ELLYZA
Hindi ko na nasagot pa si Reona, pero alam ko namang hindi iyon makakasira sa amin, tinanguan ko lang kasi siya pagkatapos niyang magpakilala tsaka itanong kung ano ang aming magiging relasyon. Simula sa araw naman na ito ay tinuturing ko na sila lahat bilang aking kaibigan… kaibigan na hindi ko alam ang mga pangalan. Pagkarating ng aming guro ay nagsimula lang siya sa kanyang pagtuturo sa aming lesson sa araw na ito hanggang sa dumating na ang oras ng aming uwian. Sabay-sabay kaming tumayo para mag-goodbye sa kanya at magpasalamat sa kanyang oras sa pagtuturo sa amin tsaka kami yumiko. Nauna na siya sa paglabas ng classroom kaya nag-umpisa na muling magkagulo ang mga kaklase ko dahil nagsisipag-unahan sila sa pag-alis sa loob ng silid na ito, mga nagmamadaling makauwi. Naalala ko ang sinabi ko kina mama na sasabay ako sa pagpunta sa mall kaya hindi rin ako pwedeng magtagal dito sa classroom, baka iwanan na lang nila ako basta sa bahay at magmukha akong ewan sa kahihintay sa kanilang makauwi. Inayos ko na ang lahat ng kailangan kong dalhin at ilagay sa bag ko tsaka ako nagpasyang lumabas na rin sa classroom nung hindi na masyadong masikip sa daan at siksikan. Hindi na ako nag-abala pang magpaalam kay Reona dahil hindi ko naman na rin siya nakita pa bago ako lumabas doon, siguro ay nauna na rin siya at mayroon pa siyang aasikasuhin sa kanyang bahay o kung ano pa man. Naglakad na ako hanggang sa makalabas na ako ng school namin, ngunit, sa gitna ng paglalakad ko ay nakasalubong ko ang babaeng iyon, ‘yung nag-aalok na maging magkaibigan kami. “Hi, Reona,” simpleng bati ko sa kanya, hindi ko naman din kasi alam kung ano ang dapat kong sabihin dahil siya lang ang mag-isang nandito at mukhang mayroon siyang hinihintay. “Wala ka bang kasama?” mahinahong tanong ko sa kanya, ayaw kong umasta na feeling close ako sa kanya dahil kasisimula pa lang naman namin maging magkaibigan, ayaw ko iyon masira at ayaw kong masayang ang lahat ng naganap ngayong araw na ito. Sana magpatuloy pa ang magagandang pangyayari sa buhay ko at wala ng mangyari pang kung ano, kaso parang imposible naman iyon. Alam ko naman na lahat ng tao ay nagkakaroon ng hindi magandang kaganapan sa kani-kanilang buhay. Ang mahalaga lang naman ay hindi ako susuko kahit pa ano ang kaharapin ko, basta ako lang ang mahihirapan at hindi sina mama’t papa.
“Hello, Ellyza. Hinihintay ko lang ‘yung susundo sa akin, kanina ko pa kasi siya tinext pero wala pa rin sagot. Pauwi ka na rin ba?” nagbalik siya ng tanong sa akin pagkatapos niyang sagutin ang tanong ko.
Tumango ako sa kanya tsaka ako ngumiti. “Gusto mo bang samahan na muna kitang maghintay rito? Uwi na lang ako kapag nakita na kitang nasundo ng kung sinuman ang sundo mo?” usisa ko pa sa kanya bilang isang suhestiyon, sana lang ay pumayag siya para hindi naman masayang ang pagboboluntaryo ko, kaso nga lang eh kailangan ko na rin umuwi. Kaya, medyo gusto ko rin na hindi siya pumayag at tanggihan na lang niya ang alok ko para makauwi na ako, ayaw ko naman din iyon sabihin sa kanya kasi parang hindi iyon mainam.
Kinagat ni Reona ang kanyang ibabang labi pero inalis din naman niya iyon nung magsasalita na siya. “Sigurado ka ba riyan sa sinasabi mo? Wala ka bang pupuntahan ngayon o gagawin na importante pagkauwi mo? Hindi ka ba nagmamadali na makauwi?” sunod-sunod na tanong niya sa akin at tila ba’y kumikinang pa ang mga mata niya, na siyang mas lalong nagpapahirap sa akin na magdesisyon kung dapat ba akong magsinungaling sa kanya para lang masahaman ko siya. Hinawakan pa ni Reona ang magkabila kong kamay, wala naman malisya roon dahil parehas naman kaming babae at wala naman kaming ginagawang masama. Nasa tapat pa rin naman kami ng school at marami pa kaming nakakasalamuha rito, may ibang mga magkakaklase na naghihintayan para makagala, at ang iba naman ay namamasyal sa iba’t ibang malapit na bilihan ng pagkain.
Hindi ako makapag-isip ng tama. Ayaw kong magsinungaling sa kanya dahil hindi magtatagal ay malalaman din niya ang totoo, kagaya ng nangyari sa akin. Ayaw ko naman din sabihin na wala akong kailangan gawin at hindi ako nagmamadali, kasi sina mama at papa naman ang paghihintayin ko at paaasahin, baka sa susunod ay hindi na sila pumayag pa na sumama ako sa kanila sa pagpunta sa mall. Pero, sa gitna ng pag-iisip ko ay mayroon biglang sumagi sa aking isipan na isang ideya na walang masasaktan o mapapaasa, at wala rin magaganap na kasinungalingan. “Reona,” tawag ko sa kanya tsaka ko unti-unting tinanggal ang pagkakakapit niya sa aking kamay. Medyo nawala ang kinang sa mga mata niya at para bang malungkot na agad siya kahit pa hindi pa niya naririnig ang sasabihin ko. “Ikaw ba, nagmamadali ka ba o hindi?” tanong ko sa kanya.
Umiling siya sa akin. “Hindi naman, hinihintay ko lang talaga ang sundo ko para makauwi ako. Wala namang ganap sa bahay namin eh, puro lang din ako aral,” sagot niya sa akin kaya medyo ginanahan ako.
“Gusto mo bang sumama sa amin ng mga magulang ko? Pupunta kasi kami sa mall pagkauwi ko, ako na lang ang hinihintay nila. Kakain din kasi kami ng pananghalian namin, sali ka na sa amin,” pag-aaya ko kay Reona. Iyon na talaga ang gusto kong sabihin sa kanya na sana ay pumayag siya, walang halong pag-aalinlangan.
Binigyan ako ni Reona ng isang napakalawak na ngiti at kulang na lang ay tumalon na siya sa labis na tuwa, kaya nahawa ako at bigla na rin akong napangiti. “Gustong-gusto ko, pero…” putol niya sa kanyang sarili at naglaho na lang din bigla ang kanyang ngiti. “Baka kasi biglang dumating dito ‘yung sundo ko o ‘di kaya’y magkasalubong o magkasalisi kami. Baka pagalitan niya ako,” matamlay na sabi niya sa akin.
Nag-isip ako ng ilang saglit kung ano ang pwede niyang gawin o kung dapat ba ay hindi ko na lang siya pilitin na sumama pa sa akin. Pero, baka magawa naman niya ang sasabihin ko sa kanya, kaya hindi ko muna babawiin ang alok ko sa kanya. “Reona, may contact ka naman dun sa sundo mo ‘di ba? Bakit kaya hindi mo subukang sabihin na inaya kita sa mall? Kung pwede mo naman din tawagan, ako na ang kakausap para hindi niya isipin na gumagawa ka lang ng dahilan para hindi ka umuwi,” sambit ko. Iyon pa lang ang unang katagang lumabas sa akin sa aming pag-uusap na medyo mahaba-haba.
“Pwede rin naman. Teka lang ah? Tawagan ko siya,” ani Reona tsaka siya nagkalikot sa bulsa niya upang ilabas ang kanyang cellphone. “Siya nga pala, bago ko siya tawagan. Anong number mo? Save ko lang sa contacts ko, bigay ko rin ‘yung sa akin para fair at hindi mo isipin na hindi ko ibinigay ang sa akin pagkatapos kong kuhanin ang iyo.”
Kinuha ko agad ang cellphone ko, hindi ko kasi masyadong kabisado ang number ko kahit pa mahilig ako sa math at sa kung ano pang may kinalaman sa mga numero. “Ito,” pinakita ko na lang kay Reona ang cellphone ko at siya na rin ang nag-save sa number niya sa contacts ko. “S-Salamat,” naiilang na sabi ko sa kanya. Ito pa lang ang unang pagkakataon na nagkaroon ako ng contact number ng ibang babae, at kaklase ko pa. Sana lang eh kapag nag-text man ako sa kanya o tawagan ko siya eh sumagot siya at hindi siya makulitan sa akin. Baka kasi marami na siyang kaibigan at makagulo pa ako sa kanila, ayaw kong makasira ng friendship niya. Kung makakagulo lang din naman kasi ako eh mas mabuti pang hindi ko na lang siya kaibiganin pa at putulin na agad namin ang kung anuman ang namuo sa amin. Natatawa na lang ako sa isipan ko dahil kung makapagsalita ako eh para bang may relasyon kami katulad ng mga lalaki’t babae na nakakasalamuha ko sa daan.
“Hello?” nabasag ni Reona ang pag-iisip ko nang batiin niya ang nasa kabilang linya, nag-dial na pala siya sa sundo niya, hindi ko man lang napansin. “Kanina pa ako nagte-text sa ‘yo ah, hindi mo man lang ako pinapansin,” aniya pa, sinabayan pa niya iyon ng kanyang tono na para bang nagtatampo siya. Kung nakikita nga lang siya ng kausap niya sa cellphone eh matutuwa na lang din iyon, kasi ba naman, nakapamewang pa si Reona at nakanguso. Ngayon ko lang din napansin ang mukha niya, ang ganda pala niya lalo na kapag malapit. Siguro kahit sa malayo ay mapapansin agad ng karamihan ang taglay niyang kagandahan. Ang kinis din kasi ng mukha niya, para bang ang smooth din nun, hindi katulad ko na medyo magaspang kahit pa makinis din naman ako. Mas maputi siya sa akin, kaunti lang naman. Mahaba ang kanyang buhok, abot ng bewang pero nakapusod siya, kaya malamang eh kapag naglugay siya ng kanyang buhok eh lagpas pa iyon sa bewang niya. Napababa ang tingin ko sa katawan niya, bakat na bakat ang kurba ng katawan niya, halatang ang sexy! Hindi kagaya ko, payat lang, walang kurba. “Ellyza?” Napatingin naman ako sa mga hita niya, ang puti ng mga tuhod niya. Sa sobrang kinis niya eh wala man lang ako makitang kahit na anong maipipintas sa kanya. Napaisip na lang tuloy ako kung kasing kinis ba ng buong katawan niya ang kanyang kalooban o pag-uugali. Hindi ko pa kasi masyadong masabi kung maganda ba ang ugali niya o hindi, kasi katulad nga ng sinabi ko kanina eh ngayon pa lang naman kami magsisimula sa aming pagkilala sa aming mga sarili. “Ellyza?” tawag sa akin ni Reona kaya biglang napaakyat ang tingin ko sa kanyang mga mata. “Kanina pa kita tinatawag ah? May problema ba sa suot ko?” Napasulyap siya sa kanyang suot na uniporme tsaka siya muling tumingin sa akin kaya agad na akong umiling sa kanya. “Ito oh, kausapin ka raw niya. Ewan ko kung ano sasabihin niya, hindi ko pa naman binanggit na ikaw ang kakausap sa kanya. Siya mismo nagsabi eh,” ani Reona tsaka niya inabot sa akin ang kanyang cellphone.
Tiningnan ko muna iyon at nakita ko ang pangalan ng tinatawagan niya.
Kalix?
Bigla akong napatulala sa kawalan habang nasa tapat ng mukha ko ang cellphone na iyon. Hindi ko maintindihan ang sarili ko, bigla na lang tumalon ang puso ko nang makita ko ang pangalan na iyon. Para bang mayroon akong mahalagang bagay na nakakalimutan. “Ellyza, kausapin mo na siya. Baka babaan ka pa niyan ng call, maikli pa naman ang pasensya niyan,” bilin sa akin ni Reona kaya dali-dali kong tinutok ang cellphone niya sa tenga ko.
“Hello po,” magalang na bati ko sa kanya ngunit wala akong narinig na sagot niya kaya tiningnan ko muna uli ‘yung screen kung nasa call pa ba siya at nandoon naman kaya binalik ko rin sa tenga ko iyon. “Hello po?” pag-uulit ko sa aking bati.
“A-Ah, sorry. May ginagawa kasi ako. Ikaw ba ‘yung sinasabi ng alaga ko na sasamahan niya sa mall?” tanong niya mula sa kabilang linya.
Alaga? Grabe naman ‘yung term na ‘yun para sa isang taga-sundo lang naman. Pero, baka hindi lang siya isang taga-sundo, baka may iba pa siyang trabaho sa bahay nila kaya hindi ko iyon pwedeng kuwestyunin. “Opo. Naisipan ko lang naman po imbitahin si Reona, baka sakaling gusto niya sumama. Siya kasi ang kauna-unahang naging kaibigan ko sa school namin,” masayang kwento ko sa kanya kahit pa alam kong hindi naman niya iyon kailangang malaman.
“Sige,” tipid na sagot niya sa akin. Akala ko ay iyon na lang ang huling sasabihin niya kaya ibabalik ko na sana kay Reona ‘yung cellphone pero bigla ko pa narinig ang boses niya kaya hindi ko iyon tinuloy. “‘Wag mong aalisin ang mga mata mo sa alaga ko. Kung saan-saan ‘yan napupunta kapag nalilingat ako. Siguruhin mong ligtas sa mall na pupuntahan niyo dahil sa oras na malaman kong may nangyaring masama sa alaga ko eh ipapahanap agad kita, hindi mo magugustuhan kung ano ang gagawin ko sa iyo o sa pamilya mo. Mag-iingat kayo, ‘wag kayong lalagpas sa gabi. Kung hindi mo siya maihahatid sa bahay niya eh ipatawag mo agad ako sa kanya para masundo ko siya at hindi sya umuwi ng mag-isa,” pagbabanta niya sa akin at ang sunod naman na narinig ko ay ang tuloy-tuloy na pag-beep ng cellphone ni Reona kaya isinauli ko na iyon sa kanya.
Kinabahan ako dun ah