ELLYZA
Punong-puno ng katanungan ang aking utak at lahat ng iyon ay dulot ng ipinapakitang ugali ngayon sa akin ni papa, na para bang dahil lang sa isang lalaki na ipinakilala ko ay naging isa siyang tao na hindi ko kilala. Ano ba ang masama sa pagkakaroon ng kaibigan na lalaki? Ngayon ko pa lang naman siya nakilala at hindi ko pa naman ibinibigay ang buong pagtitiwala ko sa kanya ah? Tsaka isa pa, hindi ko pa naman karelasyon si Jeremiah at hindi ko alam kung kailan iyon mangyayari o kung may posibilidad ba iyon mangyari. “Pa…” tanging ang pagtawag ko na lang sa kanya ang nagawa ko, wala akong lakas na loob para sumagot sa kanya pabalik ngayon. “Naiintindihan ko naman po ang gusto niyong iparating at hindi ko naman sisirain ang tiwalang inilalaan niyo sa akin, Pa.” Sa sinabi kong iyon ay nagsimula na rin akong makaramdam ng pag-iinit ng aking mga mata, na para bang isang salita pa na marinig ko mula kay papa, maganda man iyon o hindi, ay kusa na lang tutulo ang aking mga luha. Kung sakaling sa loob kami ng kotse nag-usap ngayon ay sigurado akong mas gugustuhin ni Jeremiah na umalis na lang at pabayaan na lang muna kami kasi madaling makaramdam ang lalaking iyon at madali rin siyang umintindi ng sitwasyon, base lang sa aking pag-oobserba sa kanya. “Pa naman, pagbigyan niyo naman po ako ngayon. Sa buong buhay ko, ngayon pa lang ako nagkaroon ng kaibigan na lalaki at siya pa lang din ang pangalawang kaibigan ko pagkatapos kay Reona. Alam kong mahaba pa ang magiging takbo ng aking buhay at magkakaroon pa ako ng mas mahigit pang bilang ng mga kaibigan, pero ang gusto ko kasi ay ‘yung tipong kaunti lang pero lahat naman ay totoo,” paglalahad ko patungkol sa aking side at nang marinig naman na niya iyon ay bahagya siyang kumalma at nawala na rin ang pamumula ng kanyang mukha. Nakahinga na rin ng malalim si papa at nawala na ang pagkakuyom ng kanyang mga kamay. “Please, Papa…” Humakbang ako palapit sa kanya tsaka ko hinawakan ang magkabila niyang mga kamay. “Trust me on this one, please?” seryosong pakiusap ko sa kanya. Sa mga oras na iyon ay tuluyan na ngang nawala ang pagkainis niya sa akin. Hindi naman siya sa akin mismo naiinis kundi sa mga aksyon na dapat ay ginawa at hindi ko ginawa. Inaamin ko naman sa sarili ko ang pagkakamaling nagawa ko at mayroon naman talagang punto si papa, isa pa, siya ang tatay ko at sigurado akong mas alam niya kung paano kumilos ang mga kapwa niya lalaki.
Napabuntong hininga si papa tsaka niya pinalupot ang braso niya sa aking braso, kinaladkad na niya ako pabalik sa kinaroroonan nila mama at ang mga kaibigan ko. “Pinagkakatiwalaan naman kita, Ellyza. Ikaw ang anak namin ni Mom at alam ko namang hindi ka magpapadalos-dalos sa lahat ng ginagawa mong desisyon. Pagpasensyahan mo na kung nasigawan kita kanina, masyado lang ako nakontrol ng sarili kong emosyon. Nung mapansin ko na malapit ka na umiyak ay roon na ako natauhan kaya kumalma na ako ng kusa at tumagos na sa puso ko ang mga sinasabi mo,” paliwanag ni papa sa akin tsaka niya ako pinagbuksan ng pinto upang makapasok na ako sa loob ng kotse. Iniwanan na niya ako roon nang makaupo na ako sa gitna nina Jeremiah at Reona at siya naman ang umikot sa kabilang side para makatabi na rin niya si mama at makaupo siya sa paseenger’s seat. “Sorry Mom, natagalan ba kayo sa paghihintay?” tanong niya kay mama kasabay ng paghalik niya sa noo nito habang nakahawak siya sa ulo ni mama. Umayos naman agad siya ng pagkakaupo kasi ini-lock pa niya ‘yung seatbelt sa kanyang katawan.
“Hindi naman. Nakausap ko naman ‘tong mga kaibigan ni Yzza kaya hindi ko rin napansin ang oras,” sagot niya kay papa. Napansin ko ngang medyo tumatawa pa sila kanina bago pa ako makasakay. “Ano bang pinag-usapan niyo?” usisa naman ni mama at parehas kami ni papa na napatikom lang ang aming mga bibig, hindi namin alam kung sino ang dapat magkwento kay mama ng nangyari o kung dapat ba namin iyon sabihin nang nandito pa ang aming topic kanina, nasa tabi ko, si Jeremiah.
“Ano kasi…” ani ko.
“Ako ‘yung pinag-uusapan nila, Tita,” singit naman ni Jeremiah at hindi ko rin inaasahan na pati siya ay tatawagin nang tita ang aking ina. Akala ko ay si Reona lang ay bibigyan nila ng permiso para gawin iyon pero siguro ay mas mabuti na iyon kaysa iba pa ang itawag sa kanila. Sabay kaming napatingin ni papa sa kanya habang nanlalaki ang aking mga mata kaya natawa si Jeremiah. “Oh kita niyo na? Sabi sa inyo ako ang pinag-uusapan nila eh,” natatawang aniya at maski sina Reona at mama ay sumabay na sa pagtawa ni Sean kaya mas lalo lang kami naguluhan ni papa kung ano nga ba ang dahilan ng kanilang paghalakhak.
“Ano bang nakakatawa, Gem?” tanong ko sa kanya para malinawan na rin si papa, na mukhang hindi pa rin alam kung paano kakausapin si Jeremiah.
Umiling si Jeremiah at naghintay pa muna kami ng ilang segundo bago maubos ang kani-kanilang tawa. “Napagkasunduan kasi namin kanina, na kapag tumingin kayo sa akin ni Tito eh makukumpirma namin na ako nga ang topic ninyo,” sagot niya sa amin. “Iniwan niyo naman kasi si Tita rito, eh pamilya naman kayo kaya dapat alam niyo agad ang pinag-uusapan ng bawat isa. Maliban na lang kung talagang kailangan niyo ng privacy. Eh ang kaso, hindi naman. Wala naman problema sa akin kung pag-usapan niyo ako kahit pa sa harapan ko pa mismo, ang mas ayaw ko pa nga ay iyong pinag-uusapan ako sa likod ko, ‘yung tipong hindi ko alam na ako na pala ang kinaiinisan niyo o kung ano pa man,” paliwanag ni Jeremiah ukol sa kanilang napagpasiyahan kanina habang wala kami ni papa rito.
Napakamot na lang ako sa ulo ko nang marinig ko ang kanyang explanation. “Sorry, inisip ko lang kasi kung ano ang magiging kalagayan mo kung sa unang araw pa lang ng pagkilala mo sa mga magulang ko eh pag-uusapan ka na agad sa harap mo,” panghihngi ko ng tawad sa kanya, iyon naman din talaga ang dahilan kung bakit ako pumayag na sumama kay papa para pag-usapan ang tungkol doon. Nahiwatigan ko na rin kasing tungkol sa kanya ang magiging topic namin. “Naisip ko lang din na baka bigla ka na lang tumalon sa kotse habang nasa byahe tayo kapag nagsimula na kaming magtalo ni papa dahil sa ‘yo,” nahihiyang dugtong ko pa sa aking pahayag.
Pinatong ni Jeremiah ang palad niya sa aking ulo tsaka siya nag-umpisa na guluhin ang aking buhok. “Masyado kang nag-iisip ng hindi naman dapat iniintindi, Yzza,” aniya.