ELLYZA
Sa sobrang dami ng tao ay hindi ko na napansin kung saan dumaan si Jeremiah at kung bakit sa ilang segundong humakbang siya palayo sa amin ay agad-agad siyang nawala sa paningin ko. Kung hindi ko nga lang kasama si Reona ngayon bilang saksi na nakausap at nakasama rin niya ang lalaking iyon ay iisipin ko na sanang isang multo lang iyon at dala lang siya ng imahinasyon ko, pero hindi, totoong tao siya at nabubuhay rin siya kagaya namin. Itatapak ko na sana paabante ang mga paa ko para tumakbo at subukan habulin si Jeremiah dahil sigurado naman akong hindi pa siya nakakabalik sa kanyang pinanggalingan ng ganun-ganun na lang kabilis, kaso nakalimutan kong nakakapit pa rin nga pala si Reona sa kamay ko kaya hindi ako nakaalis at para lang akong nag-bounce back sa pinanggalingan ko. Nang tingnan ko ang kaibigan ko ay nakita ko ang mapang-asar niyang mukha na para bang nababasa niya na agad kung ano ba ang nilalaman ng aking isipan at kung ano ang aking binabalak na gawin, na para bang sinasadya niyang huwag akong bitawan para hindi ako makasunod kay Jeremiah. “Kailan mo ba ako balak bitawan?” marahang tanong ko sa kanya tsaka ako ngumuso sa aming mga kamay na magkasiklop pa rin hanggang ngayon, itinaas ko pa iyon para matapat ‘yun sa kanyang mukha at makita niya ang pinupunto ko. “Susundan ko si Jeremiah, ‘wag kang mang-asar Reona, ano ba,” naiinis na sabi ko kahit pa wala pa naman siyang binabanggit na kahit na ano sa akin. Ako na lang ‘tong kusa na lang na naiinis sa kanya kahit wala naman siyang ginagawa.
“Problema mo, Ellyza? Nananahimik lang ako rito ah,” natatawang sambit niya sa akin tsaka niya ibinaba muli ang aming mga kamay dahil nahaharangan nito ang aming paningin, at sa puntong gawin niya iyon ay nagtama na ang aming mga mata. “Kanina pa kita sinasabihan eh ayaw mo naman makinig sa akin. Nung nandito pa ‘yung future mo eh ayaw mong magsalita para sana napigilan mo siyang umalis, nakita mo na nga at narinig mismo sa kanya na wala naman siyang ginagawang importante rito sa mall at nagpapalamig lang siya. Sinayang mo ‘yung chance para makipaghalubilo sa future mo, para sana pagdating ng araw eh kilala mo na siya at hindi ka na mahihirapan pa na magawa ang mga bagay na magpapasaya sa kanya,” iiling-iling na sabi ni Reona sa akin kaya mas lalong tumitindi ang nadarama kong pagsisisi. “Tapos ngayon, maghihirap ka sa kakahabol sa kanya sa dami ng tao na ‘yan? Naku, hindi kita papayagan kahit pa tayong dalawa lang naman ang magkasama rito at hindi naman alam ng mga magulang mo ang ginagawa natin. Nangako na rin ako sa sarili ko na hindi kita pababayaan hangga’t kasama kita sa mall, tsaka sinabihan din ako ng future mo na ingatan kita hanggang sa makauwi na tayo, ‘di ba? Kahit ‘yun man lang eh masunod natin kasi wala na siya rito, pinakawalan mo eh,” dagdag pa niya na tila ba’y sinasadya na lang niyang ipaulit-ulit ang nagawa kong mali, kung mali ba talaga iyon o para lang sa aming mga paningin iyon mali.
“Kung pagagalitan mo lang din ako, tara na sa arcade at magsaya na lang tayong dalawa. Mas lalo lang masasayang ang oras natin dito kung mag-stay pa tayo sa pwesto na ‘to at wala lang din tayo mapapala,” iritableng sambit ko, hindi ko maiwasan na makaramdam ng pagtatampo kahit pa wala namang kasalanan si Reona sa akin dahil ako naman ang nagkulang. Hindi ‘to tama, hindi ako pwedeng magpakain sa nararamdaman kong ito dahil ‘pag nangyari ‘yun ay masisira lang ang aming pagkakaibigan at mauuwi agad ‘to sa hindi pagkakaintindihan. “Ano? Ayaw mo bang sumama sa arcade? Akala ko ba gusto mong pumunta rito? ‘Di ba parehas pa nga tayo ng ideya at isinigaw pa natin ‘to ng sabay?” sunod-sunod na tanong ko kay Reona nang hindi man lang siya gumalaw sa kanyang kinatatayuan. Tinikom ko na lang ang aking bibig dahil baka kung ano ba ang masabi ko at maapektuhan na ang kaibigan ko, feeling ko kasi eh dinededma lang ni Reona ang lahat ng sinasabi ko ngayon kasi alam niya na gusto ko rin makasama si Jeremiah ngayon kahit pa wala naman ang lalaking iyon nung pumunta kami rito, at kahit pa siya naman lang talaga ang inimbita ko sa mall na ito. “Sorry, Reona. Masyado lang ako nadala sa emosyon ko at sa sobrang pagka-excite ko sa lahat ng mga sinabi ni Jeremiah kanina. Akala ko kasi eh hindi na siya babalik sa pinanggalingan niya o kahit pa umuwi siya, akala ko mag-stay lang siya rito at sasama sa atin na maglaro sa arcade, o kahit pa saan basta magkakasama tayong tatlo. Pero, akala ko lang pala ang lahat ng ‘yun,” dismayadong sabi ko sa aking sarili, ngunit sapat naman ang lakas ng boses ko para marinig iyon ni Reona. “Kung alam ko lang na iiwan niya rin tayo, sana hindi na lang ako nag-abala pang magpasalamat sa kanya. Sana hindi ko na lang siya pinakinggan. Sana binalewala ko na lang ang lahat ng kanyang sinasabi at hinayaan ko na lang iyon na lumabas sa aking tenga,” dugtong ko pa at mas lalo naman akong napanghihnaan ng loob kaya napabagsak na rin ang magkabilang balikat ko. “Ang hirap pala umasa ‘no, Reona?” usisa ko sa kaibigan ko na inaasahang kong dadamayan ako sa lahat ng inilalabas kong emosyon sa kanya ngayon, pero sa halip na mangyari iyon ay binigyan lang niya ako ng isang malakas na hampas sa aking braso, “Aray! Kanina ka pa ah, hindi mo na nga ako tinatantanan sa paniniko mo tapos ngayon naman hahampas-hampasin mo ako,” pagmamaktol ko, hindi ko tinaasan ang tono ng boses ko kasi baka mabigla siya at isipin niyang masyado niya akong nasaktan. Kasi sa totoo lang eh hindi naman masasakit ang lahat ng ginagawa ni Reona sa akin, alam siguro niyang sawa na ako sa pangbu-bully na dinanas ko sa school at iniingatan niyang huwag kong isipin na pati siya ay isa talagang bully, na nagpapanggap lang siyang mabait para mapalapit sa akin at malaman ang lahat ng kahinaan ko.
“Natatawa ko sa ‘yo. Ngayon ko lang nalaman na ang cute mo pala talagang magtampo at mag-inarte,” natatawang sabi ni Reona habang nakatitig siya sa aking mukha kahit pa nakayuko na ako, na para bang gagawin niya ang lahat para lang makita ang ekspresyon ko at mapagtawanan iyon sa hindi naman masamang paraan. “Masyado ka naman kasing seryoso riyan. Sa sobrang kagustuhan mong makita ang future mo eh hindi mo na napapansin na nariyan lang siya sa tabi-tabi,” huminto na siya sa kanyang pagtawa.
Nang marinig ko iyon mula kay Reona ay dali-dali kong inikot ang ulo ko sa bawat gilid, sa harapan at pati na rin sa aming likod upang mahanap si Jeremiah. Subalit, kahit saan ako lumingon at maghanap ay hindi ko talaga siya makita. Hindi ko alam kung pinagtitripan lang ba ako ni Reona pero sa tingin ko naman ay hindi kasi hindi naman na siya tumatawa katulad ng kanina. Kung hanggang ngayon ay tumatawa siya, siguro ay iisipin kong pinaglalaruan lang talaga niya ang nararamdaman ko kasi alam niyang umaasa akong babalik si Jeremiah kung nasaan kami ngayon. “Wala naman eh,” malungkot na sabi ko bago ko ibalik ang atensyon ko sa aking kaibigan. Malapit na akong mawalan ng pag-asa kaya bago pa mangyari iyon ay nakapagpasya na akong magpatuloy na lang talaga sa arcade kasi mauubos na ang oras na ibinigay sa amin nina mama at papa, kailangan pa namin makabalik sa parking lot bago pa sila mauna roon. Ngunit, nang maglalakad na ako papunta sa arcade habang nakakapit si Reona sa akin ay nakadama na naman ako ng isang pagsiko sa aking tagiliran. Pero sa pagkakataon na ito ay medyo malakas na iyon at para bang hindi na iyon ang siko na nakasanayan kong matanggap. Hindi ako nagreklamo sa paniniko na natanggap ko dahil kung mag-react ako ay alam kong babanggitin ko agad ang pangalan ni Jeremiah dahil siya ang unang pumasok sa aking isipan na gagawa niyon sa akin. Kunwari ay hindi ko iyon naramdaman dahil marami namang tao ang dumaraan sa tabi ko, kunwari ay nabangga lang ako ng kung sinong dumaraan sa aming gilid. Nagpatuloy lang ako sa aking paglalakad at hindi ko naman inaasahan na susunod na sa akin si Reona, kanina kasi ay halos akalain ko na, na naka-glue ang kanyang mga paa sa lapag kaya hindi siya makasunod sa akin. Katulad kaninang pagsiko ay nadama ko na naman iyon sa aking tagiliran, pero ngayon ay nakatitig na ako kay Reona kaya alam kong hindi talaga siya ang may kagagawan niyon. Tinitigan ko lang siya nang tinitigan hanggang sa makaramdam na siya sa aking mga titig na mayroon akong gustong sabihin kaya binigyan niya ako ng nagtatanong na mga mata, pakiramdam ko tuloy ay nagbabasahan na lang kami ng aming mga isip imbis na magsalita para mas magkaintindihan kami. “May sumisiko sa tagiliran ko,” literal na mahinang bulong ko sa tenga ni Reona para hindi marinig iyon ng kung sinuman ang sumisiko sa akin. Natatakot ako kasi baka masamang nilalang iyon na may balak kaming gawan ng mali, o baka naghahanap lang ito ng tyempo upang kidnapin kaming dalawa ni Reona, o baka nangho-holdap ito at naghahanap lang kung saan nakatago ang cellphone ko at pati na rin ang pera ko. Ewan ko pero ang dami kong naiisip na mali at masama, siguro tama lang iyon para mas maging maingat ako sa paligid. Pero ang ipinagtataka ko eh wala naman tumitingin sa direksyon namin, kasi kung talagang may masamang loob na umaaligid sa akin ay kanina pa sana kami pinagtitinginan ng mga taong nakakasalubong namin ng aking kaibigan.
“Tigilan mo si Ellyza, tinatakot mo kaibigan ko ano ka ba?” tinaasan niya ng boses ang kung sinuman ang kinakausap niya. Hindi ko magawang lumingon kung saan siya nakatingin, sa kadahilanang naiisip ko ang mga napapanood ko dati, na bigla na lang may ipapa-amoy sa akin na panyo tapos hindi ko na mamamalayang nahimatay na pala ako. Dapat siguro eh tigilan ko na ang panonood ng mga ganoong klaseng palabas, maliban na lang kung maisipan kong maging scriptwriter balang araw. “Kung ako sa ‘yo eh manghingi ka na agad ng tawad bago pa kita patulan d’yan. Wala akong pakialam kahit pa ikaw ang future ng kaibigan ko, kung bibigyan mo lang din naman siya ng rason para katakutan ka eh hindi ako magdadalawang isip na tadyakan ka sa sikmura mo, Jeremiah,” galit na pagbabanta ni Reona.
Nang marinig ko ang salitang future at pati na rin ang mismong pangalan ng lalaking nakasama namin sa maikling panahon kanina ay walang pag-aalinlangan na akong lumingon para makita ko siya. Hindi naman ako mabigo dahil narito nga talaga si Jeremiah sa aking tabi at mukhang siya nga ang sumisiko sa akin kanina, marahil ay ginagaya lang niya ang ginagawa ni Reona sa akin kanina. HIndi naman din iyon masakit, sadyang mas malakas lang ng kaunti dahil nga isa siyang lalaki at higit naman siyang malakas kaysa kay Reona. Para bang hasang-hasa ang katawan niya sa pag-eensayo. “A-Akala ko ba, umalis ka na?” tanong ko habang pilit kong kinikimkim sa aking sarili ang labis na tuwang nadarama ko sa mga oras na ito.
Huminto kaming dalawa ni Reona sa aming paglalakbay patungo sa arcade at hinarap naming mabuti si Jeremiah. Ilang hakbang na lang ang nalalayo namin sa arcade kaya hindi naman na problema sa amin kung matagalan pa kami rito sa labas. “Bakit ako aalis pagkatapos kong marinig lahat ng sinabi mo?” tugon niya gamit ang isa pang tanong. Ngayon ko lang napansin na nakatago ang magkabilang kamay niya sa kanyang likuran na para bang mayroon siyang ayaw ipakita sa aming dalawa. Kaya siguro sinisiko lang niya ako kanina dahil doon o talagang sinasadya niya iyon. Kasi pwede naman din niya akong tawagin sa pangalan ko o kahit na si Reona man lang kung talagang gusto niyang mapansin agad namin siya. Maski ang pamumula ng pisngi ko ay ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para lang hindi iyon lumitaw, dahil nga sinabi ko na sa sarili ko na hindi ko iyon ipapahalata sa kanila kahit na ano ang mangyari. “Kanina pa ako nakabalik, sobrang bilis ko lang kumilos kaya hindi mo napansin. Pero si Reona eh kanina pa ako nakikita, kaya siguro inaasar ka tungkol sa hindi mo pagpigil sa akin na umalis,” tinanguan pa niya si Reona na para bang magkakampi sila sa pang-aasar sa akin. “Nanggaling ako sa second floor, may nakita kasi akong bilihan doon ng something and I thought na pwede ko iyon bilhin para sa iyo,” wika niya kasabay ng paglahad niya ng isang kamay niya sa mismong tapat ko. “Sorry kung ayan lang ang nabili ko. Hindi ko naman kasi inaasahang magkakatagpo tayo kaya hindi ako nagdala ng pera masyado. Huwag kang mag-alala, sa susunod eh hindi lang ‘yan ang matatanggap mo mula sa akin. Kahit pa araw-araw eh bibigyan kita ng regalo para lang hindi ka malungkot o mawalan ng gana.” Kinuha ko ang towel na nasa kamay niya at nang tingnan ko iyon ay akala ko normal lang iyon na panyo, ngunit hindi pala. Kung hindi ko pa binuksan iyon ng buo ay hindi ko makikita ang nakasulat sa ilalim ng panyo na iyon. “May iba sana akong gustong bilhin para sa ‘yo na sa tingin ko eh magugustuhan mo. Sorry uli kung simple lang, pero para maging special kahit papaano kasi special ka naman, pinalagyan ko na rin siya ng buong pangalan mo. Namangha pa nga ako kasi napakabilis nagawa ‘yan nung nagtitinda, siguro nahalata lang niya na nagmamadali ako. Tingnan mo maigi, may nakasulat pa riyan sa ibaba ng pangalan mo,” utos niya habang tinuturo niya ang ibabang parte ng panyo kung saan naroroon ang pangalan ko, hindi naman ako umasa sa wala dahil totoo namang mayroon pang nakasulat doon. “Sinama ko na rin ang salitang future mo pati ang pangalan ko sa tabi,” nakangiting sabi niya pa na para bang proud siya roon at mataas ang kanyang pangarap na magkakatotoo iyon, kahit pa wala naman talagang kasiguraduhan ang bagay na iyon dahil hindi naman namin hawak ang tadhana namin. “Nilagay ko na riyan ang parehas na pangalan natin, may maliit pa na sulat d’yan at ‘yan naman ang petsa ngayong araw para hindi natin makalimutan kung kailan tayo unang nagkita. Kung maaalala naman natin ang araw na ito ay sigurado akong dadaan na rin sa isipan natin kung saan tayo nagkatagpo kaya hindi ko na sinama riyan, kasi papangit na rin kung sobrang daming nakalagay. Naisipan kong bilhin ‘yan para sa ‘yo Ellyza, kasi alam kong magiging mahirap para sa atin ang magkita muli lalo na kung magkalayo naman pala tayo ng tinitirhan o pinapasukang eskuwelahan, base naman kasi sa pag-obserba ko sa mga kilos niyo ng kaibigan mo eh alam kong nasa parehas pa lang tayo na year level,” panimula niya sa kanyang pagkukwento ukol sa storya kung bakit niya naisip ang isang panyo bilang unang regalo niya sa akin. “Kapag hindi mo na alam ang gagawin mo at kung hindi mo kayanin ang hirap ng buhay, ilabas mo lang ang lahat ng emosyon mo sa pamamagitan ng pag-iyak tapos ‘yan ang gamitin mo. Kapag nakita mo ang nakasulat d’yan eh mapapangiti ka na lang ng kusa kahit pa hindi na tayo uli nagkita pagkatapos ng araw na ‘to. Maalala mo lahat ng mga sinabi ko sa ‘yo at ang katotohanang tayo ang para sa isa’t isa sa ating future,” desidido pa rin niyang sabi. “Kung sakali naman na hindi mo ako matandaan, sa oras na magkatagpo muli ang ating landas at ginagamit mo pa rin iyang panyo na iyan ay ako na ang kusang lalapit sa iyo upang ipaalala ang ating pinagsamahan. Kaya, habang nandito pa tayo ‘wag na natin sayangin ang chance na ‘to para magkaroon ng maraming memories to cherish, gusto mo ba ‘yon?” pagtatapos niya sa kanyang pahayag.
Bagama’t mahaba-haba ang sinabi ni Jeremiah ay lahat naman iyon ay aking pinakinggan, kahit pa sinabi ko kaninang dapat eh labas na lang kaagad sa tenga ko ang lahat ng kanyang sasabihin. “Thank you, Jeremiah. Itatabi ko ‘to at sisiguruhin kong hindi ito mawawala sa akin,” maikling ani ko naman. Tumingin ako sa kaibigan ko na nasa gilid ko dahil hindi ako sanay sa kanyang katahimikan o sadyang nakikinig lang din siya sa mga sinasabi ni Jeremiah kanina at wala lang siyang mahanap na tyempo para sumingit sa lahat ng iyon.
“Ako, wala?” Nilahad ni Reona ang isa niyang kamay na hindi nakakapit sa akin.
“Ano ka ba, ikaw pa ba? Syempre meron ka rin,” sambit ni Jeremiah tsaka niya ipinakita ang hawak naman ng kabila niyang kamay na kanina ay nakatago pa sa kanyang likuran. Medyo nakaramdam ako ng pagkadismaya kasi akala ko ay ako lang ang bibigyan ni Jeremiah ng regalo, pero nagkakamali pala ako, pati pala ang kaibigan ko ay binilhan niya. Ang masaklap pa roon, maraming kulay ang nakay Reona habang ang sa akin naman ay iisa lang. Kaya, hindi ko maiwasang hindi makaramdam agad ng selos sa kaibigan ko, kahit pa hindi pa naman kami magkarelasyon ni Jeremiah.
At tsaka isa pa, bakit ko ba naman kasi iniintindi ang pakikipagrelasyon sa kanya eh study first nga ako? Kasi ba naman ‘tong dalawang ‘to eh ayaw tigilan ang kakasabi ng future future na ‘yan!
“Wow, ang gaganda ng kulay. Ang lalamig sa mata,” komento ni Reona pagkatapos niyang kuhanin sa kamay ni Jeremiah ang mga panyo na iyon.
Napakamot sa ulo si Jeremiah sa hindi ko malamang dahilan. “Pasensya ka na Reona ah? Hindi ko kasi alam kung ano ang gusto mong kulay kaya kung anu-ano na lang ang kinuha ko. Hindi naman siguro kayo maarte pagdating sa kulay, basta naman napapakinabangan ‘di ba?” panghihingi niya ng aming opinyon kaya wala kaming ibang nagawa kundi ang sabay na lang na tumango. Tumingin sa akin si Jeremiah at kahit gusto kong umiwas ng tingin dahil sa naramdaman kong selos kay Reona ay hindi ko iyon nagawa. Para bang hinihigop ako ng mga mata niya na huwag akong tumingin sa iba, na dapat ay sa kanya lang ako titingin at pati na rin ang buong atensyon ko ay sa kanya lang dapat nakatuon. “‘Yung sa ‘yo naman Ellyza, sinadya kong puro lang dilaw ang binili ko sa ‘yo. Kasi sa tuwing nakikita kita eh para kang pinapalibutan ng sandamakmak na bulaklak sa paligid mo, na para bang napakagaan ng pakiramdam kung lalapitan kita at kakausapin. Kaya nung unang kita ko pa lang sa ‘yo eh naagaw mo na agad ang atensyon ko, pero hindi ko ‘yun pinahalata sa ‘yo kaya kung napansin mo man eh kay Reona lang ako nakatingin kanina habang nasa fourth floor tayo,” paliwanag niya sa akin kaya nalinawan na ako kung bakit ganito ang natanggap ko at kung bakit ganoon siya makatingin sa kaibigan ko kanina, akala ko pa nga ay nasobrahan siya sa pagkabighani kay Reona pero hindi pala ganoon ang tumatakbo sa isipan niya.
Ang hirap talagang manghula ng mga nararamdaman ng mga tao kaya mas mabuti pa rin ang nakakapag-usap tungkol sa mga bagay-bagay.
“Tara na!” masiglang pag-aaya sa amin ni Reona at tinaas pa niya ang magkahawak naming kamay kaya maski si Jeremiah ay napataas na lang din.
“Saglit lang, last na. May gusto lang akong itanong kay Jeremiah,” pagpigil ko kay Reona nung papasok na sana siya sa loob ng arcade. Kahit naman ako ay hindi na makapaghintay na makalaro sa loob, kaso may gusto talaga akong malaman eh, sayang naman ang araw na ‘to kung hindi ‘yun masasagot.
“Ano ‘yun?” nagtatakang usisa ni Jeremiah sa akin nang marinig niyang siya ang aking tatanungin.
Tinuro ko ang mismong mukha niya kaya muntikan ko pa matamaan ang kanyang matangos na ilong. “Ano ba pwedeng itawag sa ‘yo? Nahahabaan kasi ako sa Jeremiah eh. Kung apelyido mo namang Callaghan, mahaba rin. Kung sa pangalan ko naman, pwede mong gawin Yzza na lang dahil ‘yun naman tawag sa akin nila Mama,” sambit ko. Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit ko ba sinasabi ang mga ganitong klaseng usapan.
Ngumiti ang lalaki sa akin tsaka niya hinawakan ang isa kong kamay na nakaturo sa mukha niya para ibaba iyon, hindi niya iyon hinawakan ng matagal bilang respeto na rin siguro at ikinatuwa ko naman iyon. Ayaw ko naman din kasing magmadali sa ganito, baka hindi naman siya seryoso sa akin at wala lang siyang magawa kaya niya ako kinakausap. “Ikaw ang bahala. Wala naman akong palayaw kasi lahat naman ng kakilala ko eh Jeremiah lang ang tawag sa akin. Mag-isip ka na, dali. Nauubos oras natin,” pagmamadali niya sa akin at binilangan pa talaga niya ako habang nakatingin siya sa relos na suot niya sa kanyang pulsuhan.
Aba ako na nga itong nagtanong, ako pa rin itong pinag-isip. Edi sana pala eh hindi na lang ako nagtanong at nagkusa na lang ako na tawagin siya ng kahit na anong gusto ko, ‘di ba? Ngunit, mayroon din naman pumasok sa isipan ko na isang nickname na pwede kong itawag sa kanya, na sana ay ako lang ang tumawag sa kanya ng ganoon para espesyal. Kung mayroon man umagaw nito ay alam naman naming tatlo na ako ang nauna at hindi lang kung sino. “Nakaisip na ako,” mahinang sambit ko, kahit pa naisip ko na ang itatawag ko sa kanya ay medyo nahihiya pa rin akong ilahad iyon, lalo na kung humingi siya ng paliwanag sa akin kung bakit iyon ang naisip ko. “Gem,” bigkas ko habang nakatitig ako sa kanyang kumikislap na mga mata at nanlaki iyon nang marinig na niya ang nickname na nanggaling mismo sa akin.
“Bakit Gem? Ang layo naman nun sa Jeremiah,” singit ni Reona at batid kong iyon din ang gustong malaman ng lalaking nasa harapan namin kaya wala akong choice kundi ang sagutin iyon.
Huminga ako ng malalim upang bumwelo at para na rin mawala ang tensyon sa aking kaloob-looban dahil lang sa presensya ni Jeremiah, hindi ko pa siya tinatawag na Gem kasi hindi ko pa naman nahihingi ang kanyang pagsang-ayon. “Gem, nanggaling lang iyon sa Jeremiah. J, e, tapos m,” panimula ko sa aking paliwanag at nakuha naman nila iyon. “Ginawa ko lang na G ‘yung J para magkaroon ng meaning ang pagtawag ko sa kanya nun.” Kay Reona ako nakatingin kaya ganoon ang aking pananalita pero para madama naman ni Jeremiah ang halaga niya sa akin eh sa kanya na ako nag-focus. “Gem ang gusto kong itawag sa ‘yo at iyon na ang napagdesisyunan ko, pero syempre, kailangan ko pa munang makuha ang approval mo bago kita tawagin na Gem, Jeremiah,” ani ko at naghintay ako ng ilang segundo para sana marinig ang pagsang-ayon niya o kahit man lang sumenyas siya na aprubado iyon sa kanya, pero wala akong natanggap na kahit ano. Kaya, nagpatuloy na lang ako kasi alam kong iyon ang hinihintay nilang dalawa. “Gem ang gusto ko dahil para sa akin, napaka-special ng isang gem, kahit pa hindi pa ako nakakahawak ng totoong diyamante. Feeling ko lang kasi eh napakahirap matagpuan ng mga ganoon, kaya katulad mo, mahirap ka mang matagpuan ay para na rin ako nakakita ng isang Gem na hindi ko na dapat pakawalan pa. Pakiramdam ko ay hindi kita mabibili gamit ang kahit na gaano kalaking halaga ng pera. Pakiramdam ko eh ikaw ang siyang nararapat na tawagin ko na Gem at ako lang dapat ang tumawag sa ‘yo nun. Pero wala naman din ako kapangyarihan para pigilan ang lahat ng tao na makikilala mo na tawagin ka sa ganoong pamamaraan, lalo na kung naisip lang din naman nila iyon dahil nga sa mismong pangalan mo lang naman ko ‘yun nakuha,” pagpapaliwanag ko ukol sa rason sa likod ng pangalang Gem.
Hindi ko na na-control pa ang pamumula ng mukha ko nang mapagtanto ko ang lahat ng sinabi ko sa kanya. Tila ba’y kusa na lang iyon na lumabas sa aking bibig kaya halos hindi ko na malaman pa kung ako pa ba ito, si Ellyza Clementine na study first kuno.
“Aba, ginagantihan mo na ba ako ng mabubulaklak na salita, Yzza?” ani Jeremiah kaya mas lalo pang nag-init ang mga pisngi ko na nadarama ko rin hanggang sa parte ng aking leeg at tenga. Iba pala kapag isang Jeremiah Callaghan ang bumigkas sa palayaw ko, grabe. Para akong tinutunaw sa kilig, ano ba! Kung nananaginip man ako eh sana hindi na ako magising pa. “Pero ang ganda ng meaning ng Gem ah. Sige, okay lang naman sa akin kung ayun na ang itawag mo sa akin, tatandaan ko ‘yan para sa tuwing may maririnig ako na Gem eh maiisip ko agad na ikaw ang tumatawag sa akin dahil ikaw lang ang nakaisip niyan. Sa buong pamumuhay ko ba naman sa mundong ‘to eh lahat ay walang ibang itinawag sa akin kundi Jeremiah, maski naman ako eh nahahabaan na sa sarili kong pangalan. Gustuhin ko man magpalit na lang eh hindi ko naman din magawa kasi hindi pa ako marunong at wala pang susuporta sa akin. Pero, mukhang nagbago naman na rin ang isip ko. Hindi ko na ipapapalit pa ang pangalan ko sa kahit na ano dahil sa naisip mo, Yzza,” mahabang wika ni Gem kasabay ng kanyang pag-thumbs up sa akin. “Maraming salamat sa pagbibigay ng palayaw ko,” nakangiting aniya. Napakagaan ng kanyang ngiti at para bang dinadala ako niyon sa kung saang payapang paraiso. Para bang ngayon lang talaga siya magkakaroon niyon at nakatutuwa naman kasi ako ang kauna-unahan, para bang napakahalaga niyon para sa aming dalawa.
“Hep, tama na ‘yan. Oras na para mag-arcade. Tara na, tara na,” pag-aawat sa amin ni Reona. Nafi-feel siguro niya na para na siyang thirdwheel pero wala naman akong magagawa, hindi ko naman maaaring paalisin si Gem at hindi ko rin naman pwede ‘yun gawin kay Reona. Sa ngayon ay parehas ko pa silang tinuturing bilang dalawang mahalagang mga kaibigan sa buhay ko. Sa ilang minutong lumipas, sa wakas ay binitawan na rin ni Reona ang aking kamay kasi kinailangan niyang itulak ako at pati na si Gem sa aming mga likod para lang mapilit niya kaming pumasok na sa loob ng arcade. Naramdaman niya sigurong wala na kaming balak na mag-arcade pa kasi sapat naman na sa amin ang simpleng pag-uusap basta’t magkasama.
Napailing ako ng pagkabilis dahil sa mga iniisip ko. Ang kailangan ko lang naman isipin sa ngayon ay kung paano ko mapapasaya si Reona habang narito kami at kung ano ba ang maibibili ko sa kanya bilang regalo na kung saan eh naunahan pa ako ng lalaking kasama namin. Hindi naman din namin iyon napag-uusapan pa kaya hindi rin naman masyadong mahalaga kung mahuli na lang iyon at dumaan na lang kami sa kung saan bago kami umuwi. Nilibot naming tatlo ang aming mga tingin sa paligid, sobrang daming pwedeng subukan at hindi ko nasisiguro kung mauubos namin ito o mauunang maubos ang oras namin dahil kailangan pa namin umuwi.
“Good afternoon, gusto niyo po bang mag-avail ng arcade card namin para hindi na kayo mahirapan pa sa pagpapabalik-balik sa aming cashier para bumili ng ticket? Isang bilihan lang ‘to and kahit sino sa inyo ang gumamit dahil unlimited naman ang laman nito. Promo lang siya for today, kasi kung ordinaryong araw lang ay kailangan niyo pa rin lagyan ito ng laman sa tuwing gagamit kayo ng kahit alin sa available na laro sa arcade,” pag-aalok sa amin ng isang babae na staff, sinulyapan ko ang nametag niya at doon ko nabasa ang kanyang pangalan. Arianna, walang nakalagay na apelyido, isang assistant manager pala siya rito.
“Sige po Miss Arianna, ako na po ang magbabayad. Magkano po ba?” magalang na tanong ko sa kanya. Ipinakita lang niya sa akin ang presyo na nakadikit sa likod ng isang nakahandang card at nakita ko naman ang halaga niyon na limang-daang piso. Agad ko naman iyon binayaran sa cashier at nakuha ko na rin ang arcade card na iyon, pinagmasdan ko pa iyon sa magkabilang side nito dahil ngayon lang ako nagkaroon nito. “Gusto niyo bang kayo na lang ang magtabi nito?” usisa ko sa mga kasama ko, baka kasi gusto rin nila magtabi ng card at baka pumunta sila rito kasama ang iba nilang kaibigan, makakalibre pa sila.
“Hindi na,” sagot ni Reona.
“Ikaw na lang ang magtago niyan. Para lang sa ating tatlo ‘yan, lagyan natin ng pangalan natin mamaya at pirma para maganda. Hindi naman sa madamot ako, gusto ko lang na special para sa ating tatlo ang araw na ito. Tsaka mukhang gustong-gusto mo rin kasi ibulsa na ‘yang card Yzza, masyadong halata sa mukha mo,” tugon naman ni Gem.
Hindi ko naman naitago ang labis na pagkatuwa ko dahil pati iyon ay napansin pa ni Gem.