ELLYZA
Kahit pa lubos ang pag-iisip ko na sana nga ay magkaparehas ang aming sasabihin, hindi ko naman inaasahang magkakatotoo iyon. Saktong pagkabilang ko kasi ng tatlo ay sabay namin binanggit ang salitang arcade, kaya heto kami ngayon ni Reona, magkahawak-kamay na naglalakbay patungo sa kawalan. Kung pareho kami ng ideya ay siya rin namang parehas kami na hindi alam kung saan iyon nakadestino. Kung saan-saan na kami nakapunta sa fourth floor kung saan kami nanggaling at hindi ko na mabilang kung ilang beses na rin kaming nakakaikot para lang mahanap ang arcade na iyon. Paano pala kung walang ganun sa mall na 'to? Imposible naman iyon kasi sa pagkakaalam ko eh lahat ng mall meron nun, 'yung iba nga eh mayroon pang playground. Mabuti na nga lang eh may aircon sa mall na 'to kasi kung wala eh pagod na nga kami, magiging tagatak pa ang aming pawis. Hindi ko naman kayang magtanong sa mga nakakasalubong namin dito kasi sinabihan kami na huwag makikipag-usap sa kung sino-sino, lalo na kung hindi naman namin kakilala. Pero mukhang hindi rin mapipigilan si Reona ng kahit na sino eh. Kasalukuyan na niya akong kinakaladkad patungo sa isang naka-standby na lalaki at base naman sa aking obserbasyon ay hindi naman siya mukhang masamang tao na nakahandang mag-kidnap. Kaya hindi ko na pinigilan pa si Reona sa binabalak niyang gawin kasi para rin naman iyon sa amin, sigurado naman akong wala siyang gagawin na makakapahamak para sa aming dalawa dahil hindi niya iyon pwedeng gawin. Alam ng mga magulang ko kung sino ang kasama ko at kung saan ako huling nakita, kaya maaari silang magsampa ng reklamo sa oras na mawala ako rito kasama siya. Binalewala ko na lang ang pag-iisip ko na iyon kasi hindi naman niya iyon kayang gawin, isa lamang siyang estudyante kagaya ko. Masyado lang na-iimpluwensyahan ang aking isipan sa lahat ng mga nababasa ko online at pati na rin ang mga napapanood naming palabas nila mama at papa sa bahay tuwing may oras kami para sa aming mga sarili at wala silang inaatupag na trabaho.
“Excuse me,” pag-aagaw ni Reona sa atensyon ng lalaking nakatayo lang sa gilid ng isang hindi ko alam kung ano, boutique ata iyon para sa mga kagaya niyang lalaki. Tumingin naman agad siya sa amin kasi nahiwatigan ata niyang kami ang tumatawag sa kanya, wala naman din siyang ginagawa at mabuti na lang ay hindi siya nagce-cellphone. Kasi kadalasan sa mga gumagamit ng cellphone ay hindi namamansin kahit pa ilang beses na silang tinatawag, at hindi ko maitatanggi na hindi ako kasali sa mga ganoong klase ng tao. Hinarap kami nung lalaki kaya nagsalita na agad si Reona bago pa niya kami talikuran at iwanan. “Pwede po bang magtanong sa inyo? Kung may ginagawa po kayo or hinihintay, okay lang naman kung hindi niyo na po kami pansinin,” magalang na sabi niya sa lalaki habang ako naman sa tabi niya ay nananahimik lang na nanonood sa kanila at nakikinig sa magiging usapan ng dalawang ito.
Kung tutuusin ay parang isa lang din siyang estudyante, pero hindi ko pa siya nakikita rito. Siguro ay napadpad lang siya sa mall na ito at malayo ang kanyang pianpasukan na school. Magkakasingtangkad lang kasi kaming tatlo at nakukuha ko sa aura niya ang pakiramdam na parang mayroon siyang pinag-aralan, kahit pa bihira lang naman ako makatagpo ng mga lalaking seryoso sa pag-aaral kasi madalas ay parang ginagawang laro lang naman ang studies. Ang problema nga lang sa isang ‘to eh parang hindi siya marunong ngumiti man lang, siguro dahil hindi naman niya kami kilala. Baka sa ibang tao na mga kaibigan naman niya eh madalas siyang ngumingiti, hindi ko alam dahil hindi ko rin naman siya kilala. Binigyan lang niya kami ng isang simpleng tango bilang isang hudyat na itanong na namin kung ano ang gusto naming itanong sa kanya, at para bang nagmamadali siyang makaalis dito at hindi siya natutuwa na ginulo namin siya. Kung kaya ko nga lang eh hinatak ko na lang si Reona paalis dito para hindi na namin naistorbo ang isang ito.
“Alam mo ba ‘yung daan papunta sa arcade?” diretsahang tanong ni Reona, siguro ay naramdaman na rin niya ang nararamdaman ko kaya hindi na siya nagpaliguy-ligoy pa.
SInulyapan kami ng lalaki pero mas nakatitig siya kay Reona. Hindi naman din kasi maitatanggi ang taglay na kagandahan ng kaibigan ko na ito, kahit naman sino ay mabibighani sa kanya. Kahit naman ako eh, kung lalaki nga lang ako eh hindi na ako magdadalawang isip pa na magkagusto sa isang katulad niya. Tsaka isa pa, napakabait ng isang ‘to at sobrang dali pakisamahan kaya hindi mahihirapan ang kahit na sino na kausapin siya. “Oo, bakit naman hindi?” walang ganang sagot niya kay Reona. Bahagya kong hinatak ang kamay niya na nakakapit sa kamay ko para sana umalis na kami at maghanap na lang ng ibang pagtatanungan, o ‘di kaya ay maghanap na lang uli kami ng arcade sa aming sariling mga paa na hindi umaasa sa tulong ng iba. Pero hindi siya nagpapatinag at mas diniinan pa nga ni Reona ang pagkakakapit niya sa akin para hindi ko siya mahatak palayo rito. Ngunit, nagpapasalamat naman ako dahil sa ginawa niyang iyon dahil sa sunod na sinabi ng lalaki. “Gusto niyo ba eh samahan ko na kayo papunta roon?” pagmamagandang-loob ng lalaki na iyon sa amin, na hindi ko alam kung tatanggihan ko ba o dapat ko bang tanggapin na lang iyon pagkatapos ng lahat ng inisip ko tungkol sa kanya kanina. “Wala naman din kasi akong ginagawa, nagpapalamig lang ako sa mall kahit pa meron naman kaming sariling aircon sa bahay, iba lang pakiramdam kapag nasa labas nanggagaling kahit pa maraming tao. Tsaka isa pa, mga babae kayo at mukhang wala naman kayong kasamang lalaki o kahit mga magulang niyo man lang. Iniwan ba kayo o tumakas kayo sa school para lang makapunta sa mall at mag-enjoy?” sunod-sunod na pahayag ng lalaki. Sa isang iglap ay nagbago na agad ang tingin ko sa kanya. Kanina kasi eh ang buong akala ko ay napakasungit niya pero mukhang hindi naman pala siya ganoon, sadyang pinapakiramdaman pa lang niya kami nung mga oras na lumapit kami sa kanya. “Hindi ko rin kasi inaasahang may maglalakas-loob na lumapit sa akin para magtanong. Hindi naman lingid sa kaalaman ko ang pagkataray ng itsura ko, kaya halos lahat din ng mga hindi ko kakilala ay iniiwasan ako,” pagkukwento pa niya ukol sa kanyang inasahan bago niya inulit ang kanyang pag-aalok sa amin. “Ano? Samahan ko na kayo ah, siguruhin niyong sumunod kayo sa akin at hindi kakayanin ng konsensya ko kung bigla na lang kayong maglalaho habang tinutulungan ko kayo papunta roon,” pag-aaya pa niya at umayos na siya ng kanyang pagkakatayo at nakahanda na rin siya na lumakad.
Kahit pa nag-aalinlangan pa rin akong sumama sa lalaking iyon ay nanguna na rin si Reona sa paglalakad kaysa sa akin, nasa harapan namin ang lalaki na tumutulong sa amin at minamabuti ni Reona na hindi kami mapag-iiwanan nito. Ang bilis naman kasi niyang maglakad, sana man lang ay bagalan na lang niya kung ayaw niyang mawala kami sa paningin niya, ‘di ba? Konting consideration man lang, ganun. “Sigurado ka ba talaga sa desisyon mo, Reona?” bulong ko sa kaibigan ko pagkatapos kong pumantay sa kanyang paglalakad, kanina kasi eh halos makaladkad na ako sa sobrang pagmamadali niya. “Hindi ka muna nag-isip, baka mamaya eh kung saan lang tayo dalhin nito. Baka umabot na tayo sa labas ng mall eh hindi pa rin tayo nakapupunta sa arcade na gusto nating puntahan,” dagdag ko pa sa aking sinasabi habang patuloy ang pangambang nadarama ko sa aking dibdib, kahit pa nagbago naman na ang opinyon ko sa lalaking ito. Iba pa rin talaga kapag kakilala mo ang tumutulong sa ‘yo. Hindi naman sa sinasabi kong ‘wag na makipag-usap o manghingi ng tulong lalo na kung kailangang-kailangan naman, ang kaso lang talaga sa akin eh masyadong madaling magtiwala si Reona sa ibang tao. Siguro nga ay nadala lang din niya ang ugali niyang iyon sa akin kaya pinakikisamahan niya ako ngayon.
“Naririnig ko pinag-uusapan niyo ah,” bilin sa amin nung lalaki kaya bigla akong napatayo ng diretso at napatingin sa ibang direksyon para kung sakaling tumingin siya sa likod ay hindi ko siya makita. Narinig ko naman ang bahagyang pagtawa niya kaya napabalik ang atensyon ko sa kanya, akala ko kasi ay seryoso siya at nainis sa mga sinasabi ko kay Reona, pero hindi naman siguro ganoon ang nangyari. “Ganun ka ba katakot sa akin?” usisa ng lalaking iyon kasabay ng kanyang paghinto kaya nabangga ako sa mismong likod niya. Ako kasi ang katapat niya kahit pa si Reona ang nangunguna kaysa sa akin, nasa kaliwa ang kaibigan ko habang ako naman ang nasa kanan niya. At sa pwestong iyon ay nasa harapan ko ang lalaki na iyon. Napaatras ako nang tumama ang buong mukha ko sa kanya, akala mo ay nabangga ako sa poste sa tigas ng kanyang likod na para bang wala na iyon natitirang laman. Humarap siya sa akin at yumuko pa ng onti kahit pa hindi naman nagkakalayo ang aming taas sa isa’t isa, gusto lang yata niyang maramdaman sa sarili niyang mas mataas siya sa kahit na sino. “Jeremiah nga pala,” nakangising bigkas niya sa kanyang pangalan bago siya tumingala upang alisin ang kanyang pagkakayuko para lang tingnan ako. “Ang kaisa-isahang miyembro ng pamilyang Callaghan, ang kaisa-isahang natitira sa angkan nito. Tandaan mo ang pangalang ‘yan, malay mo, isang araw eh magkatagpo muli ang ating landas at sa susunod eh ako na ang hahawak sa mga kamay mo, at hindi na ang minamahal mong kaibigan,” determinadong sabi niya na tila ba’y nakikita niya ang future kaya ganito siya ka-confident sa kanyang mga binibitawang salita. Ni hindi ko nga man lang alam kung paano niya nalamang magkaibigan kami ni Reona, hinulaan lang siguro niya iyon at kung sabihin kong ate ko si Reona ay sigurado rin naman akong hindi niya ako paniniwalaan at pagtatawanan lang niya ako.
Naramdaman ko ang pagsiko sa akin ni Reona kaya nakabalik na ako sa katotohanan, kahit pa hindi naman ako nawala. Sadyang hindi ko lang napansin na kanina pa ako nakatingin sa kanya at ganoon din naman ang lalaki na iyon sa akin, parehas kaming nakatitig lang sa isa’t isa. “S-Sorry, masyado kasing mabulaklak magsalita ‘tong pinagtanungan mo,” sambit ko at ki-neep ko na lang sa aking sarili ang iba pang nilalaman ng aking isipan, mahirap na at baka magkaroon pa ako ng masamang reputasyon sa aking imahe at kumalat pa iyon sa iba. Hindi lang mawala sa isip ko ang lahat ng sinabi ni Jeremiah, pero mas matimbang ang pag-aalala ko sa una niyang sinabi bilang pagpapakilala niya sa kanyang sarili… na siya na lang ang kaisa-isahang natitira sa kanilang angkan na Callaghan, na para bang wala siyang mga magulang. Galing ba siya sa isang bahay ampunan o sadyang nawalan lang siya ng mga mama at papa? Maski mga kapatid man lang ba eh wala siyang nakakasama sa kanyang buhay? Paano kung nawalan siya ng mga magulang sa murang edad niya at ngayon ay nag-iisa na lang talaga siyang nabubuhay? Paano niya nagagawang buhayin ang kanyang sarili sa bawat araw na lumilipas sa haba ng panahon? Ano ang mga pinagkaka-abalahan niya sa buhay at bakit hindi siya maghanap ng tao na mag-aalaga sa kanya? Sobrang daming katanungan ang pumapasok sa aking isipan na hindi ko naman mailabas para itanong ng diretsahan sa kanya, nakakahiya naman kasi kung gawin ko iyon. Kahit pa hindi naman niya ako pinagbabawalang magtanong sa kanya, hindi ko kayang gawin iyon lalo na kung ganito pa siya magsalita. Baka hindi rin naman niya seryosohin ang mga isasagot niya sa akin at gawin lang niyang biro ang lahat ng itatanong ko. Sa mga oras na ito ay gusto ko na lang siyang yakapin ng pagkahigpit. Oo, ang bilis nagbago ng ihip ng hangin dahil lang sa sinabi niyang iyon. Gusto ko lang iparamdam sa kanya na hindi siya nag-iisa dahil marami pa naman siyang makakasalamuha sa mundong ito sa bawat oras na nananatili siyang nabubuhay, hangga’t hindi siya sumusuko ay hindi rin siya susukuan ng tadhana. Kung lahat ng mga pangyayari sa kanyang buhay ay puno na ng paghihirap sa ngayon ay nasisiguro ko na balang araw eh giginhawa rin ang kanyang buhay at magbabalik-tanaw siya tungkol sa lahat ng nakaraan niya, at mapapasalamatan pa niya ang kanyang sarili na mabuti ay natiis niya ang lahat ng iyon at hindi siya nawalan ng pag-asa.
“Huy ano na, Ellyza? Natameme ka na riyan. Sige ka, iiwanan ka na namin nitong future mo,” pagbibiro sa akin ni Reona. Wala na, nabanggit na niya ang pangalan ko na hindi ko naman binalak na sabihin sa lalaking ito. Alam ko kasing hindi magiging mahirap sa kahit na sinong magkatagpo muli ang mga landas basta’t alam ang pangalan ng taong hinahanap nito.
Naku, Reona, kundi lang kita kaibigan eh baka natapalan ko na ang bibig mo… joke lang.
“Ah, Ellyza pala ang pangalan mo? Ang ganda naman, bagay para sa apelyido ko. Ellyza Callaghan,” wika ni Jeremiah na siyang nakapagpapula ng todo sa akin at naramdaman ko rin ang biglaang pagtalon ng aking puso tsaka ito tumakbo ng pagkabilis. Kung tahimik nga lang ngayon at kami-kami lang ang magkakasama ay narinig na siguro nila ang t***k ng aking puso. “Biro lang. Ano ba ang apelyido mo? Para naman fair dahil alam mo ang sa akin,” usisa pa niya na para bang nakalimutan na naming tatlo kung bakit kami nagkatagpo.
“Clementine. Ellyza Clementine ang buong pangalan niya,” pag-aagaw ni Reona sa sasabihin ko. Balak ko pa naman sanang magsabi ng apelyido ng ibang tao para hindi niya ako mahanap lalo na sa social media, iyon lang kasi ang kadalasan na ginagamit kong pangalan. Kaso, hindi rin naman tama ang magsinungaling, iyon ang pinakaunang tinuro sa akin ng mga magulang ko simula pa lang ng bata ako at hanggang ngayong medyo malaki na ako. “Ako naman si Reona, secret na ang apelyido ko kasi hindi naman ako ang pinagkaka-interesan mo,” sabi niya sabay kindat sa lalaki.
Diyos ko naman, Reona, bakit ba parang napaka-close mo sa lahat ng taong nakakasalamuha mo? Hindi ka ba tinuruan ng mga magulang mo na huwag maging ganyan dahil may tyansang mapahamak ka? Ngunit, hindi naman din masama iyon kung tinuruan naman siyang lumaban at dumepensa para sa kanyang kapakanan. “H-Hello…” nahihiyang bati ko kay Jeremiah kahit pa kanina pa kami magkasamang tatlo. “A-Ano na..? Malayo pa ba ang arcade?” tanong ko sa kanya para naman mawala na ang hot seat sa akin at makahinga na rin ako ng maluwag. Masyado na naiipit ang dibdib ko at pakiramdam ko ay sobrang sikip na nito, hindi ko magawang huminga ayon sa gusto ko dahil nilalamon ako ng kahihiyan.
“Actually, kulang pa tayo ng dalawang floor. Naroon kasi lahat ng arcade, may playground din doon at marami pang pwesto para maglaro. Mayroon din mga gaming area roon, kaso puro pustahan dun kaya hindi ko kayo dadalhin dun. May food court din naman doon kaya kung magutom kayo habang naglalaro eh pwede kayong bumili, hindi naman pinagbabawal ang kumain habang naglalaro basta kaya niyong pagsabayin,” sagot ni Jeremiah sa akin habang nakangiti ng malawak. “Tara na. Pasensya na kung naabala ko pa kayo, nagmamadali yata kayo. Sa susunod na lang uli tayo mag-usap kung pagbigyan man tayo ng destiny at magkita uli tayong tatlo,” aniya tsaka siya muling tumalikod sa amin upang magsimula na sa kanyang paggabay sa amin papunta sa arcade.
Hindi ko na sinayang ang pagkakataon na iyon para huminga ng maluwag at pagbigyan ang sarili ko upang malamigan, masyadong mainit ang mga pisngi ko at feeling ko ay sasabog na ang aking puso. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong klase ng halo-halong emosyon pero higit na matimbang sa akin ang pangamba at labis na pagkatuwa. Kinakabahan ako kasi hindi pa rin naman buo ang tiwala ko kay Jeremiah kahit pa pormal na siyang nagpakilala sa amin. Natutuwa ako kasi sa pangalawang pagkakataon ay mayroong kumausap sa akin na lalaki, nauna nga lang iyong nagtanggol sa akin sa classroom na kaklase namin ni Reona na tinatawag niya bilang Toph. Ngunit, bigla na lang din sumagi sa aking isipan habang nakabuntot kami sa lalaking ito… na magiging ganito pa rin ba ang pakikitungo niya sa akin kung sakaling malaman niyang parati akong naaapi sa aming school? Kahit pa past naman na ‘yun at hindi na ako titigil sa pagdedepensa sa sarili ko. O baka lalayuan na niya ako sa oras na maisip niya na wala akong lakas para man lang ipaglaban ang sarili ko? Kung iisipin ko na siya ang magiging tagapagtanggol ko ay masyado na siguro akong nahihibang sa mga imahinasyon ko at sa mga napapanood kong palabas na may kinalaman sa romansa. Ayaw kong umaasa sa ibang tao, mas gugustuhin ko at mas ikaka-proud ko kung ako ang lalaban sa sarili kong kalaban.
“Isang floor na lang ang aakyatin natin, Ellyza, Reona,” anunsyo sa amin ni Jeremiah habang nasa tapat na kami ng escalator papunta roon sa floor kung saan sinasabi niyang doon matatagpuan ang aming hinahanap. Nauna na siyang tumapak doon at sumunod naman kami dahil mapapag-iwanan kami kung hindi kami sumunod at marami rin nakaabang sa aming likuran. Karamihan ay mga kabataan at may ilan din na mga magkarelasyon kaya napapaiwas na lang ako ng tingin. Ewan ko ba kung bakit hindi ako sanay na makakita ng mga magkakasama na magjowa, para bang pakiramdam ko eh napaka-sweet nila sa labas tapos kapag wala ng tao na nakakakita sa kanila eh nagbabangayan na. Hindi ko alam kung tama ba ang iniisip kong iyon dahil may ilan din naman na kahit nasa bahay lang eh sweet pa rin.
Bakit ko nga ba iniisip ang tungkol sa mga bagay na ito eh wala naman akong jowa?
Napailing na lang ako kasabay ng paghakbang ko sa huling tapakan at sa puntong iyon ay narating na namin ang arcade. Napakalawak at kitang-kita ko na mula pa rito ang iba’t ibang pwede naming i-try habang mayroon pa kaming oras. Umabante pa kami hanggang sa makalayo na kami sa escalator kung saan maraming tao ang dumarating, mahirap na at baka may maaksidente pa kung humarang kami sa daanan nila. “Thank you ng sobra,” ani Reona. Tatalunin niya sana si Jeremiah ngunit bago pa man niya iyon magawa ay nahatak ko na agad siya dahil nakahawak pa rin naman ang kamay niya sa akin. “Joke lang naman. Hindi ko naman aagawin ang lalaking future mo na ‘no, hindi ako ganung klase ng tao,” aniya habang walang tigil sa pagtaas-baba ang kanyang isang kilay sa akin para asarin ako. Hinarap niya ng matino si Jeremiah at nag-bow pa siya rito upang magbigay ng matinding simbolo ng paggalang kahit pa hindi naman siya gaanong nakatatanda sa amin. “Pero seryoso, salamat sa ‘yo sa pagtulong mo sa amin na mahanap ang arcade. Nag-effort ka pa na dalhin kami rito mismo kahit pa ngayon mo lang naman kami nakasalamuha sa buong buhay mo,” sinserong wika ni Reona at pagkatapos niyang sabihin iyon ay bigla na naman niya akong siniko sa aking tagiliran kaya napatingin ako sa kanya habang nasa harapan lang namin si Jeremiah, wala naman siyang sinabi pabalik kay Reona kaya siguro ako ang kinukulit nito. “Ikaw ba, wala ka bang balak mag-thank you man lang sa future mo?” tanong niya sa akin at hanggang ngayon ba naman eh wala siyang tigil sa pagtawag sa lalaking ito bilang future kuno ko raw. Dahil nga nasasanay na ako kasi paulit-ulit na niyang binabanggit iyon ay halos nawala na ang epekto niyon sa akin hindi katulad kanina na muntikan pa akong mawalan ng hininga sa sobrang…
Kilig? Tama naman siguro ang term ko, hindi ko naman itatanggi iyon. Talagang kinilig ako sa lahat ng sinabi sa akin ni Jeremiah. Alam ko sa oras na malaman kong hindi totoo ang mga binitawan niyang salita ay makararamdam naman ako ng lubos na galit sa kanya hanggang sa punto na hindi ko na gugustuhin pang makita siya kahit kailan.
“Thanks,” tipid na bigkas ko bilang pasasalamat ko sa ginawang pagtulong sa amin ni Jeremiah.
“‘Yun na ‘yun?” malakas na sabi ni Reona na para bang hindi talaga siya makapaniwala sa sinabi ko. Ano pa ba ang gusto niya eh ‘yun lang naman ang sinabi niya, na magpasalamat ako sa lalaking ‘to.
Bumungisngis si Jeremiah kaya napasulyap ako sa kanya at sa pagtingin kong iyon ay tila ba’y nabura na ang paligid. Napakaganda ng kanyang pagngiti at pagtawa kahit pa tinatakpan niya iyon gamit ang isang kamay niya. Hindi ko nararamdaman ang pagkapeke niya, para bang lahat ng kinikilos niya ay nagmumula mismo sa kalalim-laliman ng kanyang puso. “You’re welcome,” sabi naman niya sa akin na hindi niya sinabi sa kaibigan ko. Nafi-feel ko na talaga na iba ang tingin niya sa akin kaysa kay Reona dahil sa mga ipinapakita niya sa amin. Hindi ko lang alam kung pati sa ibang babae eh ganito siya kumilos, kasi kung hindi, itotodo ko na ang nararamdaman ko… na special ako sa kanya. Kahit ako lang ang nag-iisip niyon ay okay lang sa akin, kahit pa hindi niya sabihin sa akin ng tapatan na special nga ako sa kanya. “Kung wala naman na kayong ibang kailangan at okay na kayo rito sa arcade, mauuna na ako sa inyo ha?” paniniguro ni Jeremiah kaya bumalik na ang atensyon ko sa katotohanan at nakita ko na rin muli ang iba pang mga tao na nasa paligid namin, na kanina ay naglaho lahat at tanging puti lang na kapaligiran at si Jeremiah ang aking bukod-tanging nakikita ng mga mata ko.
Paulit-ulit na siko ang natanggap ko sa kaibigan ko kaya sa irita ko ay hindi ko na napigilan ang sarili kong tabigin ang kanyang braso. “S-Sorry. Ano ba kasi ‘yun?” naiiritang ani ko, ngunit hindi ko naman masyadong pinakita sa kanya na naiirita na ako kasi baka masira pa ang moment naming dalawa at hindi pa matuloy ang plano naming maglaro sa arcade.
“Sus, nagagalit ka na kasi ayaw mong naiistorbo ‘yang pagtitig mo sa future mo ‘no?” natatawang sabi ni Reona kaya napawi na lang din ang pagkairita ko. Hindi ko naman siya sinagot kaya napilitan siyang magsalita pa para hindi mawala ang aming topic. Hangga’t maaari ay ayaw ko namang umalis pa muna si Jeremiah, para bang gusto ko na siyang isama sa lahat ng pupuntahan namin ni Reona ngayon hanggang sa dumating ang oras bago kami pumunta sa parking lot para umuwi. “Wala ka na ba talagang ibang sasabihin sa future mo? Talagang thanks lang? Aalis na ‘yung tao oh, hindi na uli kayo magkikita tapos huling usapan niyo…” tumikhim si Reona bago niya ituloy ang kanyang sasabihin. “Thanks… You’re welcome,” ginaya niya ang sinabi namin ni Jeremiah at pati na rin ang tono ng aming pananalita kaya hindi namin naiwasang tumawang tatlo.
“Huwag mo na pilitin si Ellyza, pinapahirapan mo pa siya eh. Ayaw ko pa namang nahihirapan ang future ko,” pagbibiro niya tsaka siya kumindat sa akin dahil ginaya niya ang salitang future mo at future ko na sinasabi ni Reona. Napalunok ako sa pagpipigil sa aking nararamdaman, ayaw kong makahalata silang dalawa na kinikilig na naman ako sa mga oras na ito kagaya ng kanina bago pa kami makaakyat dito sa sixth floor. “Seryoso ako, kung wala naman na kayong kailangan eh mauuna na ako. Babalik lang ako sa pwesto ko kanina kung saan niyo ako natagpuan, kaya kung may kailangan kayo o may gusto man kayong sabihin eh puntahan niyo lang ako roon. Hindi naman ako umaalis dun, hanggang sa oras na maisipan ko na umuwi,” bilin niya sa amin. “Pero ngayon? Parang hindi yata ako uuwi hangga’t hindi ko naman kayo nakikita na nakalabas na sa mall na ‘to,” dagdag pa niya at bakas sa kanyang boses na nag-aalala siya para sa amin. Iniisip pa rin siguro niya na hanggang sa paglabas namin sa mall ay wala kaming ibang kasama, hindi kasi niya naabutan sina mama at papa kaya ganito siya mag-alala sa amin. Hindi ko tuloy maiwasan isipin kung mayroon bang naganap sa buhay niya na kung saan ay hindi niya nagawang protektahan ang isa sa mga babaeng minamahal niya kaya siya ganito kumilos.
Nang akmang hahakbang na si Jeremiah paalis sa aming kinatatayuan ay isang siko na naman ang natanggap ng tagiliran ko, hindi naman iyon ganun ka-sakit, sadyang naiistorbo lang ako. “Ano, wala na talaga? Sige ka, ikaw rin ang maghahabol kapag umalis na talaga ‘yang future mo. Baka mamaya iba pa ang maging future niyan at hindi na ikaw,” pagbabanta sa akin ni Reona na akala mo ay si Jeremiah na talaga ang nakatadhana para sa akin. Feel ko naman na hindi na kami magkikita pa uli, kaya hangga’t kaya ko pa eh binabalewala ko na lang ang lahat ng sinasabi’t ginagawa ng lalaking ito. Hindi naman natitiyak na magkakasama pa uli kami, maliban na lang kung magkahingian kami ng contact number o magkausap kami sa social media. “Sige na, Jeremiah, mauna ka na at wala na yatang balak makipag-usap sa ‘yo ‘tong kaibigan ko. Masyado na natameme sa mga pinagsasasabi mo sa kanya at hindi na yata nakabalik sa katotohanang naghihintay ka sa gusto mong marinig,” napasapo si Reona sa kanyang sentido nang sabihin niya iyon at pagkatapos naman niya sa sentido niya ay ginamit niya ang kanyang kamay para itaboy palayo si Jeremiah at paalisin na ito.
“Okay, kayo ang bahala. Alis na ako ah, ingatan mo ‘yang si Ellyza at huwag mong bibitawan ang kamay niyan hanggang sa makauwi kayo paalis sa mall. Kung kaya mo eh ihatid mo na siya sa bahay nila kung alam mo naman ang tinitirhan niya, para man lang gumaan ang loob ko at mabawasan ang pag-aalala ko sa inyong dalawa,” pahayag ni Jeremiah at mukhang iyon na ang huli dahil nag-umpisa na nga siyang humakbang paabante, palayo sa aming dalawa ni Reona.
“Grabe ang future mo ‘no? Nag-aalala raw siya sa ating dalawa pero ang gusto ikaw lang ang ingatan,” natatawang bulong sa akin ni Reona habang tuluyan nang lumalayo sa aming paningin si Jeremiah.
Dahil na rin sa populasyon sa mall ay hindi nagtagal ay hindi ko na nga siya nakita pa, kahit man lang tumitingin ako sa escalator para sana mahanap siya dahil nakilala ko naman na ang likod niya, wala rin siya roon. Hindi ko na matagpuan pa si Jeremiah. Ako naman din ang may kasalanan kung bakit siya umalis, feel ko eh ang gustong ipasabi sa akin ni Reona ay huwag umalis ang lalaking iyon at hayaan na lang siyang sumama sa aming dalawa kasi hindi naman na siya basta isang stranger sa amin. Ni hindi ko man lang napagmasdan ang kanyang mga paa na humahakbang taliwas sa aming kinaroroonan. Ni hindi ko man lang nagawang magpaalam sa kanya sa maayos na pamamaraan. Ni hindi ko man lang siya napasalamatan ng tama at parang naiparating ko pa sa kanya iyon na hindi ako sincere sa aking sinabi.
Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko sa kasalukuyan… kung pagsisisi ba sa hindi ko nagawa o pagsisisi sa nagawa ko.