ELLYZA
Lahat kami ay nakapag-ayos na ng aming damit at pati na rin ang mga kailangan naming dalhin. Pinaiwan ko na rin muna kay Reona 'yung bag niya para hindi siya maabala sa paglalakad namin papunta at pauwi sa mall. Kasalukuyan na kaming nakasakay sa kotse ni mama, magkatabi sila ni papa sa driver's seat tsaka sa passenger’s seat. Habang kami naman ni Reona ay magkatabi sa likod nila, sa backseat. Hindi ko na nabilang kung ilang minuto na ba kaming nasa byahe pero medyo mahaba-haba na rin iyon at mukhang nakalayo na talaga kami sa aming bahay. Nakatanaw lang ako sa bintana kasi wala naman akong ibang magagawa rito kundi ang maghintay hanggang sa makarating na kami sa mall, hindi rin naman ako kinakausap ni Reona dahil mukhang wala naman kaming mapag-uusapan, lalo na’t kasama namin sina mama at papa. Siguro ay nahihiya pa rin siya sa kanila kahit pa hindi naman dapat. Kung ako ang nasa posisyon niya ay makikipag-usap ako sa katabi ko ngayon o kahit pa mismo sa mga magulang ng kaibigan ko, para man lang lumapit ang aming loob sa isa’t isa, para hindi maging awkward na ayain pa ako sa mga susunod na pagkakataon. Ang kaso nga lang, hindi ko naman din siya mapipilit kung ayaw niyang gawin iyon, baka isipin pa niyang desperado lang akong magkaroon ng kaibigan at baka makaistorbo lang ako sa kanya. Hindi ko rin naman siya natatanong kung ano ba ang nilalaman ng isipan niya at baka may iniisip siyang mahalagang bagay na kung saan ay dapat niyang tandaan. Napabuntong hininga na lang ako kasabay ng pagtaas-baba ng aking mga balikat sa kakaisip kung ano nga ba ang maaari kong gawin.
“Ma, malayo pa ba?” biglaang tanong ko na lang kay mama para man lang mawala ang katahimikan sa aming paligid, pero hindi man lang niya ako nilingon o tiningnan mula sa rearview mirror na para bang hindi niya ako narinig. “Ma?” tawag ko sa kanya pero katulad kanina ay parang wala lang kumakausap sa kanya.
“Pa?” Sinubukan ko namang si papa na lang ang tawagin, kaso katulad lang siya ni mama, parehas nila akong dinededma. Hindi naman si papa ang nagda-drive kaya imposibleng irason niya sa akin na nagmamaneho siya kaya hindi niya ako masagot o makausap man lang.
“Reona?” Lumingon ako sa tabi ko para matingnan ang kaibigan ko at sa puntong iyon ay nagtama ang aming paningin. Sinuklian niya ako ng isang pagkikibit-balikat upang iparating sa akin na hindi niya alam kung ano ang nangyayari, kung bakit hindi ako pinapansin nila mama at papa. “Wala na naman yata silang magawa at naisip na lang nilang balewalain ang anak nila sa isang iglap,” napasapo ako sa aking noo tsaka muling ibinalik ang aking tingin sa katabi kong bintana. Buti pa ang mga nakikita kong tao sa kalsada ay masasaya at para bang hindi sila nauubusan ng topic, hindi katulad namin dito na wala man lang mapag-usapan. “Nakakburyong,” pabulong na reklamo ko tsaka ko sinapa ang inuupuan ni mama.
Sa isang iglap ay bigla na lang huminto ang kotse, nabigla siguro si mama sa ginawa kong pagsipa sa upuan niya. Umabante pa ang aming ulo nina papa at Reona, mabuti na lang ay nakasuot ang aming seatbelt kaya hindi nadamay ang katawan naming tatlo. “Anong sa tingin mo ang ginagawa mo, Yzza?” malamig na sambit ni mama. Napasulyap ako sa kanya at unti-unti naman niyang iniikot ang ulo niya para makita ako. Nang tuluyan na siyang makalingon sa likuran kung nasaan ako nakaupo ay roon ko nasilayan ang kanyang nagliliyab na mga mata, na para bang sa kahit na anong oras ngayon ay makakayanan niya na lang akong sapakin direkta sa aking mukha. “Tinatanong kita, ‘di ba?” nakasimangot na saad niya sa akin, itinaas na niya ang kanyang kamao at itinapat na niya iyon sa mukha ko.
“Ikaw rin naman tinatanong ko kanina ah?” Napatakip na lang ako agad sa aking bibig nang may lumabas sa aking bunganga na hindi ko inaasahan. Maski si mama ay nanlaki ang mga mata dahil sa kanyang narinig sa akin at pati si papa at Reona ay napatingin sa akin. Akala ko ay nawala na ng tuluyan ang nagliliyab na mga mata ni mama kaso bumalik agad iyon at tinamaan na nga ako. Sinampal niya ako diretso sa pisngi ko, expected ko naman na iyon dahil mali talaga ang nasabi ko kahit pa labag din naman iyon sa aking kalooban. “Sorry,” yumuko ako tsaka ko hinawakan ang pisngi kong sinampal ni mama, medyo mahapdi pa iyon kaya hindi ko maiwasang hindi mapaluha. Tanggap ko naman ang ginawa niya sa akin, sadyang nasaktan lang din talaga ako at hindi naman namin maipagkakaila iyon. Isang bagay lang naman ang hindi ko matanggap ngayon kaya patago akong sumulyap sa inaya ko sa mall, si Reona pero agad ko rin naman binalik ‘yung atensyon ko sa hita ko. “Bakit naman ganyan kayo kung kailan may kasama akong kaibigan?” tiningala ko ang ulo ko at sa puntong makita ko ang mukha ni mama ay bumuhos na ang mga luha ko. Ngunit, hindi ko nakayanan ang tanawin na iyon kaya hinatak ko na ang seatbelt ko para tanggalin iyon sa pagkaka-lock niyon sa tapat ng dibdib ko. Tinulak ko ang pinto ng kotse ni mama tsaka ako lumabas mula roon, isinara ko rin naman iyon pero dahil sa emosyon ko ay napalakas ang pagkahampas ko sa pinto para sumara 'yun. Mag-uumpisa na sana akong tumakbo kaso hindi ko na iyon tinuloy. Hindi ako pamilyar sa lugar na ito at ayaw ko rin naman maligaw at mahiwalay kina mama, papa, at Reona dahil lang sa pag-iinarte ko.
"Ellyza!" rinig kong sigaw ni Reona sa pangalan ko, lumabas din siya sa kotse kagaya ko tsaka niya ako tinabihan. "Anong nangyari sa 'yo? Wala namang problema sa akin kung ano ipakita ng mga magulang mo eh. Mas maganda nga 'yun kasi hindi sila nagtatago ng ugali nila kahit pa may kasama silang hindi nila kaano-ano eh. Pero hindi ko naman sinasabing magandang bagay 'yung sampalin ka ng magulang mo, pero hindi ko rin sinasabi na mali 'yun kasi parehas naman din kayong may pagkakamali,' tuloy-tuloy na sabi ni Reona at sa mga oras na iyon ay naramdaman ko ang isang feeling na mayroon akong kaibigang nag-aalala para sa kalagayan ko, isang kaibigan na hindi makitid ang utak katulad ng ibang kabataan ngayon. "Kung anuman ang maging kahihinatnan nito, sigurado naman akong magkakaayos kayo ng mama mo, pamilya kayo eh. Misunderstanding lang naman ang naganap, hindi naman malaking kasalanan ang nagawa niyo pareho, madadaan niyo pa 'to sa simpleng pag-uusap. Naniniwala ako sa 'yo Ellyza, sa inyo bilang mag-ina," ngumiti siya ng pagkalawak-lawak kasabay ng pagkapit niya sa magkabilang balikat ko.
Halos hindi ko na maramdaman ang sarili kong humihinga nang magkadikit ang katawan namin ni Reona. Damang-dama ko ang init sa kanyang yakap at para bang ayaw ko siyang pakawalan sa mga oras na ito. Tila ba'y mismong kaluluwa ko na ang naghahanap ng kung sinong mayayakap pabalik. Pinikit ko ang mga mata ko at hinayaan ko lang ang mga luha kong dumaloy nang dumaloy sa pisngi ko, kahit pa alam kong mababasa niyon ang suot na t-shirt ng kaibigan ko. Yinakap ko siya pabalik at sunod ko namang naramdaman ay ang paghagod ng mga palad niya sa aking likod, na para bang sinasabi niya sa aking magiging okay lang ang lahat kaya 'wag akong magdalawang isip na ibuhos ang lahat ng emosyon ko sa kanya ngayon. "Reona…" bigkas ko sa pangalan niya. Ilang minuto kaming nagtagal sa ganoong sitwasyon at napagpasyahan ko na lang na humiwalay sa kanya nang marinig kong lumabas na rin sa kotse sina mama at papa. Pinunasan ko na muna ang mga luha ko bago ko sila hinarap. Humakbang ako palapit kay mama at bago pa man siya makapagsalita ay agad kong pinalibot ang mga braso ko sa kanyang katawan. "Sorry Ma, hindi ko sinasadyang sabihin 'yun. Nainis lang naman kasi ako dahil hindi niyo talaga ako pinapansin kanina… na para bang hindi niyo ako kasama," panghihingi ko ng paumanhin sa kanya na kung saan ay dinugtong ko na rin ang aking dahilan. Iyon naman talaga ang dahilan kung bakit ko iyon nasabi, kusa na lang iyon nilabas ng damdamin ko at hindi ko na iyon napigilan pa. Narinig ko ang bahagyang pagtawa ni mama. “B-Bakit ka naman may ganang tumawa sa ganitong sitwasyon natin, Ma? H-Hindi naman kita maintindihan eh,” naguguluhang sabi ko sa kanya. Lalayo na sana ako sa kanya pero hinigpitan niya ang kapit niya sa akin kaya hindi ako nakakalas sa aming pagkakayakap.
Naramdaman ko ang palad ni mama na umakyat sa ulo ko, sinimulan niyang guluhin ang aking buhok habang wala pa rin siyang tigil sa kanyang pagtawa kahit pa hindi naman iyon malakas kaya hindi naman iyon masyadong nakakabahala, sadyang naguguluhan lang ako kung bakit niya pa kailangang tumawa lalo na ngayong nakikita niya akong umiiyak. “Ang O.A mo naman kasi, Yzza,” sagot niya sa akin pero mas lalo lang akong nalito dahil sa sagot niyang iyon. Speaking of which, ni hindi ko man lang siya nakitang lumuha o nagsisisi sa ginawa niya sa akin o sa nangyari kanina, para bang wala lang iyon sa kanya pati na kina papa at Reona. Huwag mong sabihing… “It’s a prank kasi,” lumakas pa ang pagkahalakhak ni mama at sinabayan na iyon ni papa, akala ko ay sila lang pero maski ang kaibigan ko ay tumatawa na sa likod. Na para bang pinagplanuhan na nila itong tatlo habang wala ako para mapag-isahan nila ako. “Kanina habang nagpapalit ka ng damit mo sa bahay at nag-aasikaso ka eh kinausap namin ‘tong si Reona, na kapag hindi ka namin pinansin ay ‘wag niyang sasabihin sa ‘yo na may pinaplano kaming prank sa ‘yo. Na kunwari ay wala siyang alam sa nangyayari, ganun. Successful naman, pero mukhang hindi pa rin naging maganda ang kinalabasan, sorry Yzza. Hindi ko man maipapangako sa ‘yong hindi na mauulit na i-prank ka ng kahit na sino sa amin, pero sana huwag mo masyadong alalahanin ang nangyaring ‘yun,” seryosong paliwanag ni mama sa kanilang ginawa. Naging malinaw na sa akin ang lahat ngayon pero hindi ko pa rin magawang tanggapin na marunong pala silang mag-prank, sa edad nilang ‘yan. “Sorry Yzza, masyado yatang naging makatotohanan ‘yung pagkakasampal ko sa ‘yo. Hindi ka kasi maniniwalang galit ako sa pagkakasagot mo sa akin kung mahina lang ang sampal ko sa ‘yo eh,” natatawa niyang dugtong habang hinahawakan ang isa kong pisngi. Unti-unti na siyang kumakalas sa yakap ko kaya humakbang na rin ako paatras sa kanya. “Tara na?” pag-aaya ni mama sa aming lahat, hindi na siya naghintay pa ng aming tugon at nauna na siyang bumalik sa loob ng kotse dahil siya pa rin naman ang magmamaneho. “Para nga pala sa tanong mo kanina, Yzza… Malapit na tayo, mga limang minuto na lang siguro ay naroon na tayo sa mall, kaya ‘wag ka nang magbalak na matulog pa sa byahe. Hindi mo alam kung gaano ka kahirap gisingin,” aniya bago isara ang pinto sa kanyang gilid.
Pumasok na lang kaming tatlo sa kotse at bumalik sa aming mga pwesto. Kahit papaano ay guminhawa na ang pakiramdam ko dahil alam ko na ngayong hindi naman pala iyon totoo lahat, na isang prank lang iyon. Nakakapangamba lang dahil hindi ko rin naman alam kung prank lang ba talaga iyon o baka mamaya ay idinahilan lang nila iyon para hindi na ako mag-alala pa at makapunta na kami sa aming pupuntahan ngayong araw. Ngunit, medyo mas mataas naman ang tiwala ko sa kanila tsaka mukhang totoo naman din iyon dahil si Reona rin naman ay nagawa nilang pakisamahan. Hindi ko naman pala kailangang mag-alala na hindi siya maging malapit kina mama at papa, mukhang kanina pa lang pagdating naming dalawa sa bahay namin ay nagkasundo na sila. Sa pagkakakilala ko naman din sa mga magulang ko, hindi naman talaga sila mahirap na makausap at makasama, sila ‘yung tipo ng mga tao na kahit isang oras mo pa lang nakakasama eh close na agad kayo at marami na agad kayong mapag-uusapan. Hindi sila katulad ng mga iba na inaabot pa ng ilang beses na bonding bago maging close sa isa’t isa.
“Siya nga pala Ma, Pa,” inagaw ko ang atensyon nila pero si mama ay nanatili lang na naka-focus sa pagda-drive, at iyon naman din ang dapat niyang gawin dahil nasa gitna kami ng daan-daang sasakyan at mapapahamak kami kung magkamali siya ng direksyon o bigla na lang siyang huminto sa gitna ng kalsada. “Bakit niyo nga pala pinagplanuhan iyon? I mean, ano ‘yung mismong objective ninyo kung bakit ninyo iyon nagawa at kung bakit sa akin pa? Nandito naman si Reona ah? Parehas naman kaming estudyante, parehas naman kaming bata, parehas naman kaming kasama niyo,” sunod-sunod na tanong ko sa kanilang dalawa, kay papa na ako tumingin dahil mukhang siya rin naman ang kakausap sa akin habang nakikinig lang si mama sa aming usapan.
Tiningnan muna kami ni papa bago siya nagsalita. “Wala lang,” tipid na sagot niya sa akin kaya napanganga ako na siyang agad na nagpatawa sa kanya kaya binawi ni papa ang kanyang sagot. “Biro lang. Ang totoo kasi niyan eh alam namin ang iniisip mo, na baka ma-ilang si Reona sa amin, na baka maging iba ang pakikitungo namin sa ‘yo lalo na ngayong kasama mo ang kauna-unahan mong naging kaibigan sa school niyo. Naisipan na lang namin bigla ni Mom mo na pakabahin ka, pero hindi naman namin inaasahan na seseryosohin mo ‘yun, ayan tuloy, nakatikim ka ng sampal,” paliwanag ni papa.
“Ano ka ba Dad? Tinatakot mo lang si Yzza eh,” suway sa kanya ni mama. Hindi man siya nakatingin sa akin ay ramdam kong para sa akin ang susunod niyang sasabihin. “Ako ang nakaisip na i-prank ka, first time lang namin gawin ‘yun at alam mo naman ‘yun. Effective naman ‘di ba? Pwede na ba kaming maging pranksters habang buhay?” tanong ni mama para hingin ang aming opinyon.
“Effective na effective po Tita, napaiyak niyo si Ellyza eh,” nakangiting sabi ni Reona mula sa aking tabi at pagkatingin ko ay naka-thumbs up na siya, na para bang gustong-gusto niya ang ginawang iyon ni mama sa akin. Baka naman natutuwa si Reona dahil naaalala niya ang mga araw na nabu-bully ako sa school? Kaya ganito na lang siya na parang okay lang siyang sinampal ako ni mama? Hindi kaya balang araw eh magkampihan sila tapos sabay-sabay nila akong i-t*****e? Huwag naman sana. Umiling na lang ako basta para mawala sa utak ko ang kung anu-anong iniisip ko tungkol sa kanilang tatlo. “Sa school kasi namin… Kahit ilang beses na siyang binubully ng kahit na sino, hindi ko man lang siya nasilayan kahit isang beses na lumuha o humagulgol katulad ng kanina. Kaya akala ko, nagtataglay siya ng isang pusong gawa sa bato. Akala ko ay isa siyang tao na sa sobrang manhid ay wala nang pakialam sa kahit na anong klaseng pangbu-bully ang gawin sa kanya,” pagkukwento ni Reona na siyang mas nakapagpapawi sa aking iniisip.
“Ikaw ba Reona, kasama ka rin ba sa mga nang-bully kay Ellyza?” usisa sa kanya ni papa. Sa isang iglap ay binalot ang buong sasakyan ng matinding katahimikan, marahil ay hindi alam ni Reona ang kanyang sasabihin, kung ano ba ang dapat niyang isagot sa tanong na iyon. “Sorry kung naitanong ko pa, gusto ko lang din malaman at alam kong gusto rin malaman ni Mom. Hindi naman kami magagalit sa ‘yo, hindi ka naman niya isasama sa amin kung hindi pa rin kayo nagkakasundo o nagkakamabutihan ‘di ba?”
Tumango si Reona. Maski ako ay gusto ko rin malaman kung sasabihin ba niya ang totoo o magsisinungaling siya para lang iligtas ang kanyang sarili at huwag masira ang kanyang reputasyon. “Sorry po, Tita, Tito… Wala po akong balak na magtago ng nagawa kong kasalanan kay Ellyza. Inaamin ko po na minsan na akong napasama sa pang-aapi kay Ellyza pero hindi ko naman din ginusto iyon. Napag-usapan na namin ni Ellyza ang tungkol sa bagay na iyon at pati na rin ng buong klase,” tugon ni Reona sa tanong ni papa habang siya ay nakayuko. “Pinapangako ko po sa inyo na hindi na mauulit iyon at hindi ko hahayaang may maka-bully pa kay Ellyza. Kung dumating man ang araw na maulit iyon ay mananatili akong kakampi ng anak ninyo at sisiguruhin kong mapoprotektahan ko siya hangga’t makakaya ko. Kahit na ano ay sasaluhin ko para kay Ellyza para lang makabawi ako sa lahat ng kamalian na naranasan niya dahil sa aming mga kaklase niya,” desididong sabi ni Reona. Ako na ang nahihiya para sa mga pinagsasasabi niya ngayon na wala naman din kasiguraduhan dahil hindi naman namin nakikita ang future. Subalit, kahit na ganun pa man ay hindi ko pa rin maitago ang labis na pagkatuwa ko sa mga sinabi niya. Ito pa lang ang unang beses na naranasan ko ‘to, na mayroong nakahanda na prumotekta sa akin sa kahit na sinong makahaharap ko, kahit pa alam kong mali ang umasa sa lakas ng ibang tao.
“Ano ka, jowa ni Ellyza?” pabirong sabi ni papa kaya natigilan kaming dalawa ni Reona at bigla na lang din kaming nagkatinginan at dali-dali rin naman umiwas sa aming tingin. “Maraming salamat sa pagsasabi mo ng totoo, Reona. Bihira na lang ang mga tao na katulad mo na hindi marunong magtago ng katotohanan,” pasasalamat ni papa sa kanya. “Ellyza, huwag mong sisirain ‘yang nabuo niyong friendship ah. Kung masira ‘yan eh alam kong ikaw ang may kasalanan,” tumawa si papa sa huli niyang sinabi kaya alam kong hindi niya iyon tototohanin.
“Syempre naman Pa, pero hindi ko maipapangako na si Reona lang ang magiging kaibigan ko sa school namin. Kasi mukhang lahat naman sila ay mababait at sadyang napasama lang sa isang babae na hindi maganda ang ugali,” wika ko at dahil dun ay sabay kaming napatawa ni Reona.
“Nandito na tayo,” pagdedeklara ni mama at tama nga siya dahil pagkatingin ko sa harapan ay natanaw ko na ang mall, na siyang destinasyon namin kung bakit kami nasa byahe ngayon.