30

4887 Words
ELLYZA Sabay-sabay kaming lumabas mula sa kotse ni mama, nasa parking lot naman kami kaya hindi kami nakaabala ng ibang tao na posibleng nasa likuran namin. “Saan tayo unang pupunta, Ma?” usisa ko kay mama tsaka ako tumabi sa kanya at kumapit sa kanyang kaliwang braso. Wala pa kasi kaming napag-uusapan kung saan ang unang destinasyon namin dahil nga tahimik lang naman sa byahe kanina, hindi katulad dati na sa bahay pa lang ay napagdedesisyunan na agad namin kung saan unang pupunta at ang mga kasunod pati na ang huli, kasi magiging patagal lang sa amin at masasayang lang ang oras namin pare-parehas kung wala pa kaming plano. Tsaka isa pa, ang mainam na schedule naman talaga ang makakapagpabilis sa aming pamamasyal, magkakaroon din kami ng extra time para gumala pa sa kung saan kung wala naman na kaming importanteng pupuntahan o gagawin. Wala naman masyadong tao sa mga ganitong oras dahil karamihan ay nasa kani-kanilang trabaho pa kaya makapupunta kami sa kung saan namin gustuhin ng walang mahabang pila. “Ma?” tawag ko sa kanya nang hindi niya ako sagutin. “Ano ba Ma? Hanggang ngayon ba eh ongoing pa rin ang prank niyo sa akin? Nasa mall na tayo oh, hello?” tanong ko sa kanya pero agad siyang umiling para sabihin sa akin na hindi siya nagpa-prank na. “Hindi Yzza, sorry, iniisip ko lang din kasi kung saan tayo unang pupunta. Hindi namin napag-usapan ni Dad mo eh, biglaan din kasi ang pagdala mo ng bisita, pero hindi ko naman sinasabing paalisin natin si Reona ah. Sadyang nawalan lang kami ng oras para mag-isip,” sagot sa akin ni mama, naiintindihan ko naman siya dahil ganoon naman kasi talaga ang gawain namin at mukhang nabasag nga iyon dahil sa pagdala ko ng kaibigan. “Ikaw ba Dad, may naisip ka na?” tanong naman niya kay papa kasi mukhang hindi na talaga siya makapag-isip pa kung saan kami pupunta ngayon. “Wala eh. Hindi pa ba kayo nagugutom? Baka gutom na kayo, diretso na lang kaagad tayo sa kainan,” suhestiyon ni papa. Pinakiramdaman ko ang tiyan ko. “Gutom na raw si Reona,” pagpapalusot ko, kahit pa ang totoo ay ako lang naman ang nagugutom. Hindi ko naman kasi alam kung ano ang dapat kong gawin o sabihin, hindi naman siguro magagalit si Reona sa simpleng bagay na ito, tsaka isa pa eh baka gusto na rin niya kumain at hindi lang niya masabi dahil gusto muna niyang malaman sa mga magulang ko kung mayroon na ba silang gustong puntahan na partikular na lugar ngayon. “Anong kakainin natin?” tanong ko sa kanilang tatlo, baka naman pati ang kakainin namin ay matagalan pa dahil kailangan din pag-isipan. Nang wala akong matanggap na kasagutan sa kahit na isa sa kanila ay mukhang tama nga ang aking hinala. “Doon na lang tayo kumain sa kung anuman ang makakainan sa fourth floor,” saad ko para hindi na sila makatanggi pa at hindi na sila mahirapan. “Kung ano ang una nating madaanan pagkahakbang natin palayo sa escalator eh doon na lang tayo kumain. Pare-parehas lang naman na makakainan ang mga ‘yon, pwede naman din tayo bumili ng take-out natin para makain habang namamasyal tayo o maiuwi pa natin sa bahay. Gusto ko rin mabilhan ng pagkain si Reona at ang mga kasama niya sa bahay, kung mayroon man,” nakangiting sambit ko. Humawak sa kamay ni mama si papa kaya umalis na ako sa pagkakakapit ko sa braso ni mama. Ayaw kong maiwanan sa likod si Reona at mapag-isa siya, baka mainggit pa siya sa amin at maisip pa niyang hindi siya belong sa aming tatlo kung ganoon ang mangyari. Iyon pa naman ang pinakaayaw ko sa lahat, ang maramdaman na nag-iisa ka lang sa ginagalawan mo. Naranasan ko na ang hirap at sakit na dulot ng maging mag-isa habang ang mga nasa paligid mo ay nagtatawanan at mayroong kasama sa kani-kanilang buhay sa bawat segundong lumilipas, at ayaw kong maranasan iyon ng kahit na sino sa mga kaibigan ko kahit pa si Reona pa lang naman ang kaibigan ko ngayon. Lumapit ako kay Reona at sa kanya ko naman naisipang kumapit. “E-Ellyza?” utal na bigkas niya sa pangalan ko na para bang nabigla siya sa aking ginawa, tumawa lang ako bahagya at nawala naman ang pagkabigla niyang iyon. “Kaibigan na ba talaga ang turing mo sa akin?” paniniguro niya habang nagsisimula na kaming maglakad nila mama at papa patungo sa loob ng mall. “Sa totoo nga niyan eh kinakabahan pa rin ako hanggang sa mga oras na ito, kasi baka mamaya eh napaka-feeling close ko na pala sa ‘yo. Pero, nilalabanan ko na lang ‘yung kaisipan na ‘yun dahil kung hindi ako magiging ganito sa ‘yo eh baka masayang ko ang pagkakataon na kung saan eh magiging malapit ang loob natin sa isa’t isa, at magkaroon tayo ng mahabang panahon para magkausap, makapagkwentuhan at magkasama,” nakangiting sagot ko sa kanyang tanong. “Kahit pa hindi ko rin sigurado kung kaibigan na rin ba talaga ang tingin mo sa akin, baka kasi simpleng kaklase mo lang ang turing mo sa akin dahil ngayong araw pa lang naman tayo naging magkasundo. Baka masyadong mabilis ang kinikilos ko at masira ang lahat ng ito sa isang pitik,” matamlay kong sabi. Iyon talaga ang tunay kong nararamdaman ngayon. Hindi naman kasi ako sanay na magkaroon ng kaibigan na kasama ko kaya medyo naguguluhan pa ako kung ano ba ang dapat kong isipin at gawin ngayon. Kinuha ng guard ang bag ni mama tsaka nito tiningnan ang laman ng bag na iyon bago niya kami pinatuloy sa loob ng mall. Nasilayan ko ang sandamakmak na tao na siyang taliwas sa iniisip ko kanina nung una kaming dumating sa parking lot. Ang buong akala ko ay wala gaanong tao sa ganitong oras pero nagkakamali pala ako. “Kaibigan na ang tingin ko sa ‘yo, simula pa lang nung una kitang makita at maging katabi sa classroom natin. Kahit naman sino ay kinakaibigan ko. Kahit pa kaaway ang turing sa akin ay kinakaibigan ko, hindi ako sanay maging masama sa isang tao. Pinalaki kasi ako ng mga magulang ko na mabait lang, mapagpakumbaba at mapagpatawad, Kaya kahit na ano ang mangyari ay hindi ako nagagalit, nakatutuwa lang kasi kahit minsan ay hindi ko pa naranasang maabuso dahil dun. Alam mo na, kapag mabait ang isang tao eh madalas na inaabuso ang kabaitan,” mahabang paliwanag niya sa akin. Dire-diretso lang kami papunta sa escalator at sinisiguro naman naming dalawa na hindi kami malalayo kina mama at papa. Mahirap din kasi kung maiwanan kami rito dahil parehas kaming hindi pa familiar dito, pero baka ako lang. Mukha namang mas mayaman sa akin si Reona kaya sa tingin ko eh hindi siya mahihirapan na makalabas sa mall kung sakaling maligaw man kami ng landas. “Kaya Ellyza, okay lang na ipakita mo sa akin kung sino ka talaga at kung mayroon ka mang tinatago na ugali mo sa loob-loob mo eh pwede mo naman iyon ilabas ng buong-buo. Wala namang problema sa akin iyon dahil mas magiging madali rin para sa ating dalawa ang magkasundo kung alam natin parehas ang mga gusto at ayaw natin, pati na kung paano tayo kumilos at magsalita,” dagdag pa ni Reona na talagang nakapagpagaan sa aking kalooban. “Pero Reona, may gusto lang sana akong itanong sa ‘yo. Naisip ko lang ‘to pagkatapos mong sabihin na mabait ka sa kahit na sino, na-curious lang ako kaya ayun,” singit ko sa mga sinasabi niya at hinayaan naman niya akong ituloy ang gusto kong iparating sa kanya. “Kung hindi ba tayo nagkasundo hanggang ngayon… Kung sakaling nilapitan kita at kinausap habang isa pa rin akong kaklase mong inaapi-api lang ng kahit na sino… Kakausapin mo rin ba ako pabalik o dededmahin mo lang ako at tutulong sa mga nangbu-bully sa akin para mas lalo niyong mapahirapan ang takbo ng aking buhay?” seryosong tanong ko kay Reona. Tumapak na muna kami sa unang hakbang sa escalator bago kami muling nag-usap. “Syempre naman,” mahinang sagot niya sa akin. Nakita siguro ni Reona na biglang tumamlay ang ekspresyon sa aking mukha kaya dinugtungan niya pa ang kanyang sagot, naisip niya sigurong hindi iyon ang inaasahan ko. “Syempre naman kakausapin kita kahit pa ikaw ang palaging target ng mga bullies sa school natin. Ang kaso nga lang, tuwing tayo lang ang magkasama tsaka ko iyon magagawa. Alam mo ba kung bakit?” tanong niya sa akin at agad naman akong umiling para malaman ko ang kanyang rason kung bakit kailangang kami lang ang magkasama bago niya ako magagawang kausapin. “Huwag sana sumama ang loob mo sa sasabihin ko Ellyza ah?” aniya at tanging pagtango lang ang sinagot ko sa kanya dahil gustong-gusto ko na marinig ang kanyang eksplenasyon, tsaka isa pa eh sinusundan pa namin sila mama at papa. Hindi pwedeng mawala sa paningin ko kung saan sila dadaan kasi si Reona eh sa akin lang nakatingin. Nakaka-ilang man eh hindi ko na lang siya pinapakialamanan. “Ano kasi… Kung nagkataon man na kausapin mo ako habang ikaw ang target sa pangbu-bully nila at makita nila tayong nag-uusap, alam kong ibu-bully na rin nila ako kasabay mo. Ayaw ko iyon mangyari sa akin kahit pa ang kapalit nun ay makakausap kita at makakasama, pasensya na pero hindi ko iyon kayang gawin. Sa tingin ko eh lahat naman kami ay ganun ang iniisip kaya hanggang kanina ay walang naglakas-loob upang makihalubilo sa ‘yo,” paliwanag ni Reona sa kanyang dahilan, sinusubukan ko pang iproseso iyon sa aking utak dahil medyo hindi ko naiintindihan ang kanyang punto. I mean, kung magiging magkaibigan naman kami kapag pati siya ay na-bully na… Hindi ba eh pwede naman kaming magtulungan para mapabagsak ang nagsisimula ng pang-aapi na iyon na si Arisa? Ang kaso nga lang, buong klase laban sa aming dalawa ang magaganap, kaya siguro ganoon na lang talaga ang kinahinatnan ng aking pag-aaral sa school na iyon. “Pero alam mo ba, Ellyza? Kung hindi dahil sa lakas at tapang mo nung mga oras na ‘yun, na gumanti ka sa walang hiyang Arisa na ‘yun… Hindi ka ipaglalaban ni Toph, at hindi rin susunod sa kanya ang iba pa nating mga kaklase. Kaya, ikaw pa rin ang bida. Ikaw ang nagligtas sa sarili mo, Ellyza. Dapat mong ipagmalaki iyon at ang dapat mong pasalamatan ay ang sarili mo, hindi kami.” “Tama si Reona, anak,” singit naman ni mama kaya bigla kaming napatingin sa kanya at pati na rin sa paligid. “Kanina pa tayo nasa fourth floor, hindi niyo ba alam? Hindi na namin kayo inistorbo dahil mukhang malalim ang pinag-uusapan niyo, para na rin malinawan ka sa nangyari sa ‘yo Yzza,” dagdag pa ni mama bago sila nagpatuloy ni papa sa kanilang paglalakad. Siguro ay papunta na kami sa aming pagkakainan kaya hindi ko na maitago ang saya sa aking mukha. “Mahilig ka ba kumain, Ellyza?” tanong sa akin ni Reona, bigla ko na lang nilapit ang mukha ko sa mukha niya kaya hindi na nagkakalayo ang aming mga mukha sa isa’t isa. “E-E-Ellyza… M-Masyado kang malapit,” nahihiyang saad ni Reona kasabay ng pag-iwas niya ng tingin sa akin kaya agad din akong lumayo sa kanya at baka maging tahimik pa ang aming pamamasyal dito, hangga’t maaari ay iyon ang isang bagay na iniiwasan kong mangyari. “Sorry, hindi ko lang na-control ang sarili ko. Sino ba naman kasing tao ang hindi mahilig sa pagkain?” tugon ko sa kanyang tanong. Natawa na lang siya sa sarili niya dahil alam niyang walang sense ang katanungan niyang iyon. “Tara na, baka humaba pa ‘yung pila. Marami nang taong pumapalibot dito oh,” turo ko sa kung sino-sino tsaka ako nangunang lumakad. Ngunit, agad din akong napabalik sa pwesto namin kanina dahil nakalimutan kong isama sa akin si Reona, baka mamaya ay mapahamak pa siya at mawala na lang basta rito sa gitna ng mall ng hindi man lang namin nalalaman. “Sorry,” bulong ko tsaka ko hinablot ang braso ni Reona. Katulad kanina ay nanguna na kaming dalawa at pakiramdam ko naman ay sinusundan kami nila mama at papa kaya hindi ko na sila kailangan pang alalahanin. Mas inaalala ko ang mahabang pila kung sakaling magtagal pa kami roon, ayaw ko na tumagal pang nakatayo at baka maubusan na rin kami ng mauupuan. Ako na ang tumayo sa likod ng isang lalaking nakapila sa harapan ko, ako ang pangatlo sa pila kaya sumulyap na muna ako sa likuran ko para tingnan kung nasaan na ba sila at hindi naman na ako nahirapan pang maghanap dahil nakasunod naman pala silang dalawa sa amin. “Anong o-orderin natin, Ma, Pa?” tanong ko sa kanilang dalawa na akala mo ay ako ang magbabayad para sa kakainin namin, kahit pa sila naman ang magbabayad niyon at sila rin ang o-order. Ang pinakaayaw ko pa naman sa lahat ay ako ang aasahan na um-order sa kahit na anong tindahan, lalo na kung ganitong foodchain. Nasa KFC kasi kami ngayon dahil ito ang pinakaunang bilihan ng pagkain pagkatapos naming umalis sa escalator. Ewan ko ba kung ano ang dahilan, sadyang hindi lang siguro ako sanay na ako ang nakikipag-usap sa kung sinuman ang nasa cashier dahil baka hindi kami magkaintindihan at magkamali pa ang order. Napahakbang na kami paabante ni Reona dahil umandar na ang pila at natapos na ang nasa unahan. “Mag-bucket meal na lang tayo, apat naman tayo. Ikaw, Reona? Anong gusto mo?” suhestiyon ni papa na sinamahan pa niya ng tanong para sa kaibigan ko dahil hindi pa naman nila ito kilala ng lubos, kaya hindi nila alam kung ano ang pipiliin niya. “Sabihin mo kung ano gusto mong kainin ah? Ayaw nila sa sila ang papipiliin, hindi ka nila bibilhan kapag ganun ang isasagot mo, na sila na ang bahala,” pasimpleng bulong ko kay Reona sa mismong tenga niya. Nang umatras ako sa tenga ni Reona ay nagtama ang aming mga paningin, nagkangitian kami at sinuklian naman niya ako ng simpleng pagtango niya, isang hudyat na naiintindihan niya ang aking sinabi sa kanya. “Libre naman nina Mama at Papa ‘yung lahat ng gagastusin natin ngayon, ‘wag kang mag-aalala na um-order ng kahit na anong gusto mong kainin. Hindi naman natin alam kung kailan mauulit na magkakasama tayo sa mall eh, baka sa susunod eh hindi na natin sila kasama kaya baka magsarili na tayo ng gastos nun,” sabi ko sabay kindat sa mga magulang ko. Hindi naman nila ako binigyan ng masamang tingin kaya alam kong tama lang iyong sinabi ko at hindi iyon mapapasama sa kanilang dalawa. Wala naman din masama roon dahil hindi naman kami gaanong mahirap lalo na kung pera ang usapan, sadyang sa probinsya lang kami nakatira ngayon dahil mas masarap sa pakiramdam. Payapa, ganun. Kaso nga lang, pakiramdam ko eh mawawala rin kami rito sa tinitirhan namin ngayon, hindi ko alam kung bakit pero napapadalas din kasi ang ganoong klaseng panaginip ko, na kesyo lilisan na kami sa lugar na ito. Ngunit, hindi ko naman iyon masyadong pinaniniwalaan dahil nga hindi naman nangyayari ang mga nasa panaginip lang. “Tama si Yzza,” tipid na pagsang-ayon ni mama, marahil ay ayaw niyang magsalita masyado kasi malapit na kami sa pila. Humarap siya kina mama at papa sakto pagkaabante namin sa pila, kami na ang susunod pagkatapos ng lalaki na nasa harapan namin. “Kung kasali naman po ako sa manok sa bucket meal, ‘yung original lang po sana sa akin, hindi ako masyadong mahilig sa maanghang eh. Tapos ‘yung fries nila at kahit ‘yung pinakamura na burger na lang. Kung pwede rin po sana eh, pakisamahan na rin ng mashed potato, paborito ko po ‘yun dito eh. Tsaka nagluluto rin si Mama nun sa bahay, pero mas gusto ko ‘yung dito,” natatawang sabi niya, hindi ko naman sigurado kung biro lang ba ‘yun o seryoso dahil hindi ko pa natitikman ang luto ng kanyang ina. “Ayun lang naman po, hindi naman ako malakas sa kanin kaya hindi ako mage-extra rice. ‘Yung drinks kahit coke na lang po. Maraming salamat po, babawi na lang po ako sa susunod na magkasama po tayo. Wala po kasi ako masyadong dalang pera ngayon kaya hindi ko po makakayanan na bayaran ang mga bibilhin nating lahat. Sa susunod po, promise, ako na ang gagastos,” seryosong sambit ni Reona sa kanila at pagkatapos naman niyang sabihin iyon ay umalis na nga ang lalaki sa pila at oras na para kami naman ang bumili. “Sige na, humanap na kayo ng pwesto sa taas. Kami na bahala ni Dad um-order dito, alam ko namang hindi kita maaasahan sa ganitong bagay Yzza,” tinarayan ako ni mama kasabay ng kanyang pagtulak sa aking mga balikat para umalis na ako sa pila at sila na lang ang makabili. Dali-dali ko naman silang sinunod kasi baka magbago pa ang isip nila at ako pa ang pagsalitain nila roon. Hinatak ko na si Reona paalis sa pila para makadiretso na kami sa hagdan. “Hindi ka marunong um-order, Ellyza?” usisa sa akin ni Reona habang kami ay humahakbang paakya sa hagdan na paikot. “Ayaw kong nakikipag-usap sa mga nasa cashier. Feeling ko lagi eh magkakamali sila ng intindi sa sasabihin ko tapos mali ‘yung maibibigay nila sa akin,” walang paliguy-ligoy na sagot ko sa kanya. Nakatapak na kami ngayon sa second floor at damang-dama ko na ang malamig na simoy na nagmumula sa aircon. Maraming tao na ang nag-ookupa sa mga upuan at lamesa kaya hinila ko na agad si Reona para makapaghanap na kami ng pwesto. Hindi naman nagtagal ay nakatagpo na kami ng aming mauupuan, nasa gitna kami at ang buong paligid namin ay mayroon nang nakapwesto na mga nag-uumpisa pa lang kumain. Nagtabi na kami ni Reona sa upuan para ang mga magulang ko naman ang magkatabi at makatapat namin sila mamaya. “Wala ka bang kailangan gawin sa bahay niyo o kaya mga assignment sa school, ganun? I mean, malapit na rin kasi ang examination week natin, hindi mo ba kailangang mag-review?” magkasunod na tanong ko sa kanya nang wala akong maisip na sabihin. “Huwag mo sanang masamain ‘yung tanong ko ah, baka kasi isipin mo na pinapaalis na agad kita eh kapupunta lang natin dito sa mall,” agad kong sabi para hindi na niya iyon isipin pa. “Isang linggo pa naman bago magsimula ang exam week natin, may mahaba-habang oras pa tayo para mag-aral. Hindi naman magiging abala para sa akin ang sandaling oras natin dito sa mall, tsaka isa pa, pwede naman din siguro tayong magtulungan para makapasa tayo sa exam ‘di ba? Kompleto naman ang notes ko, alam ko kasi eh naging absent ka nung nakaraan na huling pangbu-bully nila sa ‘yo,” sagot ni Reona tsaka niya ipinatong ang kanyang kanang siko sa lamesa kaya nakatuon na ang buong atensyon niya sa akin, hindi katulad ko na kung saan-saan ako tumitingin. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin sanay sa sarili ko na mayroon katitigan, kahit pa parehas naman kaming babae at wala namang masama roon. “Kung ayaw mo naman na may kasama kang mag-aral o mag-review eh okay lang din naman sa akin, ayaw naman kitang pilitin kasi baka isipin mong ginagamit lang kita para maging mataas din ang grades ko kagaya mo. Napakatalino mo kasi, ngayon pa lang ay inaamin ko nang naiinggit ako sa ‘yo, sa taba ng utak mo. Pero, kahit minsan ay hindi ko pa naisipan na makipagkaibigan sa ‘yo para lang mahatak ka paibaba. Marami kasing ganoong klaseng tao ngayon, kaya kung ako sa ‘yo ay kilalanin mo munang mabuti ang mga pinipili mong maging kaibigan,” payo niya sa akin. Tinitigan ko ng maigi ang kanyang mga mata at wala naman akong ibang makita roon kundi ang pagiging seryoso at sinsero niya, na para bang hindi niya talaga iyon gagawin sa buong panahon ng kanyang pamumuhay. “Pwede naman din, kailan mo ba gusto?” ani ko habang iniiwas ko ang tingin ko sa kanya, ewan ko ba kung bakit hindi ko magawang tingnan siya ng matagal, para bang nadadala niya ako sa kung saang paraiso dahil lang sa simpleng mga titig niya. ‘Yung tiipong maiiba talaga ‘yung mga nakikita ko tapos parang kaming dalawa lang ‘yung naririto at wala ng iba, na para bang nabubura niya ang existence ng lahat maski ang mga tumutugtog na musika. “Mamayang gabi, gusto mo bang mag-stay sa amin?” sagot ni Reona sa pamamagitan ng isa pang katanungan. Napaisip ako sa kanyang sinabi. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko kaya ilang minuto kaming nanahimik. Wala akong ideya kung papayagan ba ako nina mama at papa dahil ngayon lang naman kami nagkakilala at nagkasama ng medyo matagal-tagal, malay ba namin kung mabuting tao talaga itong si Reona. Baka kapag sumama ako sa kanya mamayang gabi ay hindi na ako makabalik sa aming bahay ng buo. Tsaka isa pa, ngayon pa lang ako mag-stay sa bahay ng ibang tao, kaklase at kaibigan ko. Sigurado akong hindi ako papayagan kung sakaling maglakas-loob man ako para magpaalam mamaya, kahit pa makahanap ako ng isang malakas na tyempo para gawin iyon. Ano ba ang dapat kong gawin at sabihin sa mga ganitong klase ng pangyayari? Dapat ko ba siyang tanggihan ng diretso at gumawa ako ng isang dahilan bilang palusot ko, o magsabi na lang ako ng totoo na ayaw kong sumama sa kanya sa gabi at mag-stay sa kanila? O ‘di kaya ay sabihin ko na sa amin na lang kami mag-aral para hindi ako malayo kina mama at papa para makahingi agad ako ng tulong sa kanila kung sakaling may gawin mang masama sa akin si Reona? Teka, bakit ba ako ganito mag-isip eh parehas naman kaming babae tsaka isa pa eh wala naman siyang kakayahan para saktan ako. Napailing na lang ako sa lahat ng mga pumapasok sa isipan ko na imposible namang mangyari. “Ano kasi, Reona… Alam mo namang ikaw pa lang ang naging kaibigan ko ‘di ba? Kaya, hindi ko talaga alam kung ano ba ang dapat kong isagot sa ‘yo lalo na sa mga ganitong klaseng pangyayari eh, pwede bang kina Mama at Papa ka na lang magtanong? Sabihin mo lang sa kanila ‘yung plano mo na mag-aral tayo parehas sa inyo at magtulungan sa kahit na anong kailangan para sa school natin, ako na ang bahalang magpaliwanag at magpaalam sa sarili ko. Hindi ko kasi alam kung paano ako bubwelo sa kanila eh, baka hindi lang matuloy tapos madismaya ka pa at mauwi sa pag-aayaw mo sa akin bilang isang kaibigan mo,” mahabang paliwanag ko sa kanya sa aking sagot kung ano nga ba ang dapat naming gawin dalawa. “Okay lang ba sa ‘yo ‘yun?” paniniguro ko, baka kasi sumama ang kanyang loob na wala man lang akong pagkukusa sa ganitong bagay. “Okay lang naman, wala namang problema sa akin Ellyza. Wala pa ba sina mama at papa mo? Para masabi ko na sa kanila,” saad niya kaya sabay kaming napalibot ng tingin sa aming paligid para lang mabigo sa aming paghahanap sa kanila, wala pa kasi sila rito at mukhang natatagalan sila sa pago-order sa baba. “Ano ‘yun, Yzza, Reona? May gusto ba kayong sabihin sa amin ni Dad?” Nagulat kami ni Reona sa biglaang pagsulpot ni mama at papa sa aming likuran at sa mismong boses ni mama na nakatapat sa aming tenga, muntikan na kaming mapatayo pero mabuti na lang ay alerto si mama kaya napigilan niya kami sa balak naming gawin. “Sorry, nagulat ko ata kayo. Ito kasing si Dad, sabi ‘wag kaming magpakita sa inyo kesyo surprise raw. Eh wala pa naman kaming dala na pagkain, paano naging surprise ‘yun?” iiling-iling na sabi ni mama sa amin tsaka siya lumakad paikot sa kabila para makaupo na siya sa tabi ni papa. Dala-dala lang ni papa ‘yung number para kapag may dumating na staff ng KFC eh hindi na ito mahirapan pa para hanapin kung saan kami nakapwesto. Siguro ay hindi pa tapos ihanda ang order namin o ‘yung iba eh niluluto pa lang kaya nauna na silang dalawa rito. Nagkatinginan kami ni Reona at tinanguan ko naman siya para ipahiwatig na sabihin na niya ang gusto niyang sabihin sa mga magulang ko habang hindi pa kami nagsisimula kumain. “Tita, Tito,” tawag ni Reona sa kanilang dalawa at naghintay lang ang mga ito sa nais niyang sabihin. “Pwede ko po bang maimbita si Ellyza mamayang gabi na mag-stay sa bahay namin para mag-review sa nalalapit naming mga exam? Kung okay lang din po sana sa inyo eh doon na lang din po muna siya matutulog, sa kama naman po siya at ako ang nasa lapag kaya ‘wag po kayong mag-alala. Hindi ko naman po hahayaan na magsisi kayo at si Ellyza kung sakaling payagan niyo po kami.” wika ni Reona. Mukhang kasama na rin sa sinabi niya ang pagpapaalam sa akin kahit pa sinabihan ko siya kaninang ako na ang bahalang magpaalam sa sarili ko. Saglit na hindi kumibo sina mama at papa na siyang nagpakaba sa akin. Hindi ko maisip kung ano ba ang kanilang sasabihin, baka hindi sila pumayag at maging awkward na kami rito. “Syempre naman, bakit naman hindi?” nakangiting tugon ni papa sa amin. Sa isang iglap ay hindi na namin namalayan pa ni Reona na magkahawak na pala kami ng aming magkabilang kamay at hindi na mawala pa sa aming mukha ang labis na tuwa. “Sa buong buhay ni Ellyza ay ngayon lang may naglakas-loob para ipaalam siya sa amin. Ang inaasahan ko pa naman eh lalaki ang unang mag-aaya sa kanya para mag-stay sa ibang bahay,” nakangising komento ni papa habang sa akin siya nakatingin kaya naramdaman ko ang mabilis na pag-akyat ng init sa katawan ko patungo sa aking pisngi. “Biro lang, Ellyza. ‘Wag kang magbabalak na humanap ng lalaki para lang magawa ‘yun, baka malintikan pa ‘yun sa akin imbis na matuwa ako,” mariin na pagbabanta ni papa. “Alam ko naman ‘yun, Pa. Wala pa sa isip ko ang magkaroon ng lalaki sa buhay ko, sapat na kayo ni Mama sa akin,” seryosong sambit ko. Totoo naman iyon, study first kasi ako at hindi ko naman hahayaan na masira ang focus ko sa pag-aaral ng dahil lang sa isang lalaki. Pero kung sakaling dumating man ang araw na magkaroon na nga ako ng lalaki sa buhay ko habang nag-aaral pa ako, siguro naman ay mama-manage ko ang oras ko. Kung hindi naman niya maiintindihan na priority ko ang pag-aaral ay bahala na lang siya sa buhay niya at maghanap na lang siya ng ibang babae. “Thank you po Tito, pati na rin po sa ‘yo, Tita. Sa totoo lang eh kinakabahan din ako kung ano ang isasagot niyo sa akin, kung papayag po ba kayo o hindi, dahil alam ko naman sa sarili ko na hindi pa buo ang tiwala ninyo sa akin. Iniisip ko nga eh kaya niyo ako sinama rito ngayon sa mall eh para bantayan kung ano ang magiging reaksyon at pag-uugali ko, at kung deserve ko bang maging kaibigan ang anak ninyong si Ellyza. Hindi ko naman sisirain ang kaunting tiwala niyo sa akin at sisiguruhin ko pang mas lalaki pa iyon,” mahabang ani Reona habang taimtim siyang nakatingin kina mama at papa, upang iparamdam sa kanila ang kanyang pagiging seryoso. Kung umiwas man siya ng tingin ay alam kong hindi na siya pagkakatiwalaan pa ng mga magulang ko dahil ganoon ang madalas na ginagawa ng mga kakilala nila. Ang simpleng pag-iwas ng tingin ng tao habang seryoso ang usapan ay isang hudyat lang na hindi ito seryoso, ayun ang pinaniniwalaan nila mama at papa. “Number seven?” rinig kong sabi ng isang lalaki, iyon na siguro ang order namin. Tinaas ni papa ang numerong hawak niya kaya lumapit na ito sa amin at inihain ang aming pagkain sa gitna ng lamesa. “Thank you, enjoy your meal po,” saad pa niya bago niya kinuha ang number kay papa tsaka siya umalis sa aming paningin. Nagsimula na muna kaming magdasal bago kami kumuha ng aming mga pagkain, hindi naman siguro kami magkaka-agawan dahil marami naman ito at parang hindi pa nga namin iyon mauubos ng kaming apat lang. Ang matitira siguro ay i-take out na lang namin para hindi iyon masayang, maliban na lang kung gutom ngayon si papa. Marami kasi siyang kumain at siya ang madalas na umubos ng mga pagkain namin sa bahay kapag hindi na namin kayang kumain pa ni mama, kaya walang natitirang pagkain sa amin at parati namin kailangan pang magluto ng panibagong ulam o bumili sa labas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD