31

3372 Words
ELLYZA Natapos na kaming kumain pero narito pa rin kami sa second floor ng KFC, nagpapahinga pa kasi kami at pinapababa pa namin ang mga kinain namin para hindi sumakit ang mga sikmura namin mamaya kapag naglakbay at namasyal pa kami sa loob ng mall na ito. Hindi ko nga lang alam kung magkakasama pa ba kaming apat mamaya o hahayaan nila kami na magkasama ni Reona para umikot at pumunta sa kung saanman namin gusto, ‘di ko rin kasi sigurado dahil hindi ko pa naitatanong kay Reona kung may nais ba siyang puntahan o mabili habang narito pa naman kami sa mall. Sayang din kasi ang pagkakataon kung umuwi siya sa kanila tapos hindi naman niya na-enjoy dahil hindi niya makuha ang kung anong gusto niya. “Nakapagpahinga na ba kayo?” tanong ko sa kanila upang masigurong lahat kami ay ayos na ang kondisyon bago kami lumarga. Nang itanong ko iyon ay bigla na lang kumilos si Reona at isa-isang kinuha ang aming mga plato at iba pang mga kagamitan na pinakinabangan namin para sa aming pagkain. Mainam niyang sinisinop ang lahat ng iyon at inilalagay sa iisang pwesto, para yata hindi na mahirapan ang magliligpit sa aming lamesa. “Ang effort mo naman pala, Reona,” natutuwang sabi ko sa kanya tsaka ko siya tinulungan. Marami-rami rin kasi iyon, hindi naman na namin iyon ibinaba pa dahil kukuhanin din naman iyon dito, talagang inilagay lang namin iyon sa gitna para maging maayos tingnan at hindi barubal. Bihira lang ang mga nakikita kong gumagawa nito at ngayon lang ako may nakasamang ganito ang ugali, karamihan kasi ay pinababayaan na lang ang mga nakalagay rito sa kani-kanilang mesa basta’t tapos na sila sa kanilang kinakain, maski ang mga kaibigan nina mama at papa na siyang mas matanda pa sa amin ni Reona. “Ano, okay na kayo, nakapagpahinga na ba kayo ng mabuti?” pag-uulit ko sa tinanong ko kanina kasi hindi man lang nila iyon sinagot, marahil ay hinayaan muna nila kaming dalawa na mag-asikaso rito. “Ayos naman na kami ni Mom, kayo ba? Nabusog naman ba kayo?” sagot ni papa na sinamahan pa niya ng isang tanong para sa amin. Tumango kaming dalawa at wala na akong ibang sinabi pa dahil gusto ko na rin umalis dito sa KFC at mag-umpisa na kaming mamasyal habang mayroon pa kaming oras. Hindi ko kasi pwedeng kalimutan ang binilin sa amin ng sundo ni Reona na hindi siya pwedeng umabot ng gabi at kailangan ay naroon na siya sa bahay nila bago pa lumubog ang araw. “Ayos naman na rin po kami ni Ellyza, pero…” putol na sabi ni Reona tsaka siya naglibot ng kanyang paningin sa paligid na tila ba’y mayroon siyang hinahanap na hindi ko mawari kung ano. “Pwede po bang dumaan po muna ako sa C.R? Maghuhugas na rin po ako ng kamay, hindi ko kasi kaya ang ginagawa ninyo na sapat na ang kaunting tubig at gawing pamunas ang tissue,” nahihiyang tanong niya. “Wala namang problema sa amin, sige na, pumunta ka na roon. Kung gusto mo eh magpasama ka na kay Ellyza,” tugon ni papa kay Reona habang sinesenyas ang kanyang kamay na tumayo na siya para pumunta sa pupuntahan niya. Umiling naman si Reona bilang sagot na hindi na niya kailangan pa ng kasama. “Okay, hintayin ka na lang namin dito,” dugtong pa niya at pagkatapos nga niyon ay umalis na si Reona sa kanyang kinauupuan. Binigyan ko siya ng daan para makalakad siya palayo sa amin at nang magawa na niya iyon ay nagkatinginan kami ni mama. “Anong meron?” usisa ko sa kanya kasi parang kakaiba ang mga tingin niya ngayon, napansin ko rin na kanina pa siya may kinakalikot sa bag niya. Ngunit, hindi ko naman iyon makita kasi natatakpan ang bag niya ng lamesa, hindi naman pwedeng sumilip ako sa ilalim kasi mapapansin nila na tinitignan ko kung ano ang ginagawa niya. “Kanina ka pa nakatingin sa akin Ma, nagagandahan ka na naman ba sa anak mo?” pabirong tanong ko para madulas siya sa kung anuman ang tinatago niya, kahit pa hindi ko naman sigurado iyon. Sinulyapan ko si papa pero iniwas lang niya agad ang mga mata niya sa akin at inilihis ang ulo niya patungo sa bintana kaya napailing na lang ako at tsaka ko binalik ang tingin ko kay mama. Saktong pagkabalik ko ng paningin ko sa kanya ay nasilayan ko ang ilang libong pera na nakalahad mismo sa harapan ko na dali-dali ko rin naman kinuha, kasi baka mamaya ay iba pa ang makakuha niyon o makita kami ni Reona at mag-usisa pa sa amin kung para saan iyong inaabot ni mama. “So anong meron, Ma? Para saan ‘to? Ang laki nito ah,” nagtatakang tanong ko pagkatapos kong ipasok iyon sa bulsa ko, wala naman kasi akong dalang wallet kasi nga nilagay ko lang ‘yung pera ko sa loob ng aking cellphone case, sa pag-aakalang magiging sapat na iyon para sa gagastusin ko kung sakaling maghiwalay kami nina mama at papa. Binigyan ako ni mama ng isang malapad na ngiti. “Para ‘yan sa inyo ni Reona. Alam kong gusto mong maglibot sa mall kasama siya dahil siya naman din ang pinakaunang naging kaibigan mo, imposible namang tanggihan mo iyan. Tsaka baka kasi hindi ka niya gustuhin na maging kaibigan kung sakaling boring ka kasama o hindi mo siya madala sa kung saanman,” napabuntong hininga si mama sa kanyang huling sinabi. “H-Ha? Boring, ako?” Hindi makapaniwalang saad ko. “Tsaka isa pa, bakit naman hindi niya na ako gugustuhin pang maging kaibigan kung hindi ko nga siya maipasyal sa mall? Hindi naman ‘yun pwede. Sa pagkakaalam ko kasi, kahit pa ngayon lang ako nagkaroon ng kaibigan eh, hindi naman basehan ang yaman sa samahan ninyo.” “Binibiro lang kita, Yzza. Masyado ka namang seryoso. ‘Wag mong sabihin sa akin na kinakabahan kang mawala talaga si Reona sa ‘yo sa ganoong dahilan?” natatawang sabi ni mama habang tinatakpan pa niya ang kanyang bibig gamit ang isa niyang kamay. “Pero ayun na nga, gamitin mo ‘yang pera na ‘yan para sa pamamasyal ninyo at bilhin ninyo kung ano man ang makita niyong gusto niyo. Choice mo kung uubusin mo ‘yan o hindi, tapos kung sakaling kulang pa ‘yan ay tawagan mo lang ako para mapuntahan ko kayo. Sa parking lot na lang ulit tayo magkita pagkalipas ng dalawang oras, kailangan nandoon na kayo bago pa kami dumating kasi kung hindi, iiwanan namin kayo ni Dad,” pagbibilin niya sa amin at sa puntong iyon ay napatingin si papa sa kanya kaya nagkatinginan silang dalawa at hindi naman na napigilan ni mama ang kanyang lubos na paghalakhak. “Biro lang uli, baka seryosohin mo na naman at magmadali ka. Mamaya eh hindi pa kayo mag-enjoy lalo dahil sa kakamadaling makapunta sa parking lot. Naiintindihan ko namang marami rin tao ngayong oras at lalo na mamaya, kaya alam kong matatagalan kayo sa pamamasyal niyo. Pero sana lang, huwag kayong makikipag-usap sa kahit na sino maliban sa amin. Delikado ang panahon ngayon pero naniniwala naman ako sa inyo na iingatan ninyo ang isa’t isa,” pagtatapos ni mama sa kanyang sinasabi nang maramdaman niyang palapit na sa amin ang kaibigan ko. Hindi ko alam kung ano ba ang ayaw niyang iparinig kay Reona o sadyang ako na ang inaasahan niyang magsabi sa kaibigan ko tungkol sa lahat ng sinabi niya ngayon, para mayroon kaming pag-usapan mamaya. “Tara na po?” pag-aaya ni Reona, ni hindi man lang siya nagtanong kung ano ang pinag-uusapan namin. Pero siguro ay bilang respeto na rin niya iyon sa akin at sa mga magulang ko, kasi hindi naman nga lahat ng bagay ay dapat niyang malaman tungkol sa amin. Hindi na kami sumagot sa kanya, tumayo na lang kami agad sa aming mga kinauupuan at sabay-sabay na kaming nagtungo sa hagdan para makababa na kami sa unang palapag. Katulad kanina ay kasama ko lang si Reona, nakakapit na naman ako sa kanyang braso para hindi kami magkalayo ng landas. Hindi ko alam kina mama at papa kung bakit hindi sila naghahawak-kamay lalo na sa mga ganitong oras, siguro ay malaki ang tiwala nila sa isa’t isa na hindi naman sila magkakahiwalay at mahahanap din nila agad ang kani-kanilang sarili kung sakaling maligaw ang isa sa kanila. Imposible naman din mangyari iyon dahil parati silang magkatabi. “Saan na po tayo sunod na pupunta? ‘Yung wala po sana tayong mabibili para hindi po masyadong malaki ang magastos ninyo. Ayaw ko po kasi maramdaman na ako ‘yung rason kaya kayo gumagastos eh,” wika ni Reona pagkalabas namin sa KFC, tumabi naman kami sa gilid para hindi kami makaharang sa mga dumaraan dito. Hindi sumagot sina mama at papa kaya ako na ang humarap kay Reona para sagutin ito. “Ano kasi, gusto nila Mama at Papa na mamasyal sa mall na silang dalawa lang, alam mo na, mag-asawa goals,” pagbibiro ko tsaka ko sila sinulyapan pero binalik ko rin naman agad ang tingin ko sa kaibigan ko para ituloy ang aking sasabihin. “Hindi naman sa ayaw ka nilang makasama, kasi kung ganun eh maiiwan ka rito mag-isa tapos isasama nila ako sa pamamasyal nila. Sadyang ganito lang sila tuwing nasa labas, gusto nila laging napag-iisa,” paliwanag ko para hindi magulo ang kanyang isipan. “Kung gusto mo naman eh pwede naman tayong maglakbay pa rito sa mall habang mahaba-haba pa naman ang oras natin, hindi pa naman tayo aabutin ng gabi. Tsaka isa pa, napag-usapan na rin namin nina Mama at Papa na magkita na lang uli tayong apat sa may parking lot pagkatapos. Kaya hindi mo kailangang mag-alala kung mapag-iwanan tayo nilang dalawa kasi hindi naman din sila papayag na ganoon ang mangyari sa atin, na mapabayaan nila tayo,” dugtong ko pa at sa puntong iyon ay pinatong ko ang mga palad ko sa magkabilang balikat niya. “Ano, payag ka ba? Gusto mo bang umikot pa sa mall kasama ako o mas pipiliin mong umuwi na lang sa inyo?” tanong ko kay Reona para hindi naman siya mapilitan lang na sumama sa akin. Ayaw ko kasi ng ganun, ‘yung parang pinipilit ko lang ‘yung mga tao na makakasama ko, kahit pa ngayon lang naman ako nagkaroon ng kaibigan. Binigyan ako ni Reona ng isang napakalawak na ngiti kaya inaasahan ko na ang kanyang magiging sagot kaya hindi ko na rin maiwasang mahawa sa kanyang mga ngiti. “Syempre naman gusto ko, why not grab the chance na magkasama pa tayo ng matagal ‘di ba? Sayang din naman ‘yung pagkakataon na ‘to, hindi naman siguradong araw-araw o madalas tayong nandito sa mall,” tugon ni Reona na siyang nakapagpabitaw sa akin sa mga balikat niya at pinalitan ko iyon ng isang mahigpit na yakap. Marahil ay nabibigla pa siya sa ginagawa ko kaya hindi siya nakagalaw, pero hindi naman nagtagal ay sinuklian din niya iyon ng isang mainit niyang yakap. Pakiramdam ko ay magkakasundo kami sa isang napakahabang panahon, na walang makakapagpahiwalay sa amin kahit pa sa susunod na taon na hindi na kami magkaklase, kung sakaling magkaiba na kami ng pinapasukang school o ‘di kaya ay malipat ang isa sa amin sa ibang section. Kaso, hindi ko naman din nasisiguro ‘yun. Baka kasi mayroon pa siyang ibang kaibigan sa school namin at kapag ipinakilala niya ako sa mga ‘yun eh hindi nila ako matanggap, tapos ma-impluwensyahan nila si Reona na itakwil na ako at ‘wag makipagkaibigan pa sa akin. Hindi naman din kasi maaalis sa kanilang mga isipan ang katotohanang napakahina ko lang na bata, na wala akong nagagawa para ipagtanggol ang sarili ko. Hindi ko nga rin maiwasan na isipin na may tyansa pa rin na ma-bully ako kinabukasan at baka sumagi sa isipan ni Arisa na nagpapanggap lang ako na malakas. Siguro ay pwede naman ako magtanong kay Reona tungkol sa mga paraan upang hindi na iyon maulit pa at maiwasan na rin na mangyari, kahit pa hindi naman siya ‘yung nabu-bully. Maaari rin kasi na mayroon siyang mga kakilala o mga close na kaibigan na may alam na paraan para hindi na makabawi pa si Arisa sa nagawa kong pamamahiya sa kanya kanina. Sa tingin ko naman din ay kumakampi na ang lahat sa akin at siya na ang nawalan ng kakampi, pero kahit na ganun pa man, hindi ko naman gusto na mangyari iyon sa buhay niya. Alam ko naman na siya rin ang may kagagawan niyon sa sarili niya, pero hindi ko naman kakayanin na masilayang maranasan niya ang lahat ng hirap na dinanas ko. Kung pupwede nga lang eh gusto ko rin siya makilala ng lubos at maging kaibigan kaya ni Reona, pero mukhang magiging mahirap iyon. Nagbabakasakali lang ako na matuklasan ko ang tunay na rason niya kung bakit niya iyon nagawa sa akin. Naniniwala kasi ako na lahat naman ng bagay ay mayroong kaukulang dahilan, na hindi lang basta-basta kumikilos ang kahit na sinong tao. Maliban na lang kung talagang hindi sila nag-iisip kung ano ang magiging epekto nito sa kanilang mga buhay. “Mauna na kami Yzza ah?” ani mama na siyang nakapagpabasag sa aking pag-iisip tungkol sa babae na iyon. “Kanina ka pa namin tinatawag eh mukhang natulala ka na riyan pagkatapos mong yakapin ang kaibigan mo,” iiling-iling na dugtong pa niya kaya naramdaman ko ang pamumula ng aking mukha kahit pa hindi ko naman iyon nakikita. “O-Okay po. Enjoy sa inyo ni Papa. ‘Wag kayong mag-aaway habang namamasyal ah? Tsaka bilhan niyo na rin ako ng paborito kong stick-o, kayo na ang bahala kung ‘yung maliit o malaki, basta meron,” ani ko habang naka-peace sign sa kanilang dalawa. Kung tutuusin nga ay mas makakatipid sila ngayon dahil hindi nila ako makakasama sa grocery. Kadalasan kasi eh kung anu-ano ang mga kinukuha ko sa grocery kahit pa hindi ko naman kinakain eh basta may madampot lang ako na pagkain. “Sige na, tumatakbo ang oras at kailangan pa makauwi ni Reona bago dumating ang gabi,” pagtataboy ko sa kanila gamit ang isang kamay ko. Gustuhin ko man silang itulak ng bahagya para umabante na sila at makaalis na rito ay hindi ko naman magawa dahil baka mawala na lang bigla si Reona at mayari pa ako. HIndi na sila nagpatagal pa dahil alam naman nila ang sitwasyon namin kaya lumarga na sila at naiwan na nga kami ni Reona rito. “A-Ah, siya nga pala. Hindi ko pa naitatanong sa ‘yo,” bigkas ko tsaka ko muling hinarap ang kaibigan ko at mabuti na lang ay naroroon pa rin siya sa kaninang kinatatayuan namin, mukhang hindi naman magiging mahirap na kasama si Reona dahil hindi siya katulad ng ibang tao na mga napapansin ko rito na kung saan-saan nakakaabot. “Saan mo nga pala unang gustong pumunta?” usisa ko sa kanya upang makasiguro ako na ang pupuntahan namin ay magugustuhan niya. Hindi naman kasi pwedeng ako lang ang mage-enjoy. “May idea ako,” nakangising sabi ni Reona na siyang nakapagpataka sa akin dahil taliwas ang kanyang sagot sa itinatanong ko, pero baka konektado naman iyon kaya hinayaan ko na lang siyang magpatuloy sa kanyang sasabhin. “Sabay natin sabihin kung saan natin gusto unang pumunta, para kung parehas tayo eh doon na agad. Pero kapag hindi, kahit ikaw na muna ang masunod tapos ang sasabihin ko na lang ang sunod nating puntahan. Ikaw naman ang nag-aya sa akin dito kaya dapat ikaw pa rin ang nasusunod at hindi ako,” paliwanag niya sa kanyang ideya. “Pero, gusto kong ikaw ang mag-enjoy at hindi lang ako…” matamlay kong sabi. Hinawakan ni Reona ang magkabila kong pisngi, damang-dama ko ang nanlalamig niyang mga palad dahil sa aircon ng mall. “Kahit saan mo naman ako dalhin, basta kasama kita, masaya na ako nun. Kaya hindi mo kailangang mag-alala kung magugustuhan ko ba ang destinasyon naitn o hindi,” sambit niya habang nakatitig kami sa isa’t isa. Hindi sana ako iiwas ng tingin sa kanya kasi nakakahiya naman kung gawin ko iyon. Subalit, mas tumimbang ang hiya ng aking sarili sa mga narinig ko mula sa mismong bibig ni Reona. Maya-maya lang ay bigla na lang akong napaiwas ng tingin kaya nawala na rin ang kapit niya sa pisngi ko. Sobra ang bilis ng t***k ng aking puso at para bang ramdam ko mula rito ang init ng aking mukha, kahit pa napakalamig naman dito sa mall na ito. Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit kailangan kong mahiya hanggang sa ganitong lebel eh hindi naman kami magkarelasyon ni Reona, tsaka wala naman din namamagitan sa amin na kung ano. Wala naman akong pagtingin sa kanya na iba, isa lamang siyang kaibigan na ngayon ko pa lang makikilala at hindi pa nga gaanong lubos ang aming pagkakakilala sa isa’t isa. Ngunit, hindi ko rin matiyak sa sarili ko kung ganoon lang din ba ang pagtingin niya sa akin o hindi. Hinarang ko ang mga kamay ko sa aking mukha habang hindi ko pa rin siya magawang tingnan. “S-Sorry,” bigkas ko, kahit pa hindi ko sigurado kung narinig iyon ni Reona. “H-Hindi lang ako sanay sa ganitong pagtatrato ng mga nakikilala ko… lalo na’t ikaw ang unang kaibigan ko,” sambit ko habang unti-unti kong inaalis ang mga kamay ko sa pagkakaharang niyon sa aking mukha. Akala ko pa naman ay iyon na ang huling makakapagpagulat sa akin sa mga sinasabi at ikinikilos ni Reona, pero hindi pa pala iyon ang huli. Bigla na lang niyang hinablot ang isang kamay ko tsaka niya iyon hinawakan ng sobrang higpit na para bang wala na siyang balak na pakawalan pa iyon. “A-A-Anong ginagawa mo?” Hindi makapaniwalang tanong ko sa kanya. “Ayaw mo bang hinahawakan ang kamay mo?” usisa ni Reona sa akin at hindi ko mawari kung bakit kanina pa hindi naaalis ang nakapintang ngiti sa kanyang labi, Umiling na lang ako bilang sagot kasi pakiramdam ko eh nauubusan na ako ng salita na sasabihin sa kanya. “Okay lang naman pala sa ‘yo eh. Wala naman masama sa paghahawak-kamay ng kahit na sino, mapa-babae man o lalaki. Sadyang malisyoso lang ang mga mata ng mga tao at kung anu-ano ang pumapasok sa kani-kanilang isipan kaya may mga tao na hindi magawa ang mga gusto nilang gawin. Pero ‘wag kang mag-alala, pinanganak akong makapal ang mukha ko kaya wala akong pakialam kahit pa ano ang sabihin ng mga tao na makakasalubong natin,” paliwanag niya tsaka siya nag-umpisa na lumakad pero agad din siyang huminto na para bang mayroon siyang hindi natatandaan gawin. “Ay, oo nga pala,” sambit niya tsaka siya humarap sa akin habang nananatili pa rin ang aming mga kamay na magkahawak. “Muntik ko nang makalimuan, wala pa pala tayong napagkakasunduan na pupuntahan,” sabi niya sa akin at sa mga oras na iyon ko lang din naalala ang tungkol doon. Masyadong lumutang ang utak ko dahil sa mga sinasabi at ginagawa ni Reona at feeling ko ay kahit saan niya ako dalhin ay magiging okay lang din sa akin. “May naisip ka na ba? Ako kasi meron na eh,” saad ko. Sa loob-loob ko ay umaasa akong parehas kami ng sasabihin para sa lugar na iyon na agad kami dumiretso bago pa pumunta sa iba, dahil sigurado akong parehas naman kaming matutuwa roon at walang magaganap na kung anong sagabal katulad ng mahahabang pila. Tumango si Reona sa akin bilang isang sagot sa aking katanungan. “Sige, sa pagbilang ko ng tatlo, sabihin na natin kung saan natin unang gustong pumunta ah?” ani ko habang naghahanda sa aking pagbibilang. Hinintay ko na muna ang kanyang signal na handa na siya kaya nakapag-umpisa na ako sa aking bilang, mamaya kasi ay mahuli siya kung sakaling hindi siya naka-alerto. “One… two… three!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD