ELLYZA
Huminto na ang pagmamaneho ni mama sa kanyang kotse nang makapasok na kami sa garahe. Naunang bumaba si mama at sumunod naman si papa, habang si Reona naman ang pangatlo at si Jeremiah ang pangalawa sa huli. Hinawakan muna ni Jeremiah ang pinto habang nakabukas iyon upang makalabas ako kaagad. “Thank you,” bulong ko sa kanya tsaka niya sinarado ang pinto ng kotse, sinuklian lang niya ako ng isang ngiti tsaka kami sumunod kina mama, katabi ko na rin muli si Reona dahil iisa lang naman ang direksyon ng aming pupuntahan-- sa labas ng garage upang makapasok na kami sa loob ng bahay namin. Wala kasi kaming pinto na siyang magli-lead sa way papasok ng bahay na hindi na kinakailangan pang umikot palabas, ewan ko ba kina mama at papa kung bakit hindi man lang nila pinag-isipan iyon… o sadyang ganito na talaga ‘tong bahay na ‘to mula pa nung dito kami tumira. Ang tindi pa rin ng sikat ng araw kahit pa hapon na at malapit na mag-gabi. “Feel at home ka lang, Gem. Wala naman kaming espesyal na gamit sa bahay namin kaya okay lang kung maglibot ka o humawak ka ng kahit ano,” sabi ko sa kanya. Kinakabahan kasi ako ng slight, baka hindi niya magustuhan ang itsura ng bahay namin at baka kung ano ang isipin niya tungkol sa pamilya ko kapag binawalan ko siyang humawak ng aming mga kagamitan. Tumango lang sa akin si Jeremiah tsaka kami napatigil sa aming paglalakad, muntikan pa tuloy kaming mauntog sa likod ng mga magulang ko dahil bigla-bigla na lang din silang huminto. Nang tumingin ako sa harapan namin ay hindi ko naman napansing narito na pala kami sa tapat ng aming pinto, si papa na ang nagbukas niyon at hinayaan muna niya kaming makapasok isa-isa, siya na ang nahuli upang maisara niya muli iyon.
“Sige na Yzza, dalhin mo na muna sa kung saan mo gusto ‘yang mga kaibigan mo. Pero rito lang kayo sa loob ng bahay ha? ‘Wag na muna kayong lumabas at may pupuntahan din naman kayo mamaya…” putol na sabi ni mama nang napasulyap siya kay Jeremiah. “Ah, kasama ka ba sa kanilang dalawa mamaya? Pupunta kasi si Yzza sa bahay ni Reona para mag-aral, malapit na kasi ang examination week nila at hindi pa nagre-review ang mga ‘yan,” usisa niya sa lalaki. Umabante na muna kami lahat upang makaupo na si mama at papa sa sala, habang kaming tatlo naman ay nanatili lang nakatayo dahil nga mamamasyal kami sa bahay sa oras na payagan na nila kaming umalis sa aming kinatatayuan.
“Kung gusto pa po nila akong kasama, pwede naman po. Wala naman akong rason para umuwi kaagad sa bahay,” sagot ni Jeremiah kay mama. Napansin ko ang patago niyang pagdikit ng kanyang mga kamay sa likuran niya. Hindi pa mapakali ang kanyang mga daliri na para bang kinakabahan siya sa pakikipag-usap kay mama, o sadyang mayroon lang tumatakbo sa kanyang isipan na hindi ko naman din alam. Mamaya ko na lang siguro siya tatanungin kapag nakalayo na kami sa mga magulang ko. Tumango lang naman si mama sa kanya habang si papa naman ay walang imik sa tabi, nakikinig lang siya sa amin at mukhang wala rin naman siyang gustong sabihin sa amin. Hindi ko alam kung ano ang ginawa nila ni mama pero parang napagod yata sila sa kakapasyal sa mall, baka siya na naman ang inutusan ni mama na kumuha ng lahat ng gusto niya. Madalas kasi niya iyon ginagawa, ang dahilan ni mama ay gagawin ni papa ang lahat ng sinasabi niya kung mahal siya nito. Pero hindi naman ako naniniwalang ganoon dapat ang konsepto o basehan para malaman mo kung mahal ka ng isang tao. Lumingon sa akin si Jeremiah kaya napatingin na rin ako sa kanya at sa puntong iyon ay nagtama ang aming paningin. “Hanggang anong oras ka mag-stay sa bahay ni Reona? Kayong dalawa lang ba nandoon? May makakain ka ba roon? Makakapag-aral ka ba talaga ng kayong dalawa lang? May matututunan ka ba o maglalaro lang kayong dalawa?” sunod-sunod na tanong niya sa akin at inilalapit pa ni Jeremiah ang kanyang mukha sa tuwing magbabago ang kanyang katanungan, kaya heto ako, napapaatras na lang ng hakbang kaya pati si Reona ay nadadamay kasi nasa likuran ko siya.
“Isa-isa lang naman, Gem. Masyado ka rin nag-aalala eh,” pag-iiwas ko sa lahat ng tinanong niya. Umayos muna ako ng pagkakatayo ko at maski siya ay bumalik na sa normal niyang pwesto, marahil ay nawala sa kanyang isipan na narito sina mama at papa na nanonood sa amin. “Hindi naman ako dadalo sa bahay ni Reona kung hindi para sa pag-aaral namin. Kailangan lang talaga namin mag-focus sa review kasi next week na ang exam. Kailangan ko ma-maintain ang high grades ko para na rin sa kinabukasan ko at sa magandang reputasyon ko sa school namin,” tugon ko sa kanya. Pumakla ang aking ngiti sa labi nang maalala ko ang mga araw na binu-bully ako sa school. Kahit kasi anong talino ko ay naghahalo ang kasikatan ng aking pangalan sa aming paaralan. Maraming may kilala sa akin bilang isang estudyante na hindi marunong magkamali sa mga exams, habang ang iba namang porsyento ay kilala lang ako dahil sa pang-aapi ng mga kaklase ko sa akin. Kumakalat kasi iyon sa buong school at hindi ko na kailangan alamin pa kung sino ang nagbabalita niyon sa mga ibang tao dahil wala naman na rin epekto sa akin iyon. Natuto naman na akong lumaban at hindi ko na hahayaan pang maranasan ko pa muli iyon sa aking buhay, kahit pa saan ako mapunta, mapa-bata man ako o matanda na.
“Sige, sama na lang ako sa inyo,” masayang sambit ni Jeremiah. Maski ako ay hindi ko na naitago pa ang saya sa dibdib ko dahil makakasama ko pa siya hanggang sa pagsapit ng gabi, kahit pa alam kong magkikita pa naman kami uli bukas dahil sa aming challenge noong nasa arcade kami.
Hindi na ako makapaghintay pa, sana bumilis ang takbo ng oras para nasa bahay na kami ngayon ni Reona.