48

1108 Words
ELLYZA Kagaya ng aming napagplanuhan nina Reona at Jeremiah ay nakapag-review na kami para sa aming nalalapit na examination week. Naabala pa nga namin si Jeremiah dahil pati siya ay tinuturuan pa kami, mayroon din kasi akong hindi pa alam kahit pa sabihin ni Reona na marami akong alam at halos hindi ako nagkakamali sa kahit na anong itanong sa akin. Naistorbo namin siya dahil hindi naman dapat siya nakikisabay ng review sa amin, kasi malayo pa raw sa kanila ang schedule ng kanilang examinations. Sinabi na lang siguro niya sa amin na okay lang sa kanya para hindi namin maramdaman na wala siyang magawa para sa amin. Tsaka isa pa, wala rin naman talaga siyang ibang pwedeng gawin dito kundi ang sumabay na mag-aral sa amin hanggang sa nakapagpasiya na nga kaming matulog. Sinamahan kami ni Reona sa tig-iisa naming kwarto, ako ‘yung sa gitna at sa kabilang side naman si Jeremiah. Ayaw ko pa nga sanang pumayag na matulog kami, na mag-usap na lang sana kami hanggang sa sumikat na ang araw. Ngunit, hindi rin naman ako pinayagan ni Jeremiah dahil hindi raw makakaganda sa kalusugan ko kung magpupuyat ako, lalo na kailangan ko ng marami at mahabang tulog upang hindi malusaw ang utak ko at mawala ang lahat ng inaral ko. Lahat na yata ng kwartong nakita ko rito ay mayroong aircon, magkano kaya ang binabayaran nila sa ilaw? Parang hindi sila nauubusan ng pera sa kanilang mga bulsa. Hindi ko pa naman natatanong si Reona kung ano ang trabaho ng kanyang mga magulang o kung mayroon din siyang kamag-anak na nagtatrabaho sa mga bibigating kumpanya, kaya siguro ganito na lang ako ka-curious pagdating sa mga nasisilayan ko ngayon dito. Subalit, ang lahat ng iyon ay naganap kagabi. Kanina pa ako nakararamdam ng mayroong humahatak sa mga paa ko para lang gisingin ako, hindi ako bumabangon kasi ang sarap sa pakiramdam na nakahilata lang dito sa kama habang malamig din ang buong kwarto. Mabuti na nga lang ay hindi ito katulad ng kwarto ko sa bahay namin na kung saan ay mayroong nakaririnding alarm clock na hindi talaga ako tinitigilan hanggang sa mapatayo na lang ako. Ewan ko ba kung anong klaseng mga kagamitan ang pinanggawa sa isang ‘yon, literal na hindi siya titigil sa pag-alarm niya hangga’t hindi niya nade-detect na bumabangon na ako sa kama. Kahit pa pindutin ko iyon o kung ano pa ang gawin ko hindi pa rin tumitigil. Nasubukan ko na rin na bumangon saglit tapos kapag namatay na ‘yung alarm eh babalik ako sa pagkakahiga ko sa kama ko sa bahay namin, pero bigla na lang uli tutunog ‘yung alarm at wala na namang hinto. Kaya ang resulta, sa sobrang pagkairita ko sa tunog nun eh tumatayo na lang ako at bumababa sa sala namin. “Ellyza!” malakas na tawag sa akin ng isang babae at mukhang si Reona ‘yun. “Ellyza, anong oras na oh. Kakain ka pa, maliligo ka pa, magbibihis ka pa! Bangon na riyan, may klase pa tayo,” pangungulit pa sa akin ni Reona kasabay ng paghila niya sa aking binti. Muntikan akong bumagsak mula sa kama, mabuti na lang ay nagawa ko agad idilat ang aking mga mata para iharang ang magkabila kong braso sa sahig. “Ayan napapala mo Ellyza, napakahirap mo kasing gisingin,” pang-aasar sa akin ni Reona at nang tingnan ko siya ay may awa naman sa kanyang mga mata habang siya ay iiling-iling. Umayos na ako ng aking pagkakatayo tsaka ko pinagpag ang aking damit at pati na rin ang aking braso, kahit pa wala namang dumi na kumapit doon. Napakalinis nga rin pala ng kanilang bahay, kahit saan ako tumingin ay wala akong makitang kahit isang pirasong alikabok, para bang minu-minuto nililinis ‘yung bahay namin. Hindi naman sa sinasabi kong marumi sa bahay namin, dito kasi kina Reona eh halos kuminang na ang mga sahig sa sobrang kintab nito. Biglang sumagi sa isipan ko kung bakit si Reona nga lang pala ang narito sa guest room na ‘to, nilibot ko muna ang paningin ko sa paligid, baka kasi nasa sulok lang si Jeremiah at hindi ko lang siya makita. “Nasaan si Gem?” tanong ko kay Reona nang mapagtanto kong hindi ko talaga siya matatagpuan dito. “Nandoon na sa sala, kanina pa. Nakabihis na nga rin siya at nakapaligo, hinihintay ka na lang din niya magising para sabay-sabay na muna tayong mag-almusal bago tayo umalis,” sagot sa akin ni Reona tsaka niya ako tinalikuran. Hinabol ko si Reona at nang mahawakan ko na siya sa kanyang braso ay inayos ko naman ang magulo kong buhok. “Anong meron? Ang aga pa para pumasok tayo sa school,” nagtatakang ani ko habang ang isa ko namang kamay ay nakaturo sa wall clock. Inalis ni Reona ang kamay kong nakakapit sa kanyang braso tsaka siya nagbuntong-hininga bago humarap sa akin para sagutin ang katanungan kong iyon. “Nakalimutan mo na ba? Ihahatid pa natin ang future mo sa bahay nila, o kahit man lang sa malapit na sakayan para naman hindi nakakahiya na dinamay pa natin siya rito sa pag-aaral natin at sa sleepover na tayo lang naman dapat ang magkasama,” pagpapaalala niya sa akin. Ngunit, kahit pa sabihin niya iyon ay para bang hindi naman ako na-inform tungkol sa paghahatid kay Jeremiah sa kung saan. Kasi ba naman, lalaki naman siya at sinabi rin niya sa amin na uuwi siya sa oras na makita na niya kaming nakauwi na sa aming sari-sariling bahay. Tapos ngayon, ihahatid namin siya? Edi maiiwan kaming dalawa ni Reona sa labas, na siyang ayaw mangyari ni Jeremiah. Baka naman pagkalabas namin ng bahay ni Reona eh ako pa ang ihatid ni Jeremiah pabalik sa bahay ko para hindi na kami mag-abala pang samahan siya sa sakayan o sa mismong bahay niya. Ni hindi pa nga namin alam kung malapit lang ba iyon o malayo eh. Ang g**o, hindi ko siya maintindihan. Bumagsak ang magkabila kong balikat tsaka ko nilagpasan si Reona at binuksan ko na ang pinto upang makalabas na ako sa guest room na iyon. Ewan ko ba kung bakit para bang pinipilit ko lang hilahin ang mga paa ko para lumakas papunta sa sala kung saan naroroon si Jeremiah. Feeling ko kasi pagkatapos nito ay mas bibilis pa ang oras hanggang sa hindi na kami magkita pang muli. Ayaw kong dumating ang araw na kung saan ay hindi na ako makakapag-focus sa pag-aaral ko dahil lang sa paghahanap ko sa kanya, at sa kagustuhan kong makasama siyang muli kahit pa magkaibigan pa lang naman kami. Walang label.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD