28

1995 Words
ELLYZA Ngayon lang ako makararanas na mayroon akong ibang tao na makakasama sa mall, at kasama rin ang mga magulang ko. Sa mga oras na ito ay naglilibot na agad ang isipan ko kung saan ko ba siya dapat dalhin o ipasyal habang nasa mall kami, ayaw ko kasing ma-boringan siya at baka magsisi pa siyang sinamahan pa niya ako imbis na umuwi na lang. Marami na akong naiisip na pupuntahan namin, pero hindi ko pa alam kung papayagan ako nina mama at papa. Papayag naman siguro sila kapag sinabi kong siya pa lang ang nagiging kaibigan ko at baka tumaas din ang tyansa ko na mapapayag sila kapag nalaman nilang natupad ko ang pinangako ko. “Tara na?” pag-aaya ko kay Reona tsaka ko nilahad ang kamay ko, tinanggap naman niya iyon kasabay ng kanyang pagtango kaya magkahawak-kamay kaming naglalakad. “Sa bahay muna namin tayo pumunta, hinihintay kasi ako nila Mama at Papa, hindi naman tayo pwedeng mauna sa mall, baka malaman ng sundo mo at mayari pa tayo parehas,” sabi ko sa kanya, baka kasi ang inaasahan niya eh sa mall na ang diretso naming dalawa. Hindi naman siya tumutol sa sinabi ko pero bigla na lang akong napatikom sa aking bibig nang wala na akong ibang maisip na sabihin habang naglalakad kami. Kaunti na lang naman ang kailangan naming lakarin bago kami makarating sa aming bahay, pero iba pa rin talaga kapag mayroon kang napag-uusapan. Ewan ko rin kung bakit nanahimik si Reona pero hindi ko na siya tinanong pa, baka malalim ang iniisip niya. “Ayos ka lang ba na maghintay sa amin sa loob?” usisa ko sa kanya para naman mabasag man lang ang aming nakabibinging katahimikan. “Wala naman problema, kahit sa labas nga lang ako maghintay kasi nakakahiya naman sa mga magulang mo kung bigla ka namang magpasok sa loob ng bahay niyo ng tao na hindi naman nila kilala,” tugon ni Reona habang nakakamot pa sa kanyang ulo. Inalis ko ang pagkakahawak niya sa kamay ko at sa braso na lang niya ako kumapit nang makita ko na ang bahay namin. Nag-umpisa akong tumakbo kaya nahahatak ko si Reona pero agad din naman siyang nakapantay sa akin nung tumakbo na rin siya. Tumigil lang kami nung marating na namin mismo ang aming bahay kaya parehas naming hinahabol ang aming hininga. “Tara na, wala namang masama kung sa loob ka na maghintay. Hindi naman nila siguro iisipin na masamang tao ka kasi kasama mo naman ako. Tsaka alam naman din nila na bihira lang ako magkaroon ng kasama papunta rito,” pagpupumilit ko pa sa kanya na sumama na lang siya sa akin sa loob. Magsasalita pa sana siya para tumanggi pero binuksan ko na agad ‘yung gate namin tsaka kami muling huminto nung nasa harap na kami ng pinto. “Pakitanggal na lang muna ‘yung sapatos mo, hindi kasi kami nagsusuot ng kung ano sa paa na nanggagaling sa labas. May tsinelas naman sa loob, pwede mo naman gamitin kahit alin doon, pero choice mo pa rin kung gusto mong maglakad o maghintay ng naka-medyas lang,” mahinahong utos ko sa kanya. Hindi ko alam kung paano ko nagagawang magsalita ng mahaba, hindi naman ako ganito dati. Baka manibago rin sa akin si Reona at layuan pa niya ako, baka kinaibigan lang niya ako kasi tahimik akong tao sa nakikita niya sa school. Hindi kasi niya alam na nananahimik lang ako dahil sa sobrang pangbu-bully ng mga kaklase namin, hindi niya alam na tinatago ko lang ang lubos kong pagka-maingay. Pero hindi naman ako kasing-daldal ng mga kalalakihan. Habang tinatanggal ni Reona ang sapatos niya ay bigla kong naalala ang lalaki na unang kumausap sa akin nung gumanti ako kay Arisa. “Reona, may tanong ako tungkol sa isa sa mga kaklase natin,” ani ko. Tinapos na muna niya ang ginagawa niya bago siya tumingin sa akin, hinihintay siguro niya ang itatanong ko kaya tinanggal ko na rin ang sapatos ko para sabihin na iyon. “Ano pangalan nung lalaki na nag-sorry sa akin sa school kanina?” tanong ko sa kanya, kusa naman na napaiwas ang mga mata ko sa kanya na para bang ikinahihiya ko pang itanong ang bagay na iyon. Tinapat niya ang isa sa mga kamay niya sa kanyang bibg at maya-maya pa ay nagsimula na siyang tumawa. “Ayun ba? Si ano ‘yun, si Kristopher Ramos. Kadalasang tawag lang namin sa kanya eh Toph, pero hindi ko alam kung pwede mo rin siyang tawagin na ganun. Kasi alam ko, 'yung mga close lang niya ang pwedeng tumawag ng ganun sa kanya. Eh lahat naman kami close niya, ikaw lang ang hindi kasi nga hindi ka naman lumalapit sa amin gaano," paliwanag niya kasama ng pagpapakilala niya sa lalaking tinutukoy ko. "Huwag na 'wag kang magbabalak na magustuhan ang lalaking 'yun. Ang dami na nun babae," bilin niya sa akin, napahawak pa siya sa kanyang sentido habang umiiling habang ako naman ay napaawang lang ng aking labi. Paano nagagawa ng lalaking iyon magsabay-sabay ng mga babae? Magiging malaking problema iyon kung hanggang sa pagtanda niya eh ganoon pa rin ang ugali niya. "Yzza? Nakauwi ka na pala…" bitin na sabi ni mama nang mapansin niyang mayroon akong ibang kasama. "May bisita ka pala, hindi ka man lang nag-text sa amin para man lang nakapaghanda kami ng makakain niyo," gulat na aniya tsaka niya tuluyang binuksan ang pinto upang mas maging malawak ang daanan. "Sorry, biglaan din kasi. Tsaka isa pa, hindi naman namin kailangan ng kahit na anong makakain ngayon. 'Di ba pupunta tayo sa mall?" tanong ko kay mama upang masigurong hindi pa nagbabago ang kanilang desisyon kaninang umaga bago ako pumasok sa klase, isang simpleng pagtango ang natanggap ko sa kanya kaya natuwa ako. "Siya nga pala si Reona Seffine, kaisa-isahan at kauna-unahang naging kaibigan ko sa school," pagpapakilala ko sa katabi ko at nakipagkamay naman siya kay mama, binalak pa nga niyang magmano pero agad na tumanggi si mama kasi magmumukha raw siyang matanda kapag ganun. "Inaya ko kasi si Reona na sumama na lang sa akin papunta sa mall, kasama kayo, kasi hindi pa dumarating 'yung sundo niya ng mga oras na iyon. Nakapagpaalam naman na rin kami ng maayos kanina sa sundo niya, tinawagan ni Reona para hindi mag-alala ang pamilya niya sa kanya. Pumayag naman sila," paliwanag ko kung bakit ako may kasama ngayon. Naging blanko ang ekspresyon ni mama at akala ko ay iyon na ang magpapakaba sa akin ng todo, pero mas lalo pa akong kinabahan nang magsalita siya. "Eh sa amin ba, nagtanong at nagpaalam ka ba? Sa tingin mo ba, payag kami ni Dad d'yan sa biglaang desisyon mo?" malamig na tonong sambit ni mama na siyang nakapagpalunok sa akin. Pakiramdam ko ay tumatagaktak na ang aking pawis dahil sa tanong na iyon ni mama. Napasulyap pa ako kay Reona kasi feeling ko eh gusto na niyang umalis sa mga oras na ito at umuwi na lang sa kanila, pero agad ko rin tinuon ang atensyon ko kay mama kasi baka mamaya eh seryoso talaga siya sa sinabi niya at hindi siya nakikipagbiruan sa akin. Subalit, maya-maya lang eh pumagitna si papa sa aming tatlo. Hindi ko man lang narinig ang mga yapak ng kanyang paa, ni hindi ko nga man lang napansin na papalapit na siya sa amin. Bigla na lang siyang sumulpot na akala mo eh nakakapag-teleport siya. "Huwag mo namang takutin 'yung bata, Mom. Ngayon na nga lang nagkaroon ng kaibigan si Ellyza tapos parang gusto mo na agad mawala eh," nakatawang singit ni papa sa amin na siyang nakapagpaluwag sa aking paghinga. Sobrang sikip ng dibdib ko kanina, hindi ko alam kung ano ang isasagot ko kay mama nun. Buti na lang talaga eh sumingit si papa, alam ko kasing hinihintay rin ni mama ang sasabihin ko sa kanya kung nagkataon na hindi dumating si papa rito, tapos pagtatawanan niya lang ako kasi hindi naman siya seryoso. Palagi naman ganun si mama, bakit nga ba hindi pa ako nasanay? "Biro lang 'yun… Reona, tama ba?" nag-iisip na ani mama. "Huwag mong dibdibin 'yung sinabi ko ah? Tara sa loob, pasok na kayo. Magbibihis lang 'yan si Yzza tapos aalis na rin tayo agad, para hindi ka na matagalan pa rito sa paghihintay," dugtong pa niya tsaka niya kami hinatak papasok sa loob ng bahay, hindi naman mahigpit ang pagkakahawak niya sa aming braso kaya hindi naman kami nasaktan. "Bilisan mo ang kilos mo, Yzza. Huwag kang babagal-bagal at naghihintay sa 'yo ang kaibigan mo," pagmamadali sa akin ni mama kaya natataranta akong naglakad papunta sa kwarto ko. Nagtanggal na ako ng uniporme ko, pinalitan ko na lang ang suot ko ng isang kulay itim na fitted shirt. Pinaresan ko lang iyon ng shorts na abot sa ibabaw ng tuhod ko, ayaw kong magsuot ng masyadong maiksi na abot sa singit ko kasi naco-conscious ako. Hindi ko alam kung saan humuhugot ng confidence ang mga babae na nakikita kong nagsusuot ng mga ganung klaseng shorts. Sinuklay ko na rin ang buhok ko, hindi ko na iyon inipitan pa dahil matatagalan lang ako lalo. Straight naman ang buhok ko kaya hindi iyon humaharang sa mukha ko at hindi iyon sabog. Humarap ako sa salamin sa huling pagkakataon bago ko dinampot ang cellphone ko tsaka ko iyon ipinasok sa bulsa ng shorts ko. Hindi na ko nag-abala pang magdala ng wallet dahil may pera naman na akong nakatago sa likod ng cellphone ko, sa loob ng case niyon. Hindi naman siguro ako ang pagagastusin nila mama pero baka may mapuntahan kami ni Reona na kung saan eh magkahiwalay kami nila mama ng kinaroroonan. Lumabas na ako ng kwarto pagkatapos kong asikasuhin lahat ng gamit ko roon tsaka ako bumalik sa sala. Nakaupo lang si Reona sa single sofa habang sina mama at papa naman ay magkatabi sa mahabang sofa. "Takot kang maiwanan 'no?" nakangising sabi sa akin ni mama, kilalang-kilala niya talaga ako. Tinarayan ko lang siya gamit ang mga mata ko kaya tumawa siya sa akin at agad din tumayo. "Tara, alis na tayo? Sino magda-drive?" tanong niya sa aming tatlo, hindi ko alam kung nang-aasar ba siya o kung ano eh. Alam naman ni mama na siya lang ang marunong mag-drive, tsaka estudyante pa lang kami ni Reona kaya parehas pa kaming walang lisensya upang makapagmaneho. "Wawa naman kayo," nakakaasar na aniya tsaka niya dinampot ang susi ng kotse niya mula sa kanyang bulsa, winagayway niya pa iyon sa harapan ng pagmumukha naming tatlo. "Sige, ako na ang magda-drive." Sabay-sabay na lang kaming napabuntong hininga sa sinabi ni mama. Nagkatinginan kami ni Reona at doon ko lang napansin na hindi pa pala siya nakakapagpalit ng kahit na anong kasuotan, bigla ko na lang siyang naturo habang nakabilog ang bibig ko kaya pati sina mama at papa ay napatingin na sa babaeng iyon. "Reona, wala ka bang balak na magpalit ng damit mo? Mainit sa labas at hindi rin presko suotin 'yang school uniform natin," usisa ko sa kanya at dali-dali naman siyang napayuko. "Kung nahihiya ka o hindi mo lang maitanong sa amin, marami naman akong damit sa kwarto ko. Kaso nga lang, puro fitted t-shirt lahat. Hindi ako sanay sa oversized eh, gusto mo ba magpalit?" muling tanong ko pa sa kanya. Ako na ang naiinitan sa suot niyang uniporme. Naiintindihan ko naman kung hindi man siya pumayag na magpalit ng damit kasi malamig naman din sa pupuntahan namin, ang kaso nga lang eh baka magkaroon pa siya ng sakit, kung sakaling matuyuan siya ng pawis sa kanyang likod. Lumapit siya sa akin kaya alam kong gusto niyang mag-iba ng damit. "Saglit lang Ma, Pa. Hindi niyo naman kasi sinabing magpalit si Reona eh, doble-doble pa tuloy masasayang sa oras." Sinamahan ko na si Reona papunta sa kwarto ko at hinintay ko na lang siyang makapagpalit, hindi naman masama iyon tingnan dahil parehas naman kaming babae.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD