait naman iyong tao. Umupo na si Reona tsaka niya kami binigyan ng isang kabaha-bahalang ngiti. “Sabi ko sa ‘yo gumising ka ng maaga eh,” panenermon sa akin ni Reona, binulong lang niya iyon sa akin upang hindi siya marinig ng kanyang ama. Marahil ay inaasahan na niyang darating ng ganitong oras ang kanyang mga magulang kaya hangga’t maaari sana ay aalis na kami sa bahay nila bago pa sila dumating. Pero dahil nga sa pagiging tulog mantika ko, hindi ko nagawang gumising sa tamang oras at halos ayaw ko pa ngang bumangon kanina. Gusto kong mag-sorry sa kanya ngayon pero hindi ako makapagsalita, para bang iniipit ng lalamunan ko ang sarili kong boses dahil sa takot ko sa aura na dala-dala ng ama ng kaibigan ko. “At kailan ka pa nagkaroon ng kakilala sa ibang school?” usisa pa ng kanyang ama. Napansin kong napalunok si Reona sa tanong na iyon, nasanay na siguro ang mga magulang niya na narito lang siya sa lugar na ‘to at hindi siya lumalayo kaya iniisip nila na imposibleng magkaroon ng kaibigan ang kanilang anak mula sa ibang paaralan. Hindi nakaimik si Reona at mukhang wala na rin siyang balak pang sumagot. Wala naman akong lakas ng loob para ipaglaban ang kanyang paglilihim, ayaw kong magkaroon ng bad impression sa kanila lalo pa at ngayon ko lang naman din sila makikilala. Naroon lang sa tabi ng ama ni Reona ang kanyang ina, tahimik lang ito at mukhang nagmamasid lang sa amin, hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa kanyang isipan o kung mas nakakatakot pa ba siya kumpara sa kanyang asawa. “Reona, alam mo ang kaisa-isahang ayaw ko sa ugali ng mga tao, ‘di ba?” aniya tsaka niya nilapit ang kanyang ulo sa mukha ni Reona, kaya bigla na lang din ako napaatras sa kabilang side. Hindi man siya sa akin nakaharap ay ramdam ko naman ang matinding tensyon na nanggagaling sa kanya. “Ayaw na ayaw kong nagsisinungaling ang mga taong kakilala ko, lalo na ang anak ko,” paliwanag niya. Sa isang iglap ay tumayo si Jeremiah upang ilayo si Reona sa kanyang ama, hinawakan niya ito sa braso. Hindi ko napansing tumayo si Jeremiah mula sa katabi kong upuan kasi akala ko, siya rin ay napaatras na lang bigla. Agad naman niyang binitawan ang braso ni Reona dahil ayaw niyang mas lalo pang magkaroon ng g**o, kahit pa sa akin siya nakatingin. Mali siguro ang iniisip ko. Tinanggal lang siguro niya ang pagkakakapit niya kay Reona dahil narito ako sa iisang lugar kung saan siya naroroon. “Tito, ako na ang hihingi ng tawad sa inyo kung nagsinungaling man si Reona para sa ikabubuti ko. At ako na rin ang magsasabi sa inyo na hindi kami nagkakilala sa school namin, mahaba ang kwento kaya kung pagbibigyan mo kami ng oras upang ikwento sa inyo kung paano kami nagkatagpo, ipapaliwanag namin lahat,” diretsong wika ni Jeremiah, na tila ba ay hindi siya nakadarama ng kaba sa kanyang isinasagawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD