ELLYZA
Binigyan na kami nina mama at papa ng pahintulot na pumasyal muna saglit sa bahay namin bago kami dumiretso sa bahay ni Reona. “Gem,” tawag ko sa lalaking nasa tabi ko habang nasa kabila ko naman si Reona. “Gusto mo bang sa bahay na lang ni Reona tayo maglibot? Wala naman din masyadong mapapala rito sa amin kasi normal lang ‘to, hindi masyadong grande katulad ng mga mayayaman,” pagdadahilan ko dahil mayroon naman kaming choice kung kanino na lang mag-stay pansamantala habang wala pa kami sa lugar ng aming pag-aaralan.
Nanguna si Jeremiah sa amin at tsaka niya kami hinarap ng may ngiti sa kanyang labi. “Syempre rito na muna tayo mamasyal. Para naman sa susunod na punta ko sa bahay ng future ko, hindi na ako maliligaw pa,” sagot niya sa akin. Talagang hindi pa rin siya tumitigil sa kakatawag sa akin na future niya, hindi ko na lang ‘yun pinakialamanan pa dahil gusto ko rin naman naririnig iyon sa kanya. Feeling ko eh sa kanya ko lang ‘yun gusto marinig, kapag siguro may ibang nagsabi na lalaki nun eh maiirita lang ako at hindi ko na lang papansinin pa kung sinuman iyon. “Para na rin kapag dito na ako nakatira sa bahay ng future ko, pwede mo na lang ako utus-utosan para hindi ka na mapagod at mahirapan pa sa mga kailangan mong gawin,” dagdag pa niya. Naramdaman ko ang pamumula ng aking mga pisngi. Parang ipinaparating na kasi ni Jeremiah na magiging mag-livein kami sa madaling panahon, o gusto lang niyang sabihin sa akin na sa oras na magkatuluyan man kami ay sana narito pa rin ako sa bahay na ‘to nakatira at hindi sa ibang lugar.
“Ang dami mong sinasabi, isa lang naman tinanong ko sa ‘yo,” pagtataray ko kunwari. “Saan niyo unang gusto pumunta? Ikaw na lang Reona ang mamili, baka kung saan-saan pa maisip pumunta nitong si Gem eh,” inirapan ko si Jeremiah tsaka ako lumingon sa babae kong kaibigan.
“Saan pa ba? Edi syempre, sa kwarto mo na agad,” nakangising tugon ni Reona sa akin na para bang nagkakampihan sila ni Jeremiah sa sasabihin nila sa akin. “Kumain naman na tayo sa mall, tsaka na lang tayo sa kusina niyo kapag mahaba-haba ang free time natin. Para kapag may oras pa tayo eh pwede tayong magluto at malaman natin kung marunong bang magluto ang bawat isa sa atin,” masiglang dugtong pa niya sa kanyang kasagutan.
Napangiti na rin ako sa sinabi niya. Gusto ko rin iyon mangyari, ‘yung tipong magkakatikiman kami ng mga niluto naming pagkain. Tapos may kung sino sa amin ang hindi marunong magluto kaya tutulungan namin o ‘di kaya’y aasar-asarin na muna namin. Kasi ako, sa totoo lang… ako ‘yung hindi marunong magluto sa aming pamilya. Parehas sina mama at papa na marunong namang magluto, hindi ko lang alam kung namamana ba iyon o sadyang hindi lang nila ako tinuturuan. Ayaw pa kasi nila akong paglutuin, matututo na lang daw ako balang araw at hindi pa ngayon dahil bata pa naman daw ako. Ngunit, naiisip ko rin minsan na mas maganda naman din kung matututo na ako tungkol sa iba’t ibang bagay na maaari kong madala hanggang sa aking pagtanda, para hindi ako magmukhang mangmang sa ibang tao. Basta naman siguro hindi mali ‘yung inaaral ko, hindi naman magagalit sa akin ang mga magulang ko tsaka isa pa, wala namang mali sa pagluluto basta hindi ko lalagyan ng kahit na anong klase ng lason, ‘di ba?
Ako na ang nag-lead ng way patungo sa kwarto ko at pinagbuksan ko na rin sila ng pinto hanggang sa tuluyan na nga kaming makapasok sa loob niyon. Hindi ko na isinara pa ang pinto dahil wala naman kaming gagawing magpapatagal sa amin dito, maya-maya lang din naman ay aalis na rin kami para pumunta sa bahay ni Reona. “Ano bang meron? Bakit gustong-gusto ng mga tao na pumupunta sa kwarto ng ibang tao na hindi naman nila pagmamay-ari?” curious na tanong ko sa kanila, no offense naman iyon. Bahala na lang sila kung masaktan man sila sa pananalita ko pero nagtataka lang talaga ako. I mean, may sari-sariling kwarto naman ang lahat ng tao, ‘di ba? Malibang na lang kung ang bahay eh maliit lang kaya talagang no choice kundi magsiksikan sa iisang lugar lang.
“Para sa akin, gusto ko lang malaman kung ano ang preference ng future girl ko. Kadalasan kasi nasa kwarto ng tao ‘yung mga hilig niya at kung anong pag-uugali ang mayroon siya,” sagot sa akin ni Jeremiah habang nililibot niya ang kanyang paningin sa paligid ng aking silid. Mabuti na lang ay kahit hindi ko na paghandaan, malinis naman ang aking kwarto at wala akong kinakalat na kahit anong kagamitan ko na ginagamit ko sa pang-araw-araw. “Base naman sa nakikita ko, girly ka at hindi ka masyadong mahilig sa kung anong hilig ng mga kalalakihan,” komento pa niya.
“Ako naman, wala lang. Gusto ko lang dalhin si Jeremiah sa kwarto mo,” nakatawang saad niya habang naka-peace sign siya sa akin. “Sana hindi ka magalit sa akin,” dugtong pa niya. Marahil ay inaalala niyang sa loob-loob ko ay hindi ko nagustuhan ang ginawa niya. Wala namang problema sa akin iyon dahil wala rin naman silang makikitang kahit ano rito.
“Ano, okay na ba kayo? Nakita niyo naman na ang kwarto ko. Gusto niyo na bang pumunta sa bahay ni Reona?” tanong ko sa kanila.
Hindi naman siguro masyadong obvious na nagmamadali ako, ‘di ba?
Tumango silang dalawa sa akin pero biglang napasinghap si Reona kaya napatingin kami sa kanya. “Anong problema?” usisa ni Jeremiah, naunahan niya akong itanong iyon pero okay lang.
“Nakalimutan natin itanong sa future mo kung pwede siyang maki-sleepover sa amin. Tsaka, nakalimutan din natin sabihin kina Tita at Tito, pero hindi naman siguro nila kailangan alamin, ‘di ba? May mga kasama naman tayo sa bahay namin, tsaka hindi naman tayo magtatabi lahat, may mga guest room sa bahay namin,” mahabang wika ni Reona at doon ko nga lang din naalala na sa bahay nila ako matutulog at hindi sa amin.
“Wala naman issue kung sa inyo rin ako makikitulog… siguro?” ani Jeremiah tsaka siya napasulyap sa akin. “Wala namang masama ‘di ba?” paniniguro niya, pero hindi ko matiyak kung bakit siya sa akin humihingi ng opinyon.
Umiling ako sa kanya. “Wala naman,” tipid na sagot ko kay Jeremiah. Labis ang sayang kinikimkim ko sa aking sarili, ayaw ko talagang ipahalata kung gaano ako natutuwa na hanggang sa bago kami matulog ay magkakasama kami, kahit pa nasa iba’t ibang kwarto kami. ‘Yung thought lang na baka hanggang sa paggising namin sa umaga ay nariyan pa rin siya at hinihintay kami, sobrang saya ko na nun kahit pa hanggang imagination lang dahil wala namang kasiguraduhan.